Lord My Chef Daily Recipe by Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 4, 21 June 2025

Siguro napakanta kayo sa pamagat ng ating pagninilay ngayong araw na buhat sa 1992 hit ng yumaong si Bodjie Dasig at ng kanyang Law of Gravity na Sana Dalawa ang Puso Ko (ginawa din itong pelikula noong 1994 starring Dina Bonnevie, Alice Dixson at Rustom Padilla).
Usiginanga… kantahin nga natin:
Sana dalawa ang puso ko
Hindi na sana nalilito kung sino sa inyo
Sana dalawa ang puso ko
Hindi na sana kailangan pang pumili sa inyo
Maraming naging bersiyon ang kantang iyon kasi nga bukod sa maganda ang tono, e talaga namang paborito ng maraming “nalilito” sa pag-ibig kungdi sa kungdi sa buhay mismo.
Subalit ang mabuting balita ngayong ikaapat na araw ng ating Nobenaryo sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus ay batid mismo ito ng Panginoon – ang ating kalituhan sa buhay na kanyang tinatalakay sa ebanghelyo ngayon.
“Walang makapagilingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan” (Mateo 6:24).

Ginamit na kataga sa English translation ng bahaging ito ng ebanghelyo ang orihinal na kataga na “mammon” – You cannot serve both God and mammon.
Kung tutuusin sabi ng mga dalubhasa sa bibliya, walang tiyak na translation ang “mammon” at naging pakahulugan na lang ang kayamanan at pera o salapi. Ayon sa kanila, malawak at kumplikado ang sinasaad ng “mammon” katulad ng ano mang labis (excess) at imbalance o kawalan ng balanse sa mga bagay-bagay na nagdudulot ng pagkakasakit at kawalan ng katarungan.
Alalaong-baga, ang “mammon” gaya ng ano mang labis at sobra ay nakakasama at nakakasira sa ating pagkatao. Maaring ituring ang pagkain at inumin o kahit anong bagay na mabuti ngunit sumasama kung sumosobra. Ang “mammon” ay ano mang bagay na nakaka-addict na ayaw na nating bitiwan hanggang sa malunod o malulong na tayo at malimutan natin ating sarili pati mga kapwa natin.
Totoo naman na kailangan natin ang pera upang makapag-aral, magkaroon ng damit at ng makakain ngunit kapag ito at iba pang mga bagay maging mga tao na ang ating pinapanginoon, ang mga ito ay nagiging mammon. At kung magkagayon, mas malamang na hindi malayo na tayo ay nagkakasala o namumuhay sa kasalanan. Kaya kailangang matukoy natin ang ating mga “mammon” bago maging huli ang lahat at masira na ating buhay sa kasalanan.

Gayon din naman, hindi pa rin sapat na matukoy lamang natin ang iba’t ibang “mammon” at mga kalabisan sa buhay natin. Mahalaga ring makita ang sitwasyon ng buhay ngayon na kung saan ang Diyos ay binabale-wala at ang mga turo ng Simbahan maging ano mang kabutihan ay pinagtatawanan.
Ito pinakamahirap sa ating panahon ngayon na namumuhay tayo sa gitna ng maraming makabagong teknolohiya na nagbubunsod ng mga kakaibang kamalayan at kaisipan kung saan ang lahat ay sinusukat na lamang sa pera at kapakinabangan. Hindi lamang nangingibabaw ang mga materyal na bagay at lahat ng uri ng “mammon” kungdi wala na rin ang Diyos sa usapan.
Tawag dito sa Ingles ay “dissonance” o mawala sa tono tulad ng sa musika. Hindi ba ganito ang buhay nating ngayon, wala sa tono?
Sa ating pagsisikap na mamuhay ayon sa ebanghelyo, lumago sa espirituwalidad at maging banal gaya ng panawagan ni Jesus sa ating lahat, kitang-kita at damang-dama natin na napaka-hirap nito. Palaging nakasalungat ating mga pahalagahan o values sa pinahahalagahan at patakaran ng mundo na ang gusto palagi ay maging mayaman at makapangyarihan, maging sikat at kilala, maging malaya sa maling paraan kayat ang panawagan ng marami ay diborsiyo at abortion, pati na rin same sex marriage.

Subukan mong ituro o magsalita ukol sa katapatan sa pag-aasawa, ang kamalian ng pakikipagtalik sa kapwa lalake o babae, ang karapatan ng mga sanggol sa sinapupunan at ikaw ay pagtatawanan, lalaitin at kukutyain habang pinagsasabihan ng lahat ng pangalan mula kosnerbatibo o makaluma, Pariseo, at nagmamalinis.
Balikan ating mga pagbasa nitong lumipas na isang linggo na ang mga paksa ay salungat sa gawi ng kasalukuyang daigdig tulad ng pagmamahal sa kaaway, pagiging bukas-palad, at pagdarasal tuwina.
Sa mundo ngayon, ang binibigyang halaga palagi ay kaginhawahan, kung ano ang madali at kalugod-lugod. Ultimo ang pagtanda ay tinitingnang kapintasan at sakit na kinatatakutan kaya lahat ay gustong manatiling bata.
Noon pa man ay napansin na ito ni San Pablo ngunit para sa kanya, walang saysay ang ipagyabang ating husay at galing bagkus dapat nating ikatuwa ang mga sakit at pagtitiis na pinagdaraanan sa ngalan ng Panginoon.
ganito ang kanyang (Panginoon) sagot, “Ang tulong ko ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya’t buong galak na ipagmamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Cristo. Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin, at magtiis. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas (2Corinto 12:9-10).
Mismong ang Panginoong Jesus ito rin ang naranasan noong siya ay pumarito sa lupa. Hanggang sa Krus hindi siya tinantanan ng diablo sa panunukso, pilit na hinahati kanyang puso at kalooban upang talikuran ang Ama sa langit kasama na tayong mga tao.

Subalit nanatiling matatag si Jesus. Ni minsan hindi niya naisip na sana dalawa ang kanyang puso sapagkat sa kanyang Kamahal-Mahalang Puso, iisa ang nanatiling tuon at laman.
Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo (Mateo 6:33).
Nag-iisa lang ang ating puso dahil nag-iisa lamang tayo sa Puso ni Jesus. Bawat isa sa atin ay kanyang pinakamamahal.
Sa atin bang puso, si Jesus din ang ang pinaka-mamahal? O, nahahati na rin ang puso natin, namamangka sa dalawang ilog?
O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.






















