Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Hulyo 2021
“Ang Pagbuhay kay Lazaro”, isang painting ni Duccio de Buoninsegna noong 1311. Larawan mula sa commons.wikimedia.org
Sinabi ni Marta kay Jesus,
"Panginoon, kung narito kayo
hindi sana namatay
ang aking kapatid." (Juan 11:21)
Maraming pagkakataon, Panginoon
ganyan din aming sinasabi
kapag kami ay sakbibi ng dalamhati,
tulad ni Santa Marta sa pagpanaw
ng kapatid nilang si San Lazaro:
Kung narito ka, Panginoon.....
...hindi sana nagkaroon ng pandemic,
...hindi sana kami nagipit,
...hindi sana kami nagkasakit,
...hindi sana kami nagkamali,
...hindi sana kami kinakapos,
...hindi sana kami nagugutom,
...hindi sana kami naghikahos,
...hindi sana kami nalinlang,
...hindi sana kami nasaktan,
...hindi sana kami nawalan,
...hindi sana kami nagkahiwalay,
...hindi sana kami napaalis,
...hindi sana kami natalo,
...hindi sana kami napahiya,
...hindi sana kami sumuko,
...hindi sana kami napatigil sa pag-aaral,
...hindi sana kami naulila,
...hindi sana kami naligaw,
...hindi sana kami nabigo,
...hindi sana kami nagkaganito.
Tiyak na marami pa kaming
masasambit na sana ay hindi
nangyari kung narito ka,
Panginoong Jesu-Kristo
katulad ni Santa Marta nang
pumanaw kapatid niya at
kaibigan ninyo na si San Lazaro;
ngunit hayaan din ninyo na aming
mapagtanto kalooban at layon ninyo
kaya kayo naparito upang kami
ang maging kapanatilihan mo
at sumaklolo sa mga nasa peligro.
Itulot po ninyo, Panginoon
aming tularan bunsong kapatid
nina Santa Marta at San Lazaro,
si Santa Maria ng Betanya:
manatili sa iyong paanan,
magnilay at madalisay ang buhay
sa pananalangin upang sa pagdamay
namin sa mga nahihirapan at nabibigatan
ikaw bilang Buhay at Muling Pagkabuhay
ay kanilang panaligan sa aming
pagkakapatiran at pagtutulungan
maramdaman nila, narito ka, Panginoon!
Icon ni Jesus dumalaw sa magkakapatid na San Lazaro, Santa Maria, at Santa Marta sa kanilang tahanan sa Betanya. Larawan mula sa http://www.crossroadsinitiative.com.