Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-22 ng Abril 2019
Larawan mula sa Google.
Busilak at ningning ng Pasko ng Pagkabuhay Hindi magiging makulay Kung hindi naging mapanglaw at madilim Malagim na Viernes Santo ni Kristo.
Ito ang katotohanang dapat nating matanto Walang Pasko ng Pagkabuhay kung walang Viernes Santo; Kaya itong si Hesu-Kristo unang tinungo ayon sa katesismo Kinaroroonan ng mga yumao noong Sabado Santo.
Sa kanyang pagtatagumpay sa kadiliman Hindi na tayo maaring panaigan ng kamatayan Kaya pati lagim ng kadiliman kanya nang nakaibigan Upang tayo ay magwagi kapag nasasawi.
Larawan mula sa Google.
Katulad noong kinagabihan ng Pasko ng Pagkabuhay sa Emaus Tayo ay sinasabayan sa paglalakad sa buhay nitong si Hesus Nakikinig sa ating mga karaingan at kabiguan At sa gitna ng kadiliman, ibinabahagi sa atin kanyang katawan.
Buksan ating mga isipan, lawakan ang pananaw Puntahan ang kadiliman sa ating kalooban upang maliwanagan Buhay ay hindi isang palabas lamang, parang pelikula Palaging bida sa bawat eksenang nililiwanagan ng artipisyal na ilaw.
Kaya nga kataka-taka, namamangha ka ba? Sa ating panahon at mundo na puro palabas ang tao Lalong nalilito, mga lilo nananalo sa puwesto Lahat pasikatan, patalbugan pero malayo sa katotohanan.
Starry Night ni Van Gogh mula sa Google.
Tanging liwanag ni Kristo ang totoo dahil siya ito mismo Maningning, maliwanag ang busilak Katulad ng mga bituin at buwan sa gabing madilim Hatid ay tiwala at sampalataya dahil sa pag-asa ng bagong umaga!
Halina at pumaloob sa kaibuturan ng ating pagkatao Doon ating makakadaop si Kristong muling nabuhay Nililiwanagan ating puso at kalooban ng kanyang katotohanan Upang tunay tayong makapamuhay at hindi magpalabas lamang.