Ang ating kamukha

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Oktubre 2019

Mula sa Google.
Todos los Santos na naman
at kay laking kabaligtaran
naka-ugalian ng karamihan
ipagdiwang mga aswang at katatakutan
sa halip na mga banal at kanilang kabutihan.
Dati-rati nama'y hindi laganap
sa ating kapuluan banyagang kaugalian
pagdiriwang ng Halloween na nasira
tunay na kahulugan sa kaisipan ng mga
makamundong taga-kanluran.
Halloween ang taguring na nagmula sa 
pinagsamang "hallowed evening"
na kahuluga'y "gabi ng mga banal"
ngunit pilit binabalikan ng mga hangal
maling paniniwala noon pa napasinungalingan.
Akala ng mga paganong Druids 
ng Scotland at Wales sa Bretanya noong unang-una
lumilitaw sa lupa tuwing katapuasan ng Oktubre
mga impakto at masasamang espiritu
upang makabihag ng mga tao.
Nagdaramit sila at nag-aayos na nakakatakot
parang multo, kamukha ng mga lamang lupa
sa paniniwalang malilito mga impakto na sila'y kasamahan
kampon ng kadiliman at kasamaan
kaya sila iniiwan at hindi sinasaktan.
Photo by Pixabay on Pexels.com
Maraming Kristiyano hindi ito nalalaman ni nauunawaan
nakalimutan pangunahing katotohanan ating pinananaligan
nang pumarito si Hesu Kristo, kanya nang tinalo
kapangyarihan ng demonyo
nang pumaroon siya sa dako ng mga yumao.
Nang mabuhay mag-uli ang Panginoong Hesu Kristo
napanibago niya buong sangnilikha
higit sa lahat, muli nating nakamukha
Diyos Ama sa ati'y lumikha,
tiniyak ating tahahanan sa piling niya sa kalangitan.
Bakit nga ba ikaw, Kristiyano
ang siya pa ngayong lito at sadyong lilo
mas ibig pag makamukha mga impakto at demonyo
nakukuha pa ninyong matuwa at ikagalak
mga anak ninyong mukhang tiyanak?!
Akala ba ninyo demonyo ang mga nalilito 
sa inyong pagbibihis at pag-aanyong multo?
Hindi ba ninyo batid kayo ang nalilinlang
sa pagdaramit at pag-aayos ng hunghang
at magtataka pa kayo asal ng inyong anak parang animal?
Madalas kay hirap unawain mga gawi natin 
na katakutan kabutihan at katuwaan ang kasamaan;
sadya nga bang atin nakalimutan
dakilang karangalang tayo'y nilalang
katulad at kawangis ng mabuting Maykapal?
Diyos ang kamukha natin
kanyang liwanag sana'y mabanaagan din sa atin
upang maghatid ng kagalakang bumubukal
sa malinis at magandang kalooban
lipos ng kabanguhan ng kabutihan at kadalisayan.

Salamat po, Birhen ng Santo Rosario

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 07 Oktubre 2019

Larawan ay kuha ni Rdo. P. Gerry Pascual sa Basilica of the National Shrine of the Immaculate Conception, Washington, DC, 09 Setyembre 2017 .
Maraming salamat,
mahal naming Ina,
Birheng Maria sa iyong pagsama
sa amin tuwina
ngayong inaala-ala
iyong himala
sa pakikipag-digma ng mga Kastila
sa Look ng Lepanto
dinarasal iyong Santo Rosario.
Kay sarap namnamin
damang-dama namin
sa bawat butil ng Rosario
pakikiisa mo sa amin
upang higit naming sundin
butihin mong anak
at Panginoon namin
na siyang kapanatilihan
ng Diyos sa piling amin.
Dahil kay Kristo Hesus
na isinilang mo sa amin,
Panginoong Diyos naging kapiling namin
palaging dumarating
maging sa gitna
ng mga unos at sigwa
nitong karagatan
ng buhay namin
tumatawag para kami ay sagipin.
Mula sa panganib
ng karagatan at latian
hanggang sa katihan
kailanman ay hindi kami
iniwan ni Kristo Hesus
na iyong isinilang
upang kami ay pangunahan
pabalik sa aming tahanan
doon sa kalangitan ikaw ngayon nakapisan.
Maraming salamat
Mahal naming Ina
Birheng Maria
nawa amin kang matularan
si Hesus ay masundan
sa nakakatakot na karagatan
at kapanatagan ng kapatagan
kanyang mukha sa ami'y mabanaagan
kami rin mismo maging misteryo ng iyong Santo Rosario.

Ang mabuting balita ng karukhaan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 04 Oktubre 2019

Mula sa Be Like Francis Page sa Facebook.
Minsan daw ay nagimbal
kaibigang Kardinal ni San Francicso
na banal
nang kanyang malaman
dukha nilang pamumuhay
na sa kanyang palagay
labis na kahirapan hindi naman
dapat nilang pagdaanan.
Katuwirang ipinaliwanag
ni San Francisco kay Kardinal Hugolino
kay gandang pagnilayan
sa malalim nitong kahulugan:
"kung tayo'y maraming kayamanan,"
aniya ng ating banal
"kakailangan din natin mga sandata
upang mga ito'y ipaglaban at pangalagaan."
Sa kanyang isipan 
at banal na kalooban,
ang pag-ibig ay namamatay
kapag tao'y nagkamal maraming ari-arian;
hanapin kanyang paliwanag
kung masasagot kanyang mga katanungan
na tila bugtong di lamang sa isipan
kungdi pati na rin sa puso at kalooban:
"Mapagnanakawan mo ba
na tao na walang ano man?
Maari mo bang gutumin
ang nag-aayuno?
Mayroon ka bang sisirain
sa taong namumuhi
sa parangal at pagkilala?
Ano nga ba magagawa sa taong aba at dukha?"
Para kay San Francisco
ang mga dukha ang tunay na malaya
kayang ipaubaya lahat
pati sarili sa Bathala
upang makagawa
ng kabutihan sa kapwa
na siyang simula ng ating kapatiran
at ugnayan pati sa kalikasan.
Mula sa Reuters.
Sa ating panahon ngayon
karukhaan ay pinag-uusapan
batay sa kawalan
ng ari-arian na kabaligtaran
ng kung ano mayroon
ang mayayaman na kadalasan
mga bagay nabibilang
at nabibili gaya ng kapangyarihan.
Ngunit kung ating pagninilayan
ano mang mayroon ang mayaman
ay wala pa rin o "NOTHING"
kung Inglesin natin
dahil ang higit na mahahalaga
ay hindi nakikita
ni nabibili o nabibilang
gaya ng pera at iba pang kayamanan.
Gayun din naman
hindi masasabi ng sino man
na siya ay dukha
at "walang wala" ika nga
dahil kung tutuusin natin
ang lahat ay palaging mayroon pa rin
o "SOMETHING"
kung Inglesin din natin.
Harinawa'y mapagtanto natin
sa pagdiriwang ng kapistahan
ni San Francisco na butihin
ito mismong buhay natin
ay dakilang kayamanan
na dapat ipagpasalamat natin
sa karukhaan ng loobing maialay
gaya ng Panginoon Hesus natin.
Ang Krus ng kapilya ng San Damiano na isinaayos ni San Francisco batay sa tinig na kanyang narinig habang nananalangin doon.


	

Bakit nagkaganito buhay natin?

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Setyembre 2019

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.



Isang gabi pagkaraang magdasal at magnilay
kinailangang pansinin at sagutin
isang nagtext sa akin:
kanyang tanong ay napakalalim
bumaon din sa aking loobin.
Aniya'y, "bakit nagkaganito ang buhay namin?"
isang tanong tumimo sa akin
marahil ilang ulit din sa inyo dumating
nakaka-praning, ang hirap sagutin
bagkus maraming katanungan pa rin.
Ang hirap naman kasi sa atin
kapag maganda buhay natin
dinaraanang landasin ayaw suriin
sa pag-aakalang kasiyahan magpapatuloy pa rin
hindi alintana lahat lilipas din.
Kapag ito ang naitatanong natin
mas malamang mga salarin
ng suliraning kinalalagyan natin
tiyak hanggang ngayon ay mga tulog at lasing pa rin
hindi kayang aminin ni tanggapin kanilang pagkukulang din.
Kaya kung ikaw ay nagtatanong
"bakit nagkanito buhay natin?"
tiyak ikaw ay gising at higit na mapalad pa rin
iyong maaapuhap balang araw dahilan
nitong hantungang hindi para sa atin.
Mga taong nagpapasakit sa atin
kadalasan maraming sugat at sakit na dalahin
sadyang kaawa-awa kung tutuusin
ni hindi nila batid bakit nagkanito buhay natin
sigaw ng kanilang loobin sila'y pansinin at saklolohan natin!
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.

Relasyon, hindi emosyon

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Setyembre 2019

Maraming salamat, Rdo. LA Bautista sa kanyang pagninilay para sa Misa kahapon.
Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak ni Rembrandt. Mula sa Google.
Hindi ko pa rin mapigilan 
pagnilayan at namnamin
kahulugan ng talinhaga ng
alibughang anak at ama niyang mahabagin.
Ugnayan at relasyon, hindi emosyon
batayan ng Mabathalang awa at habag
ang siyang tinuturo ng Panginoon
dapat sana tayo ay magkaroon.
Kapag namamalas natin tanawing hindi nakagigiliw
tulad ng mukhang nahahapis at tumatangis,
kapansanang nakahihindik o kapalarang mapait
ating damdami'y naaantig, kaya tayo ay naaawa.
Ngunit, wala naman tayong magawa kungdi lumuha
at kung mayroon man maibibigay, kaunting barya ay tama na;
kaya naman kung hapis sa kalooban ang tinitiis
hindi natin ito pansin kaya kahirapan ng iba ating pang diniriin.
Ito ang masaklap nating nakakalimutan
Katulad ng magkapatid sa talinhaga na kapwa alibugha:
Dahil sa kanilang pagkagumon sa mga kayamanan
Ugnayan nila sa ama at isa't-isa, nawalang tuluyan.
Masdan at namnamin, sinasabi ng Ama sa atin,
"Anak, lagi kitang kapiling; lahat ng akin ay sa iyo rin.
Dapat tayo magsaya at magalak kapag inyong kapatid
Ay nagsisisi at nagbabalik" (Lk.15:31).
Ang Diyos ay ipinakilala sa atin bilang Ama
sapagkat buhay nating lahat sa kanya buhat
na tulad ng sino mang ama, sinisikap itaguyod at pangalagaan
protektahan at ipaglaban kung sakaling pagbantaan.
Relasyon at hindi emosyon ang batayan
at pinagmumulan ng awa at habag sa atin ng Diyos nating Ama
kaya naman kahit ito ay mawala at mamatay
kanyang hihintayin, hahanapin, at bubuhayin pa rin!

	

Technicality at Pagkabayani

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Agosto 2019

Mula sa Google.
Ano ba itong pinagsasabi ni Imee
na technically wala tayong bayani
kasi walang upisyal na sinasabi
kung sinu-sino ating mga bayani?
Pati ba naman sa mga bayani
kailangan pang gamitan ng technicality?
Kung sabagay, hindi rin masisisi si Imee
sa pagsasabi at pag-iisip ng ganiri
dahil ito ang nakadidiri: pamilya niya'y
yaring nagpipilit kilalanin silang bayani!
Technically, Imee, maski pilitin mo kami
kailanma'y hindi magiging bayani iyong dadi
lalo na noong kami'y inyong dinale Nobyembre 2016
nang dalhin ninyo siya sa Libingan ng mga Bayani.
Kailangan pa ba ang technicality 
gayong nauuna palagi pagkabayani
maliban lamang kapag wala naman
talagang kabayanihang nangyari!
At ito ang higit na nakakadiri sa pinagsasabi ni Imee: 
hindi maikakaila, huling-huli pineke ng kanyang dadi
pagkabayani na hindi naman nangyari
at ni walang nakasaksi maliban kanyang sarili?!
Napatunayan ng U.S. Army noon pang 1980's 
sa masusi nilang pagsasaliksik na isang panloloko
at walang katotohanan mga pinangalandakang
U.S. war medals ni Marcos noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Higit pa sa technicality kungdi historicity
ang nagsasabi sino talaga ang bayani
sapagkat tiyak na mamumulaklak at hahalimuyak
ano mang buti naihasik ng sino man na bayan ang inuna bago ang sarili!
Mula sa Google.





Ang hindi ko gusto sa Agosto

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Agosto 2019
Larawan mula sa GMA News.
Bata pa lamang ako
hindi ko na gusto ang buwan ng Agosto
bago pa mauso tawag nila dito
na buwan ng mga multo.
Nasa grade two ako 
nagtataka na ako
bakit tuwing Agosto
mabagal takbo ang panahon?
Ito ang bumaon sa murang isipan ko noon
kaya hanggang ngayon
hirap ako na umahon na tila baga
nilalamon at nilalason ng karanasan kahapon.
Nagkataon lang ba nitong ilang taon
bakit nagkagayon takbo ng buhay ko sa ngayon
tuwing Agosto nagkakapatong-patong
mga hindi mabubuting sitwasyon, lihis sa mga nilalayon?
Parang katulad ng lagay ng panahon
mapanglaw ang kalangitan
bumubuhos malakas na ulan
parang walang katapusan
katulad ng aking mga luha sa mga tao
na di ko malaman kung kaibigan.
Kung minsan maiisip ko 
hindi lang buwan ng multo ang Agosto
kungdi pati ng impakto at demonyo
dahil kung titingnan ko
ano ba ito, matapos lunurin tayo ng ulan
saka naman sisikat matinding init ng araw?!
Iyan daw ang dahilan kaya maraming
sakit sa katawan hanggang kasu-kasuan
lagay ng panahon hindi maintindihan
sala sa init, sala sa lamig
parang mga tao sa paligid
walang paninindigan, kay daling mang-iwan.
Bawat araw ng ating buhay
ay pagpapalang kaloob ng
Diyos nating mabuting-loob
ngunit kung minsa'y nakakasama ng loob
kapag tila lahat ay nakataob
at ika'y nakasubsob.
Aking lang inaasahan at pinanaligan
pagkatapos ng tag-ulan, doon mga dahon ay luntian
sa bawat unos na dumaraan, nasusubok katatagan ng halaman
mabalian man ng sanga o malagasan ng bunga
naiiiba na siya at lalong gumaganda
sapagka't sa bawat pagkakataon at panahon, Diyos ay naroon.
Larawan ay kuha ni G. Howie Severino ng GMA News sa Taal, Batangas, Nobyembre 2018.

Pari. Pera. Puri.

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Agosto 2019
Photo by Pixabay on Pexels.com
Tinuturing siyang banal at makapangyarihan
Tinutulad sa Panginoong kanyang pinaglilingkuran
Kaya madalas kanyang nalilimutan
Siya ma'y tao na mahina at makasalanan.
Pinili mula sa karamihan
Hindi dahil sa pambihirang katangian
Maliban sa kabutihan ng Panginoong sinusundan
Siya ay pinag-uubra lamang.
Ikaw pari ay alagad ni Kristo
Hindi ikaw ang Kristo
Kaya huwag kang malilito
Maski ika'y naka-abito, hindi ikaw ang sasambahin ng tao!
Dumapa, nagpapakumbaba, at sumumpa
Buong buhay ilalaan, puso walang ibang laman
Kungdi si Kristo ang tanging yaman
Hindi tawag ng laman o ng sanlibutan.
Pangakong ipagdiriwang mga sakramento
Tinatalikuran kung wala o maliit matatangap na istipendo;
Umoo na ipapahayag at isasabuhay salita ng Diyos
Ngunit sa pulpito parang loro
Mga komentaryo sa radyo at peryodiko ang kabisado.
Hindi nag-aasawa upang mamuhay kaisa si Kristo
Magiging masunurin, mamumuhay ng payak
Ngunit sa kanyang mga gayak agad matitiyak
Maraming layak: kungdi babae, lalake na kunwa'y palaki
O dili kaya'y ampon na kamukha naman paglaki!
Mula sa Google.
Ano ang nangyari at tila kaluluwa'y ipinagbili
Pari naging makasarili, puri sinasantabi
Sinasanto lamang kanyang sarili
Bawat utos hindi nababali, bawat naisin naikakatwiran?
Itong ating pintakasi ang nagsabi
Ang pari ay paalala ng Krus na siya ring ating hugis;
Alin lamang sa dalawa ang maaring mangyari:
Ika'y buong-buo sa Diyos o ika'y buong-buo sa sanlibutan?
Huwag nating kalilimutan, higit sa "tawag" ng pagpapari
Ay ang "tumatawag" sa ating Punong Pari:
Ika'y pari ni Kristo, hindi artista na kailangan ng gluta;
Sapat na ang maging pari ni Kristo, hindi kailangan ng monumento;
Higit sa lahat, hindi tayo ang aalalahanin ni gagayahin
Kungdi si Hesus na Panginoong natin.
Kayong mga madla, huwag ninyo kaming sambahin
Sapat na kami'y bigyan ng malamig na inumin,
Tanggapin, at higit sa lahat, ipanalangin;
Sapagkat kung tutuusin, kaming mga pari ay katulad ninyo rin
Mga aliping walang kabuluhan na tumutupad lamang sa tungkulin
(Lukas 17:10)!

Hirit ni Santa Marta…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-29 ng Hulyo 2019
Minsan sa aking pananalangin
Sa Panginoon ako'y dumaing
Ngunit ang sumagi sa akin
Yaring tagpo nang kanyang sabihin:
"Marta, Marta naliligalig ka
At abalang-abala sa maraming bagay
Ngunit iisa lamang ang talagang mahalaga."
Kaya naman naglaro sa aking isipan
Paano mangatwiran si Marta kung tayo sinabihan
At marahil ganito kanyang tinuran:
"Ako pa ba ngayon ang naliligalig
Gayong batid ninyo Panginoon
Pandarambong at kasakiman ng karamihan
Pagkagahaman sa kayamanan ng ilan
Habang kaming maliliit ang labis nahihirapan?"
At waring sumagi sa akin wika ng Panginoon,
"Marta, Marta iisa lang ang mahalaga:
Sa akin ay manalig ka sapagkat sinabi ko na,
Mapapalad ang mga aba at dukha
Na walang inaasahan kungdi ang Diyos."
Napahupa aking kalooban samandali
Ngunit muli nag-alimpuyo aking galit at ngitngit
Aking naisip isa pang hirit ni Marta
Nang sa kanya'y nasambit:
"Ako pa ba ngayon Panginoon ang nababahala
At tila hindi mo alintana mga ginagawa ng masasama
Na parang sila pa yata ang pinagpapala
Pinapalakpakan, hinahangaan ng karamihan?"
At yaring sumagi muli ang wika ng Panginoon,
"Marta, Marta isa lang ang kailangan kaya matuwa ka
Kung dahil sa akin ika'y inaalimura, inuusig
Pinagwiwikaan ng mga kasinungalingan: walang natatago
Na di malalantad, walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag."
Sa iyo ginigiliw kong kaibigan
Nabibigatan sa maraming pinapasan
Nahihirapan sa mga pinagdaraanan
Laging tandaan si Kristo lamang ating kailangan.
Katulad ni Santa Martang uliran
Tanging si Hesus ang asahan at abangan
Ipagpatuloy gawang kabutihan
Iyong pangarap tiyak makakamtan!

Tula sa Ulan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-18 ng Hulyo 2019
Tuwing tag-ulan
Aking binabalikan
Paliligo sa ulan
Noong aking kamusmusan.
Bakit nga ba sa ating katandaan
Hindi na tayo makapaligo sa ulan?
Dala ba ng makabagong panahon
At iba na ang ating laruan at kasiyahan?
Tayo nga ba ay maselan
Dahil marumi na ang ulan?
Hindi ba ito ay ating kagagawan
Winasak natin magandang kalikasan?
Aking pinaka-iibig kapag umuulan
Tubig mula sa kalangitan, pinakikilig aking kaibuturan
Bibig dinidilig, pisngi'y dinadampian
Habang mukha'y nakatingala kay Bathala.
Ito ang kagandahan at kabutihan
Ng paliligo sa ulan
Muli nating nararamdaman ating kalikasan
Ganan ng ating katauhan.
Nagbabadyang ulan, kay sarap pagmasdan. Aking inaasam-asam, paliligo sa ulan sana’y maisakatuparan!