Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-05 ng Agosto 2021
Larawan kuha ni G. Vigie Ongleo sa Singapore, 03 Agosto 2021.
Akin nang kinalakhan
kasabihan ng matatanda,
"Kapag may tiyaga,
may nilaga!'
Ngunit sa aking pagtanda
ako ay namangha sapagkat
mayroon pang higit sa pagtitiyaga,
isang dakilang biyaya: ang pagsusumakit.
Sa wikang Inggles,
"persistence" kung isasalin
ang salitang pagtitiyaga
na kung saan nagsisikap
ang sino man upang matamo
kanyang inaasam na tagumpay
kaya buong lakas at panahon
doon nakatuon upang maging kampeon.
Ngunit higit pa sa pagtitiyaga ang pagsusumakit:
sa wikang Inggles ay perseverance
na kung saan sino man ay laan masaktan
at mahirapan upang mapanatili
at mapangalagaan sumpa
at pangakong binitiwan (komitment),
di lamang sa mithiing inaasam
na ibig makamtan kaya pinagtitiyagaan.
Sa pagsusumakit,
hindi nakakaakit tagumpay
na makakamit kungdi higit
sa lahat ay hindi maipagkait ang
nararapat at naayong tugon sa
bawat pagkakataon kung kayat
ano man kahantungan ng bawat punyagi
kabutihan at kaganapan ang mapanatili.
Hindi pansamantala
ang pagsusumakit di tulad
ng pagtitiyaga at pagsisikap
na kadalasan ang layunin
ay bagay at gamit na makakamit;
bawat pagsusumakit saan man
at kanino man ay paglapit
at pagkamit na rin ng langit!
Sinabi ni Jesus sa mga tao:
"Ngunit pagsumakitan ninyo ng higit
sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos
at mamuhay nang ayon sa kanyang
kalooban, at ipagkakaloob niya
ang lahat ng kailangan ninyo."
(Mateo 6:33)