Pagninilay, paglilinaw sa paliwanag

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, bukang liwayway sa Lawa ng Galilea, Israel, Mayo 2019.
Unang araw 
sa buwan ng Agosto,
buwan ng wika
ako ay nakatunganga
sa pagkamangha
sa isang salita: PALIWANAG
sa wikang Inggles,
"explanation"
at kung gagamiting pandiwa
"to explain" ito ay magPALIWANAG.
Kay sarap namnamin
at damhin mga kataga
nitong ating wika
tulad ng PALIWANAG
nagsasaad ng pagbibigay
liwanag dahil mayroong
kadiliman minsa'y panlalabo
kaya nililinaw upang
matanaw, makita kahit man lang
maaninag upang matukoy, makilala.
Mahirap kasi
mag-apuhap sa gitna ng
kadiliman na kawalan ng katiyakan:
ika'y nangangapa
at nangangamba
kung ano iyong mahawakan,
makuha kaya nakakatakot
sa dilim na wala kang
nakikita dahil pati ikaw
baka tuluyang mawala pa!
Inyong pagmasdan
malaking kadiliman
na sa ati'y bumabalot
kamakailan
kaya kay raming
nagpapaliwanag
naglilinaw dahil
sa mga ginawa
at ipinahayag
na puro kaguluhan:
Waiter sa Cebu
pinagpaliwanagan
ng halos dalawang oras
habang nakatindig
sa harapan ng customer
na tinawag niyang "Sir"
na ibig ituring siya na "Mam";
kay daming paliwanag
ni "Mam" pero malabo pa rin
dahil malinaw pa sa araw
maski sa mga larawan
na siya ay Sir!
Hanggang ngayon
nagpapaliwanag pa rin
mga pasimuno ng paglapastangan
sa Huling Hapunan
ng Panginoon
na lalong nababaon
dahil maliwanag
kanilang kasinungalingan
na ang kadiliman ng kapalaluan
at kasamaan kanilang pagpugayan
taliwas sa layuning
magkaroon ng pagbubuklod at kaisahan.
Hindi lang minsan
ating narinig
masabihang
"ang labo mo naman"
kaya kinakailangang
magpaliwanag
upang maunawaan
at maintindihan
na siyang daan sa
magandang pagsasamahan.
Heto ngayon ating pagnilayan
pagbulayan aking katanungan:
nagPALIWANAG
ba ang Panginoong Jesus
sa Kanyang mga pangangaral?
Maliban sa pagpapaliwanag
ng mga talinghaga ng sarilinan
sa mga alagad,
walang ipinaliwanag
si Jesus dahil maliwanag
Siyang palagi at higit sa lahat
Siya ang Liwanag ng Sanlibutan.
Madalas hindi Siya
maunawaan, maintindihan
at matanggap ng mga tao noon
hanggang ngayon
ngunit kailanman walang binawi na salita
ang Panginoong Jesus dahil maliwanag ang lahat:
"Ako ang daan at katotohanan" (Jn.14:6),
"Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay" (Jn. 11:25)
"Ako ang pagkaing bumaba mula sa langit;
ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo
ay may buhay na walang hanggan,
at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw" (Jn. 6:54).
Nang linisin ni Jesus ang templo
sinabi sa mga tao na gibain iyon
at kanyang itatayo sa loob ng tatlong araw;
Siya ay pinagtawanan ng mga kalaban
ngunit malinaw na sinasaad sa kasulatan
nang muli Siyang mabuhay ay naunawaan
ng mga alagad ang tinutukoy Niyang templo
ay ang Kanyang Banal na Katawan (Jn. 2:18-22);
maliwanag si Jesus ay palaging malinaw
kaya kahit sa gitna ng kadiliman Siya ay maliwanag.
Lumapit tayo kay Jesus
at hayaang liwanagan Niya kadiliman
sa ating puso at kalooban
katulad nina Nicodemo at Dimas
na umamin sa kanilang kamangmangan at kasalanan
kaya natamo ang liwanag at kaligtasan;
hindi mahirap tuntunin
katotohanan at liwanag ng Panginoon natin
kung ating aaminin at aalisin
mga piring sa ating paningin
upang mabuksan puso at kalooban
sa kagandahan at dangal ng
kabutihan ng bawat nilalang
hindi ang ipangalandakan
sariling husay at kaalaman
maging antas ng kalinangan!

Tandaan at panghawakan,
tiyak na kaliwanagan ng mga salitang binitiwan
ng Panginoon sa atin sana ay magpaalaala:
"Ang nagpapakataas ay ibababa,
at ang nagpapakababa ay itataas" (Mt.23:12)

	

Pagsusuri, pagmumuni ng pagdiriwang ng ating kalayaan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Hunyo 2024
Mula sa Colombo Plan Staff College, cpstech.org, 12 June 2020.
Tuwing sasapit petsa dose ng Hunyo
problema nating mga Filipino
nahahayag sa pagdiriwang na ito:
alin nga ba ang wasto at totoo,
Araw ng Kalayaan o Araw ng Kasarinlan?
Parehong totoo, magkahawig sinasaad ng mga ito
ngunit malalim at malaki kaibahan ng mga ugat nito:
kung pagbabatayan ating kasaysaysan
araw ito ng kasarinlan nang magsarili tayo bilang isang bansa pinatatakbo ng sariling mamamayan, magkakababayan;
ngunit totoo rin namang sabihing
higit pa sa kasarinlan ating nakamtan
nang lumaya ating Inang Bayan sa pang-aalipin ng mga dayuhan!
Kuha ng may akda, Camp John Hay, 2018.
Maituturing bang mayroon tayong kasarinlan
kung wala namang kalayaang linangin at pakinabangan ating likas na kayamanan lalo na ang karagatan gayong tayo ay bansang binubuo ng mga kapuluan?
Tayo nga ba ay mayroong kasarinlan at nagsasariling bansa kung turing sa atin ay mga dayuhan sa sariling bayan
walang matirhan lalo mga maliliit at maralitang kababayan dahil sa kasakiman ng mga makapangyarihan sa pangangamkam?
Gayon din naman ating tingnan
kung tunay itong ating kalayaan
marami pa ring nabubulagan,
ayaw kilalanin dangal ng kapwa
madalas tinatapakan dahil ang tunay na
kalayaan ay ang piliin at gawin ang kabutihan kaya ito man ay kasarinlan
dahil kumawala at lumaya sa panunupil
ng sariling pagpapasya na walang impluwensiya ng iba kundi dikta ng konsiyensiya!
Larawan kuha ni G. Jay Javier sa Luneta, 2022.
Kalayaan at kasarinlan 
kung pagninilayan
dalawang katotohanang
nagsasalapungan
kung saan din matatagpuan
ang kabutihan,
paglago at pagyabong
ng ating buhay!

Araw-araw “Araw ng mga Ina”

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Hunyo, 2024

Larawan kuha ng may-akda, Our Lady of Fatima University-Sta. Rosa, Laguna, 2023.
Mula pa man noong una
pinuna ko na pagdiriwang
ng araw ng mga ina
at araw ng mga ama
dahil sa katawa-tawang
pagbati nila:
"Happy Mother's Day" sa lahat ng Ina!
"Happy Father's Day" sa lahat ng Ama!
Kanino pa nga ba
araw ng mga Ina kungdi
sa mga nanay at ang araw
ng mga Ama kungdi sa mga tatay?
Kaya hindi ko mapigilang matawa
sa tila dispalenghagang turing nila
na mother's day sa mga Ina
at father's day sa mga Ama:
e para kanino pa nga ba mga
araw na iyon?
Nguni't sadyang mapagbiro
itong tadhana
nang aming ihatid si ina
sa kanyang himlayan noong
Sabado, kinabukasa'y
ikatlong Linggo ng Mayo,
Araw ng mga Ina;
hindi na ako natawa
bagkus naiyak nang makita
sa social media napakaraming
pagbati sa kani-kanilang ina
ng Happy Mother's Day;
noon ko higit nadama
sakit ng pagiging ulila sa ina,
kalungkutan ng pangungulila
sa nanay na hindi na makikita,
mahahagkan at mayayakap
palaging tanong kung ako'y kumain na?
Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 2023.
Tinakda ang Araw ng mga Ina
tuwing ikatlong Linggo ng Mayo
upang parangalan
kadakilaan nila
ngunit kung tutuusin
araw-araw
ay Araw ng mga Ina
dahil wala nang hihigit pa
sa pag-ibig nila sa atin
katulad ni Jesus
sarili'y sinaid at binuhos
matiyak ating kaligtasan,
kapayapaan
at katiwasayan;
hindi sasapat
isang araw ng Linggo
taun-taon
upang mga ina ay pagpugayan,
parangalan at pasalamatan
dahil sa bawat araw ng kanilang
buhay, sarili kanilang iniaalay;
batid ng mga nanay
lilipas kanilang buhay
maigsi lamang kanilang panahon
kapos buong maghapon
walang sinasayang na pagkakataon
pipilitin pamilya ay makaahon
sa lahat ng paghamon.
May kasabihan mga Hudyo 
nilikha daw ng Diyos ang mga ina 
upang makapanatili Siya sa lahat
ng lunan at pagkakataon;
hindi ba gayon nga kung saan
naroon ang nanay, mayroong buhay
at pagmamahal, kaayusan at kagandahan
kaya naman sa Matandang Tipan
matatagpuan paglalarawan 
sa Diyos katulad ng isang ina:
"malilimutan ba ng ina
ang anak na galing sa kanya,
sanngol sa kanyang sinapupunan
kailanma'y di niya pababayaan;
nguni't kahit na malimutan
ng ina ang anak niyang tangan,
hindi kita malilimutan"; iyan ang 
katotohanan ng Diyos at mga ina 
mapanghahawakan
hanggang kamatayan.
Photo by Pixabay on Pexels.com

Awit sa Katahimikan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Mayo 2024
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Morong, Bataan, ika-15 ng Abril 2024.
Sana'y dinggin
itong aking awit
tungkol sa pananahimik
na higit sa pagwawalang-imik
o kunwari'y pagiging bingi
bagkus pakikinig na mabuti
sa bawat tinig
dahil ang katahimikan
ay hindi kawalan kungdi
kapunuan;
sa katahimikan tayo ay bumabalik
sa ating pinagmulan
namumuhay tulad nang sa sinapupunan
nakikiramdam, lahat pinakikinggan
dahil nagtitiwala
kaya naman sa pananahimik
tayo ay nakakapakinig,
nagkaka-niig,
higit sa lahat ay umiibig
dahil ang tunay na pag-ibig
tiyak na tahimik
hindi ipinaririnig sa bibig
kungdi kinakabig ng dibdib
maski nakapikit
dama palagi
ang init!
Ganyan ang katahimikan,
hindi lamang napapakinggan
kungdi nararamdaman
nakabibinging
katotohanan
kaya laging kinatatakutan
ayaw pakinggan
iniiwasan
di alintana
sa kahuli-hulihan
katahimikan ang tiyak nating
hahantungan
magpakailanman
kaya
ngayon pa lang
ating nang kaibiganin
ang katahimikan,
matutunang harapin
at tanggapin tulad ng
sa salamin
tunay na pagkatao natin
upang pabutihin, dalisayin
sa katahimikan pa rin.
Larawan kuha ng may-akda sa Bgy. Kaysuyo, Alfonso, Cavite, 27 Abril 2024.

Ano aming ginagawa?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Mayo 2024
Mga pasaherong nakasabit sa PUJ, kha ni Veejay Villafranca ng Bloomberg via Getty Images, Abril 2017.
(Isang tula aking nakatha 
sa inspirasyon ni Fr. Boyong
sa pagninilay ng Araw ni San Jose, Manggagawa.)
Ngayong araw ng mga manggagawa
ano nga ba aming ginagawa
bilang halimbawa ng kabanalan
at kabutihan sa paghahanap ng saysay
at katuturan nitong buhay?
Kay saklap isipin
walang kapagurang kayod
ng karamihan habang kanilang
sinusuyod alin mang landas
maitaguyod lamang pamilyang
walang ibang inaasahan,
naghihintay masayaran mga bibig
ng pagkaing kailangan
di makapuno sa sikmurang
kumakalam
habang mga pari na nasa altar
namumuwalan mga bibig sa lahat ng
kainan at inuman,
tila mga puso ay naging manhid
sa kahirapan ng karamihan!
"Samahan mo kami, Father"
sabi ng Sinodo na simula pa lamang
ay ipinagkanulo nang paglaruan
mga paksa sa usapan
tinig at daing ng bayan ng Diyos
hindi pinakinggan
bagkus mga sariling interes
at kapakanan, lalo na kaluguran
siyang binantayan
at tiniyak na mapangalagaan
kaya si Father nanatili sa altar
pinuntahan mayayaman
silang pinakisamahan
hinayaan mga kawan hanapin
katuturan ng kanilang buhay.
Aba, napupuno kayo ng grasya
mga pari ayaw na ng barya
ibig ay puro pera at karangyaan
mga pangako ay nakalimutan
kahit mga kabalastugan papayagan
puwedeng pag-usapan
kung kaharap ay mayayaman
pagbibigyan malinaw na kamalian
alang-alang sa kapalit na ari-arian
habang mga abang manggagawa
wala nang mapagpilian kungdi
pumalakpak at hangaan kaartehan
at walang kabuluhang pananalita
ni Father sa altar, kanyang bokasyon
naging hanap-buhay.
San Jose, manggagawa 
ipanalangin mo aming mga pari
maging tulad mo,
simple at payak upang
samahan aming mga manggagawa
sa paghahanap
ng kahulugan ng buhay
kapiling nila.
Amen.

Hindi makapaniwala

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Abril 2024
Caravaggio’s painting “The Incredulity of St. Thomas” (1602) from en.wikipedia.org.
Sa tuwing maririnig ko
ang kuwento kay Santo Tomas
Apostol ni Kristo,
ako'y nanlulumo dahil
batid ko hindi ayon
turing natin sa kanya
na "Doubting Thomas"
gayong tanging tag-uri
sa kanya ng Ebanghelista
ay "Didymus" o "Kambal";
nag-alinlangan nga si Tomas
sa balitang napakita si Jesus
na muling nabuhay
sa kanyang mga kasama
nguni't kailanma'y
di nabawasan
kanyang paniniwala
at pagtitiwala.
Malaking pagkakaiba
ng hindi maniwala
sa hindi makapaniwala
na isang pag-aalinlangan
bunsod ng kakaibang pakiramdam
tulad ng pagkamangha
o ng tuwang walang pagsidlan
sa isang karanasang napaka-inam
ngunit hindi maintindihan
balot ng hiwaga
at pagpapala
gaya nang mabalitaan
ni Tomas
paanong nakapasok sa
nakapinid na mga
pintuan
Panginoong Jesus
na muling nabuhay.
Katulad ng kanyang
mga kasamahan
nonng kinagabihan ng Linggo
ding iyon,
wala ding pagsidlan
tuwa at kagalakan
ni Santo Tomas
nang sa kanya inilarawan
ipinakitang mga kamay
ni Jesus
taglay pa rin
mga sugat natamo
sa pagpapako sa Krus
nagpapatunay
na Siya nga
ang Panginoong
nagpakasakit at namatay noon,
nabuhay muli ngayon!
Hindi ba 
ganyan din tayo
sa gitna ng ating mga
pag-aalinlangan
bagama't damang dama 
natin ang katotohanan
ng mga pagpapala at biyaya
hindi tayo makapaniwala
sa kadiliman ating natagpuan
liwanag ni Kristo habang sa
kawalan naroon Kanyang
kaganapan at kapunuan?
Sandigang ating pinananaligan
dasal na nausal ni Tomas na
banal pagkakita kay Jesus 
na muling nabuhay,
"Panginoon ko 
at Diyos ko!"
Huwag tayong matakot 
kung tayo ay
mag-alinlangan
at kung minsa'y
hindi makapaniwala
sa mga gawa ng Diyos
na sadyang kahanga-hanga;
sa mundong ito
na ang pinanghahawakang
kasabihan ay
"to see is to believe",
ang kabaligtaran nito
ang siyang katotohanang
ating mapapanaligan,
"believe that you may see"
dahil sa dilim at
kawalan parati dumarating
ang Panginoong Jesus natin!

Paghahanda sa kamatayan ay pamumuhay ng ganap

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-pitong Huling Wika ni Jesus, 27 Marso 2024
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw ng malakas si Jesus, “AMA, SA MGA KAMAY MO’Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU!” At pagkasabi nito, nalagot ang Kanyang hininga.

Lukas 23:44-46

Mayroon ba kayong bucket list ng mga bagay na dapat gawain o mga lugar na puntahan o kaya ay pagkaing kainin bago mamatay? Usung-uso mga bucket list na iyan ng mga dapat magawa, marating, matikman o masubukan ng isang tao bago raw mamatay.

Ipagpaumanhin ninyo na hindi ako naniniwala sa mga bucket bucket list na iyan na pawang kaartehan. “Father, goal setting po iyon” madalas paliwanag sa akin ng mga nakakausap kong kabataan. Para daw yung mga dream car o dream house na pinapangarap mo balang araw.

Hindi ko sinasabing huwag tayong magkaroon ng mga pangarap at mithiin sa buhay. Kailangan at mahalagang mayroon tayong plano sa buhay para sa kinabukasan pero iba ang pakahulugan ng bucket list: ito ay mga dapat magawa bago mamatay. E, bakit hindi mo pa gawain na ngayon, puntahan na ngayon o tikman mo na ngayon habang may oras pa sapagkat malalaman ba natin kung kailan tayo mamamatay?

Iyon ang ayoko sa mga bucket list – isang pag-aaksaya ng oras at panahon na pinag-iisipan mga gagawin, pupuntahan o kakanin bago mamatay e kung pwede namang gawain mo na ngayon dahil baka ngayon ka na rin mamatay! Hindi po ba?

Lahat naman tayo ay tiyak na mamamatay. Ang tanong sa wari ko ay hindi ano pa ba ang dapat kong gawin bago mamatay kungdi ano ang magagawa ko sa ngayon para sa aking pagpanaw ay patuloy na magbunga ng mabuti aking naging buhay.

Siguradong mamamatay tayo nguni’t magiging maayos ba ating kamatayan? Will we die well?

Larawan kuha ng may-akda, libingan ng mga Heswita sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Marso 2023.

Ewan ko ba pero napansin ko lang habang tumatanda at nagiging totoong-totoo realidad ng kamatayan di lamang sa aking sarili kungdi sa mga malalapit sa akin na ang iba ay mga nangamatay na nga na kung tutuusin, ang ating kamatayan ang pinakamaganda at pangmatagalang regalo na maihahandog natin sa ating mga mahal sa buhay kung maiiwanan nating sila ng isang ganap at mabungang buhay.

Sa halip na pag-isipan natin kung ano pa yung magagawa natin sa nalalabing taon ng buhay natin na di nga nating alam kung hanggang kailan pa, ang dapat nating itanong sa sarili ay paano ako mamumuhay ng maayos at ganap upang sa gayon sa aking pagkamatay ay magbunga pa rin aking naging buhay sa aking mga maiiwan.

Huwag nating sayangin ang panahon sa pag-iisip sa hindi pa dumarating kungdi sa ano mayroon tayo ngayon sa sandaling ito. Sabi nga ng commercial ng Sprite, “magpakatotoo ka!” Get real by living fully in the present. Coming to terms with death is coming to terms with life. The moment we realize we shall die one day, that is when we start living authentically. And joyfully. Mamuhay tayo ng totoo at ganap gaya ng ating napagnilayan sa ika-anim na wika, ang mamuhay sa pagmamahal.

Namatay nang maayos si Jesus noong Biyernes Santo dahil naisuko o naitagubilin Niya ang lahat lahat ng sa Kanyang sarili sa Ama at para sa ating lahat sapagkat namuhay nga Siya ng ganap. Wala Siyang pinanghinayangang dapat ay nagawa o nasabi dahil nagawa at nasabi Niya mga mabubuting nararapat nang Siya ay buhay pa.

Tayo kaya? Linggu-linggo kitang kita ko sa mga pasyente at kanilang pamilya ang hapis at kalungkutan sa panghihinayang na sana ay naging mapagmahal sila, mapagpatawad, lahat na. Kay raming mga pasyente nakikiusap dugtungan pa kanilang buhay para magbago at iaayos kanilang sarili.

Iyon ang malungkot. Hindi nga natin alam kailan tayo magkakasakit o mamamatay kaya ang paghahanda sa kamatayan ay pamumuhay ng ganap. Mabuhay sa pagmamahal at kagalakan, habag at kapatawaran. Ipagdiwang palagi ang buhay, kumain ng masasarap kung kaya, mamasyal habang malakas, gawin kung ano man gustong gawin basta ba makabubuti. Totoo sinasabi ng marami, maigsi lang ang buhay para sayangin ito sa mga drama at pag-iisip.

Sa oras ng ating pagpanaw sa lupang ibabaw tulad ni Jesus noong Biyernes Santo, maibibigay kaya natin sa Diyos at mga mahal natin sa buhay ating sarili kalakip ng lahat ng pagmamahal, tuwa at kabutihan? Masasabi ba natin sa Diyos at kanino man na “itinatagubilin ko aking espiritu?”

Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ni San Francisco Javier, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 20 Marso 2024.

Manalangin tayo:

Panginoong Jesu-Kristo,
pagkalooban Ninyo ako ng biyaya
na maisabuhay ko itong buhay kong ito
sa Iyo at sa pamamagitan Mo
upang sakaling ako ay pumanaw
ano mang oras mula ngayon,
katulad Mo ay aking maitagubilin
sa Ama ang aking espiritu
ng walang sakit
panbghihinayang
maging kasalanan
bagkus puno ng
tuwa at pasasalamat
na pagyayamanin ng mga mauulila
ko hanggang sa magkasama-sama
kaming muli
kaisa Ka sa Iyong Paraiso.
Amen.

Salamuch po sa inyong pagsubaybay sa ating pagninilay sa Pitong Huling Wika ni Jesus. Maari ninyong balikan ang iba pang wika sa pagclick dito sa https://wordpress.com/view/lordmychef.com.

Nawa ay pagpalain kayong lagi ng Diyos sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo tungo sa mabiyayang Pasko ng Pagkabuhay. Amen.

Pag-ibig at kaganapan ng buhay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2024
Ika-anim na Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo, kapilya ng Immaculate Conception Seminary, Guiguinto, Bulacan, 30 November 2015.

May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa Kanyang bibig. Nang masipsip ni Jesus ang alak ay Kanyang sinabi, “NAGANAP NA!” Iniyukayok Niya ang Kanyang ulo at nalagot ang Kanyang hininga.

Juan 19:29-30

Kung minsan ako ay nalulungkot tuwing Huwebes Santo kapag natutuon ang pansin ng mga tao sa rito ng paghuhugas ng pari sa mga paa ng ilang mananampalataya. Tunay na kakaibang eksena at karanasan iyon sa mga tao ngunit ang totoo, hindi naman talagang bahagi ng Misa ng Huwebes Santo ang naturang paghuhugas ng mga paa na puwede namang hindi ganapin.

Ang tunay na lundo ng Banal na Misa ng Huwebes Santo ay naroon sa bahagi ng Ebanghelyong nagsasaad ng diwa ng paghuhugas ni Jesus sa mga paa ng kanyang mga alagad:

Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.

Juan 13:1

Hanggang saan nga ba ang pag-ibig sa atin ni Jesus?

Hanggang sa wakas. O, end sa Inggles. Ngunit kapag sinabi nating hanggang sa wakas, parang mayroong hangganan ang pag-ibig natin kaya ang pahayag na ginamit sa pagkakasalin ay “ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.”

Mas mainam ang pagkakasalin sa Inggles ng huling pangungusap na nagsabing “He loved his own in the world and he loved them to the end.” Mula sa salitang Griyego na telos ang katagang wakas o end sa Inggles. Nguni’t salungat sa madalas nating isipin ang “wakas” bilang hangganan dahil ang telos ay nagpapahiwatig ng direksiyon at hahantungan na kaganapan o perfection. Hindi lang pagtigil at paghinto ang wakas o end.

Kaya naman nang sabihin ni Jesus doon sa Krus na “naganap na”, ang pakahulugan Niya ay ang kaganapan ng Kanyang misyon na mahalin tayong lahat hanggang sa wakas na siyang tinutukoy ng pahayag sa simula ng kanilang Paskuwa, “at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila” sa paghuhugas ng kanilang mga paa na ang kaganapan ay sa Kanyang kamatayan sa Krus kinabukasan ng araw ng Biyernes.

Ipinamalas sa atin ni Jesus ng buong-buo at ganap sa Kanyang pagkamatay sa Krus ang pag-ibig ng Ama para sa atin batay sa Kanyang sinabi kay Nicodemus, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak” (Jn.3;16).

Kung tutuusin ay hindi naman kailangang mamatay si Jesus sa Krus upang tayo ay maligtas ngunit pinili pa rin Niya ito bilang tanda ng Kanyang pagmamahal sa ating lahat. Kaya naman dito rin nating makikita ang magandang kahulugan ng pagmamahal na hindi lamang basta pagtupad sa mga kautusan o pagiging mabuti sa kapwa. Sa kabuuan nito, ang pagmamahal ay pagiging-ganap ng ating buhay. Love is the perfection of life, ayon kay Thomas Merton, isang mongheng Amerikano noong araw.

Kapag tayo ay nagmamahal, tayo ay nagiging ganap tulad ng Diyos! Kaya, basta magmahal lang ng magmahal hanggang masaktan dahil hindi iyan mauubos tulad ng Diyos.

Mga minamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.

1 Juan 4:11-12

Mula sa unang sulat ding iyan ni San Juan, ating matutunghayan ang pahayag niya na ang Diyos ay pag-ibig na ayon sa dating Santo papa Benedicto XVI sa kanyang unang encyclical na Deus Caritas est, ito ang pinaka-malalim na pahayag tungkol sa Diyos na hindi matatagpuan sa ibang relihiyon maliban lamang sa Kristiyanidad.

Photo by Paco Montoya on Pexels.com

Mga ginigiliw ko, Diyos lang ang makapagmamahal sa atin ng ganap. Tanging si Jesus lang ang makapagmamahal sa atin ng ganap na Kanyang pinatunayan doon sa Krus.

Palagi kong sinasabi, “human love is always imperfect” kaya hayaan nating punan ni Jesus, gawin Niyang ganap at buo ang ating pagmamahal na palaging kapos at kulang. Maari itong mangyari kapag tayo nagsimulang magparaya at magpatawad, magbigay ng walang hinihintay na kapalit, manahimik kesa kumibo at humaba pa usapan. Tanggapin natin at angkinin mga sakit at sugat natamo natin sa imperfect love ng pamilya at kaibigan o sino pa man.

Tularan natin si Jesus na nagpakasakit at naghandog ng buhay sa Krus dahil sa pag-ibig.

Manalangin tayo para sa mga minamahal natin at sa nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga imperfection:

Panginoong Jesu-Kristo,
sana makapagmahal din ako
tulad Mo hanggang kamatayan;
sana masabi ko rin sa wakas tulad Mo
"naganap na";
patawarin po Ninyo ako
sa maraming pagkakataon
na hindi pa rin tapos
at patuloy pa rin sa pagnanana
ng mga sugat kong natamo
sa imperfect na pagmamahal ng kapwa
kaya hindi ako maka-move on
dahil nilalamon akong buhay ng mga sugat
at alaalang ito kaya hindi ako lumago
at maging ganap sa Iyo.
O Kristo Jesus,
patawarin po Ninyo ako
at turuang magpatawad
dahil sa pagpapatawad
kami tunay na nagmamahal
ng ganap tulad Mo.
Amen.

Pinawi ni Jesus ating uhaw sa Krus

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 25 Marso 2024
Ikalimang Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ni Dean Mon Macatangga ng Our Lady of Fatima University, Valenzuela, 2023.

Pagkatapos nito, alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “NAUUHAW AKO!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig.

Juan 19:28-29

Ito ang ikalawang pagkakataon na si Jesus ay nauhaw na bukod tanging makikita lamang natin sa ikaapat na ebanghelyo. Unang nauhaw si Jesus nang Siya ay makiinom sa babaeng Samaritana sa balon ni Jacob sa bayan ng Sychar sa Samaria (Jn.4:7). Sa tagpong iyon naganap ang napaka-gandang usapan sa pagitan ng nauuhaw nating Panginoon at ng babaeng Samaritana nauuhaw sa Diyos, sa pag-ibig at habag.

Mahirap ang mauhaw. Hindi tulad ng gutom na maaring idaan sa tulog. Tiyan lang ang kumakalam kapag tayo ay gutom ngunit kapag tayo nauhaw, dama ng buong katawan ang panghihina. Ramdam na ramdam at nanunuot sa laman at buto ating pagkauhaw. Kaya naman, malalim ang kahulugan ng pagiging uhaw na maaring hindi lamang sa tubig kungdi sa iba pang mahahalagang bagay kailangan ng ating kalooban.

Pagmasdan at damang-dama pagkatao tulad natin ni Jesus nang sabihin Niyang “Ako’y nauuhaw” higit pa sa tubig kungdi ang Kanyang pagkauhaw sa ating pagmamahal at pansin.

Alalahaning sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, ang tubig ang isa sa mga pangunahing tanda ni Jesus bilang Kristo. Doon sa kasalan sa Cana nang gawin alak ni Jesus ang mga sinalok na tubig sa banga una Siyang nakilala bilang Kristo. Pagkatapos nito ang sumunod na eksena ang pagbisita sa gabi ng Pariseong si Nicodemo kay Jesus na noon unang binanggit ang tungkol sa pagbinyag o pagsilang muli sa tubig at espiritu (Jn.3:5). Sumunod na eksena doon ang paghingi ni Jesus ng tubig sa babaeng Samaritan kung saan Siya ay nagpakilala bilang “buhay na tubig” (Jn.4:10).

Sa pagsasabi ni Jesus doon sa Krus na Siya ay nauuhaw, Kanyang ipinahahayag di lamang ang pagkauhaw sa tubig kungdi higit pa! Kay laking kahangalan nang bigyan Siya ng ordinaryong alak ng isang sundalong Romano upang mainom. At madalas ay ganoon din tayo kay Jesus na nangakong “ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito ay magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan” (Jn.4:14).

Maliwanag higit pa sa tubig kungdi pag-ibig at malasakit ang kinauuhaw ni Jesus doon sa Krus. Noon at hanggang ngayon.

Si Jesus ang nauuhaw na misis at ina sa pagmamahal at kalinga ng kanyang taksil na kabiyak at mga lapastangang anak na walang iniisip kungdi kanilang mga sarili.

Si Jesus ang nauuhaw na mister at ama na OFW nasa ibang bahagi ng mundo na walang inaasam-asam kungdi ang mga simpleng tawag at texts ng pamilya na papawi ng kanyang pagod at lungkot.

Si Jesus ang nauuhaw na lolo at lola na pakiramdam ay nag-iisa at nawawala dahil sa Alzheimer’s o sa stroke na walang pumpansin sa loob mismo ng kanilang tahanan.

Si Jesus ang nauuhaw na kabataan naghahanap ng panahon at malasakit ng magulang at mga kapatid upang magkaroon ng direksiyon ang buhay, higit pa sa mga binibigay sa kanilang mga gadgets, damit at mga salapi.

Si Jesus ang nauuhaw na maaring katabi mo ngayon naghahanap ng papansin sa kanya, na ngingiti sa kanya at magpaparamdam na siya ay welcomed at, masarap mabuhay!

Huwag nating tularan ang mga sundalong Romano o ang babaeng Samaritana na naghagilap ng mineral water para kay Jesus na naroroon sa bawat taong nakakasalamuha natin.

Ang pinakamainam at masarap na tubig nating maiaalok sa sino mang nauuhaw ay nanggagaling sa kaibuturan ng ating puso at kaluluwa kung saan nanahan si Jesus sa atin na puno ng habag at pag-ibig. Mauhaw tayo kay Jesus dahil tanging Siya lamang makapapawi at makatitighaw sa ating pagka-uhaw.

Manaling tayo.

Minamahal kong Panginoong Jesus,
patawarin po Ninyo ako
kapag pinapawi ko aking pagka-uhaw
sa kung ano-anong alok ng mundo
na kadalasan lalo lamang ako
nauuhaw,
tuyot,
at hungkag;
punuin mo ako ng IYONG SARILI
upang higit KITA na maibahagi
sa kapwa ko nauuhaw
dahil IKAW lamang
ang makakapawi
sa aming pagkauhaw
sa kahulugan
at kaganapan
ng buhay.
Amen.

Hindi ka nag-iisa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 24 Marso 2024
Ikaapat na Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ni San Francisco Javier, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 20 Marso 2024.

Mula sa tanghaling tapat hanggang ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus, “ELOI, ELOI, LEMA SABACHTANI?” ibig sabihi’y “DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”

Mateo 27:45-46

Sa tagpong ito ating mababanaagan kadakilaan ng pagmamahal sa ating lahat ng Diyos, Siya na ganap, walang kapintasan at kakulangan (perefect) ay piniling maging katulad nating hindi ganap (imperfect) bilang tao sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan kay Kristo Jesus.

Pinili at mas inibig ng Diyos kay Kristo na maging tao upang maranasan hirap at sakit natin maging ang kamatayan, lalo’t higit ang magdusa at mamatay na nag-iisa at iniwanan ng lahat doon sa Krus.

Ano mang paghihirap at pagdurusa ay nagiging napakabigat kapag ika’y nag-iisa, na walang kasama ni karamay. Ito pinakamasaklap sa panahon natin ngayon maging sa ating bansa na dati rati’y walang mga bahay ampunan para sa matatanda ngunit nagyon ay naglipana na dahil sa maraming matatanda ang iniiwan, tinatalikuran di lamang ng mga kamag-anakan kungdi pati ng lipunan. Ito ang dahilan kung bakit si Santa Mother Teresa ay bumuo noon ng samahan na mag-aalaga sa mga tinaguriang “poorest of the poor” sa India nang makita niya maraming may-sakit sa Calcutta namamatay nang mag-isa. Hindi lamang ito totoo sa mga mahihirap na lugar kungdi maging sa mga mauunlad na lupain ay maraming matatanda ngayon ang namamatay na lamang ng mag-isa sa buhay.

Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, 2023.

Iyan man ay pinagdaanan ni Jesus lalo na noong ipinako siya sa krus na halos iwanan siya ng lahat. Sa labingdalawang alagad niya, naghudas ang isa habang ang pinuno naman nila ay ikinaila siya ng tatlong ulit kaya’t nagtago noon kasama ang iba pang mga alagad. Tanging si Juan na minamahal na alagad ang nanatili sa paanan ng krus ni Jesus kasama ang kanyang Ina na si Maria at ilan pang mga kababaihan.

Nasaan ang mahigit limang libong tao na pinakain ni Jesus sa ilang? Wala din doon ni isa sa mga pinagaling niyang mga may-sakit. Nawala at naglaho ang lahat ng tao na tuwang-tuwang sumalubong kay Jesus noong Linggo ng Palaspas.

Ngunit kailan man ay hindi naramdaman ni Jesus ang pagiging mag-isa doon sa Krus. Tulad ng sino mang mabuting Judio, dinasal ni Jesus noon ang Salmo 22, ang awit ng panaghoy, ng pagpapakasakit at buong pagtitiwala sa Diyos.

Ito ang mabuting balita ng pagkamatay ni Jesus sa Krus: mula noon tayong mga tao ay hindi na mag-iisa sa mga hirap at tiisin nitong buhay maging kamatayan dahil kasama na natin ang Diyos kay Jesus.

Ito ang ating consolation o consuelo, wika nga.

Mula sa dalawang katagang Latin na con (with) at solare (alone) na ibig sabihin ay samahan ang nag-iisa, naging pinakamalapit at tunay na kaisa tayo ng Diyos sa tuwing tayo ay nasa gitna ng mga tiisin at hirap sa buhay maging kamatayan dahil sa pagdamay sa atin ni Jesus doon sa Krus upang sa gayon sa kanyang muling pagkabuhay tayo man ay kanyang makasama at makaisa.

Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tiutukso.

Hebreo 2:18

Sa tatlong taon kong pagiging chaplain sa Our Lady of Fatima University at Fatima University Medical Center, nakita ko at naranasan sa maraming pagkakataon paano mga tao – bata man o matanda, mahirap at mayaman, may sakit o karamdaman maging mga malalakas at malusog ang pangangatawan – ay nararanasan ang pangungulila at pag-iisa sa gitna ng kanilang mga paghihirap at pagdurusa sa buhay. Marami sa kanila ang mag-isang umiiyak kasi maraming ginagawa o nasa kung saan-saan kanilang mga mahal sa buhay. Maraming pagkakataon nga naitatanong ko na lang kung mayroon pa bang umuuwi ng bahay o nakatira sa kanilang tahanan? Is anybody still home?

Larawan ng convolvulus tricolor mula BBC Gardeners World Magazine.

Halina at ipagdasal ang bawat isa, lalo na yaong mga nahihirapan, nagtitiis ng mag-isa sa buhay:

Diyos Amang mapagkalinga,
ibinigay mo sa amin
ang Iyong Anak na si Jesus
upang aming maranasan Iyong
pag-ibig at habag,
ang Iyong pagpapagaling at pagkandili,
ang Iyong kapanatilihan at kapayapaan
upang hindi na kami mag-isa pa sa buhay na ito;
maalala nawa naming palagi
na kung kami man ay dumaraan sa
napakatinding pagsubok sa buhay
na tila nag-iisa at walang karamay,
naroon si Jesus pinakamalapit sa amin
dahil Siya ang unang nagpakasakit
at namatay doon sa Krus
para sa amin.
Amen.