Nang dumalaw at manahan kasamaan sa ating bayan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Disyembre 2020
Larawan ni Lucifer, ang Satanas, mula sa wikipediacommons.org.
Nakapanlulumo
nakalilito
mga nakita
sa maigsing video
mga nanglilisik na mata ng bata
iginigiit ama niya ay pulis -
walang mintis
napaka-bilis 
mag-inang tumatangis
bumulagta sa lupa
lahat hilahod
sa eksenang napanood.
Pilit kong binabalik-balikan
ebanghelyo ng Simbang Gabi
kanina at kagabi
parehong nagsasabi ng mabuti:
dinalaw ng anghel si Maria
hatid Mabuting Balita
kaya nagmamadali siyang
 dumalaw kay Elizabeth
upang ibahagi at makihati
sa tuwa ng pagpapala
kay laking hiwaga
ating napala.
Ano nga ba ang nangyari
ating hinayaan
na dumalaw at manahan
sa ating bayan
itong mga kasamaan
araw-araw na lamang
bukambibig
kayabangan at kasinungalingan
pagmumura binibigyang katuwiran
kamatayan tanging nalalaman
sagot sa ano mang
sakit ng lipunan?
Balikan din mga lumipas na Kapaskuhan
bakit mga pelikulang katatakutan
pinararangalan mga impakto at demonyo
gayong ito ang pagsilang ng Kabutihan?
Hindi maikakaila 
ang kakayahan ng kasamaan 
na dumihan at linlangin
ating kaisipan upang wasakin
kaayusan at kapayapaan
na dapat nating pangalagaan 
at ipaglaban na kinakatawan ng Sanggol 
na sumilang doon sa sabsaban!
Larawan kuha ng may akda, Pasko 2018.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s