Hindi makapaniwala

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Abril 2024
Caravaggio’s painting “The Incredulity of St. Thomas” (1602) from en.wikipedia.org.
Sa tuwing maririnig ko
ang kuwento kay Santo Tomas
Apostol ni Kristo,
ako'y nanlulumo dahil
batid ko hindi ayon
turing natin sa kanya
na "Doubting Thomas"
gayong tanging tag-uri
sa kanya ng Ebanghelista
ay "Didymus" o "Kambal";
nag-alinlangan nga si Tomas
sa balitang napakita si Jesus
na muling nabuhay
sa kanyang mga kasama
nguni't kailanma'y
di nabawasan
kanyang paniniwala
at pagtitiwala.
Malaking pagkakaiba
ng hindi maniwala
sa hindi makapaniwala
na isang pag-aalinlangan
bunsod ng kakaibang pakiramdam
tulad ng pagkamangha
o ng tuwang walang pagsidlan
sa isang karanasang napaka-inam
ngunit hindi maintindihan
balot ng hiwaga
at pagpapala
gaya nang mabalitaan
ni Tomas
paanong nakapasok sa
nakapinid na mga
pintuan
Panginoong Jesus
na muling nabuhay.
Katulad ng kanyang
mga kasamahan
nonng kinagabihan ng Linggo
ding iyon,
wala ding pagsidlan
tuwa at kagalakan
ni Santo Tomas
nang sa kanya inilarawan
ipinakitang mga kamay
ni Jesus
taglay pa rin
mga sugat natamo
sa pagpapako sa Krus
nagpapatunay
na Siya nga
ang Panginoong
nagpakasakit at namatay noon,
nabuhay muli ngayon!
Hindi ba 
ganyan din tayo
sa gitna ng ating mga
pag-aalinlangan
bagama't damang dama 
natin ang katotohanan
ng mga pagpapala at biyaya
hindi tayo makapaniwala
sa kadiliman ating natagpuan
liwanag ni Kristo habang sa
kawalan naroon Kanyang
kaganapan at kapunuan?
Sandigang ating pinananaligan
dasal na nausal ni Tomas na
banal pagkakita kay Jesus 
na muling nabuhay,
"Panginoon ko 
at Diyos ko!"
Huwag tayong matakot 
kung tayo ay
mag-alinlangan
at kung minsa'y
hindi makapaniwala
sa mga gawa ng Diyos
na sadyang kahanga-hanga;
sa mundong ito
na ang pinanghahawakang
kasabihan ay
"to see is to believe",
ang kabaligtaran nito
ang siyang katotohanang
ating mapapanaligan,
"believe that you may see"
dahil sa dilim at
kawalan parati dumarating
ang Panginoong Jesus natin!

Ang bagong damit ni Kristo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Abril 2023
Larawan mula sa freebibleimages.org.
Batay sa kuwento
noong pasko ng pagkabuhay
ni Kristo,
patakbong tumungo 
sa kanyang libingan
sina Pedro at Juan,
ang alagad na minamahal;
wala nga doon si Kristo
mga tanging naiwan at natagpuan
ay ang kayong lino na pinambalot
sa kanyang katawan at ang
panyong ibinalot sa ulo
na parehong nakatiklop
at magkahiwalay.
Larawan mula sa freebibleimages.org.
Kung saan nanggaling
mga bagong damit
ni Kristong muling nabuhay
sa atin ay walang isinasaysay
ngunit kung tayo ay magninilay
napakagandang aral sa atin ang binibigay
ng mga naiwang kayong lino:
ngayong Pasko ng Pagkabuhay,
iwanan na natin mga lumang damit
ng pag-uugali
sa atin ay bumabalot
tulad ng pag-iimbot
at mga makasariling paghahangad;
huwag nang itiklop bagkus
hubarin at iwanan
masasakit na karanasan
upang lubusang malasap
tuwa at galak ni Kristong muling
nabuhay; atin na ring hubarin
mga damit ng pagluluksa sa
masasama at di magandang
nakaraan bagkus isuot
malinis at bagong pagkatao
na hinugasan sa dugo ni Kristo
noong Biyernes Santo.
Hindi natin maisusuot
bago nating katauhan kay Kristo
bilang kanyang mga naligtas
at napatawad
hangga't hindi natin
hinuhubad
dati nating pagkatao
sa kasalanan at
kasamaan;
sa isang liham ni San Pablo
ating mapananaligan
mga aral niya tungkol sa
dapat nating kasuotan:
ang pagiging mahabagin,
maganda ang kalooban,
mapagpakumbaba,
mabait at matiisin.
Higit sa lahat,
maibigin.
Iyan ang bagong damit
natin kay Kristo
at huwag natin
hayaang malukot
at marumihan
ng kasalanan!
Mula sa Google.

Panalangin laging alalahanin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2020
Huwebes, Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon II
1 Cronica 15:1-11   ///   Lukas 7:36-50
Larawan kuha ng may-akda sa Mirador Hills, Baguio City, Enero 2018.
O Diyos Ama naming butihin
sa panahong ito ng COVID-19
aming dalangin huwag naming limutin
bagkus palaging alalahanin 
ang lahat ng pagsubok ay aming malalampasan din.
Lagi nawa naming tandaan aral na iniwan
ng mga Apostol na siyang paalala ng sulat 
 ni San Pablo sa mga taga-Corinto 
  na ang sentro nitong Ebanghelyo
ang muling pagkabuhay ni Jesu-Kristo
na nagpakitang totoo sa mga alagad at mga tao
upang tiyakin sa aming lahat ngayon 
Kanyang pagbabalik sa wakas ng panahon.
Habang Ikaw ay aming inaabangan, O Panginoon,
turuan mo kami manalig at pakatandaan
pamumuhay na marangal aming pa ring makakamtan
kung kasalanan aming tatalikuran
mauupo sa Iyong paanan
upang mga aral mo ay pakinggan
tulad ng babaeng iyong ginawaran ng kapatawaran.
Ito sana aming laging tandaan, alalahanin
huwag lilimutin upang Ikaw ay makapiling.
Amen.

Suko kami sa Iyo, Panginoon

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Abril 2020

Nakapanlulumo kung iisipin
itong sinapit natin sa COVID-19
sa isang iglap, kaagad-agad
takbo ng ating buhay tila nasagad
tayo ay sumadsad sa kaabahan
na dati ni hindi sumagi sa ating isipan
na tayo ay walang puwedeng panghawakang
kapangyarihan na maaring ipagyabang.
Aanhin ang pera at kayamanan
wala ka namang mabili o mapuntahan
sarado ang lahat pati ang simbahan
lansangan walang laman
lahat natigilan, natauhan
sa katotohanan tayo ay tao lamang
sa mahabang panahon ay nahibang
sarili ay nalinlang sa maling katotohanan.
Kay gandang pagmasdan
nakakakilabot hanggang kaibuturan
pananabik ng mga tao masilayan
Panginoong Jesu-Kristo
sa Santisimo Sakramento at Santo Entierro
hanggang sa Señor Resuscitado
ng Pasko ng Pagkabuhay nang lahat kumaway
maging sundalo tinaas mga kamay sa pagpugay.
Suko kami sa inyo, Panginoon
tinalikuran ka namin noon: 
ang pagkamakasarili sa amin ay lumamon
at sa nakakalasong ilusyon, kami naluom
kaya kami ay iyong hanguin sa pagkakabaon
ibangon upang muling makatugon 
sa iyong tawag at hamon limutin ang sarili
pasanin ang Krus upang kasama mo kami makaahon.

Pasko ng Pagkabuhay sa panahon ng nakamamatay na COVID-19

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Abril 2020

Katulad ninyo 
ako man ay humiling
sa aking mga panalangin
sana'y magbalik na 
dating normal na buhay natin 
bago mag-COVID-19.



Ngunit nang aking suriin
mali itong aking hiling
at tiyak hindi diringgin
ng Panginoon nating
nagpakasakit upang baguhin
kinamihasnang pagkakasala natin.


Ano nga ba ibig sabihin
pagbabalik sa dating normal
na buhay natin?
Hindi ba ito naging sanhi
nitong COVID-19 kaya 
tayo ngayon ay naka-quarantine?
Bago pa man dumating 
itong social distancing
magkakahiwalay at hindi natin pansin
mga kapwa lalo mga nalilihis 
habang ang iba ay minamaliit 
tila baga buhay ng iba walang halaga sa atin?
Kaya dating normal na buhay natin
hindi na dapat magbalik sa mga panahong...
normal ang walang Diyos
normnal ang hindi pagsisimba
normal ang paglapastangan sa magulang at kapwa
normal ang makasarili
normal ang walang pakialam
normal ang kasakiman
normal ang patayan
normal ang pakikiapid
normal ang pagsisinungaling
normal ang fake news at chismis
normal ang pagnanakaw
normal ang korapsiyon
normal ang gulangan
normal ang pagmumura at pag-alipusta
normal ang kawalan ng kahihiyan
normal ang mga trapo na pulitikong pulpol
normal ang pagbebenta ng boto
normal ang kawalan ng modo
normal ang pagwasak sa kalikasan.
Iyan ang dating normal na buhay natin
na hindi na dapat mabalik
sari-saring mga diyos-diyosang
sinasamba upang magkamal ng maraming pera
hangaan at tingalain ng iba
waring ang sarili'y angat sa karamihan.

Iyan ang dating normal na buhay natin
na hindi na dapat mabalik pagkaran nitong COVID-19:
malayo sa Diyos at sa kapwa tao
dahil itong Pasko ng Pagkabuhay
ay pagbabalik sa landas ng kabutihan at kabanalan
paglimot sa sarili, pagpapasan ng Krus upang si Kristo ay masundan.

Kaya marahil matatagalan itong ating lockdown
upang higit nating madalisay ating mga buhay
nang sa gayon matapos pagdaanan mga kahirapan
huwag nating malimutan ang Diyos na makapangyarihan
hangad ang ating kabutihan at kapakanan.

Busilak ng Pasko ng Pagkabuhay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-22 ng Abril 2019
Larawan mula sa Google.
Busilak at ningning ng Pasko ng Pagkabuhay
Hindi magiging makulay
Kung hindi naging mapanglaw at madilim
Malagim na Viernes Santo ni Kristo.
Ito ang katotohanang dapat nating matanto
Walang Pasko ng Pagkabuhay kung walang Viernes Santo;
Kaya itong si Hesu-Kristo unang tinungo ayon sa katesismo
Kinaroroonan ng mga yumao noong Sabado Santo.
Sa kanyang pagtatagumpay sa kadiliman
Hindi na tayo maaring panaigan ng kamatayan
Kaya pati lagim ng kadiliman kanya nang nakaibigan
Upang tayo ay magwagi kapag nasasawi.
Larawan mula sa Google.
Katulad noong kinagabihan ng Pasko ng Pagkabuhay sa Emaus
Tayo ay sinasabayan sa paglalakad sa buhay nitong si Hesus
Nakikinig sa ating mga karaingan at kabiguan
At sa gitna ng kadiliman, ibinabahagi sa atin kanyang katawan.
Buksan ating mga isipan, lawakan ang pananaw
Puntahan ang kadiliman sa ating kalooban upang maliwanagan
Buhay ay hindi isang palabas lamang, parang pelikula
Palaging bida sa bawat eksenang nililiwanagan ng artipisyal na ilaw.
Kaya nga kataka-taka, namamangha ka ba?
Sa ating panahon at mundo na puro palabas ang tao
Lalong nalilito, mga lilo nananalo sa puwesto
Lahat pasikatan, patalbugan pero malayo sa katotohanan.
Starry Night ni Van Gogh mula sa Google.
Tanging liwanag ni Kristo ang totoo dahil siya ito mismo
Maningning, maliwanag ang busilak 
Katulad ng mga bituin at buwan sa gabing madilim
Hatid ay tiwala at sampalataya dahil sa pag-asa ng bagong umaga!
Halina at pumaloob sa kaibuturan ng ating pagkatao
Doon ating makakadaop si Kristong muling nabuhay
Nililiwanagan ating puso at kalooban ng kanyang katotohanan
Upang tunay tayong makapamuhay at hindi magpalabas lamang.