Aral ng lumot sa panahon ng pandemya

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Agosto 2021
Larawan kuha ng may-akda sa Tam-Awan, Baguio City, 2018.
Minsan isang umagang kay panglaw
sikat at busilak ng araw aking tinatanaw
ako ay gininaw sa malagim na katotohanan
hindi pa rin papanaw 
at patuloy pang hahataw 
pananalasa nitong pandemya;
Kahit mayroon nang bakuna
dumarami pa rin mga nahahawa
isang paalala maaring lumala pa
bago humupa at tuluyang mawala na.
Noon din ay aking namataan 
mga tumutubong halaman 
sa kapaligiran tila nagsasabi
huwag susuko
magpatuloy sa paglago
ano man ang panahon
tagtuyot o pag-ulan
manatiling luntian
maski mga dahon lamang
saka na mga bulaklak at bunga.
Larawan kuha ng may-akda, Malagos Gardens, Davao City, Agosto 2017.
Pinakamahalaga
manatiling buhay at umunlad
sa gitna ng karahasan
aral ng mga halaman
sa ati'y kay lalim at
napakayaman sa
kahulugan na maari nating
tularan at gamiting aral
na gagabay sa ating buhay
ngayong panahon ng pandemya.
Sa lahat ng halaman
na lubos kong kinagigiliwan
bukod sa hindi ko kailangang
mga ito ay alagaan 
ay ang mga lumot
sa sumusulpot 
maski sa mga sulok-sulok 
na kahit malimot
tutubo at lalago, kakapal
parang alpombra sa mga paa!
Hindi gaanong naabot
ng liwanag itong lumot
ngunit kay lamig sa paningin
kay gandang tanawin
kung ating susuriin
nagsasabi sa atin
ng himig ng lilim at dilim
tinig na mahalumigmig;
hindi man masikatan ng araw
mayroon din busilak sa kadiliman!
Paalala sa atin ng mga lumot
ngayon ang panahon ay masalimuot
katotohanan at kagandahan
nitong ating buhay
bumubukal saan man malagay;
Maykapal sa ati'y hindi humihiwalay
pahalagahan at pangalagaan
lahat ng ating taglay
dahil walang kapantay ating buhay, 
mas makulay sa ano mang halaman
lalo't higit sa lumot
huwag sanang iyan ay malimot.
Larawan kuha ng may-akda, Agosto 2019.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s