Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Hulyo 2025

Pangunahing problema tuwing bumabaha ang napakaraming dala nitong “layak” o basura dala ng baha at ng dagat.
Ngunit mayroong higit na marumi at masamang uri ng layak na dulot ng pagbaha. Hindi ito mga bagay na tinatapon sa kapaligiran na bumabara sa maraming kanal at daanan ng tubig kaya bumabaha. Katulad ng mga basurang nagkalat tuwing bumabaha, ang mga layak na ito ay kagagawan din nating mga tao – ito ang sobrang gamit ng cellphone at babad sa social media.
Madalas hindi natin alintana masamang dulot sa ating katauhan ng cellphone at iba pang gadgets na siyang kasangkapan natin upang malulong sa bisyo ng social media. Maraming nang pag-aaral na isinagawa sa pinsalang dulot ng sobrang gamit ng mga gadgets lalo na sa mga bata kaya ilang mauunlad na bansa sa Europa ang mayroong nang mga batas na ipinagbabawal ang mga cellphone sa paaralan.
Ayon sa mga dalubhasa, nakaka-manhid ng pagkatao ang sobrang gamit ng mga gadgets at pagkabantad sa social media. Mayroong kasabihan sa Inggles na “the medium is the message” na buhat sa yumaong Canadian communication expert na si Marshall McLuhan.

Walang tahasang salin sa ating wika ang kanyang pahayag na nagsasaad na ang tao ay nahuhubog ng kasangkapang palagi niyang ginagamit. Katulad ng cellphone kapag sobra ang paggamit nito kaya marami ngayon ang makasarili. Hindi iyang maikakaila lalo sa tahanan na kapag tinawag mga bata upang utusan, ang sagot parati ay “wait” o maghintay kasi mayroong ka-text o mayroong nilalarong game. Higit sa lahat, kitang-kita ang masamang epekto ng cellphone sa katagang selfie na hindi malayo ang tunog at kahulugan sa Inggles na selfish.
Una ko ito napansin noong 2012 habang ako ay nasa parokya at pumupunta sa mga may-sakit at naghihingalo upang magpahid ng Banal na Langis. Matay ko mang isipin – ano nasa puso at kalooban ng isang anak na sa halip na malungkot at magdasal kung naghihingalo ang kanyang ina o ama, ang unang ginagawa ay buksan ang cellphone upang irecord aming pagdarasal? Nang malipat ako bilang kapelyan ng isang pagamutan, ganoon din ang palagi kong nasasaksihan kaya naman ginawa ko nang personal na adbokasya na sabihan mga bantay ng pasyente na bawal ang cellphone tuwing sick call. Mariin kong sinasabihan, minsan ng mga kasamang nurse ang mga bantay ng pasyente malubha man o hindi ang karamdaman na samahan ako sa pagdarasal para gumaling ang may sakit kesa sila ay magkuha ng larawan o video.
Ang masakit nito, pagkatapos kong pahiran ng langis ang pasyente, sasabihan ko mga bantay na mag-rosaryo at saka sila matutulala kasi wala silang rosaryo at ni hindi marunong mag-rosaryo, kabataan man o matanda! Sa pagkakataon na iyon tinuturo ko kabutihann ng cellphone: buksan ninyo ika ko ang YouTube tapos hanapin “how to pray the rosary” at sundan nila iyon upang madasalan kanilang may-sakit o naghihingalong mahal sa buhay.
Gayon din sinasabi ko tuwing magbabasbas ako ng sasakyan o tahanan: itago ninyo inyong mga cellphone at samahan ako na magdasal sa pagbabasbas. Sa halip na magpicture o magvideo wika ko sa mga may-ari ng bahay at sasakyan, magdasal tayo para higit kayong pagpalain.

Sa sobrang cellphone, marami hindi na hababatid ang realidad, ang katotohanan ng kapwa at kapaligiran. Kaya naman hindi na rin masyadong nakapag-iisip at minsan nakakasakit ng damdamin sa mga sinasabi at ginagawa.
Katulad nitong isang vlogger kamakailan nang kasagsagan ng ulan at pagbaha nang sabihin sa kanyang post na sa mga ganitong panahon makikita ang kainaman ng paninirahan sa condominium. Wala aniyang baha at tulo sa mga kisame kaya mahimbing kang makakatulog at pagkatapos ay kakain at manonood ng Netflix. Binatikos ng mga netizens kanyang pagiging insensitive sa kanyang post na di alintana ang maraming mga stranded at lumusong sa baha habang higit pa rin maraming kababayan natin ang ni walang masilungang sariling tahanan na madalas ay puro tulo tuwing tag-ulan.
Mabuti at humingi na ng tawad ang naturang vlogger habang kanyang niliwanag na kaisa siya sa paghihirap ng marami ngayong panahon ng pagbaha dahil aniya, lumaki siya sa mga bahaing lugar ng Valenzuela at Malabon.
Maraming pagkakataon na walang masamang intention ang mga vloggers sa kanilang mga posts; manapa’y, mabuti naman talaga ang kanilang layunin sa kanilang mga inilalabas na content. Subalit hindi po sapat na dahilan ang mabuting layunin sa ano mang gawain dahil wika nga ni San Agustin, “the road to hell is paved with good intentions.”

Parang ganito ang nangyari kahapon sa Calumpit, Bulacan – ang tila kawalan ng sensitivity ng kanilang lokal na pamahalaan sa pa-raffle na “E-Ayuda” na kung saan hinikayat ang mga nasalanta ng pagbaha ay magpadala ng kanilang selfie habang nasa loob ng binaha nilang tahanan.
Ano nga kayang pag-iisip nila sa pagtulong na ito? At sa kabila ng maraming pagbabatikos, itinuloy pa rin ang raffle na inere ng live sa Facebook kung saan ang background ay ang malaking imahen ng Mahal na Birheng Maria na marahil noon ay lumuluha sa kapighatian. At kahihiyan.
Hindi natin kinukuwestiyon kabutihan ng kanilang mayora. Maaring siya nga ay matulungin subalit ang kanyang pamamaraan ay sadyang nakakalungkot. Kung anong lalim ng baha sa Calumpit, tila siyang babaw yata ng kanilang pamamaraan ng pagtulong.
Ang higit na malungkot sa kanilang e-Ayuda raffle ay ang matinding pagsuporta at pagtatanggol ng mga taga-Calumpit sa mayora nila. Mababasa sa threads ng diskusyon na wala silang nakitang mali sa ginawa ng kanilang mabuting mayora. Higit sa lahat, anila, huwag makialam ang mga hindi naman taga-roon. Wala daw tayong pakialam dahil hindi natin dama kanilang kalagayan.

Iyan ang sinasabi kong masamang epekto nitong sobrang cellphone at social media na nagiging manhid o insensitive tayo sa iba. Iyan ang pinakamababang uri ng isang selfie. Wala daw tayong pakialam sa kanila. Ewan ko kung mayroon pang bababa doon? Sana ay wala na at magising tayo sa katotohanan ng ating pagkatao na mayroong dangal na siyang dapat itanghal sa lahat ng pagkakataon.
Nakakalungkot na isipin na naging manhid na tayo at tila di na dama pagkatao ng kapwa sa panahong ito. Ang pinakamasaklap nito, ang buhay ng tao parang naging showbiz na lamang o isang palabas na dapat panoorin.
Hindi palabas ang buhay kungdi paloob kung saan naroroon ang kabutihang-loob kaya mayroong utang na loob na palaging tinitingnan at tinatandaan. Kapag puro tayo palabas, mawawala na saysay ng buhay at katauhan ng bawat isa. Kaya marahil ganyan nangyayari sa atin ngayon, kanya-kanyang pasikat at pasiklab para sa katanyagan at aminin natin, pera pera na nga lang ang buhay ngayon sa karamihan.
Pagmasdan itong layak at basurang lumalaganap lalo kung panahon ng kalamidad at sakuna na kung saan inuuna ng karamihan ang buksan kanilang cellphone upang kunan o i-video mga nasalanta o naaksidente sa halip na tulungan muna. Maraming nakakalimot na ang mga pinakamahahalagang bagay sa buhay natin ay hindi maaring makita at ni hindi rin kayang ipakita sapagkat ang mga ito ay nakaukit doon sa ating puso at kalooban.
Ang mga higit na mahalalaga sa atin bilang tao ay dinarama sa kalooban. Wala ito sa panlabas nating anyo kaya naman dapat higit nating pangalagaan at ingatan ang bawat tao na nalikhang kawangis at kalarawan ng Diyos na hindi nakikita. Ito ang sabi ng minamahal na alagad ni Jesus, “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig” (1 Juan 4:12). Nawa maging tunay ating pagmamahalan at malasakit sa isa’t isa maski hindi nakikita. Basta nadarama. God bless po sa inyo!

















