Kung Ikaw si Bartimeo?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-23 ng Oktubre 2021
“Jesus healing the Blind Man”, painting ni G. Brian Jekel noong 2008; mula sa http://www.Christian.Art.com.
*Una ko itong nilathala
noong ika-30 ng Oktubre 2018;
isinaayos ngayon kaugnay
ng ebanghelyo sa Linggo.
Anong buti na ating pagnilayan
kuwento ng bulag na si Bartimeo
sa gilid ng daan nananahan
inaasam na siya ay limusan
dahil sa kanyang kapansanan;
ngunit nang kanyang marinig
at mabalitaan pagdaraan ng Panginoon,
dumalangin siya nang pasigaw:
"Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
Nang siya ay pagsabihang manahimik,
lalo pa niyang ipinilit kanyang giit,
"Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
Kaya't napatingin at napatigil si Hesus
upang siya ay tawagin at tanungin:
"Ano ang ibig mong aking gawin?"
Ang agad niyang mariing hiniling,
"Panginoon, ibalit po ninyo
aking paningin."
Kung ikaw si Bartimeo at ngayon
ay tatanungin ng Panginoon natin,
"Ano ang ibig mong aking gawin?"
Ano kaya ang iyong hihilingin?
Mga palagiang alalahanin tulad ng 
salapit at pagkain?  Mga lugar
na minimithing marating?
O marahil ay alisin pasanin
at dalahin sa balikat natin?
Sadyang marami tayong naisin
at ibig hilingin sa Panginoon natin
ngunit kung ating lilimiin bulong
 nitong saloobin at damdamin natin,
isa lang naman kung tutuusin 
kailangan natin:  mapalalim
pananampalataya natin
at maliwanagan sa buhay natin
upang matahak landasin patungong langit.
Aanhin mga malinaw na mata
na sa kinang ng ginto at pilak nahahalina
ngunit hindi makita ni makilala 
mga taong tunay at tapat nagmamahal 
 mga sumasalamin sa Diyos nating butihin!
Kaya kung ikaw ay hihiling, si Bartimeo ang gayahin
hiniling kaliwanagan sa puso't loobin
upang Diyos ang makita at kamtin
at Siyang maghari sa atin!

	

Si San Francisco at ang Mabuting Samaritano

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Oktubre 2021
Photo from FB/Be Like Francis, 2019.
Ngayong ating ginugunita
dakila nating pintakasi
San Francisco ng Assisi
huwaran ng kaisahan
sa kapwa at sangnilikha
nang kanyang tularan
Panginoong Hesus sa kabutihan
 Mabuting Samaritano sa nangangailangan. 

Sa buhay ni San Francisco
ating mababanaagan
paano niyang pinakisamahan 
mga may sakit at nahihirapan
maging sarili niya kanyang tinalikuran
iniwan kayamanan, karangyaan
at karangalan upang ituring
kanyang pinsan ang kamatayan.

Malinaw kay San Francisco
 "brother sun" at "sister moon"
ang tanong ay hindi kung
"sino ang aking kapwa?"
kungdi "ako ba ay nakikipag-kapwa?"
dahil tayong lahat ay iisa
at magkakaugnay sa Diyos ating Ama 
sa pamamagitan ni Kristo na ating Kuya.
Kaya sana bago natin dasalin
kanyang panalangin na maging
daan ng kapayapaan
pabasbasan ating mga alagang
hayop at halaman,
ating munang tingnan at suriin
kaisahan natin sa Krus ni Hesus 
na siyang nagligtas at nagpalaya sa atin!
San Francisco ng Assisi,
Ipanalangin mo kami.
Larawan mula sa zazzle.com.

Paano pumunta sa langit?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Setyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, La Niña Maria sa Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela, 07 Setyembre 2021.
Bisperas ng kaarawan
ng Mahal na Birheng Maria
matapos manalangin
bumati si Andrei ng
"Happy birthday, Mama Mary!"
sabay sabi sa kanyang mommy:
"Bibili ko sana siya ng cake
pero paano ako mapupunta
sa langit?"
Tunay ang sinabi
ng Panginoon noong dati:
mula sa mga labi ng bata
nahahabi karunungang
walang pagkukunwari;
pawang katotohanan 
kay dali nilang bitiwan
nakakatuwa dahil puno ng karunungan
tila bugtong na palaisipan.
Madali namang malaman
kasagutan sa kanilang mga tanong
ngunit bakit nga ba ganoon
sa pagkakaroon ng gulang ng taon,
kamusmusan nati'y
nawawala, napapalitan
ng pagmamaang-maangan
kunwa'y hindi alam
pangunahing kaalaman sa buhay.
Katulad ng paano nga ba
pumunta sa langit?
Hindi natin masambit
gayong palagi nating
nilulungating masapit
dahil mayroong pagsusulit
at baka tayo sumabit
kaya hangga't maari
sa kasalukuyang buhay kumakapit.
Paano nga ba pumunta
sa langit?
Hindi ka naman mamatay
daglit
Ngunit ang turo ni Hesus
palagi niyang sambit,
limutin ang sarili, pasanin ating krus 
kada araw at sa Kanya'y sumunod -
 papuntang langit!
Larawan mula sa Google.

Aral ng lumot sa panahon ng pandemya

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Agosto 2021
Larawan kuha ng may-akda sa Tam-Awan, Baguio City, 2018.
Minsan isang umagang kay panglaw
sikat at busilak ng araw aking tinatanaw
ako ay gininaw sa malagim na katotohanan
hindi pa rin papanaw 
at patuloy pang hahataw 
pananalasa nitong pandemya;
Kahit mayroon nang bakuna
dumarami pa rin mga nahahawa
isang paalala maaring lumala pa
bago humupa at tuluyang mawala na.
Noon din ay aking namataan 
mga tumutubong halaman 
sa kapaligiran tila nagsasabi
huwag susuko
magpatuloy sa paglago
ano man ang panahon
tagtuyot o pag-ulan
manatiling luntian
maski mga dahon lamang
saka na mga bulaklak at bunga.
Larawan kuha ng may-akda, Malagos Gardens, Davao City, Agosto 2017.
Pinakamahalaga
manatiling buhay at umunlad
sa gitna ng karahasan
aral ng mga halaman
sa ati'y kay lalim at
napakayaman sa
kahulugan na maari nating
tularan at gamiting aral
na gagabay sa ating buhay
ngayong panahon ng pandemya.
Sa lahat ng halaman
na lubos kong kinagigiliwan
bukod sa hindi ko kailangang
mga ito ay alagaan 
ay ang mga lumot
sa sumusulpot 
maski sa mga sulok-sulok 
na kahit malimot
tutubo at lalago, kakapal
parang alpombra sa mga paa!
Hindi gaanong naabot
ng liwanag itong lumot
ngunit kay lamig sa paningin
kay gandang tanawin
kung ating susuriin
nagsasabi sa atin
ng himig ng lilim at dilim
tinig na mahalumigmig;
hindi man masikatan ng araw
mayroon din busilak sa kadiliman!
Paalala sa atin ng mga lumot
ngayon ang panahon ay masalimuot
katotohanan at kagandahan
nitong ating buhay
bumubukal saan man malagay;
Maykapal sa ati'y hindi humihiwalay
pahalagahan at pangalagaan
lahat ng ating taglay
dahil walang kapantay ating buhay, 
mas makulay sa ano mang halaman
lalo't higit sa lumot
huwag sanang iyan ay malimot.
Larawan kuha ng may-akda, Agosto 2019.

“Pusuan” – higit pa sa “magustuhan”

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Agosto 2021
Larawan kuha ni Bb. Jo Villafuerte sa Atok, Benguet, Setyembre 2019.
Ano nga ba ang pagkakaiba ng 
gusto kita at mahal kita?

Ayon kay Buddha:
kapag gusto mo ang bulaklak, 
ito ay iyong pinipitas.

Nguni't kapag mahal mo ang bulaklak,
ito ay iyong dinidiligan araw-araw.

Sino man aniya ang makaunawa nito
ay nakauunawa rin ng buhay.
(Hango sa "The Language Nerds", 28 Hulyo 2021.)
Kuha ni Bb. Jo Villafuerte sa Atok, Benguet, Setyembre 2019.
Sa lahat ng bahagi
ng ating katawan,
pinakamahiwaga
ang puso natin;
mahirap unawain
na tila may sariling
gawi at pag-iisip
nakahiwalay sa atin.
Kapirasong laman
ngunit kapangyarihan
kayang panaigan
maging katuwiran;
mahirap mapakinggan,
 maunawaan nilalaman
gayong tibok at pintig
naroon lang sa dibdib.
Mahirap unawain
 saloobin at damdamin
nitong yaring puso natin
kungdi sisikapin
ng isa pang puso rin
pasukin at damhin
nilalaman at nilalayon
na adhikain.
Higit pa sa mga kuwit
at sari-saring guhit
emoji at giphy ang pusuan
na ang kahulugan higit pa
sa pagkilala at pagkaakit
kungdi mahalin at kalingain
pamumukod-tangi
ng kapwa natin.

Pagsusumakit patungong langit

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-05 ng Agosto 2021
Larawan kuha ni G. Vigie Ongleo sa Singapore, 03 Agosto 2021.
Akin nang kinalakhan
kasabihan ng matatanda,
"Kapag may tiyaga,
may nilaga!'
Ngunit sa aking pagtanda
ako ay namangha sapagkat
mayroon pang higit sa pagtitiyaga,
isang dakilang biyaya:  ang pagsusumakit. 
Sa wikang Inggles,
"persistence" kung isasalin
ang salitang pagtitiyaga
na kung saan nagsisikap
ang sino man upang matamo
 kanyang inaasam na tagumpay
kaya buong lakas at panahon
 doon nakatuon upang maging kampeon.
Ngunit higit pa sa pagtitiyaga ang pagsusumakit:
sa wikang Inggles ay perseverance
na kung saan sino man ay laan masaktan
at mahirapan upang mapanatili
 at mapangalagaan sumpa 
at pangakong binitiwan (komitment),
di lamang sa mithiing inaasam
na ibig makamtan kaya pinagtitiyagaan.
Sa pagsusumakit, 
hindi nakakaakit tagumpay
na makakamit kungdi higit 
sa lahat ay hindi maipagkait ang
nararapat at naayong tugon sa 
bawat pagkakataon kung kayat
ano man kahantungan ng bawat punyagi
kabutihan at kaganapan ang mapanatili.
Hindi pansamantala
ang pagsusumakit di tulad
ng pagtitiyaga at pagsisikap
na kadalasan ang layunin 
ay bagay at gamit na makakamit;
bawat pagsusumakit saan man
at kanino man ay paglapit 
at pagkamit na rin ng langit!
Sinabi ni Jesus sa mga tao:
"Ngunit pagsumakitan ninyo ng higit
sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos
at mamuhay nang ayon sa kanyang
kalooban, at ipagkakaloob niya
ang lahat ng kailangan ninyo."
(Mateo 6:33)

Kung narito ka Panginoon…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Hulyo 2021
“Ang Pagbuhay kay Lazaro”, isang painting ni Duccio de Buoninsegna noong 1311. Larawan mula sa commons.wikimedia.org
Sinabi ni Marta kay Jesus,
"Panginoon, kung narito kayo
hindi sana namatay
ang aking kapatid." (Juan 11:21)
Maraming pagkakataon, Panginoon
ganyan din aming sinasabi
kapag kami ay sakbibi ng dalamhati,
tulad ni Santa Marta sa pagpanaw
ng kapatid nilang si San Lazaro:
Kung narito ka, Panginoon.....
...hindi sana nagkaroon ng pandemic,
...hindi sana kami nagipit,
...hindi sana kami nagkasakit,
...hindi sana kami nagkamali,
...hindi sana kami kinakapos,
...hindi sana kami nagugutom,
...hindi sana kami naghikahos,
...hindi sana kami nalinlang,
...hindi sana kami nasaktan,
...hindi sana kami nawalan,
...hindi sana kami nagkahiwalay,
...hindi sana kami napaalis,
...hindi sana kami natalo,
...hindi sana kami napahiya,
...hindi sana kami sumuko,
...hindi sana kami napatigil sa pag-aaral,
...hindi sana kami naulila,
...hindi sana kami naligaw,
...hindi sana kami nabigo,
...hindi sana kami nagkaganito.
 
Tiyak na marami pa kaming
masasambit na sana ay hindi
nangyari kung narito ka,
Panginoong Jesu-Kristo
katulad ni Santa Marta nang
pumanaw kapatid niya at
kaibigan ninyo na si San Lazaro;
ngunit hayaan din ninyo na aming
mapagtanto kalooban at layon ninyo
kaya kayo naparito upang kami 
ang maging kapanatilihan mo
at sumaklolo sa mga nasa peligro.
Itulot po ninyo, Panginoon
aming tularan bunsong kapatid 
nina Santa Marta at San Lazaro,
si Santa Maria ng Betanya:
manatili sa iyong paanan, 
magnilay at madalisay ang buhay 
sa pananalangin upang sa pagdamay
namin sa mga nahihirapan at nabibigatan
ikaw bilang Buhay at Muling Pagkabuhay
ay kanilang panaligan sa aming 
pagkakapatiran at pagtutulungan
maramdaman nila, narito ka, Panginoon!
Icon ni Jesus dumalaw sa magkakapatid na San Lazaro, Santa Maria, at Santa Marta sa kanilang tahanan sa Betanya. Larawan mula sa http://www.crossroadsinitiative.com.

Sa tuwing umuulan…

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Hulyo 2021
Photo by Pixabay on Pexels.com
Sa tuwing umuulan,
unan at higaan ating tinutunguhan
lahat ang hanap ay kapahingahan
sa gitna ng panahong malamig
at kay inam ipahinga pagod na
katawan at isipan habang may 
ilan sa ating ay walang masilungan
walang uuwiang kama na malamig
ni upuang mahalumigmig
habang ang iba naman
lagaslas ng ulan sa loob at
labas ng tahanan ay pareho lang
dahil sa butas butas na bubungan
barong-barong na tirahan.
Sa tuwing umuulan,
mga tiyan at sikmura
mabilis kumalam kahit 
puno ng laman
kaya naman kay raming dahilan
tumungo sa kalan at magluto
ng mga pagkaing masarap
tikman tuwing umuulan
pinaiinit nanlalamig na katawan
nagigising mga kalamnan
habang mayroon namang ilan 
kape lang ang nakakayanan
maibsan lang lamig at kalam
ng tiyan na walang laman.
Sa tuwing umuulan
huwag sana natin makalimutan
ang maraming walang masilungan
ni matulugan dahil kanilang mga
pinananahanan nasira o lumubog
sa baha na dala ng ulan;
Sa tuwing umuulan
huwag sana natin makalimutan
ang maraming kapatid natin
wala nang damit at gamit
wala ding pagkaing mainit
ni tubig na malinis
pagkakasakit tinitiis
inaasam pagsikat ng araw kinabukasan.
Sa tuwing umuulan
tayo ay manalangin
upang ipagpasalamat mga
biyaya at pagpapala natin
na tayo ay magkakapiling
nakakatulog ng mahimbing
nakakakain ng mga paboritong lutuin;
tangi ko lang hiling
lubusin ating pananalangin
bukod sa pagtulong at pagdamay natin
dagdagan ating pandamdam
huwag maging manhid
iwasan pagpopost ng pagkain
dahil sadyang di maganda ang dating
sa panahon at buhay
ay napakakulimlim.

Katatawanan, katuwaan sa buhay COVID-19

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Oktubre 2020
Pitong buwan na nakakaraan
mula nang kumalat mula Wuhan
corona virus, tayo ay nag-lockdown
nang lumaon pinagaan quarantine
COVID-19 pasakit pa rin sa atin.
Nguni't huwag din namang masamain
maraming aral ipinamulat sa atin
itong COVID-19:  pananalangin 
at pananalig sa Diyos, 
pagpapahalaga sa pamilya at kapwa,
pangangalaga sa ating kalusugan.
Gayon din naman
maraming katatawanan
katuwaan ating naranasan
lumipas na mga buwan
kaya mga ito ating pagparoonan
kesa pabigatan ating mga isipan,
puso at kalooban.
Sa dami at tagal nang hirap ating naranasan
minsan marahil iyong inaasam-asam
makapagpahinga at magbakasyon
at saka sasagi sa isipan na hindi ba gayon
itong COVID-19 ngayon?
Bakasyon at pahinga
kaya nakapagtataka
kapag walang pasok sa eskuwela
at opisina dahil sa piyesta upisyal
gayong wala namang papasyalan
ni pupuntahan
lahat ng araw pare-pareho lang!
Nang magsimula ang lockdown
karamihan hindi naman nahirapan ni kinabahan
bagkus naging engrandeng bakasyunan
kantahan at inuman kung saan-saan
hanggang magkahawahan
nang mabatid katagay sa inuman
walang panlasa, walang pang-amoy
nang maglaon akala mo'y
aping-api, kinawawa at pinabayaan
pinag-aagawan lahat ng uri ng ayuda
pera at de lata
habang ang iba naman ay saganang-sagana.
Ang Pinoy nga naman
maski saan man
basta may kalamidad
hindi pababayaan kumalam kanyang tiyan;
aminin ang katotohanan
parusa nga ba at kahirapan ang lockdown
bakit tayo nagtabaan?
Hindi lamang iyan:
sa bawat tahanan
 mayroon isang tiyak natutuhan
bagong libangan at pagkakitaan
pagluluto at pagbe-bake.
Isang pangunahin kabutihan
nitong lockdown
luminis mga lansangan
umaliwalas kalangitan
kalikasan nabigyan
kapahingahang kailangang-kailangan;
magagandang tanawin
muling nasilayan mula kalayuan
habang sa mga tahanan
laganap na luntian ng mga halamang
 inaalagaan at pinagkakakitaan
ng mga tinaguriang plantitos at plantitas.
Mayroon pang ibang mga katatawan
nangyari sa gitna ng lockdown
at quarantine ng COVID-19
ngunit huwag nang pag-usapan
baka lamang pagmulan
labis na hapis at kalungkutan
mga kabalastugan sa pamunuan, 
sakim sa kapangyarihan
katanyagan at kayamanan
ngunit walang pakialam
sa bayang nahihirapan
nagsisikap lampasan mga pagdurusa
dinaraan sa katatawan
katuwaan upang mapanatili
katinuan ng isipan
kesa tularan mga baliw
at hunghang na payaso
sa gobyernong ito.

*Mga larawan sa itaas mga kuha ni G. Jay Javier, Mayo 2020; habang ang mga nasa ibaba ay kuha ng may-akda maliban sa ibong dilaw at puting bulaklak na kuha ni Dr. Mylene A. Santos, MD.

Aral ng COVID-19, VII: katahimikan higit na kailangan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
Noong aking kabataan
aking natutunan sa mga harutan
naming magpipinsan at magkakaibigan
habang nakapila sa poso na iniigiban 
ang baldeng walang lamang
ang siyang pinaka-maingay.
Ngayon sa aking katandaan
higit kong naunawaan yaring katotohanan
habang nagninilay sa gitna ng lockdown
na siya ngang tunay mga taong maiingay
karamihan sanga-sanga kanilang mga dila
pinagsasasabi'y walang katotohanan o kabuluhan.
Hindi nila batid sa pag-iisip nilang makitid
katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan 
pinakikinggan bawat pintig, dinarama maski ang kalma
tinitimbang ano mang katotohanan at kabuluhan 
upang pagkaabalahan, pag-usapan
kung hindi man ay kalimutan at isantabi na lamang.
Larawan kuha ng may-akda, talon sa Taiwan, Enero 2019.
Sa pakikipag-talastasan ng Diyos
masdan lagi itong pinangungnahan ng katahimikan:
sa Matandang Tipan matatagpuan 
bago likhain ng Diyos ang sanlibutan,
walang ano man kungdi dilim at katahimikan
saka lamang Siya nagsalita upang lahat ay malikha;
doon sa Bagong Tipan ganito rin ang napagnilayan
ni San Juan bago si Hesus ay isinilang:
aniya, sa pasimula naroon na ang Salita
kasama ng Salita ang Diyos
 sa Kanya nalikha ang lahat
at naging tao ang Salita
 tinawag na Kristo
humango sa makasalanang tao.
Hindi natin kailanman mauunawaan
mga salita ng Diyos na makapangyarihan
kung hindi tayo handang manahimik
 upang sa Kanya ay makinig;
noong si Hesus ay isinilang
 tatlumpung taon ang binilang
bago Siya napakinggan
pagkaraang binyagan sa Jordan
 maliban nang Siya ay matagpuan
 sa templo nakikipagtalastasan
 noong Kanyang kamusmusan;
gayun pa man sa Kanyang pangangaral
madalas Siya ay manahimik at magdasal
kaya lahat namamangha sa kanyang salita pati gawa.
Saanman mayroong katahimikan
pagtitiwala tiyak matatagpuan;
at kung saan man walang katahimikan
bukod sa maingay, walang kaayusan.
Magandang pagkakataon ngayong lockdown
pagsikapan, huwag katakautan ang katahimikan
dahil dito nalalantad, nakakatagpo ang katotohanan
na palagi nating tinatakasan, iniiwasan
kung kaya ang kalayaan hindi nating makamtan;
sa katahimikan lahat pinakikinggan -
sariling kalooban, kapwa at Diyos maging kalikasan
tungo sa pagmamahalan, kaisahan, at kaganapan ng buhay.
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, bukang liwayway sa aming parokya, Abril 2020.