Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2024
Ika-anim na Huling Wika ni Jesus

May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa Kanyang bibig. Nang masipsip ni Jesus ang alak ay Kanyang sinabi, “NAGANAP NA!” Iniyukayok Niya ang Kanyang ulo at nalagot ang Kanyang hininga.
Juan 19:29-30
Kung minsan ako ay nalulungkot tuwing Huwebes Santo kapag natutuon ang pansin ng mga tao sa rito ng paghuhugas ng pari sa mga paa ng ilang mananampalataya. Tunay na kakaibang eksena at karanasan iyon sa mga tao ngunit ang totoo, hindi naman talagang bahagi ng Misa ng Huwebes Santo ang naturang paghuhugas ng mga paa na puwede namang hindi ganapin.
Ang tunay na lundo ng Banal na Misa ng Huwebes Santo ay naroon sa bahagi ng Ebanghelyong nagsasaad ng diwa ng paghuhugas ni Jesus sa mga paa ng kanyang mga alagad:
Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.
Juan 13:1
Hanggang saan nga ba ang pag-ibig sa atin ni Jesus?
Hanggang sa wakas. O, end sa Inggles. Ngunit kapag sinabi nating hanggang sa wakas, parang mayroong hangganan ang pag-ibig natin kaya ang pahayag na ginamit sa pagkakasalin ay “ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.”
Mas mainam ang pagkakasalin sa Inggles ng huling pangungusap na nagsabing “He loved his own in the world and he loved them to the end.” Mula sa salitang Griyego na telos ang katagang wakas o end sa Inggles. Nguni’t salungat sa madalas nating isipin ang “wakas” bilang hangganan dahil ang telos ay nagpapahiwatig ng direksiyon at hahantungan na kaganapan o perfection. Hindi lang pagtigil at paghinto ang wakas o end.

Kaya naman nang sabihin ni Jesus doon sa Krus na “naganap na”, ang pakahulugan Niya ay ang kaganapan ng Kanyang misyon na mahalin tayong lahat hanggang sa wakas na siyang tinutukoy ng pahayag sa simula ng kanilang Paskuwa, “at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila” sa paghuhugas ng kanilang mga paa na ang kaganapan ay sa Kanyang kamatayan sa Krus kinabukasan ng araw ng Biyernes.
Ipinamalas sa atin ni Jesus ng buong-buo at ganap sa Kanyang pagkamatay sa Krus ang pag-ibig ng Ama para sa atin batay sa Kanyang sinabi kay Nicodemus, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak” (Jn.3;16).
Kung tutuusin ay hindi naman kailangang mamatay si Jesus sa Krus upang tayo ay maligtas ngunit pinili pa rin Niya ito bilang tanda ng Kanyang pagmamahal sa ating lahat. Kaya naman dito rin nating makikita ang magandang kahulugan ng pagmamahal na hindi lamang basta pagtupad sa mga kautusan o pagiging mabuti sa kapwa. Sa kabuuan nito, ang pagmamahal ay pagiging-ganap ng ating buhay. Love is the perfection of life, ayon kay Thomas Merton, isang mongheng Amerikano noong araw.
Kapag tayo ay nagmamahal, tayo ay nagiging ganap tulad ng Diyos! Kaya, basta magmahal lang ng magmahal hanggang masaktan dahil hindi iyan mauubos tulad ng Diyos.
Mga minamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
1 Juan 4:11-12
Mula sa unang sulat ding iyan ni San Juan, ating matutunghayan ang pahayag niya na ang Diyos ay pag-ibig na ayon sa dating Santo papa Benedicto XVI sa kanyang unang encyclical na Deus Caritas est, ito ang pinaka-malalim na pahayag tungkol sa Diyos na hindi matatagpuan sa ibang relihiyon maliban lamang sa Kristiyanidad.

Mga ginigiliw ko, Diyos lang ang makapagmamahal sa atin ng ganap. Tanging si Jesus lang ang makapagmamahal sa atin ng ganap na Kanyang pinatunayan doon sa Krus.
Palagi kong sinasabi, “human love is always imperfect” kaya hayaan nating punan ni Jesus, gawin Niyang ganap at buo ang ating pagmamahal na palaging kapos at kulang. Maari itong mangyari kapag tayo nagsimulang magparaya at magpatawad, magbigay ng walang hinihintay na kapalit, manahimik kesa kumibo at humaba pa usapan. Tanggapin natin at angkinin mga sakit at sugat natamo natin sa imperfect love ng pamilya at kaibigan o sino pa man.
Tularan natin si Jesus na nagpakasakit at naghandog ng buhay sa Krus dahil sa pag-ibig.
Manalangin tayo para sa mga minamahal natin at sa nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga imperfection:
Panginoong Jesu-Kristo,
sana makapagmahal din ako
tulad Mo hanggang kamatayan;
sana masabi ko rin sa wakas tulad Mo
"naganap na";
patawarin po Ninyo ako
sa maraming pagkakataon
na hindi pa rin tapos
at patuloy pa rin sa pagnanana
ng mga sugat kong natamo
sa imperfect na pagmamahal ng kapwa
kaya hindi ako maka-move on
dahil nilalamon akong buhay ng mga sugat
at alaalang ito kaya hindi ako lumago
at maging ganap sa Iyo.
O Kristo Jesus,
patawarin po Ninyo ako
at turuang magpatawad
dahil sa pagpapatawad
kami tunay na nagmamahal
ng ganap tulad Mo.
Amen.













