Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Disyembre 2025
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, Nobyembre 2021.
Napansin ko lang kakaiba itong kapaskuhang darating: tahimik si Jose Mari Chan at inagawan ng eksena ng mga mandarambong sa pamahalaan at kongreso na hanggang ngayon nagtuturuan, nagtatakipan habang pinagpipilitan ng isang ginang kakasya raw ang limang-daang piso upang makapag-diwang ng noche buena sa bisperas ng Pasko ang pamilyang Pilipino.
Kaya sumagi sa aking alaala pamaskong awiting aking kinalakhan:
Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya Nagluto ang ate ng manok na tinola Sa bahay ng kuya ay mayroong litsonan pa Ang bawat tahanan, may handang iba't-iba
Tayo na, giliw, magsalo na tayo Mayroon na tayong tinapay at keso 'Di ba Noche Buena sa gabing ito? At bukas ay araw ng Pasko
Mga ginigiliw, atin nang mapagtatanto sa awiting ito diwa ng Pasko: ating pagsasalu-salo ng mga kaloob na biyaya at pagpapala na sinasagisag ng noche buena ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo noong Pasko; ngunit, paano nga kung sa halip na tulungan lalo mga maliliit tugon ng pamahalaan ay bigyan ng presyo natatanging pagsasalo-salo ng Pilipino tuwing Pasko?
Narito naman makabagong awiting pamasko naghahayag na walang tatalo sa Pasko sa Pilipinas:
May tatalo pa ba sa Pasko ng 'Pinas? Ang kaligayahan nati'y walang kupas 'Di alintana kung walang pera Basta't tayo'y magkakasama Ibang-iba talaga ang Pasko sa 'Pinas
May simpleng regalo na si Ninong at si Ninang Para sa inaanak na nag-aabang Ang buong pamilya ay magkakasama sa paggawa ng Christmas tree Ayan na ang barkada, ikaw ay niyayaya para magsimbang gabi
Muli mga ginigiliw sa saliw ng awiting ito madarama natin diwa at tuwa ng Pasko: wala naman sa handang noche buena ito kungdi sa samahan at pagbubuklod ng pamilya at magkakaibigan katulad ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo na pumarito upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan at mapunan ating kakulangan ng kanyang kaganapan sa pagmamahalan.
Subalit kay hirap maramdaman pagmamahal ni malasakit nino man tulad ng mga nasa kapangyarihan animo mga maligno at impakto ng mga ghost project kaya Biyernes Santo hindi Pasko pakiramdam ngayon ng maraming Pilipino: wala ang mga ginigiliw na ate at kuya may handang iba't-iba dahil sila ay mga nagsipag-OFW na habang ang mga buwitre at buwaya sa Kongreso nagpapasasa sa kaban ng bayan mula sa dugo at pawis ng mga mamamayan na pinagtitiis sa limang-daang pisong noche buena na kahuluga'y "mabuting gabi" nang pahalagahan ng Diyos ang tao sa pagsusugo niya ng Kristo na patuloy sumisilang sa puso ng bawat nilalang tuwing nagmamahalan at nagbabahaginan na pinapaging-ganap sa hapag ng pakikinabang ng Banal na Misa hanggang sa mesa ng bawat pamilya.
Ngunit papaano na kung pera hindi kakasya sa noche buena? Iyan ang masaklap at nakasusuklam ng limang-daang pisong noche buena: hindi ang halaga ng pera kungdi kawalan ng pagpapahalaga nitong nasa pamahalaan sa dangal ng bawat isa lalo ng mga maliliit at aba na sa halip tulungan maka-ahon o maibsan kanilang hirap at gutom sila pa nga ay ibinaon sa presyo na pang galunggong hindi hamon!
Kaya nakakamiss sa gitna ng nakakainis na mga balita si Jose Mari Chan sa kanyang awiting pamasko na maalala nating palagi Sanggol na sumilang sa Bethlehem sa tuwing masilayan mukha ng bawat kapwa nang walang pasubali hindi sa halaga ng salapi!
Whenever I see girls and boys Selling lanterns on the streets I remember the Child In the manger, as he sleeps Wherever there are people Giving gifts, exchanging cards I believe that Christmas Is truly in their hearts
Let's light our Christmas trees For a bright tomorrow Where nations are at peace And all are one in God
Let's sing Merry Christmas And a happy holiday This season may we never forget The love we have for Jesus Let Him be the one to guide us As another new year starts And may the spirit of Christmas Be always in our hearts
Ngayong Pasko marami ang wala maski limang daang piso at marahil itutulog na lang ang noche buena; tayo nawa maging dahilan ng "mabuting gabi" nila upang tunay nilang maranasan pagsilang ng Kristo sa kumakalam nilang tiyan at sikmura.
Larawan kuha ng may-akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga, Nobyembre 2022.
The Quiet Storm by Fr. Nicanor F. Lalog II, 27 December 2024
Photo by author, DRT, Bulacan, 23 November 2024.
Many people these days claim that “budol is life” when nothing escapes hackers and scammers in stealing money from hard-working OFW’s to housewives, students and retirees including priests and religious called to always lend a hand to those in need.
One collateral damage more serious than scammers and hackers in this cashless transactions and e-wallet is the perversion of our cherished values of gift-giving especially at Christmas as well as our generosity in lending money to those struggling with their financial needs.
I am referring to the erroneous advertising efforts by the highly popular GCash that is creating a generation of people lacking in shame and respect for others. We say it so well in Filipino – kawalan ng kahihiyan or hindi na marunong mahiya.
Though I do not have a GCash without any plans of getting one, e-wallets like online banking by nature is good. It is very innovative, so helpful in providing a convenient, safe, and reliable exchange of money in a cashless manner. However, though the problem lies mostly on those who abuse its system, GCash is still guilty of perverting the values of Christmas and practically of the essence of gift-giving by promoting online or virtual pamamasko.
Photo by author, San Fernando, Pampanga, November 2021.
Like the online Mass, there is no such thing as virtual pamamasko that supposes an actual presence, a face-to-face meeting to greet anyone with a Merry Christmas.
Pamamasko is one Filipino tradition worth keeping wherein once a year we visit not only our godparents (Ninong and Ninang) but also our relatives and friends as well to personally greet and wish them a Merry Christmas. It is only on this joyous day when some people could really meet as relatives and friends next to funerals and wakes.
But, when the COVID-19 pandemic started in 2020 and limited our social interactions, some inaanak (godchildren) pushed the limits of GCash when they dared to greet their godparents with Merry Christmas via text messages that had their GCash account number included.
From Instagram, 26 December 2024.
It is a virtual hold-up in fact, the start of that dictum “budol is life”. Worst of all, it had spawned a generation of people who are bastos (rude) and kapal-muks (thick-faced)!
Sorry for the words but that’s the kind of people who use social media to get money from anyone except for purchase transactions. Christmas is about love and being together. Iyon lang!
As far as our generation is concerned (GenX and those before us), pamamasko is not about money but the spread of love and joy of Christmas. The money given was just a “consolation” that is why the amount never mattered at all. Salamat kung may bigay, okey lang kung wala because what really mattered was to be present with our elders to assure them they are loved and remembered.
Sad to say, GCash had normalized this kabastusan and kakapalan ng mukha with their ads on the internet about sending Christmas greetings with a reminder not to forget to send their QR Code. In normalizing this despicable manner of greeting Merry Christmas, GCash in effect showed its true color of being self-serving. And bastos and kapal-muks too!
We hope GCash will stop this kind of advertisement that is grossly erroneous and wrong. They are not teaching our young to be worthy people of dignity and respect, eroding our social fabric and made shamelessness as normal. Pera-pera na lang ba talaga tayo ngayon?
See how almost daily we find in social media of many friendships and relationships marred and destroyed with some people abusing GCash, borrowing money online especially by mere acquaintances. That is just a hairline difference between them and those scammers!
From Instagram, 26 December 2024.
Gift-giving even the borrowing or lending of money are things that remain on a person-to-person level. Forcing others especially the well-meaning and good ones into the virtual world as we have now witnessed spawn scams and corruption. Modern technology can only be good for as long as it remains confined to its intended application like convenience, safety and reliability of having cashless transactions. What GCash has promoted this season is actually budol – not only of a literal hold-up of Ninong and Ninang but almost of everyone when some callous people dare to borrow money on line with the tag, “i-GCash mo na lang.”
The budol now rampant in e-wallets in effect is a result of their own unconscious budol for more clients and customers.
Let us bring back our true sense of shame and delicadeza. GCash is for transactions, for things to buy and pay for. Not for friends and relatives because they are persons to be loved, not objects to be used or possessed via GCash.
Maybe “budol is life” indeed, but, beware more of scams that erode our values than steal our money. These last two weeks until the new year, visit your godparents because of love and concern, not for the gift they will give you because that is the true spirit of Christmas. God bless and Merry Christmas!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Disyembre 2023
Larawan mula sa Facebook, 23 Disyembre 2023 ng pagtutulungan ng Red Letter Christians at ng artist na si Kelly Latimore ng @kellylatimoreicons upang lumikha ng bagong larawang ito na pinamagatang “Christ in the Rubble” nagsasaad na kung sakaling ngayong panahon isinilang si Jesus, malamang siya ay ipinanganak sa gitna ng mga durog na bato sanhi ng digmaan doon sa Gaza.
Maligayang Pasko!
Tayo raw mga Pilipino ang mayroong pinaka-tumpak na pagbati sa panahong ito dahil sinasaad ng salitang “pasko” ang buong katotohanan ng hiwaga ng pagkakatawang-tao (Incarnation) ng Diyos Anak na si Jesu-Kristo.
Mula sa wikang Hebreo na pesar o pesach na kahulugan ay “pagtawid”, ito ay pascua sa wikang Kastila na atin ding ginagamit na ugat ng Pasko at pasch naman sa Inggles.
Una natin itong natunghayan sa Matandang Tipan, sa Aklat ng Exodus nang itawid ng Diyos sa pamumuno ni Moises ang mga Israelita mula Egipto patungong lupang pangako. Iyon ang larawang paulit-ulit na tinutukoy sa ating kasaysayan ng pagliligtas, sumasagisag sa pagtawid mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan, pagtawid mula kadiliman patungo sa liwanag, pagtawid mula kasalanan tungo sa kapatawaran, at higit sa lahat, pagtawid mula kaparusahan tungo sa kaligtasan.
Iyon din ang batayan ng tinutukoy na misteryo paskuwa o ng ating pananampalataya kay Kristo-Jesus na ating ipinahahayag tuwina sa Banal na Misa, “si Kristo ay namatay, si Kristo ay muling nabuhay, si Kristo ay babalik sa wakas ng panahon!“
Larawan kuha ng may-akda, 2021.
Tumpak at ayon ang ating pagbati na Maligayang Pasko dahil nagsimula ang misteryo paskuwa ni Jesus nang Siya ay ipaglihi at isinilang ng Mahala na Birheng Maria sa Bethlehem mahigit 2000 tao na nakalilipas.
Sa pagkakatawang-tao ni Jesus, Siya ay tumawid mula sa kawalang-hanggan (eternity) tungo sa mayroong hanggan (temporal) dito sa lupa; mula sa kanyang ganap na pag-iral taglay ang lahat ng kapangyarihan tungo sa limitado niyang pagkatao tulad ng pagiging mahina at mahuna lalo na sa pagiging sanggol at bata. Kasama na doon ang kailangan Niyang mag-aral lumakad, magsulat, magbasa at magsalita na kung tutuusin ay alam Niya ang lahat.
Taong-tao talaga si Jesus bagamat hindi nawala ni nabawasan Kanyang pagka-Diyos sa Kanyang pagkakatawang-tao kaya lahat ng ating mga karanasan bilang tao ay Kanya ring naranasan maliban ang kasalanan at magkasala. Siya man ay nagutom, nauhaw, nahapis at tumangis nang mamatay ang kaibigan Niyang si Lazaro, nahabag sa mga tao mga may sakit at balo. Wika nga ni Papa Benedicto XVI na malapit na nating ipag-ibis luksa sa katapusan, ang Diyos na ganap na kung tutuusin ay hindi nahihirapan ni nasasaktan ay pinili na makiisa sa hirap at sakit nating mga tao pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo (Spe Salvi, #39).
Napaka-ganda at husay ng paglalahad ni San Pablo sa pagtawid o paskuwa na ito ni Jesus na kanyang tinaguriang kenosis, ang paghuhubad ni Jesus ng Kanyang pagka-Diyos bagamat para sa akin mas angkop ang salin na “pagsasaid” dahil sinimot ni Jesus ang lahat ng sa Kanya para sa atin doon sa Kanyang pagkakatawang-tao na ang rurok ay doon sa Krus.
Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, Agosto 2023.
Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus: Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.
Filipos 2:5-8
Naalala ko isang araw ng Pasko noong bata ako nang kami ay papaalis patungo sa mga Nanay at kapatid ng aking ama sa Maynila, masungit ang panahon at maulan. Hindi ko matanggap na umuulan at masama ang panahon sa araw ng Pasko kaya tinanong ko aking ina, “Bakit po ganun, birthday ni Jesus may ulan, may bagyo? E hindi ba God Siya? Di ba Niya puwede ipahinto mga ulan sa birthday Niya?”
Di ko matandaan sagot ng mommy ko pero malamang hindi malayo sa luku-luko at gago!
Nang magka-isip na ako, natutuhan ko sa mga pagbabasa na sa maraming pagkakataon mayroong mga bagyo at kalamidad, digmaan at kung anu-ano pang mga sigalot at paghihirap na nangyari kasaysayan tuwing Pasko.
Tayo man mismo, marahil sa ating personal na buhay, maraming pagkakataon na tayo ay lumuluha, nanlulumo, hapis na hapis sa buhay sa ilang mga masasakit na karanasan sa araw ng Pasko. Kaya marami sa ating habang tumatanda nasasabing para lamang sa mga bata ang Pasko na masaya.
Ngunit hindi po iyan totoo! Batid natin sa ating mga karanasan na sa padaraan ng panahon, lumalalim ding pag-unawa nating sa Paso.
Larawan kuha ng may-akda, Setyembre 2023.
Balikan natin mga panahon ng ating pagsubok sa buhay lalo na sa panahon ng kapaskuhan, higit tayong namamangha at tiyak sasang-ayon ng lubos na tumpak nga ang bati nating mga Pinoy ng “Maligayang Pasko!” dahil mas malalim at makabuluhan ang pagdiriwang ito o ano pa mang selebrasyon sa buhay kapag ating napagdaanan at nalampasan mga hirap at sakit.
Ito ang kagandahan at katotohanan ng buhay natin na isang paulit-ulit na pasko, ng pagtawid at paglampas sa mga hirap at hilahil, pagbubulaanan sa ano mang sakbibi at pag-aaalinlangan ating ikinakakaba.
Hindi inalis ng Diyos ating hirap at sakit maging kamatayan bagkus tayo ay Kanyang sinamahan sa pagbibigay Niya sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang Panginoong Jesu-Kristo na tumawid mula langit patungo dito sa atin sa lupa upang tayo naman Kanya ring maitawid patungong langit.
Kaya naman, pakiusap ko sa lahat na ipagpatuloy natin pagbati ng Maligayang Pasko hanggang ika-pito ng Enero 2024, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita o Epiphany ng Panginoon. Napakasama at malaking kahangalan na kay tagal inabangan ang Pasko na nagsisimula ng hapon ng ika-24 ng Disyembre at pagkatapos ng ika-25 ay biglang magbabatian ng Happy New Year!?
Kalokohan! At marahil, hindi naunawaan diwa ng Pasko. Mababaw at puro happy, happy gusto ng mga maraming tao, di batid ang diwa at lalim ng kahulugan ng Pasko na sa paglalagom ay iisang salita lamang: PAG-IBIG o PAGMAMAHAL. Ng Diyos sa atin.
Ano man ang mangyari sa buhay natin, sa ating mundo, hindi mapipigil ang Pasko, tuloy ang Pasko dahil kasama natin palagi si Kristo. At kung ikaw man ay mayroong pinagdaraanan, matuwa ka at magalak, ikaw ay nasa paskuwa – pasko – kasama, kaisa si Kristo! Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Huwag sanang masamain itong aking lathalain tungkol sa isang hindi magandang gawain tuwing panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus nating mahal. Totoong sa panahong ito na malamig ang simoy ng hangin at dama ang tuwa at kagalakan ng lahat saanman ngunit mayroong ilan na hindi maganda ang mga nasa loobin at damdamin.
Tunay nga na ang diwa ng Pasko ay ang pagbibigay ng dakilang handog ng Diyos sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak kung kaya tayo man ay tinatawagang magbahagi ng biyaya at pagpapala Niya sa ating kapwa; ngunit, hindi nangangahulugang sasamantalahin natin ang panghihingi kaninuman. Hindi naman malaking bahagi ng Kapaskuhan ang panghihingi kumpara sa gampaning magbigay at magbahagi.
Gayun din naman, sakaling tayo ay manghihingi, ito ay dapat sa diwa pa rin ng ginawang pagbibigay ng Diyos ng Kanyang Anak sa atin. Alalaong baga, lagi nating isaalang-alang ang pagmamahal o charity sa tuwing tayo ay hihingi. At mamamasko. Magbigay man o manghingi, Pasko man o hindi, dapat si Kristo ang batayan ng ating gawain.
Dalawang bagay ang ibig kong ibahagi.
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Una ay dapat nating alalahanin na kusa ang pagbibigay at pagbabahagi. Huwag tayong namimilit sa panghihingi. Mayroong mga iba na kung makahingi at mamasko ay parang may pinatago. Higit sa lahat, akala mo obligasyon ng lahat ng hingian ay magbigay!
Minsan nakita ko post ng isang kaibigan naninirahan sa Canada. Tahasan niyang sinabi sa kanyang post sa Facebook na huwag na siyang anyayahan maging “friend” kasi malulungkot lang sila. Paliwanag ng kaibigan ko palagi na lang daw kasunod ng pag-anyaya sa kanya sa Facebook ay, “mare, pahiram naman…”
Juice colored! Akala ko ako lang ang ginaganoon! At lalong nagulat ang kaibigan ko na pati daw ba ako ay hinihingian? E oo ika ko. Gusto pa nga ng iba ay G-cash e wala naman akong ganun.
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Hindi lahat ng tao ay nakaluluwag sa buhay. At kung sakali mang sila ay nakaririwasa, hindi ito dahilan para sila ay hingan. At hingan ng hingan.
Aaminin ko sa inyo na talamak ito sa mga taong-simbahan na wala nang ginawa kungdi manghingi nang manghingi.
Tanungin ninyo kung ano kanilang naibigay pati ng kanilang pari, wala. Ni panahon hindi makapagbigay, ni ayaw magmisa, hindi mahagilap at kung makahingi, wagas. At may presyo pa!
Higit sa lahat, yung iba nananakot pa kung hindi magbibigay ay baka daw “malasin”. Sila na rin ang sumalungat sa turo na walag suwerte suwerte sa pananampalataya dahil lahat ay pagpapala.
Pakaisipin din sana natin ngayong panahon ng Kapaskuhan lalo na marahil ay mayroong “favorite charity” o mga sadyang binabahaginan at tinutulungan ang marami nating mga kababayan lalo na yaong mga nakaluluwag sa kabuhayan. Maging ang Panginoong Jesus ay hindi naman pinagbigyan ang lahat ng lumapit sa kanya noon.
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Ikalawa, maging magalang sa panghihingi. Nakalulungkot kasi na maraming tao ngayon ang hindi na yata marunong mahiya sa panghihingi. Wala man lamang pagpipitagan. Gaya nga ng daing ng kaibigan ko, akala mo makikipag-kaibigan pero iba pala ang layon.
Ito yung mga text na bitin tulad ng “Pare…” o kaya ay “mare”. Sinasabi ko yan maski sa mga kakilala ko. Huwag na huwag kayong magtetext ng bitin. Yun bang akala mo mayroong masamang nangyari kaya ikaw naman biglang titingin sabay text ulit ng humihingi ng pabor.
Pasensiya na po. Ang tawag doon ay “kawalan ng modo.” Kabastusan.
Laganap ang sisteng ito sa internet lalo na noong 2020 nang kasagsagan ng COVID pandemic at lockdown. Noong Kapaskuhan noon, mayroong nagtanong sa akin na tama daw ba iyong gawain ng ilang inaanak na namamasko at sinasabing i-Gcash na lang kanilang aguinaldo?
Sabi ko ay hindi. Iyon ika ko ay kawalan ng paggalang. Pang-aabuso. Walang pinagkaiba sa holdap.
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Muli, walang obligasyon ang sino man na magbigay at magregalo kanino man kahit kailan. Kusa ang pagreregalo. Higit sa lahat, ang regalo ay tanda ng pagkatao ng nagbigay. Kung ipipilit ang panghihingi ng tulong o abuloy o regalo, samakatwid, kinalimutan ang pagkatao ng hinihingian.
At iyan ang mabahong simoy ng Pasko.
Pumarito si Kristo at nagkatawang-tao katulad natin upang ipakita sa atin ang ating dangal bilang tao. Na ang daan sa pagiging katulad ng Diyos na banal ay sa pagpapakatao. Kung ang tuon ng pansin ngayong Pasko ay ang regalo, abuloy, o tulong na makakamit, ibig sabihin wala ang diwa ni Kristo sa nanghihingi.
Ituring na lang silang mga tulisan o mga mapagsamantala sa pagkakataon. At sana ay maimulat din sa tunay na diwa ng Pasko, ng pagbibigay at panghihingi. Simple lang naman ang paanyaya ng Diyos sa atin na ibahagi si Kristo araw-araw sa ating pagmamahal at paglilingkod ano mang panahon. Higit sa mga pera at bagay na kaloob ay ang sariling pagkatao. Nawa ay maging makabuluhan at kaaya-aya ang inyong Kapaskuhan!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Nobyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, Nobyembre 2022.
Sa lahat ng Pasko
nating naipagdiwang
itong darating ay makahulugan:
pagkaraan ng dalawang taon
ng lockdown at social distancing
dahil sa COVID-19,
sama-sama tayo muli magdiriwang
ng harap-harapan o "face-to-face"
sa tahanan at simbahan,
lansangan at mga pasyalan.
Kung tutuusin,
face-to-face ang diwa ng Pasko
kaya nagkatawang-tao ang Diyos-Anak
at sumilang katulad natin upang
Diyos-Ama na maibigin ay personal
na makilala at maranasan
katulad ng isang kapwa
mayroong katawan at kamalayan,
buhay at kaugnayan na tuwina ay
masasandigan at maaasahan.
Gayon din ay pagmasdan,
Disyembre beinte-singko ngayong taon
papatak sa araw ng Linggo:
ito ba ay nagkataon o niloob ng Panginoon
na matapos ang dalawang taon
sa Kanyang kaarawan tayo ay magdiwang
puno ng kahulugan,
namnamin Kanyang kabutihan
sapagkat hindi tayo kinalimutan
o pinabayaan sa pandemyang nagdaan?
Larawan kuha ng may akda, Adbiyento 2021.
Ngayong Kapaskuhan
huwag pabayaang maging ganun lang
ating paghahanda sa pagdiriwang:
abangan si Hesus araw-araw
dumarating, sumisilang sa ating katauhan
kaya mga face masks ng pagkukunwari
ay hubarin at alisin, magpakatotoo
nang si Kristo makitang totoo;
hugasan at linisin mga kamay
maging bibig upang talikuran
mga kasinungalingan at karuwagang
maninindigan sa katotohanan at kabutihan;
mga palad, puso at kalooban
ay buksan upang abutin at tanggapin
bawat kapwa bilang kapatid
kay Kristong Panginoon natin!
Kailanma'y hindi napigilan
pagdiriwang ng Pasko
kahit ng mga digmaan at kalamidad
bagkus mga ito pa nagpatingkad
sa liwanag at kahulugan nito;
hindi pa tapos ang pandemya
kaya ngayong Pasko ng 2022,
huwag kabahan
pawiin agam-agam
lapitan at samahan bawat isa
upang magkahawahan
hindi ng corona virus kungdi
ng tuwa at kagalakan
ng pagsilang at pagliligtas
ni Jesu-Kristo sa ating
puso at katauhan palagian.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Disyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, 18 Nobyembre 2021.
Taun-taon,
halos lahat ng tao
nasasabik sa Pasko
palaging inaabangan
sa mga countdown.
Ngunit bakit nga ba
inaabangan natin ang Pasko?
Petsa lamang ba ito
at panahon na dumarating,
lumilipas din?
Kung gayon lang ang Pasko,
bakit hindi na lang tayo
magbilang ng araw
Bagong Taon pa man?
Higit sa petsa
at panahon ang Pasko
dahil ito ay ang Diyos na naging Tao;
ang Pasko ay si Hesu-Kristo
na sumilang noon sa mundo
at dumarating pa rin sa puso
ng bawat tao kaya't itong Pasko
ay isang katotohanan, isang kaganapan
nang ang Diyos ay makialam
at pumasok sa ating kaguluhan,
pinunan marami nating kakulangan,
pinawi mga kasalanan, pinalitan
ng kanyang kabanalan upang
buhay natin ay maging makabuluhan.
Sa panahon pa ring ito
ng pandemya, sana atin nang
mapagtanto ang Pasko
ay hindi tanong ng kung ANO
kungdi ng kung SINO inaabangan
na tanging si Hesu-Kristo,
dumarating hindi sa sabsaban
kungdi sa ating puso at kalooban
kung saan nagmumula ating mga
gulo at kadiliman; sikaping matagpuan
Kanyang bakas sa ating mga mukha
upang tayo'y makipag-kapwa at
maranasan Kanyang kapanatilihan
kesa tayo magbilang ng mga petsa at buwan.
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, 18 Nobyembre 2021.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Disyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Kay sarap namnamin,
O Diyos Ama namin
paglalarawan ni San Lukas
ng panahon noong dumating
si San Juan Bautista sa ilang
upang ihanda daraanan ng
Panginoong darating:
Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, si Herodes ang tetrarka sa Galilea at ang kapatid naman niyang si Felipe, sa lupain ng Iturea at Traconite. Si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia. Sina Anas at Caifas naman ang mga pinakapunong saserdote noon. Nang panahong iyon, nasa ilang si Juan na anak ni Zacarias. Dumating sa kanya ang salita ng Diyos…
Lucas 3:1-2
Dumating ka na sa amin, Panginoon,
sa panahong ito sa gitna ng social media
ng mga nakabibinging ingay
at mga sari-saring tanawin sa amin ay
umaaliw ngunit madalas ay sagwil
upang Ika'y makita at maranasan
kay Hesus na palaging dumarating
sa gitna ng kasaysayan ng daigdig
maging sa sariling buhay namin.
Nawa matularan namin si Juan Bautista
upang ilang ay puntahan, maglaan ng
panahon ng pananahimik upang
Iyong mga salita ay mapakinggan at
mapagnilayan, maranasan pananahan
Mo sa amin kay Kristo.
Itulot po ninyo, O Diyos,
sa liwanag ng Espiritu Santo
aming matularan si Juan doon sa ilang
aming maisigaw upang umalingawngaw
sa mundong nagbibingi-bingihan
sa Iyong mga panawagan na tuwirin
aming landas ng pamumuhay:
nawa'y masaid namin aming puso
at kalooban ng aming kapalaluan
at mga kasalanan upang mapunan
ng Iyong kababaang-loob, pag-ibig
at katarungan;
katulad ni Juan ay maging tinig nawa kami
ng katotohanan sa gitna ng pagpipilit ng
marami na bigyang katuwiran mga
kasinungalingan at kasalaulaan;
tambakan nawa namin bawat lambak
ng kababawan at kawalan ng kabuluhan
ng katuturan at kahulugan kay Kristo
lamang matatagpuan;
at higit sa lahat, nawa aming matibag
sa mabubuting gawa at halimbawa
mga bundok at burol ng aming
kayabangan at katanyagan,
maalis aming mga tarpaulin at ilawan
at tanging ikaw lamang O Diyos
ang aming matanawan, sundan,
at paglingkuran magpasawalang-
hanggan. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Nobyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Hindi ko maiwasang umindak
sa awiting "kumukuti-kutitap,
bumubusi-busilak" tuwing
makakakita ng mga parol
nakasabit sa mga binatana,
binebenta sa kalsada
kahit malayo pa ang Pasko.
Ang mga parol ay tulad ng pastol
umaakay sa atin sa gitna ng dilim
hatid ay liwanag at galak
upang matunton at marating
Sanggol na sumilang sa sabsaban
habang mundo ay balot sa kasamaan
upang tayo ay tubusin sa ating mga kasalanan.
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Makukulay, puno ng sigla
alalaong-baga, buhay na buhay
itong mga parol at iba pang mga palamuti
hatid ay hindi lamang ngiti sa labi
kungdi tuwa at kagalakan sa puso at kalooban
isang taon na naman matatagpusan
kahit COVID-19 kayang lampasan!
Katulad ng mga bituin at tala
mga parol at palamuti ng Kapaskuhan
matutunghayan lamang sa gitna
ng malaking kadiliman kagaya sa ating buhay
kung kailan mayroong kapighatian
at lahat ay nalalabuan, doon naman
nagiging maliwanag at makulay ang lahat!
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Isang kabalintunaang tunay
ganda at busilak ng mga parol
sa atin nagpapastol tungo sa
liwanag ng kinabukasan;
sana manatiling nagningning
liwanag ni Kristo sa puso at
kalooban natin.
Aking dasal at hiling
ngayong Paskong darating
sana matapos na itong COVID-19;
matularan sana natin mga parol
magpastol sa kawan, huwag silang maligaw
sa kadiliman ng mga mapanlinlang
tanging Diyos ang maging sandigan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Disyembre 2020
Larawan kuha ni G. Marc Angelo Nicolas Carpio, Pasko 2020 sa aming parokya.
Pasko na naman.
Yan palaging sambit ng karamihan
minsan hindi maintindihan
palaging inaabangan
pero kapag nariyan na
parang tinatabangan
inaayawan
maski kinaiinisan.
Kapag natutuwa, nakangiti mga labi sabay sabi, "(Yehey!) Pasko na namann!!!" Pero kung nagagalit, mata'y nanglilisik: "Pasko na naman!?!" Kapag nagtataka, nagugulat, mabilis pagbigkas, sa dulo umiigkas "Pasko na naman???" At kung walang pakialam, malamlam mukha, halos ibulong "Pasko na naman."
Larawan kuha ni G. Marc Angelo Nicolas Carpio, Pasko 2020 sa aming parokya.
Iisang pangungusap
nababago dating
kung saan ang diin
kung bigkasin
batay sa damdamin
nababago ibig sabihin
ngunit kahulagan
at aral nananatili pa rin.
Hindi maililihim sa likod ng mga katagang "na naman" nararamdaman panghihinayang, pagsisi tila mayroong gustong aminin; ang iba naman pilit walang kibit dahil sa sakit at pait na sinapit kunwa'y walang pakialam Pasko kinakalimutan.
Larawan kuha ni G. Marc Angelo Nicolas Carpio, Pasko 2020 sa aming parokya.
Pasko ay higit pa sa petsa
pera, damit at mga regalo
magarbong pagsasalo-salo;
Pasko ay pagparito sa mundo
ng Diyos na nagkatawang-tao
pangalan ay Jesu-Kristo
upang iligtas tayo
mahango sa pagkakasala.
Mababago pagbigkas pagbati ng "Maligayang Pasko" ngunit kahulugan mananatili magpakailanman ang pag-ibig na walang hanggan ng Diyos na atin unang nagmahal gumawa ng paraan kaya sumilang sa sabsaban sa ilalim ng malaking kadiliman Kanyang Anak upang tayo samahan, damayan!
Larawan kuha ni G. Marc Angelo Nicolas Carpio, Pasko 2020 sa aming parokya.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Disyembre 2020
Larawan ni Lucifer, ang Satanas, mula sa wikipediacommons.org.
Nakapanlulumo
nakalilito
mga nakita
sa maigsing video
mga nanglilisik na mata ng bata
iginigiit ama niya ay pulis -
walang mintis
napaka-bilis
mag-inang tumatangis
bumulagta sa lupa
lahat hilahod
sa eksenang napanood.
Pilit kong binabalik-balikan
ebanghelyo ng Simbang Gabi
kanina at kagabi
parehong nagsasabi ng mabuti:
dinalaw ng anghel si Maria
hatid Mabuting Balita
kaya nagmamadali siyang
dumalaw kay Elizabeth
upang ibahagi at makihati
sa tuwa ng pagpapala
kay laking hiwaga
ating napala.
Ano nga ba ang nangyari
ating hinayaan
na dumalaw at manahan
sa ating bayan
itong mga kasamaan
araw-araw na lamang
bukambibig
kayabangan at kasinungalingan
pagmumura binibigyang katuwiran
kamatayan tanging nalalaman
sagot sa ano mang
sakit ng lipunan?
Balikan din mga lumipas na Kapaskuhan
bakit mga pelikulang katatakutan
pinararangalan mga impakto at demonyo
gayong ito ang pagsilang ng Kabutihan?
Hindi maikakaila
ang kakayahan ng kasamaan
na dumihan at linlangin
ating kaisipan upang wasakin
kaayusan at kapayapaan
na dapat nating pangalagaan
at ipaglaban na kinakatawan ng Sanggol
na sumilang doon sa sabsaban!