Para sa henerasyon ngayon wala sa kanilang isipang puntahan ni pasyalan mga perya at karnabal ng kabukiran; katawa-tawa at walang kuwenta sa kanila ang sumakay sa tsubibo at ruweda, panoorin mga salamangkero at payaso at mas gusto maglaro ng mga video.
Mga dambuhalang kahon ng sapatos na ginawang pamilihan, tinaguriang mall naging pasyalan kung saan natatagpuan pinagtatawanang perya at karnabal ng kabukiran naging sosyal na pasyalan ng mga kabataan.
Ngunit hindi alintana, lingid sa mga mata higit katawa-tawa mga pormahan at pasiklaban masahol pa sa mga peryaan at karnabal ating kalagayan nang mismo ating buhay naging isang malaking palabas na lamang mistulang mga salamangkero at payaso na rin tayo inaasam-asam ay palakpakan at hangaan.
Saan man pumunta ay kapuna-puna tila ang lahat nang-aagaw pansin ibig sa kanya lamang nakatingin kaya anu-ano gagawin, iba-iba sasabihin pananamit at asta di mawari ngunit kung susuriin, agad mabubuking parang ampaw, wala kungdi hangin.
Hindi na ba natin napapansin nangyayari sa atin saan man tumingin tila lahat nagiging palabas na lamang walang laman ni kahulugan mga pinagtutuunan; nahan ang kadluan ng karunungan at kabutihan na pinabayaang matuyuan maubusan ng katangiang kapitag-pitagan?
Walang nasasagwaan ni kinikilabutan pangangalandakan ng kapalaluan at kawalang kabuluhan loob kinalimutan, panlabas pinahalagahan perya at karnabal di na nga pinupuntahan dahil tayo na mismo ang katatawanan! Hindi ba natin alam iyan ang malagim na katotohanan dapat tayong kabahan kung di sumasagi sa ating kalooban?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2019
Relasyon at ugnayan hindi emosyon at damdamin ang sabi natin na pangunahin turo sa atin ng talinhaga ng alibughang anak.
Kay gandang larawan ng Diyos ang nakintal sa ating puso't isipan nang ilahad ng mahabaging ama sa dalawang anak niya na sila ay iisang pamilya, binibigkis ng buhay na mula sa kanya.
Ano mang kasalanan ay mapapatawad maging kamatayan ay malalampasan nitong habag at awa ng Diyos na ibinuhos kay Kristo Hesus para sa ating mga alibughang anak niya.
Ganyan ang habag at awa ng Diyos bilang Ama na dumadaloy din mula sa kanyang pagiging ina nang mawika niya, "hindi kita malilimutan kailanman katulad ng isang ina sa kanyang anak na mula sa kanyang sinapupunan."
Para sa kanilang kaisipan, ang habag at awa ay "hesed" --- damdaming napaka-lalim gaya ng pag-ibig nagpapahiwatig ng maka-amang katapatan at pananalig.
Nagmumula ito sa sinapupunan o "raham" --- yaong matris ng kababaihan na siyang kanlungan ng simula ng buhay, lundo ng katuwaan pagsapit ng kagampan kapag napawi mga agam-agam, pagsilang ng bagong buhay.
Kapag umiiral habag at awa sa ating buhay doon tayo buong-buo sa pagkatao nagiging ganap at banal tulad ng Diyos puno ng buhay at pagmamahal.
Kaya't kapag mga patayan ay naglipana at pagkitil sa buhay ang nakikitang paraan upang lunasan maraming kasalanan at kasamaan nasisira ating kapatiran, di maglalaon, tayo ang mababaon.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Hulyo 2019
Lumang kalsada, may 300 taon bago sinilang si Kristo, patungong Petra sa Jordan. Larawan kuha ng may akda noong 01 Mayo 2019.
Matagal ko nang napatunayan Na totoo nga ang kasabihang Isang paglalakbay itong buhay; Ngunit nitong kamakailan lamang Aking napagnilayan ang higit na katotohanan.
Higit na mahalagang malaman Hindi ang landas na daraanan Na wala namang nakakaalam Kungdi sino ang yaring kasamang Makakasabay na aagapay at aalalay.
Tunay nga na isang paglalakbay ang buhay Ngunit hindi ito isang destinasyon na patutunguhan Kungdi isang direksiyon na dapat sundan Kaya ang tinuran ni Hesus noong Huling Hapunan "Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay".
Maaring maraming lugar tayong narating At marahil marami pa ang mararating Ngunit kung hindi nababago pagkatao natin Para din tayong hindi umalis at walang narating Bagkus nanatili dahil mag-isa pa rin.
Paglalakbay palabas ng sarili ang buhay Sapagkat ang hinahanap nating katuturan at kahulugan, Kailanma'y hindi matatagpuan sa ating sarili lamang O saanmang lunan kungdi sa mukha ng bawat kapwa Na katulad at kapatid natin sa yaring buhay paglalakbay.
Larawan ay kuha ni John Bonding ng Architecture & Design Magazine, 25 Mayo 2019. Mula sa Facebook.
“Sir…o kaya’y ma’am” marahil ang bati Niyang marahan.
“Ibig ko po sanang mag-apply bilang inyong tauhan
Diyan sa inyong puso at kalooban
Na tila baga laging nabibigatan at sugatan.”
“Ang dami-rami mo nang naging mga bossing
Kaya mga utos di matalos pulos naman galos ang iyong tantos;
Subukan mo naman akong ika’y pagsilbihan
Diyan sa iyong puso at kalooban, di kita sasaktan, peksman.”
“Hindi ako magpapahinga maski ika’y kapusin ng hininga
Araw gabi ako ang iyong karamay sa lahat ng iyong away
Gagabay sa iyong mga pagpapasya at desisyon na agaw-buhay
Hindi kita bibigyan ng rason para dumaing o manghinayang.”
“Sa aking sasahurin, huwag nang alalahanin
Dahil isa lang naman ang aking hiling:
Pangakong ako lang ang iyong mamahalin at susundin
Asahan mo walang tigil na dating ng pag-ibig at pag-ibig pa rin.”
Ano pa ba ang ating mahihiling
Kung ganito ang mamamasukan sa atin?
Aba, ay atin nang tanggapin
Itong Panginoong Hesus na piniling maging ating alipin!
Aming larawan noong Abril 2017 ng pag-iistasyon ng Krus sa Jerusalem patungo sa Simbahan ng Holy Sepulcher kung saan ipinako at muling nabuhay sa Hesus. Isang napaka-gandang karanasan ng pag-ibig ng Diyos sa atin na madarama mo ng personalan sa Holy Land.