Ang paboritong laro ni Hesus

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.

Tinanong sila ni Hesus,
“Hindi pa ba ninyo nababasa
ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga
tagapagtayo ng bahay
Ang siyang naging batong
panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
At ito’y kahanga-hanga!'” †

Mateo 21:42
Madalas sa ating buhay
Tayo'y nanamlay sa maraming
Dagok at kabiguan
At ating nalilimutan itong katotohanan:
Kagandahan at kabutihan 
Ng Diyos sa ating nagmamahal
Kanya tayong sinasamahan
Kung saan hindi nating siya inaasahan.
Pangunahin niyang katangia'y
Magtago at magkubli sa mga tabi-tabi
Na sa tingin nati'y mga walang silbi
Sa pag-aakala nating Diyos ay naroon lang sa malalaki.
Kaya nang Siya ay magkatawang-tao
Hindi siya dumating na malaki
Kungdi sinilang na munting baby
Inaruga at pinalaki.
Nang si Hesus ay magsimulang magsilbi
Doon siya natagpuan sa mga tabi-tabi
Humirang mga lalaki na wala namang sinabi
At nakisama sa mabababang uri ng babai.
Larawan mula sa Rappler sa pamamagitan ng Google.
Kaya kung ang buhay ay isang laro
Natitiyak ko paborito sa lahat ni Kristo
Ang taguang pung at hindi patintero
Lalo nang hindi ang tumbang preso.
Pag masdan ninyo nang matanto:
Abalang-abala tayo sa paghahanap
Ng kung anu-anong natatago
Gayong tayo naman ang nabuburo.
Palaging taya, palaging kawawa;
At kung minsan nama'y nadaraya.
Kaya kung si Hesus ay iyong matagpuan at...
Pung! Siya na ang taya, ikaw ang malaya.

Ang aking bakit list

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.
Bakit ang panahon ng tag-araw at tag-ulan
Hinihintay pa ngayon deklarasyon ng PAGASA
Hindi pa ba sapat nakikita
Basang-basa ka na ng pawis o ng ulan?
Bakit tayo naaaligaga kapag inabuso
Aso't pusa at iba pang mga alaga
Pero paglapastangan sa kapwa
Wala naman tayong ginagawa?
Bakit mga durugistang maralita
Tanging nababalitang napapatay
Habang susuray-suray, pakaway-kaway
Mga nakaririwasang high na high?
Bakit ngayon tikom mga bibig nila
Nasaan mga matatapang na salita
Nang binangga ang bangka ng mangingisda
Sa sariling karagatan at sukat iniwanan?
Bakit kapag mga maliliit nagigipit
Lalo pang nalalait sa salitang masasakit
Ng mga pinunong mata'y nakapikit, takot sumabit
Nakakibit-balikat, dahil wala namang paki?
Bakit nga ba sa ating panahon ngayon
Na wala nang hindi nalalaman
Lahat puro salitaang walang pinatutungahan
Katulad ay balde, maingay at walang laman kasi!
Bakit lahat puro sagot at paliwanag
Walang nagtatanong
Gayong nakikilala ang tunay na marunong
Sa kanyang uri ng pagtatanong.
Larawan kuha ni Dra. Mai Dela Pena sa Tokyo, Japan noong Marso 2018.

Pabalat Bunga

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Hunyo 2019
Mga tindang prutas at gulay sa palengke ng Jerusalem. Larawan kuha ng may-akda, Abril 2017.
Pabalat-bunga
Ang patalinhagang pagsasabi ng hindi totoo
Upang hindi makasakit damdamin ng tao.
Mema ang tawag ngayon dito
Basta may masabi lang
Katulad ng balat na walang kabuluhan.
Hindi naman masama 
Magpabalat-bunga lalo na't
Kulang sa delicadeza iyong kausap.
Iyon nga lamang
Madalas at di minsan
May mga tao di marunong kumilala.
Sa harap ng pabalat-bunga
Sila'y nakanganga
Isusubo't lalamunin pati balat ng bunga.
Wala nang kahihiyan
Basta ang tiyan mayroong laman
Maski basurang pinagbalatan.
Kaya't isipin ninyo na lamang
Mga taong ganyan kumakain pati balat ng bunga
Tiyak sila ma'y mga patola!
Larawan mula sa Google.

San Antonio de Padua, kami po ay nawawala…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-14 ng Hunyo 2019
Mula sa Google.
Mula pagkabata hanggang pagtanda
Ikaw na San Antonio aming nagisnan
Tinatawagan nang matagpuan
Ano mang nawawala o naiwan saan-saan.
Minamahal naming pintakasi
Tulungan nawa kami sapagkat dumarami
At lalong lumalaki aming mga isinasantabi
Na maski mawala tila wala kaming paki!
Kami'y nagagalit kapag nawawaglit 
Mga mumunting gamit at anik-anik
Pinalalaki para nang buong sarili inapi
Ngunit kaunting buti para sa katabi kinukubli?
Hindi kami mapakali at agad bibili
Kapag nawala'y gamit na kawili-wili
Ano't lagi naming hanap ay aliw at kaluguran
Walang pakialam sa mga tiyan na kumakalam?
Nawawala na respeto at pag-galang
Pati hinhin at kahihiyan di malaman kung nasaan
Kinamimihasnan kalaswaan at kasalahulaan
Mas hinahanap kasamaan kaysa kabutihan?
Sana kami'y iyong tulungan
Muli naming matagpuan
Daang pabalik sa Kabanal-Banalan
Na palagi naming tinatalikuran at iniiwanan.
Kami po ang nagkulang
Ni hindi na namin Siya namamasdan
Wala na kaming nilalaang panahon
Upang Siya ay dasalan.
Mahal naming patron sa amin lumingon
Nawawala kami sa landas ng Panginoon
Unti-unting nilalamon ng aming kapalaluan
Nalulunod sa kayamanan, karangyaan, at kapangyarihan.
Kami ang nawawala, di namin alintana 
Buhay at kapwa amin nang binabalewala
Poong Maykapal amin nang tinalikuran
Gayon Siya ang aming uuwian at hahantungan.
Larawan mula sa Google.

Kalayaan o Kasarinlan, Suriin ating kalooban

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Hunyo 2019
Mula google.
Tuwing sasapit petsa dose ng Hunyo
Problema sa ating mga Filipino
Nahahayag sa pagdiriwang na ito
Na tila hindi natin tanto kahulugan nito.
Ano nga ba ang wasto,
Araw ng kalayaan o araw ng kasarinlan?
Parehong totoo at magkahawig sinasaad ng mga ito
Ngunit malalim at malaki pagkakaiba mga ugat nito.
Mula sa Wikipedia.
Kung pagbabatayan ating kasaysayan
Araw ng kasarinlan ang petsang ito
Nang bumukod at magsarili tayo bilang isang bansa
Pinatatakbo ng mga sariling mamamayan at kababayan.
Ngunit totoo rin namang sabihing
Higit pa sa kasarinlan natamo natin sa petsang ito
Kaya nararapat tawaging araw ng kalayaan
Nang lumaya ating Inang Bayan sa pang-aalipin ng mga dayuhan.
Larawan mula sa ABS-CBN News.
Maituturing bang may kasarinlan ating bayan
Kung wala namang kalayaan linangin at pakinabangan
Kanyang likas na yaman lalo na sa karagatan
Gayong tayo ay bansang binubuo ng mga kapuluan?
Tayo nga ba ay nagsasarili at masasabing may kasarinlan
Kung turing sa atin ay dayuhan sa sariling bayan
Walang matirhan lalo na mga maliliit nating kababayan
Dahil sa kasakiman ng ilang makapangyarihan sa pagkamkam?
Gayon din naman sana'y ating matingnan
Kung tunay itong ating kalayaan
Marami pa rin ang nabubulagan at hindi matagpuan
Dangal ng kapwa na madalas ay tinatapakan.
Ang tunay na kalayaan ay ang piliin at gawi'y kabutihan
Kaya ito ma'y kasarinlan dahil ito'y kakayahang
Kumawala at lumaya sa panunupil sa sariling pagpapasya
Walang impluwensiya ng iba kungdi dikta ng konsiyensiya.
Larawan mula sa Google.
Kalayaan at kasarinlan kung ating pagninilayan
Dalawang katotohanang nagsasalapungan
Kung saan mayroong pagtatagpo ng kabutihan
Paglago at pagyabong ng buhay tiyak matatagpuan.

Nasaan nga ba ang Katotohanan?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-3 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.
Noong si Hesus ay nilitis
Ni Pilato na tingin sa kanya'y malinis,
Ano aniya ang katotohanan
Na hanggang ngayon ating tinatanong
Sa Panginoong lagi nating hinahamon.
Sayang noon ay hindi tumugon 
Itong Panginoon sa naturang tanong
Upang sana'y maliwanag na sa ating ngayon
Kahulugan ng katotohan na palaging naaayon
Sa kanya-kanya at sariling interpretasyon.
Ngunit kung ating paglilimi-limihan
Hindi sinagot ng Panginoon si Pilato noon
Dahil mali ang kanyang tanong: hindo "ano"
Kungdi "nasaan" ang katotohanan upang kapag natunton
Ito'y maisasabuhay natin sa lahat ng pagkakataon.
Mismong ang Panginoon nagsabi noon
Na siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay;
Alalaong-baga, itong katotohanan ay isang "person"
Kaya naman ang pagsuri sa katotohanan
Masasalalay palagi sa pagpapahalaga natin sa buhay.
Umiiral lamang ang kasinungalingan
Na siyang kabaligtaran ng katotohanan
Kapag katauhan ng kapwa hindi natin pinahahalagahan,
Binabale-wala at isinasantabi dangal ng kapwa
Kaya lahat ng masasabi ay malayo sa laman ng budhi.
Kung sisikapin lamang natin
Mapahalagahan bawat kapwa natin
Hindi tayo magsisinungaling o magmamagaling
Dahil maliwanag di lamang sa isipan natin
Yaring katotohanang nananahan sa puso natin.
Photo by Pixabay on Pexels.com

Kalaswaan at katatawanan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, ika-27 ng Mayo 2019
Larawan mula sa Google.
Ipagpaumanhin kahit ako'y hindi naman mahinhin
Bakit tila baga tayo ay nahuhumaling sa mga usapin
At paksang karimarimarim kung saa'y
Kalaswaan nagiging isang katatawanan?
Hindi lamang minsan kungdi kadalasan
Ito na nga yata katauhan ng mama sa Malakanyang
Na kung hindi kasinungalingan o kalokohan
Kasalahulaan at kalaswaan laging binibitiwan.
Kailanman ay hindi katatawanan
Gawing biro lamang o paksa sa usapan
Na wala namang katuturan
Panghahalay sa kababaihan.
Larawan mula sa Google.
Simula't sapul palagi na lamang
Kababaihan tampulan ng mga panlalait at sisihan
Na tila baga walang kasalanan
Mga kalalakihan sakdal sa kalinisan at kahusayan.
Madalas hindi nalalaman ng kalalakihan
Hinugot ang babae sa kanyang tadyang
Hindi lamang upang siya ay ingatan at pangalagaan
Kungdi dahil kapantay sa dangal at katauhan.
Sa lahat ng paglapastangan sa kababaihan
Panghahalay ang kasukdulan
Dahil niyuyurakan sinapupunan
Na siyang pinanggalingan ng sangkatauhan.
Larawan mula sa Google.
Napakinggan mo na ba
Daing na hindi maisigaw o maibulalas
Ng isang hinalay, lalo na yaong nag-alay ng buhay
Upang mamasukan sa ibang bansa?
Nakita mo na ba mga mata na hindi makatingin
Ulo ay nakatungo dahil sa bangungot na hindi magising
Luha hindi mapahirin sa bigat at sakit ng damdamin
Ng isang babaeng hinalay o puri'y nadungisan?
Aynakupo...! Nag-aalimpuyong galit kasabay
Ang pait at sakit sa tiyan at dibdib
Na halos ika'y mabuwal at maduwal
Sa gayong sinapit na dama pa rin ang sakit.
Ang pinakamalupit kapag babae ay hinalay
Ay iyong mapagtanto na isa itong impakto
Nagkukubli sa inapi na maaring babaeng iyong itinatangi:
Sariling ina o asawa, kapatid o anak.
Kapag kalaswaan ay nagiging isang katatawanan
Dangal ng katauhan di lamang ng kababaihan
Ang hindi na pinahahalagahan hanggang maubos ang halakhakan
Dahil mga tao'y magsasakmalan na parang mga hayop na lamang.
Estatwa ni Maria nang dalawin niya si Elizabeth sa kaburulan ng Judea; mula sa kanilang sinapupunan sumilang ating kaligtasang hatid ni Hesus na inihanda ni Juan Bautista. Dalawang kababaihan kumakatawan sa kadakilaan at karangalan ng mga babae sa ating buhay: ina, asawa, kapatid, anak, at kaibigan. Larawan ng may-akda, Abril 2017.

Tayo ba’y Palabas o Paloob?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Abril 2019
Larawan mula sa Google.
Ano nga ba ang kabuluhan
Nitong mga panata na sinasakatuparan
Kung wala namang kahulugan
Maliban sa ito'y nakagisnan?
Inyong pagmasdan itong ating mga nakagawian
Na pawang puro kaluhuan
Puro palabas wala na sa kalooban
Kaya nawala na sa atin ang kahulugan.
Pagkakataon sana upang ating masalamin
At mapaglalim mga minanang kaugalian natin
Ngunit nagiging isang malagim na tanawin
Karima-rimarim na pag-uugali ng marami sa atin.
Larawan mula sa GMA News.
Isang kabataan nadismaya sa nakita
Nang gawing malaking basurahan simbahan nila
Ng mga nag-visita iglesia na walang pakundangan 
Nilapastangan at sinalaula tahanan ng Diyos.
Hindi lamang iyan sa Antipolo
Kungdi maging mula Aparrri hanggang Jolo
Eksenang ganyang kagulo
Ng mga Katolikong sira ang ulo.
Larawan mula sa Google.
Anong uri nga ba ng pananampalatay mayroon tayo
Mga Filipino diumano Katoliko sarado
Hindi mababago anila pagiging Kristiyano
O sarado isip at puso sa katotohanan ni Kristo?
Ngayong "nakahimlay" Panginoon natin
Suriin mga pagkukulang natin
Kung bakit mga pagdiriwang at gawain
Sa simbahan nawalan ng taginting.
Mga simbahan ba natin maituturing na bahay dalanginan pa rin
Kung punung-puno ng mga palamuti, walang katapusang mga pagawain?
Puro flat screen at tarpaulin mga dingding
Lahat na lamang naka-recording, ang Diyos wala nang dating. 
Nasaan na ang marubdob na pakiramdam
Kung ang simbahan mistulang tindahan
At ang masaklap na katotohanan minsan o palagian
Kay Father walang maramdamang kabanalan.
Madalas nating mapakinggan itong kasabihan
Kung ano ang gobyerno, ganoon din ang mga tao;
Huwag nating kalilimutan ang katotohanang iyan
Sa simbahan ma'y matatagpuan una doon sa mga kaparian.
Larawan mula sa Sandigan-Diocese of Malolos.

Ang Krusipihiyo ni Sta. Mother Teresa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-16 ng Abril 2019
Ngayong Semana Santa aking naalala
Aking nabasa isang tunay na istorya
Tungkol kay Santa Mother Teresa
Noong nabubuhay pa siya sa Calcutta.
Minsan daw isang alaga nilang kulang-kulang
Sinidlang bigla ng galit na di maintindihan
Krusipihiyo sa dingding nabalingan ng pansin
Ibinato sa Santa nating taimtim nananalangin.
Walang nakapansin nang ito'y kanyang gawin
At nang ito'y pulutin ng butihing Mother natin
Nakita niyang bali-bali ngunit nakapako pa rin
Si Kristong Panginoon natin.
Larawan mula sa Google.
Kanyang pinagdikit-dikit bali-baling katawan
Na parang nabendahan tulad ng isang sugatan
Saka inutusan ng madreng maalam kanyang mga kasamahan
Kanyang tinuran sa kanila, mahigpit na tagubilin:
Isabit muli sa ating dingding nabaling Krusipihiyo natin
At inyo ring idikit kalapit yaring panalangin,
"Hayaan po ninyo Panginoon na paghilumin
Nitong aking mga kamay nawasak mong katawan."
Larawan ng mosaic sa kripta ng Katedral ng Maynila. Kuha ni Arch. Philip Santiago, Oktubre 2016.
Ito ang aral na lagi nating pakantandaan
Kaya minsan-minsan dapat nating pagnilayan
Paano nasugatan at patuloy nating sinasaktan
Ng ating mga kasalanan yaring Mahal na Katawan.
Sa naturang kuwento ng ating banal  
Kanyang dasal sana'y di lamang natin mausal
Katulad niya'y ating maisabuhay
Paano ating mga kamay makakaramay.
Mula sa Google.
Mga kamay ni Hesus sa krus katulad ay tulay 
Nag-uugnay, nagbibigay-buhay
Sa mga handang abutin Diyos at kapwa natin 
Sa pag-ibig na walang kapalit na hinihiling.
Mula Google.

Paanyaya ng Semana Santa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-9 ng Abril 2019
Larawan mula sa Google.
Ano kaya ikaw ay maanyayahan
Pakinggan ngayong mga mahal na araw
Na iyong paunlakan itong panawagan
Ng bagong utos na magmahalan?
Magturingang magkakaibigan
Walang paglalamangan bagkus pagbibigayan
Respeto at dangal ng bawat isa
Lalo na ng mga nakalimutan ng lipunan.
Tulay ng mga “magka-ibigan” at magkasintahan sa Taiwan.
Hilumin mga pusong sugatan
Aliwin mga damdaming nasaktan
Pakinggan mga karaingan
Tulungan mga nabibigatan.
Samahan mga iniwanan
Katandaan ay alalayan
Mga sanggol ipagtanggol
Ngiti sa labi isukli sa hikbi ng mga sawi.
Larawan ay kuha ng aking kaibigan sa Varsitarian ng UST, G. Jim Marpa, 2017.
Marami pang paraan upang sundin
Mga tinuran nitong Panginoon natin
Noong gabi matapos nilang kumain
Aniya maghugasan din ng mga paa natin.
Halina't buksan puso't kalooban 
Upang masundan bagong paraan
Ng pamumuhay sa pagmamahalan
Ilahad banal na kalooban sa kapwa bilang kaibigan.
Larawan mula sa Google.
Maging laan na laging pakinggan
Hinanakit sa kalooban, masakit at di malabanan
Upang kanila ring maramdaman
Ika'y karamay sa kanilang kapighatian.
Doon magsisimula komunyon at kaisahan
Sa kapangyarihan ng Espiritung Banal
Isang panibagong pag-iral
Bukal ng tuwa at kagalakan.
Larawan ay kuha ng aking kaibigan, Dra. Mai Dela Pena sa halaman ng Monasterio ng mga Carmelita sa Israel noong Oktubre 2011.