Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may akda sa kanyang silid, 14 Agosto 2024.
*Salamuch sa Orange and Lemons.
Umuwi ka na Mommy: yan lang mithi ko palagi hindi lang masabi nitong aking mga labi dangan kasi hindi mangyayari; akala ko noong dati makakaya ko ang pighati ng iyong pagpanaw ngunit aking akala pala ay mali tunay na damdamin namnamin, ilahad at aminin sa sarili huwag ikubli huwag magkunwari tiyak madadali sa huli.
Umuwi ka na Mommy: kailanma'y hindi namin iyan nasabi dangan nga kasi ikaw palagi nasa tahanan at tindahan naghihintay sa amin at pagsapit ng takipsilim tulad ng mga alaga mong inahin isa-isa kaming iyong hahanapin parang mga sisiw bubusugin sa halimhim ng iyong mga pangangaral at dalangin saka ipaghahain ng masarap at mainit na pagkain mahirap limutin.
Umuwi ka na Mommy: ikaw lang kasi sa akin ang walang atubili nakapagsasabi, nakakaramdam at nakababatid ng lahat dangan nga kasi ikaw ang sa akin nagsilang sa iyong sinapupunan hanggang libingan dama ko ating kaisahan pilit ko noon hinihiwalayan kaya ngayon aking ramdam kay laking kawalan kahit nag-iisa ka lang.
Larawan kuha ng may akda sa kanyang silid, 14 Agosto 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Agosto 2024
Larawan mula sa foxnews.com.
Hindi mawala sa aking gunita larawang bumantad sa balita tila isang punyal idinarak tagos pagkakasaksak baon na baon hanggang buto ang kirot at sakit nitong kasamaan at kasalaulaan doon sa France.
Pilit nilang ipinaliwanag paglapastangan sa Huling Hapunan hanggang kami pa ang hatulan ng kamangmangan at kawalan ng pakialam sa mga kakaiba ang kasarian; abot-abot kanilang pagpapaliwanag ngunit nabaon lamang sila sa balon ng kadiliman.
Heto ngayon ang larawan inyong pagmasdan: walang kinakailangang pagpapaliwanag sapagkat hindi kailanman magliliwanag ang kadiliman dahil ang maliwanag na katotohanan tanging babae at lalake lamang ang nilalang.
Sakali mang mayroon pumailang ang gawi ng katauhan o oryentasyon maliwanag sa katawan dalawa lamang ang kasarian kahit palitan nasa labas ang nasa loob kailanman hindi manglilinlang.
Tiyak marami silang sagot at mga paliwanag kaya namang tila baga itong Olympics ngayon ay hindi na tagisan ng husay at galing sa larangan ng pangangatawan kungdi ng isipan at paninindigan;
tanging hiling ko lang, muling pagmasdan itong larawan ano inyong nararamdaman? sa boksing pa na sukdalan ang karahasan doon pa matatagpuan natitirang liwanag at katinuan ng makabagong sangkatauhan?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, bukang liwayway sa Lawa ng Galilea, Israel, Mayo 2019.
Unang araw sa buwan ng Agosto, buwan ng wika ako ay nakatunganga sa pagkamangha sa isang salita: PALIWANAG sa wikang Inggles, "explanation" at kung gagamiting pandiwa "to explain" ito ay magPALIWANAG.
Kay sarap namnamin
at damhin mga kataga
nitong ating wika
tulad ng PALIWANAG
nagsasaad ng pagbibigay
liwanag dahil mayroong
kadiliman minsa'y panlalabo
kaya nililinaw upang
matanaw, makita kahit man lang
maaninag upang matukoy, makilala.
Mahirap kasi mag-apuhap sa gitna ng kadiliman na kawalan ng katiyakan: ika'y nangangapa at nangangamba kung ano iyong mahawakan, makuha kaya nakakatakot sa dilim na wala kang nakikita dahil pati ikaw baka tuluyang mawala pa!
Inyong pagmasdan malaking kadiliman na sa ati'y bumabalot kamakailan kaya kay raming nagpapaliwanag naglilinaw dahil sa mga ginawa at ipinahayag na puro kaguluhan:
Waiter sa Cebu pinagpaliwanagan ng halos dalawang oras habang nakatindig sa harapan ng customer na tinawag niyang "Sir" na ibig ituring siya na "Mam"; kay daming paliwanag ni "Mam" pero malabo pa rin dahil malinaw pa sa araw maski sa mga larawan na siya ay Sir!
Hanggang ngayon nagpapaliwanag pa rin mga pasimuno ng paglapastangan sa Huling Hapunan ng Panginoon na lalong nababaon dahil maliwanag kanilang kasinungalingan na ang kadiliman ng kapalaluan at kasamaan kanilang pagpugayan taliwas sa layuning magkaroon ng pagbubuklod at kaisahan.
Hindi lang minsan ating narinig masabihang "ang labo mo naman" kaya kinakailangang magpaliwanag upang maunawaan at maintindihan na siyang daan sa magandang pagsasamahan.
Heto ngayon ating pagnilayan pagbulayan aking katanungan: nagPALIWANAG ba ang Panginoong Jesus sa Kanyang mga pangangaral? Maliban sa pagpapaliwanag ng mga talinghaga ng sarilinan sa mga alagad, walang ipinaliwanag si Jesus dahil maliwanag Siyang palagi at higit sa lahat Siya ang Liwanag ng Sanlibutan.
Madalas hindi Siya maunawaan, maintindihan at matanggap ng mga tao noon hanggang ngayon ngunit kailanman walang binawi na salita ang Panginoong Jesus dahil maliwanag ang lahat: "Ako ang daan at katotohanan" (Jn.14:6), "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay" (Jn. 11:25) "Ako ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw" (Jn. 6:54).
Nang linisin ni Jesus ang templo sinabi sa mga tao na gibain iyon at kanyang itatayo sa loob ng tatlong araw; Siya ay pinagtawanan ng mga kalaban ngunit malinaw na sinasaad sa kasulatan nang muli Siyang mabuhay ay naunawaan ng mga alagad ang tinutukoy Niyang templo ay ang Kanyang Banal na Katawan (Jn. 2:18-22); maliwanag si Jesus ay palaging malinaw kaya kahit sa gitna ng kadiliman Siya ay maliwanag.
Lumapit tayo kay Jesus at hayaang liwanagan Niya kadiliman sa ating puso at kalooban katulad nina Nicodemo at Dimas na umamin sa kanilang kamangmangan at kasalanan kaya natamo ang liwanag at kaligtasan; hindi mahirap tuntunin katotohanan at liwanag ng Panginoon natin kung ating aaminin at aalisin mga piring sa ating paningin upang mabuksan puso at kalooban sa kagandahan at dangal ng kabutihan ng bawat nilalang hindi ang ipangalandakan sariling husay at kaalaman maging antas ng kalinangan!
Tandaan at panghawakan, tiyak na kaliwanagan ng mga salitang binitiwan ng Panginoon sa atin sana ay magpaalaala: "Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas" (Mt.23:12)
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Hunyo 2024
Mula sa Colombo Plan Staff College, cpstech.org, 12 June 2020.
Tuwing sasapit petsa dose ng Hunyo problema nating mga Filipino nahahayag sa pagdiriwang na ito: alin nga ba ang wasto at totoo, Araw ng Kalayaan o Araw ng Kasarinlan?
Parehong totoo, magkahawig sinasaad ng mga ito ngunit malalim at malaki kaibahan ng mga ugat nito: kung pagbabatayan ating kasaysaysan araw ito ng kasarinlan nang magsarili tayo bilang isang bansa pinatatakbo ng sariling mamamayan, magkakababayan; ngunit totoo rin namang sabihing higit pa sa kasarinlan ating nakamtan nang lumaya ating Inang Bayan sa pang-aalipin ng mga dayuhan!
Kuha ng may akda, Camp John Hay, 2018.
Maituturing bang mayroon tayong kasarinlan kung wala namang kalayaang linangin at pakinabangan ating likas na kayamanan lalo na ang karagatan gayong tayo ay bansang binubuo ng mga kapuluan? Tayo nga ba ay mayroong kasarinlan at nagsasariling bansa kung turing sa atin ay mga dayuhan sa sariling bayan walang matirhan lalo mga maliliit at maralitang kababayan dahil sa kasakiman ng mga makapangyarihan sa pangangamkam?
Gayon din naman ating tingnan kung tunay itong ating kalayaan marami pa ring nabubulagan, ayaw kilalanin dangal ng kapwa madalas tinatapakan dahil ang tunay na kalayaan ay ang piliin at gawin ang kabutihan kaya ito man ay kasarinlan dahil kumawala at lumaya sa panunupil ng sariling pagpapasya na walang impluwensiya ng iba kundi dikta ng konsiyensiya!
Larawan kuha ni G. Jay Javier sa Luneta, 2022.
Kalayaan at kasarinlan kung pagninilayan dalawang katotohanang nagsasalapungan kung saan din matatagpuan ang kabutihan, paglago at pagyabong ng ating buhay!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Mayo 2024
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Morong, Bataan, ika-15 ng Abril 2024.
Sana'y dinggin itong aking awit tungkol sa pananahimik na higit sa pagwawalang-imik o kunwari'y pagiging bingi bagkus pakikinig na mabuti sa bawat tinig dahil ang katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan; sa katahimikan tayo ay bumabalik sa ating pinagmulan namumuhay tulad nang sa sinapupunan nakikiramdam, lahat pinakikinggan dahil nagtitiwala kaya naman sa pananahimik tayo ay nakakapakinig, nagkaka-niig, higit sa lahat ay umiibig dahil ang tunay na pag-ibig tiyak na tahimik hindi ipinaririnig sa bibig kungdi kinakabig ng dibdib maski nakapikit dama palagi ang init!
Ganyan ang katahimikan, hindi lamang napapakinggan kungdi nararamdaman nakabibinging katotohanan kaya laging kinatatakutan ayaw pakinggan iniiwasan di alintana sa kahuli-hulihan katahimikan ang tiyak nating hahantungan magpakailanman kaya ngayon pa lang ating nang kaibiganin ang katahimikan, matutunang harapin at tanggapin tulad ng sa salamin tunay na pagkatao natin upang pabutihin, dalisayin sa katahimikan pa rin.
Larawan kuha ng may-akda sa Bgy. Kaysuyo, Alfonso, Cavite, 27 Abril 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Mayo 2024
Mga pasaherong nakasabit sa PUJ, kha ni Veejay Villafranca ng Bloomberg via Getty Images, Abril 2017.
(Isang tula aking nakatha sa inspirasyon ni Fr. Boyong sa pagninilay ng Araw ni San Jose, Manggagawa.)
Ngayong araw ng mga manggagawa ano nga ba aming ginagawa bilang halimbawa ng kabanalan at kabutihan sa paghahanap ng saysay at katuturan nitong buhay?
Kay saklap isipin walang kapagurang kayod ng karamihan habang kanilang sinusuyod alin mang landas maitaguyod lamang pamilyang walang ibang inaasahan, naghihintay masayaran mga bibig ng pagkaing kailangan di makapuno sa sikmurang kumakalam habang mga pari na nasa altar namumuwalan mga bibig sa lahat ng kainan at inuman, tila mga puso ay naging manhid sa kahirapan ng karamihan!
"Samahan mo kami, Father" sabi ng Sinodo na simula pa lamang ay ipinagkanulo nang paglaruan mga paksa sa usapan tinig at daing ng bayan ng Diyos hindi pinakinggan bagkus mga sariling interes at kapakanan, lalo na kaluguran siyang binantayan at tiniyak na mapangalagaan kaya si Father nanatili sa altar pinuntahan mayayaman silang pinakisamahan hinayaan mga kawan hanapin katuturan ng kanilang buhay.
Aba, napupuno kayo ng grasya mga pari ayaw na ng barya ibig ay puro pera at karangyaan mga pangako ay nakalimutan kahit mga kabalastugan papayagan puwedeng pag-usapan kung kaharap ay mayayaman pagbibigyan malinaw na kamalian alang-alang sa kapalit na ari-arian habang mga abang manggagawa wala nang mapagpilian kungdi pumalakpak at hangaan kaartehan at walang kabuluhang pananalita ni Father sa altar, kanyang bokasyon naging hanap-buhay.
San Jose, manggagawa ipanalangin mo aming mga pari maging tulad mo, simple at payak upang samahan aming mga manggagawa sa paghahanap ng kahulugan ng buhay kapiling nila. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 24 Marso 2024 Ikaapat na Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ni San Francisco Javier, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 20 Marso 2024.
Mula sa tanghaling tapat hanggang ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus, “ELOI, ELOI, LEMA SABACHTANI?” ibig sabihi’y “DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”
Mateo 27:45-46
Sa tagpong ito ating mababanaagan kadakilaan ng pagmamahal sa ating lahat ng Diyos, Siya na ganap, walang kapintasan at kakulangan (perefect) ay piniling maging katulad nating hindi ganap (imperfect) bilang tao sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan kay Kristo Jesus.
Pinili at mas inibig ng Diyos kay Kristo na maging tao upang maranasan hirap at sakit natin maging ang kamatayan, lalo’t higit ang magdusa at mamatay na nag-iisa at iniwanan ng lahat doon sa Krus.
Ano mang paghihirap at pagdurusa ay nagiging napakabigat kapag ika’y nag-iisa, na walang kasama ni karamay. Ito pinakamasaklap sa panahon natin ngayon maging sa ating bansa na dati rati’y walang mga bahay ampunan para sa matatanda ngunit nagyon ay naglipana na dahil sa maraming matatanda ang iniiwan, tinatalikuran di lamang ng mga kamag-anakan kungdi pati ng lipunan. Ito ang dahilan kung bakit si Santa Mother Teresa ay bumuo noon ng samahan na mag-aalaga sa mga tinaguriang “poorest of the poor” sa India nang makita niya maraming may-sakit sa Calcutta namamatay nang mag-isa. Hindi lamang ito totoo sa mga mahihirap na lugar kungdi maging sa mga mauunlad na lupain ay maraming matatanda ngayon ang namamatay na lamang ng mag-isa sa buhay.
Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, 2023.
Iyan man ay pinagdaanan ni Jesus lalo na noong ipinako siya sa krus na halos iwanan siya ng lahat. Sa labingdalawang alagad niya, naghudas ang isa habang ang pinuno naman nila ay ikinaila siya ng tatlong ulit kaya’t nagtago noon kasama ang iba pang mga alagad. Tanging si Juan na minamahal na alagad ang nanatili sa paanan ng krus ni Jesus kasama ang kanyang Ina na si Maria at ilan pang mga kababaihan.
Nasaan ang mahigit limang libong tao na pinakain ni Jesus sa ilang? Wala din doon ni isa sa mga pinagaling niyang mga may-sakit. Nawala at naglaho ang lahat ng tao na tuwang-tuwang sumalubong kay Jesus noong Linggo ng Palaspas.
Ngunit kailan man ay hindi naramdaman ni Jesus ang pagiging mag-isa doon sa Krus. Tulad ng sino mang mabuting Judio, dinasal ni Jesus noon ang Salmo 22, ang awit ng panaghoy, ng pagpapakasakit at buong pagtitiwala sa Diyos.
Ito ang mabuting balita ng pagkamatay ni Jesus sa Krus: mula noon tayong mga tao ay hindi na mag-iisa sa mga hirap at tiisin nitong buhay maging kamatayan dahil kasama na natin ang Diyos kay Jesus.
Ito ang ating consolation o consuelo, wika nga.
Mula sa dalawang katagang Latin na con (with) at solare (alone) na ibig sabihin ay samahan ang nag-iisa, naging pinakamalapit at tunay na kaisa tayo ng Diyos sa tuwing tayo ay nasa gitna ng mga tiisin at hirap sa buhay maging kamatayan dahil sa pagdamay sa atin ni Jesus doon sa Krus upang sa gayon sa kanyang muling pagkabuhay tayo man ay kanyang makasama at makaisa.
Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tiutukso.
Hebreo 2:18
Sa tatlong taon kong pagiging chaplain sa Our Lady of Fatima University at Fatima University Medical Center, nakita ko at naranasan sa maraming pagkakataon paano mga tao – bata man o matanda, mahirap at mayaman, may sakit o karamdaman maging mga malalakas at malusog ang pangangatawan – ay nararanasan ang pangungulila at pag-iisa sa gitna ng kanilang mga paghihirap at pagdurusa sa buhay. Marami sa kanila ang mag-isang umiiyak kasi maraming ginagawa o nasa kung saan-saan kanilang mga mahal sa buhay. Maraming pagkakataon nga naitatanong ko na lang kung mayroon pa bang umuuwi ng bahay o nakatira sa kanilang tahanan? Is anybody still home?
Larawan ng convolvulus tricolor mula BBC Gardeners World Magazine.
Halina at ipagdasal ang bawat isa, lalo na yaong mga nahihirapan, nagtitiis ng mag-isa sa buhay:
Diyos Amang mapagkalinga, ibinigay mo sa amin ang Iyong Anak na si Jesus upang aming maranasan Iyong pag-ibig at habag, ang Iyong pagpapagaling at pagkandili, ang Iyong kapanatilihan at kapayapaan upang hindi na kami mag-isa pa sa buhay na ito; maalala nawa naming palagi na kung kami man ay dumaraan sa napakatinding pagsubok sa buhay na tila nag-iisa at walang karamay, naroon si Jesus pinakamalapit sa amin dahil Siya ang unang nagpakasakit at namatay doon sa Krus para sa amin. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Marso 2024 Ikalawang Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may-akda sa Mirador Jesuit Retreat House sa Baguio City, Agosto 2023.
Ang ikalawang wika ni Jesus sa Krus:
Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw may pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “JESUS ALALAHANIN MO AKO KAPAG NAGHAHARI KA NA.” Sumagot si Jesus, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”
Lukas 23:39-43
Muli ay ating namnamin ikalawang wika ni Jesus doon sa Krus pagkapako sa kanya. Nauna niyang sinambit ay kapatawaran; ngayon naman kanya itong sinundan ng pangako ng langit o paraiso.
At iyon ay agad-agad na, ora mismo! Wika nga ng mga bata, “now na”! Hindi mamaya pagkamatay nila ni Jesus o sa Linggo sa kanyang pagkabuhay. Malinaw na sinabi ni Jesus kay Dimas, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”
Tantuin ninyo mga ginigiliw ko na sa ebanghelyo ayon kay San Lukas, namutawi lamang sa mga labi ni Jesus ang pangakong ito ng paraiso noong siya ay nakabayubay sa krus at hirap na hirap. Wala siyang pinangakuan ng langit nang siya ay malaya at malakas na nakakagalaw, naglilibot at nangangaral.
Alalaong-baga, pumapasok tayo sa langit kasama si Jesus sa sandaling kasama din niya tayong nagtitiis, nagdurusa, nagpapakasakit dahil sa pagmamahal doon sa Krus!
Ang krus ang pintuan papasok sa langit o paraiso.
Madalas naiisip natin kapag nabanggit o narinig ang katagang langit at paraiso ay kagalakan, kawalan ng hirap at dusa. Basta masarap at maayos sa pakiramdam, langit iyon sa atin. Kaya mga addict noon at ngayon kapag sila ay sabog at nasa good trip, iyon ay “heaven” dahil wala silang nadaramang problema at hirap sa buhay.
Larawan kuha ng may akda, 2023.
Kaya hindi rin kataka-taka na ang gamot nating laging binibili ay pain killer – konting sakit ng ulo o kasu-kasuan, naka-Alaxan kaagad. Noong dati ay mayroong shampoo na “no more tears” dahil walang hilam sa mata.
Gayon ang pananaw natin sa langit. At tumpak naman iyon kaya nga sa pagbabasbas ng labi ng mga yumao, dinarasal ng pari, “Sa paraiso magkikitang muli tayo. Samahan ka ng mga Santo, kahit mayroong nauuna, tayo rin ay magsasama-sama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama. Amen.”
Nagmula ang salitang paraiso sa katagang paradiso na tumutukoy sa kaloob-loobang silid ng hari ng Persia (Iran ngayon) kung saan tanging mga pinagkakatiwalaang tao lamang ang maaring makapasok kasama ang royal family. Kaya nang isalin sa wikang Griyego ang mga aklat ng Bibliya, hiniram ang katagang paradiso ng mga taga-Persia at naging paraiso upang tukuyin ang langit na tahanan ng Diyos na higit pa sa sino mang hari sa mundo.
Ngunit, katulad ng silid na paradiso ng hari ng Persia, hindi lahat ay basta-basta na lamang makakapasok ng paraiso. Alalahanin nang magkasala sina Eba at Adan, pinalayas sila ng Diyos at mula noon ay nasara ang paraiso; muli itong nabuksan kay Kristo nang sagipin niya tayo doon sa krus na nagbunga sa pagwawalang-sala sa ating mga makasalanan. Dahil sa krus ni Jesus, tayo ay naging karapat-dapat patuluyin sa paraiso. Sa tuwing ating tinatanggap ang krus ni Kristo, tayo ay nagiging tapat sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Noon din tayo pumapasok ng paraiso.
Sa panahong ito na wala nang hanap ang karamihan kungdi sarap at kaluguran, ipinaaalala sa atin ni Jesus sa ikalawang wika na ibig niya tayong makapiling ngayon din sa paraiso kung tayo ay mananatiling kasama niya sa pagtitiis at pagpapakasakit sa ngalan ng pag-ibig sa Diyos at kapwa.
Sa panahong ito na dinidiyos masyado ang katawan at sarili upang maging malusog, malakas at kung maari ay manatiling bata at mura ang edad, pinapaalala ni Jesus sa kanyang ikalawang huling wika sa krus na sino mang nasa banig ng karamdaman pati na yaong mayroong kapansanan ay unti-unti na ring pumapasok ng langit ngayon din sa kanilang tinitiis na hirap at sakit.
Sa panahong ito na lahat ay pinadadali at hanggat maari iniiwasan ano mang hirap at dusa, pinapaalala ni Jesus sa kanyang ikalawang huling wika na sa ating pagsusumakit sa maraming tiisin at pasanin sa buhay na ito, noon din tayo pumapasok sa paraiso kahit na kadalasan ito ay nagtatagal sa paghihintay.
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Noong pandemic, natutunan natin na hindi lahat ng tinuturing ng mundo na negatibo ay masama kasi noong mga panahong iyon, iisa ating dasal tuwing tayo ay sasailalim ng COVID test na sana ay “negative” tayo, hindi ba? Noon natutunan natin yung negative ay positive. At iyon mismo ang kahulugan ng krus ni Kristo!
Para sa atin, ano mang mahirap, masakit tulad ng krus ay negatibo ngunit kung tutuusin, ang krus ay hugis positibo o “plus sign” (+) at hindi minus (-); kaya, ano mang hirap at pagtitiis sinasagisag ng krus ay mabuti dahil hindi ito nakakabawas bagkus nakapagdaragdag sa ating pagkatao na naghahatid sa atin sa kaganapan at paglago. Sa suma total, eka nga, sa paraiso!
Ang mga tiisin at pagsubok sa buhay ang nagpapatibay at nagpapabuti sa atin upang maging karapat-dapat makapasok sa paraiso at makapanahan ang Haring magpakailanman – ngayon din, ora mismo, now na!
Kaya, manalangin tayo:
Panginoong Jesus, bago pa man dumating lahat nitong aming tiisin at pasanin sa buhay, nauna ka sa aming nagtiis at nagpasan ng krus noong Biyernes Santo; nauna kang nagpakasakit at namatay noon sa Krus dahil sa pagmamahal sa amin; kaya, patatagin mo ako sa aking katapatan at pananampalataya sa Iyo upang manatiling kaisa mo sa krus ng kalbaryo ng buhay upang ngayon din Ikaw ay aking makapiling, makasama sa Paraiso. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Marso 2024 Unang Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may-akda, 2019.
Ang Unang Wika ni Jesus:
Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Jesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuutan ang mapupunta sa isa’t isa.
Lukas 23:33-34
Kay sarap isipin at namnamin na ang kauna-unahang mga salita na sinabi ni Jesus nang ipako siya ay krus ay ang kapatawaran sa ating mga kasalanan. Hindi lamang doon sa mga mismong nagpako sa kanya sa krus kungdi sa ating lahat ngayon na patuloy pa rin siyang ipinapako sa krus “sapagkat hindi natin nalalaman ating ginagawa.”
Ano nga ba iyong sinasabi ni Jesus na patawarin “sapagkat hindi nila nalalaman kanilang ginagawa”?
Sa kaisipan ng mga Judio, ang “malaman” ay hindi lamang matanto ng kaisipan ano mang data o impormasyon kungdi galaw ng puso at kalooban na pumasok sa pakikipag-ugnayan. Ang malaman ay magkaroon ng ugnayan bilang kapwa-tao sa isa’t isa.
Nang sabihin ni Jesus na “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa”, ipinaaalala din niya sa ating lahat ang katotohanang dapat malaman natin na tayo ay magkakapatid sa kanya, iisang pamilya sa Diyos na ating Ama.
Sa tuwing sinisira natin ang ating mga ugnayan bilang magkakapatid, sa kada pagbale-wala natin sa bawat tao na tinuturing bilang kasangkapan at gamit para sa sariling kaluguran at kapakinabangan ng walang pag-galang at pagmamahal, doon tayo nagkakasala dahil pinuputol natin ating mga ugnayan.
Madalas, iyan ang hindi natin alam kapag ating inaabuso ating tungkulin at kapangyarihan na dapat ay pangalagaan kapakanan lalo ng mga maliliit at mahihina.
Nagkakasala tayo at hindi natin alam ating ginagawa kapag ating nilalapastangan ating mga magulang lalo na kapag matanda na at mahina o hindi makarinig; kapag sinasaktan ating mga kapatid sa masasakit na pananalita at ating pilit ibinababa kanilang pagkatao.
Hindi rin natin alam ating ginagawa sa tuwing tayo ay sumisira sa pangakong magmahal sa asawa at kasintahan, kapag tayo ay nagtataksil o nagbubunyag ng sikretong ipinagkatiwala sa atin at tayo ay nagiging plastik sa harap ng iba.
Pinakamasaklap sa mga hindi natin nalalaman ating ginagawang masama ay kapag nawalan tayo ng pag-asa at kumpiyansa sa mga mahal natin sa buhay kaya sila ay atin pinababayaan, ni hindi pinapansin o bigyang-halaga dahil sa paniwalang hindi na sila magbabago pa ng ugali o hindi na gagaling pa sa kanilang sakit at karamdaman lalo na kung matanda na at malapit nang mamatay.
Ngayong mga Mahal na Araw, isipin natin mga tao na ating nasaktan sa ating salita man o gawa dahil ating nalimutan o kinalimutan ituring kapatid at kapwa.
Sinu-sino din ang mga tao na nagpapasakit sa ating kalooban dahil hindi nalalaman kanilang ginagawa? Manalangin tayo:
Ipagpatawad po ninyo, Panginoong Jesus aking pagpapako sa iyo muli sa krus sa tuwing hindi ko nalalaman aking ginagawa, kapag aking nililimot at tinatalikuran itong pangunahing katotohanan na igalang at mahalin bawat kapwa; ipinapanalangin ko sa Iyong habag at awa mga tao na aking sinaktan at tinalikuran lalo na yaong mga binigay mo sa akin tulad ng aking pamilya at kaibigan at mga dapat pangalagaan; ipinapanalangin ko rin sa Iyo, O Jesus, yaong mga nanakit sa aking damdamin, tumapak at yumurak sa aking pagkatao na hanggang ngayon aking pa ring ibig paghigantihan. Panginoong Jesus, huwag ko nawa malimutan na kami ay magkakapatid, magkakaugnay sa iisang Ama na siyang sinasagisag ng Iyong Krus na Banal. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Pebrero 2024
Larawan kuha ni G. Red Santiago ng kanyang anak, Enero 2020, Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan.
Pangunahing hiling ng mga tao sa aming mga pari ay panalangin, na sila ay ipagdasal sa kanilang iba’t-ibang mga pangangailangan. Ito ay dahil inaasahan – at dapat lamang – na kaming mga pari ay palaging nananalangin.
Kaugnay nito ay madalas din silang magtanong paanong magdasal at marami pang iba’t-ibang bagay ukol sa pananalangin. Kaya sa diwa ng panahon ng Kuwaresma kung kailan tayo hinihikayat linangin ating pananalangin, narito ilang mga pagmumuni-muni ko tungkol sa pagdarasal na aking napagtanto at natutunan mula nang pumasok ako ng seminaryo noong 1991 hanggang sa maging pari ng 1998 hanggang sa ngayon.
Una, walang maituturing na dalubhasa o eksperto sa pagdarasal. Tunay nga sinabi ni San Pablo, “tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita” (Rom. 8:26).
Larawan kuha ng may-akda, Our Lady of Fatima University, Valenzuela, Nobyembre 13, 2023.
Kaya naman totoo kasabihang sa oras na ikaw ay nanalangin, sinagot na rin ng Diyos iyong mga dasal kasi ikaw ay nagdarasal. Kapag tayo nagdasal, tumugon tayo sa Diyos tawag niyang makaisa Siya. Noong kami ay high school sa seminaryo, iyon unang tinuro sa amin ni Fr. Danny Delos Reyes, aming Rektor: “Prayer is talking to God who has always been speaking to man.” Kaya sa oras na tayo ay nagdasal, purihin ang Panginoon dahil tumalima tayo sa Kanya!
Higit itong totoo kapag ating binabasa at pinagninilayan ang Kanyang mga salita sa Banal na Kasulatan. Sa Banal na Kasulatan, personal nakikipag-usap sa atin ang Diyos gamit ang salita ng tao. Kaya sino mang ibig na tunay lumalim sa buhay panalanign at buhay espiritwal, kinakailangang magkaroon ng personal na bibliya at daily bible guide upang masundan mga pagbasa. Sabi ni San Geronimo, ang kamangmangan sa Banal na Kasulatan ay kamangmangan kay Kristo.”
Ikalawang katotohanang nabatid ko sa pagdarasal ay kaugnay nito: hindi tayo ang susukat at susuri ng ating pananalangin kungdi Diyos. Madalas kasi maranasan natin lalo na sa mga nagsisimula pa lamang manalangin na ikumpara ating mga pagdarasal sa bawat araw kapag ating sinasabi “bakit dati madali at magaan pakiramdam ko”, “bakit ngayon parang hirap ako magdasal” o “parang walang saysay aking pananalangin”.
Hindi madaraan sa damdamin o feelings ang pagdarasal.
Malaking pagkakamali na akalain nating mga oras na tayo ay tuwang-tuwang o masarap ang pakiramdam sa pagdarasal ay tama at wasto ang pananalangin na samakatwid ay kinasihan ng Diyos ating pagdarasal. Hindi po totoo iyan.
Magugulat pa tayo na ang katotohanan ay kabaligtaran niyan dahil kung kailan tayo hirap magdasal, mas malamang naroong tunay ang Diyos! Sabi ng aking Heswitang Spiritual Director noon sa Cebu si Fr. Shea, The most difficult prayer period is actually the most meritorious. Kapag tayo ay dumaranas ng hirap sa pagdarasal na kung tawagin ay “spiritual dryness” na parang hindi tayo pansin ng Diyos o kaya hirap lumapit sa kanya, ito ay palatandaan ng paglalim sa pananalangin. At maaring tanda ng pagkilos ng Diyos na tayo ay inaakay sa mas matalik na ugnayan sa Kanya sa larangan ng pagdarasal.
Larawan kuha ng may-akda, Oktubre 2022.
Ikatlo, ang pananalangin ay pakikipag-isa sa Diyos o communion. Kaya hindi naman mahalaga masabi natin lahat ng ibig natin sa Diyos kungdi higit na mahalaga ay ating mapakinggan sinasabi sa atin ng Diyos.
Kaya tayo nagdarasal hindi upang humingi ng humingi sa Diyos ng kung anu-ano kungdi upang Siya ay makaisa, malaman kanyang kalooban para sa atin. Kung tutuusin, hindi na nating kailangan pang humingi sa Diyos ng kung anu-ano dahil alam na niya pangangailangan natin.
Sapagkat alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo manalangin: “Ama naming nasa langit…”
Mateo 6:8-9
Samakatwid, ang pananalangin ay upang higit nating makamit ang Diyos mismo! Siya ang dapat nating hangarin palagi sa pagdarasal, hindi mga bagay.
Kapag mahal mo sino mang tao, palagi mo siyang kinakausap, sinasamahan upang makapiling. Siya ang ibig mo, hindi gamit o pera o kayamanan niya. Ganoon din sa pananalangin – kung mahal nating tunay ang Diyos, mananalangin tayo palagi sa kanya upang sa tuwina Siya ay makapiling.
Larawan kuha ni Bb. JJ Jimeno sa Holy Sacrifice Parish, UP Diliman, QC, Mayo 2019.
Ikaapat, ang mga bumabagabag sa ating pagdarasal ay hindi tukso mula sa demonyo kungdi mas malamang, mga tulong at gabay ng Espiritu Santo tungo sa higit na mabungang pagdarasal.
Napansin ko iyan noong dati na kapag ako ay bagabag o aligaga sa pagdarasal, kung anu-anong pumapasok sa aking isipan, kadalasan ang mga iyon ay isyu sa aking sarili na pilit ko iniiwasan o binabale-wala; sa pagdarasal, lumalantad mga iyon na tila baga sinasabi ng Diyos sa atin, harapin mga isyu natin sa sarili bago Siya matatagpuan.
Hindi istorbo ang pagsagi ng sino mang kaaway sa iyong pagdarasal kungdi paanyaya na ayusin inyong di pagkakaunawaan. Kung palaging laman ng iyong isipan ay kahalayan o karangayaan o ano pa man, ang mga iyan ay isyu na dapat mong pagdasalan upang maharap at malunasan.
Hindi nating mararanasan ang Diyos nang lubusan sa pagdarasal habang tayo ay puno ng maraming bara sa espiritu at kaluluwa tulad ng mga tao na mayroon tayong problema, mga nararamdamang poot at galit, kahalayan at iba pang mga pagnanasa. Alisin muna mga bara sa ating espritu at kaluluwa, maginhawang dadaloy biyaya ng Espiritu Santo sa ating sarili at buhay.
At ikalima, ang pananalangin ay disiplina. Dahil ang pagdarasal ay pagpapahayag ng ating ugnayan at relasyon sa Diyos, kailangan nating maging tapat sa pakikipagtagpo sa Kanya.
Tulad ng mga magsing-ibig, magkaroon ng regularidad na pakikipagtagpo sa Diyos sa panalangin. Huwag humanap ng panahon bagkus gumawa ng panahon gaya ng ating gawi sa mahal natin sa buhay. Iyon ang nawika ng lobo sa Little Prince na kung regular silang magtatagpo tuwing alas-4:00 ng hapon, alas-3:30 pa lamang ng hapon aniya ay mananabik na siya!
Nasa ating sarili kung anong oras tayo makapagdarasal. Ang mahalaga ay kaya nating pangatawanan ano mang oras ating itakda para sa Panginoon.
Pati ang lunan din ay mainam na regular. Napansin ko ito nang maging pari ako, ilang ulit ako bumalik sa Jesuit Retreat House sa Cebu kung saan kami nag-30 day retreat noong 1995 bago magthird year sa theology. Pinilit kong magdasal sa ibang bahagi ng retreat house na hinangad kong pagdasalan noon pero hindi ako napalagay. Ngunit nang manalangin ako sa dating mga lugar na kung saan ako nagdasal noong 1995, sadya namang “mabunga” ika nga sa ilang ulit na balik ko doon noong 2002, 2003 at 2004. Ganoon din karanasan ko nang lumipat ako sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches para sa taunang personal retreat ko mula 2015.
Alalaong-baga, mayroon tayong isang “Bethel” tulad ni Jacob kung saan nagpakilala sa kanya ang Diyos nang tumatakas siya noon sa kanyang kapatid na si Esau (Gen. 28:10-22) at naiman na manatali doon hanggat hindi tayo inaaya ng Panginoon sa ibang lugar.
Hangga’t maari tungkol sa lunan ng pananalangin, piliin yaong tahimik at angkop sa pagdarasal tulad ng simbahan o adoration chapel kung saan maaring magdasal sa harapan ng Santisimo Sakramento.
Bilang pangwakas, alalahaning palagi na personal nakikipag-ugnayan sa atin ang Diyos kaya personal din tayo tumugon sa Kanyang paanyayang makipag-ugnayan tulad ng ginagawa natin sa sino mang kapwa natin.
Sa lahat ng ugnayan mayroon tayo, bukod tanging ang sa Diyos ang pinakamabuti sa lahat dahil kailanman hindi Niya tayo iiwanan at tatalikuran. Diyos lang tanging nagmamahal sa atin ng tunay kaya binigay Niya sa Atin bugtong Niyang Anak na si Jesus na naglapit sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sana nakatulong mga ito sa inyong pagdarasal. Kung hindi naman, ay huwag nang pansinin. Sumulat kayo sa akin dito o sa aking email para sa karagdagang mga katanungan o paliwanag (lordmychef@gmail.com).
Patuloy manalangin at yumabong sa Panginoon natin! Amen.