Bakit nagkaganito buhay natin?

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Setyembre 2019

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.



Isang gabi pagkaraang magdasal at magnilay
kinailangang pansinin at sagutin
isang nagtext sa akin:
kanyang tanong ay napakalalim
bumaon din sa aking loobin.
Aniya'y, "bakit nagkaganito ang buhay namin?"
isang tanong tumimo sa akin
marahil ilang ulit din sa inyo dumating
nakaka-praning, ang hirap sagutin
bagkus maraming katanungan pa rin.
Ang hirap naman kasi sa atin
kapag maganda buhay natin
dinaraanang landasin ayaw suriin
sa pag-aakalang kasiyahan magpapatuloy pa rin
hindi alintana lahat lilipas din.
Kapag ito ang naitatanong natin
mas malamang mga salarin
ng suliraning kinalalagyan natin
tiyak hanggang ngayon ay mga tulog at lasing pa rin
hindi kayang aminin ni tanggapin kanilang pagkukulang din.
Kaya kung ikaw ay nagtatanong
"bakit nagkanito buhay natin?"
tiyak ikaw ay gising at higit na mapalad pa rin
iyong maaapuhap balang araw dahilan
nitong hantungang hindi para sa atin.
Mga taong nagpapasakit sa atin
kadalasan maraming sugat at sakit na dalahin
sadyang kaawa-awa kung tutuusin
ni hindi nila batid bakit nagkanito buhay natin
sigaw ng kanilang loobin sila'y pansinin at saklolohan natin!
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.

Relasyon, hindi emosyon – 2

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2019
Relasyon at ugnayan
hindi emosyon at damdamin
ang sabi natin na pangunahin turo sa atin
ng talinhaga ng alibughang anak.
Kay gandang larawan ng Diyos
ang nakintal sa ating puso't isipan
nang ilahad ng mahabaging ama sa dalawang anak niya
na sila ay iisang pamilya, binibigkis ng buhay na mula sa kanya.
Ano mang kasalanan ay mapapatawad
maging kamatayan ay malalampasan
nitong habag at awa ng Diyos na ibinuhos
kay Kristo Hesus para sa ating mga alibughang anak niya.
Ganyan ang habag at awa ng Diyos bilang Ama
na dumadaloy din mula sa kanyang pagiging ina
nang mawika niya, "hindi kita malilimutan kailanman
katulad ng isang ina sa kanyang anak na mula sa kanyang sinapupunan."
Para sa kanilang kaisipan, 
ang habag at awa ay "hesed" ---
damdaming napaka-lalim gaya ng pag-ibig
nagpapahiwatig ng maka-amang katapatan at pananalig.
Nagmumula ito sa sinapupunan o "raham" ---
yaong matris ng kababaihan na siyang kanlungan
ng simula ng buhay, lundo ng katuwaan pagsapit ng kagampan
kapag napawi mga agam-agam, pagsilang ng bagong buhay.
Kapag umiiral habag at awa sa ating buhay
doon tayo buong-buo sa pagkatao
nagiging ganap at banal tulad ng Diyos
puno ng buhay at pagmamahal.
Kaya't kapag mga patayan ay naglipana
at pagkitil sa buhay ang nakikitang paraan
upang lunasan maraming kasalanan at kasamaan
nasisira ating kapatiran, di maglalaon, tayo ang mababaon.

Relasyon, hindi emosyon

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Setyembre 2019

Maraming salamat, Rdo. LA Bautista sa kanyang pagninilay para sa Misa kahapon.
Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak ni Rembrandt. Mula sa Google.
Hindi ko pa rin mapigilan 
pagnilayan at namnamin
kahulugan ng talinhaga ng
alibughang anak at ama niyang mahabagin.
Ugnayan at relasyon, hindi emosyon
batayan ng Mabathalang awa at habag
ang siyang tinuturo ng Panginoon
dapat sana tayo ay magkaroon.
Kapag namamalas natin tanawing hindi nakagigiliw
tulad ng mukhang nahahapis at tumatangis,
kapansanang nakahihindik o kapalarang mapait
ating damdami'y naaantig, kaya tayo ay naaawa.
Ngunit, wala naman tayong magawa kungdi lumuha
at kung mayroon man maibibigay, kaunting barya ay tama na;
kaya naman kung hapis sa kalooban ang tinitiis
hindi natin ito pansin kaya kahirapan ng iba ating pang diniriin.
Ito ang masaklap nating nakakalimutan
Katulad ng magkapatid sa talinhaga na kapwa alibugha:
Dahil sa kanilang pagkagumon sa mga kayamanan
Ugnayan nila sa ama at isa't-isa, nawalang tuluyan.
Masdan at namnamin, sinasabi ng Ama sa atin,
"Anak, lagi kitang kapiling; lahat ng akin ay sa iyo rin.
Dapat tayo magsaya at magalak kapag inyong kapatid
Ay nagsisisi at nagbabalik" (Lk.15:31).
Ang Diyos ay ipinakilala sa atin bilang Ama
sapagkat buhay nating lahat sa kanya buhat
na tulad ng sino mang ama, sinisikap itaguyod at pangalagaan
protektahan at ipaglaban kung sakaling pagbantaan.
Relasyon at hindi emosyon ang batayan
at pinagmumulan ng awa at habag sa atin ng Diyos nating Ama
kaya naman kahit ito ay mawala at mamatay
kanyang hihintayin, hahanapin, at bubuhayin pa rin!

	

Technicality at Pagkabayani

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Agosto 2019

Mula sa Google.
Ano ba itong pinagsasabi ni Imee
na technically wala tayong bayani
kasi walang upisyal na sinasabi
kung sinu-sino ating mga bayani?
Pati ba naman sa mga bayani
kailangan pang gamitan ng technicality?
Kung sabagay, hindi rin masisisi si Imee
sa pagsasabi at pag-iisip ng ganiri
dahil ito ang nakadidiri: pamilya niya'y
yaring nagpipilit kilalanin silang bayani!
Technically, Imee, maski pilitin mo kami
kailanma'y hindi magiging bayani iyong dadi
lalo na noong kami'y inyong dinale Nobyembre 2016
nang dalhin ninyo siya sa Libingan ng mga Bayani.
Kailangan pa ba ang technicality 
gayong nauuna palagi pagkabayani
maliban lamang kapag wala naman
talagang kabayanihang nangyari!
At ito ang higit na nakakadiri sa pinagsasabi ni Imee: 
hindi maikakaila, huling-huli pineke ng kanyang dadi
pagkabayani na hindi naman nangyari
at ni walang nakasaksi maliban kanyang sarili?!
Napatunayan ng U.S. Army noon pang 1980's 
sa masusi nilang pagsasaliksik na isang panloloko
at walang katotohanan mga pinangalandakang
U.S. war medals ni Marcos noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Higit pa sa technicality kungdi historicity
ang nagsasabi sino talaga ang bayani
sapagkat tiyak na mamumulaklak at hahalimuyak
ano mang buti naihasik ng sino man na bayan ang inuna bago ang sarili!
Mula sa Google.





Ang hindi ko gusto sa Agosto

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Agosto 2019
Larawan mula sa GMA News.
Bata pa lamang ako
hindi ko na gusto ang buwan ng Agosto
bago pa mauso tawag nila dito
na buwan ng mga multo.
Nasa grade two ako 
nagtataka na ako
bakit tuwing Agosto
mabagal takbo ang panahon?
Ito ang bumaon sa murang isipan ko noon
kaya hanggang ngayon
hirap ako na umahon na tila baga
nilalamon at nilalason ng karanasan kahapon.
Nagkataon lang ba nitong ilang taon
bakit nagkagayon takbo ng buhay ko sa ngayon
tuwing Agosto nagkakapatong-patong
mga hindi mabubuting sitwasyon, lihis sa mga nilalayon?
Parang katulad ng lagay ng panahon
mapanglaw ang kalangitan
bumubuhos malakas na ulan
parang walang katapusan
katulad ng aking mga luha sa mga tao
na di ko malaman kung kaibigan.
Kung minsan maiisip ko 
hindi lang buwan ng multo ang Agosto
kungdi pati ng impakto at demonyo
dahil kung titingnan ko
ano ba ito, matapos lunurin tayo ng ulan
saka naman sisikat matinding init ng araw?!
Iyan daw ang dahilan kaya maraming
sakit sa katawan hanggang kasu-kasuan
lagay ng panahon hindi maintindihan
sala sa init, sala sa lamig
parang mga tao sa paligid
walang paninindigan, kay daling mang-iwan.
Bawat araw ng ating buhay
ay pagpapalang kaloob ng
Diyos nating mabuting-loob
ngunit kung minsa'y nakakasama ng loob
kapag tila lahat ay nakataob
at ika'y nakasubsob.
Aking lang inaasahan at pinanaligan
pagkatapos ng tag-ulan, doon mga dahon ay luntian
sa bawat unos na dumaraan, nasusubok katatagan ng halaman
mabalian man ng sanga o malagasan ng bunga
naiiiba na siya at lalong gumaganda
sapagka't sa bawat pagkakataon at panahon, Diyos ay naroon.
Larawan ay kuha ni G. Howie Severino ng GMA News sa Taal, Batangas, Nobyembre 2018.

Pari. Pera. Puri.

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Agosto 2019
Photo by Pixabay on Pexels.com
Tinuturing siyang banal at makapangyarihan
Tinutulad sa Panginoong kanyang pinaglilingkuran
Kaya madalas kanyang nalilimutan
Siya ma'y tao na mahina at makasalanan.
Pinili mula sa karamihan
Hindi dahil sa pambihirang katangian
Maliban sa kabutihan ng Panginoong sinusundan
Siya ay pinag-uubra lamang.
Ikaw pari ay alagad ni Kristo
Hindi ikaw ang Kristo
Kaya huwag kang malilito
Maski ika'y naka-abito, hindi ikaw ang sasambahin ng tao!
Dumapa, nagpapakumbaba, at sumumpa
Buong buhay ilalaan, puso walang ibang laman
Kungdi si Kristo ang tanging yaman
Hindi tawag ng laman o ng sanlibutan.
Pangakong ipagdiriwang mga sakramento
Tinatalikuran kung wala o maliit matatangap na istipendo;
Umoo na ipapahayag at isasabuhay salita ng Diyos
Ngunit sa pulpito parang loro
Mga komentaryo sa radyo at peryodiko ang kabisado.
Hindi nag-aasawa upang mamuhay kaisa si Kristo
Magiging masunurin, mamumuhay ng payak
Ngunit sa kanyang mga gayak agad matitiyak
Maraming layak: kungdi babae, lalake na kunwa'y palaki
O dili kaya'y ampon na kamukha naman paglaki!
Mula sa Google.
Ano ang nangyari at tila kaluluwa'y ipinagbili
Pari naging makasarili, puri sinasantabi
Sinasanto lamang kanyang sarili
Bawat utos hindi nababali, bawat naisin naikakatwiran?
Itong ating pintakasi ang nagsabi
Ang pari ay paalala ng Krus na siya ring ating hugis;
Alin lamang sa dalawa ang maaring mangyari:
Ika'y buong-buo sa Diyos o ika'y buong-buo sa sanlibutan?
Huwag nating kalilimutan, higit sa "tawag" ng pagpapari
Ay ang "tumatawag" sa ating Punong Pari:
Ika'y pari ni Kristo, hindi artista na kailangan ng gluta;
Sapat na ang maging pari ni Kristo, hindi kailangan ng monumento;
Higit sa lahat, hindi tayo ang aalalahanin ni gagayahin
Kungdi si Hesus na Panginoong natin.
Kayong mga madla, huwag ninyo kaming sambahin
Sapat na kami'y bigyan ng malamig na inumin,
Tanggapin, at higit sa lahat, ipanalangin;
Sapagkat kung tutuusin, kaming mga pari ay katulad ninyo rin
Mga aliping walang kabuluhan na tumutupad lamang sa tungkulin
(Lukas 17:10)!

Hirit ni Santa Marta…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-29 ng Hulyo 2019
Minsan sa aking pananalangin
Sa Panginoon ako'y dumaing
Ngunit ang sumagi sa akin
Yaring tagpo nang kanyang sabihin:
"Marta, Marta naliligalig ka
At abalang-abala sa maraming bagay
Ngunit iisa lamang ang talagang mahalaga."
Kaya naman naglaro sa aking isipan
Paano mangatwiran si Marta kung tayo sinabihan
At marahil ganito kanyang tinuran:
"Ako pa ba ngayon ang naliligalig
Gayong batid ninyo Panginoon
Pandarambong at kasakiman ng karamihan
Pagkagahaman sa kayamanan ng ilan
Habang kaming maliliit ang labis nahihirapan?"
At waring sumagi sa akin wika ng Panginoon,
"Marta, Marta iisa lang ang mahalaga:
Sa akin ay manalig ka sapagkat sinabi ko na,
Mapapalad ang mga aba at dukha
Na walang inaasahan kungdi ang Diyos."
Napahupa aking kalooban samandali
Ngunit muli nag-alimpuyo aking galit at ngitngit
Aking naisip isa pang hirit ni Marta
Nang sa kanya'y nasambit:
"Ako pa ba ngayon Panginoon ang nababahala
At tila hindi mo alintana mga ginagawa ng masasama
Na parang sila pa yata ang pinagpapala
Pinapalakpakan, hinahangaan ng karamihan?"
At yaring sumagi muli ang wika ng Panginoon,
"Marta, Marta isa lang ang kailangan kaya matuwa ka
Kung dahil sa akin ika'y inaalimura, inuusig
Pinagwiwikaan ng mga kasinungalingan: walang natatago
Na di malalantad, walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag."
Sa iyo ginigiliw kong kaibigan
Nabibigatan sa maraming pinapasan
Nahihirapan sa mga pinagdaraanan
Laging tandaan si Kristo lamang ating kailangan.
Katulad ni Santa Martang uliran
Tanging si Hesus ang asahan at abangan
Ipagpatuloy gawang kabutihan
Iyong pangarap tiyak makakamtan!

Tula sa Ulan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-18 ng Hulyo 2019
Tuwing tag-ulan
Aking binabalikan
Paliligo sa ulan
Noong aking kamusmusan.
Bakit nga ba sa ating katandaan
Hindi na tayo makapaligo sa ulan?
Dala ba ng makabagong panahon
At iba na ang ating laruan at kasiyahan?
Tayo nga ba ay maselan
Dahil marumi na ang ulan?
Hindi ba ito ay ating kagagawan
Winasak natin magandang kalikasan?
Aking pinaka-iibig kapag umuulan
Tubig mula sa kalangitan, pinakikilig aking kaibuturan
Bibig dinidilig, pisngi'y dinadampian
Habang mukha'y nakatingala kay Bathala.
Ito ang kagandahan at kabutihan
Ng paliligo sa ulan
Muli nating nararamdaman ating kalikasan
Ganan ng ating katauhan.
Nagbabadyang ulan, kay sarap pagmasdan. Aking inaasam-asam, paliligo sa ulan sana’y maisakatuparan!

Kung ang buhay ay isang paglalakbay….

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Hulyo 2019
Lumang kalsada, may 300 taon bago sinilang si Kristo, patungong Petra sa Jordan. Larawan kuha ng may akda noong 01 Mayo 2019.
Matagal ko nang napatunayan
Na totoo nga ang kasabihang
Isang paglalakbay itong buhay;
Ngunit nitong kamakailan lamang
Aking napagnilayan ang higit na katotohanan.
Higit na mahalagang malaman
Hindi ang landas na daraanan
Na wala namang nakakaalam
Kungdi sino ang yaring kasamang
Makakasabay na aagapay at aalalay.
Tunay nga na isang paglalakbay ang buhay
Ngunit hindi ito isang destinasyon na patutunguhan
Kungdi isang direksiyon na dapat sundan
Kaya ang tinuran ni Hesus noong Huling Hapunan
"Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay".
Maaring maraming lugar tayong narating 
At marahil marami pa ang mararating
Ngunit kung hindi nababago pagkatao natin
Para din tayong hindi umalis at walang narating
Bagkus nanatili dahil mag-isa pa rin.
Paglalakbay palabas ng sarili ang buhay
Sapagkat ang hinahanap nating katuturan at kahulugan,
Kailanma'y hindi matatagpuan sa ating sarili lamang
O saanmang lunan kungdi sa mukha ng bawat kapwa
Na katulad at kapatid natin sa yaring buhay paglalakbay.
Larawan ay kuha ni John Bonding ng Architecture & Design Magazine, 25 Mayo 2019. Mula sa Facebook.

Lalawigan ng Tokhang

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Hulyo 2019
Imahen ng Inmaculada Concepcion sa tuktok ng kampanaryo ng Katedral ng Malolos. Larawan kuha ni Lorenzo Atienza, 12 Hunyo 2019.
Nakakagulat, nakakagimbal
Marami ang nagulantang
Sa balitang napakinggan
Lalawigan ng Bulakan
Number one ngayon sa patayan.
 Kadluan ng katagalugan
Na siyang wika ng mga makata
Dito sa Bulakan iba na yata sinasalita:
Tokhang na mula sa Bisaya
Nawala na ang puso sa pananalita pati sa gawa.
Nasaan mga namumuno ng pamahalaan at Simbahan
Paano nagkaganyan itong duyan ng kasaysayan
Naging bukirin ng patayan
Nang hindi namamalayan o
Dahil wala tayong pakialam?
Noon pa mang makalawang taon
Pinakamaraming natokhang noong linggo ng Bulakan
Natabunan lamang ng balitang pagpatay
Ng mga pulis sa walang kamalay-malay na kabataan
Kian kanyang pangalan doon sa Kalookan.
Pansamantalang tumigil mga patayan
Kinasuhan mga berdugo ni Kian
Ngunit kanilang hepe sa Kalookan
Binigyan ng pabuya upang pamunuan
Pulisya sa buong lalawigan ng Bulakan.
Ano na nga ba nangyari sa atin, mga kababayan?
Di lamang nanunungkulan kungdi pati mga mamamayan
Wala na ba tayong pakialam
Mga dating luntiang sakahan ay tinambakan
Upang gawing paradahan ng mga container van?
Bago pa dumating ang tokhang
Pinatay na rin mga ilog at sapa natin
Kaya maraming lupain naging dagat-dagatan na rin
Habang hinahayaan nating gahasain
Bulubundukin ng Sierra Madre upang samsamin kayamanan natin.
Nawala na yata pasintabi
Pati mga simbahan ginigiba, iniiba
Kabanalan hinalinhan ng kaartehan
Diyos hindi ni makita o maramdaman
Puro palabas, nawala na napapaloob na kahulugan.
Halina at magsuri, magmuni-muni
Ating pagbulayan kahulugan nitong buhay
Matatagpuan kung ano ating niyuyungyungan
Madalas siya rin nating pinahahalagahan
At tiyak naroon din ating kayamanan.
Mabuting Pastol, kaawaan at kalingain aming lalawigan na tila pinabayaan ng iyong mga pinagkatiwalaan! Larawan ng luklukan ng Katedral ng Malolos. Kuha ni Lorenzo Atienza, 12 Hunyo 2019.