Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, Sacred heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2024.
Halina't magpahingalay hindi lamang upang mapawi pagod at hirap kungdi sarili ay mabawi sa kawalang kabuluhan at mga kaguluhan, pagkawindang mapigilan kaayusan ng buhay ay mabalikan; limang tanong sana makatulong upang landas ng makatuturang buhay ating masundan:
Larawan kuha ng may-akda sa Alfonso, Cavite, Abril 2024.
"Nasaan ka?"
Kay gandang balikan nang ang Diyos ay unang mangusap sa tao, ito ang kanyang tanong sa lalaking nagkasala at nagtago, "nasaan ka?" Nang maganap unang krimen, Diyos ay nagtanong din kay Cain, "nasaan kapatid mong si Abel?"
"Nasaan" lagi nating tanong lalo na't sarili ang nawawala tumutukoy di lamang sa lunan kungdi sa kalagayan at katayuan ng sarili madalas ay sablay at mabuway; magpahingalay upang tumatag at maging matiwasay.
Larawan kuha ng may-akda sa Camp John Hay, Baguio City, 12 Hulyo 2023.
Susunod na dalawang tanong ay magkadugtong: "Saan ka pupunta?" at "Paano ka makakarating doon?"
Walang mararating at kahihinatnan sino mang hindi alam kanyang pupuntahan maski na moon na tinitingala hindi matingnan, magroadtrip broom broom man lamang! Muling mangarap libre at masarap higit sa lahat magkaroon ng layon na inaasam-asam!
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera sa Banff, Alberta, Canada, 07 Agosto 2024.
Nasaan ka? Saan ka pupunta? Paano ka makakarating doon? Ang mga unang tatlong tanong sa ating pamamahingalay nitong paglalakbay ng buhay; ika-apat na tanong naman dapat nating pagnilayan ay "Ano aking dadalhin sa paglalakbay?"
Marahil pinakamahalagang dalhin ang ating sarili hindi mga gamit o kasangkapan dahil kaalinsabay ng mga dalahin ay ating mga iiwanan din; huwag nang magkalat ng gamit bagkus iwanan ay bakas ng mabuting katauhan pagmamalasakit sa iba pang naglalakbay sa landas nitong buhay!
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Spiritual Center, Tagaytay, 21 Agosto 2024.
Ngayo'y dumako tayo sa huling tanong nitong pagpapahingalay upang mabawi ating sarii di lamang pagod ay mapawi: "Sino iyong kasama sa paglalakbay sa buhay?"
Ito marahil pinakamahirap sagutin maski harapin dahil problema natin hindi naman mga nabigong pangarap at adhikain kungdi nasira at nawasak nating mga ugnayan bilang pamilya at magkakaibigan; may kasabihan mga African, kung ibig mong maglakbay ng mabilis, lumakad kang mag-isa ngunit kung ibig mong malayo marating, magsama ka ng kasabay sa paglalakbay.
Dito ating makikita diwa at buod ng tunay na pagpapahingalay o pagpapahinga: mula sa salitang "hinga" ang magpahinga ay mahingahan ng iba, mapuno ng iba; mauubos tayo parang upos sa dami ng ibig nating maabot at marating, huwag mag-atubiling tumigil, mamahinga, magpahingalay sa Panginoong Diyos na Siya nating buhay at kaganapan na tiyak din nating hahantungan sa walang hanggang pahingalay. Hayaang Siya sa ating umalalay at pumuno ng hininga ng buhay!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may akda sa kanyang silid, 14 Agosto 2024.
*Salamuch sa Orange and Lemons.
Umuwi ka na Mommy: yan lang mithi ko palagi hindi lang masabi nitong aking mga labi dangan kasi hindi mangyayari; akala ko noong dati makakaya ko ang pighati ng iyong pagpanaw ngunit aking akala pala ay mali tunay na damdamin namnamin, ilahad at aminin sa sarili huwag ikubli huwag magkunwari tiyak madadali sa huli.
Umuwi ka na Mommy: kailanma'y hindi namin iyan nasabi dangan nga kasi ikaw palagi nasa tahanan at tindahan naghihintay sa amin at pagsapit ng takipsilim tulad ng mga alaga mong inahin isa-isa kaming iyong hahanapin parang mga sisiw bubusugin sa halimhim ng iyong mga pangangaral at dalangin saka ipaghahain ng masarap at mainit na pagkain mahirap limutin.
Umuwi ka na Mommy: ikaw lang kasi sa akin ang walang atubili nakapagsasabi, nakakaramdam at nakababatid ng lahat dangan nga kasi ikaw ang sa akin nagsilang sa iyong sinapupunan hanggang libingan dama ko ating kaisahan pilit ko noon hinihiwalayan kaya ngayon aking ramdam kay laking kawalan kahit nag-iisa ka lang.
Larawan kuha ng may akda sa kanyang silid, 14 Agosto 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Agosto 2024
Larawan mula sa foxnews.com.
Hindi mawala sa aking gunita larawang bumantad sa balita tila isang punyal idinarak tagos pagkakasaksak baon na baon hanggang buto ang kirot at sakit nitong kasamaan at kasalaulaan doon sa France.
Pilit nilang ipinaliwanag paglapastangan sa Huling Hapunan hanggang kami pa ang hatulan ng kamangmangan at kawalan ng pakialam sa mga kakaiba ang kasarian; abot-abot kanilang pagpapaliwanag ngunit nabaon lamang sila sa balon ng kadiliman.
Heto ngayon ang larawan inyong pagmasdan: walang kinakailangang pagpapaliwanag sapagkat hindi kailanman magliliwanag ang kadiliman dahil ang maliwanag na katotohanan tanging babae at lalake lamang ang nilalang.
Sakali mang mayroon pumailang ang gawi ng katauhan o oryentasyon maliwanag sa katawan dalawa lamang ang kasarian kahit palitan nasa labas ang nasa loob kailanman hindi manglilinlang.
Tiyak marami silang sagot at mga paliwanag kaya namang tila baga itong Olympics ngayon ay hindi na tagisan ng husay at galing sa larangan ng pangangatawan kungdi ng isipan at paninindigan;
tanging hiling ko lang, muling pagmasdan itong larawan ano inyong nararamdaman? sa boksing pa na sukdalan ang karahasan doon pa matatagpuan natitirang liwanag at katinuan ng makabagong sangkatauhan?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, bukang liwayway sa Lawa ng Galilea, Israel, Mayo 2019.
Unang araw sa buwan ng Agosto, buwan ng wika ako ay nakatunganga sa pagkamangha sa isang salita: PALIWANAG sa wikang Inggles, "explanation" at kung gagamiting pandiwa "to explain" ito ay magPALIWANAG.
Kay sarap namnamin
at damhin mga kataga
nitong ating wika
tulad ng PALIWANAG
nagsasaad ng pagbibigay
liwanag dahil mayroong
kadiliman minsa'y panlalabo
kaya nililinaw upang
matanaw, makita kahit man lang
maaninag upang matukoy, makilala.
Mahirap kasi mag-apuhap sa gitna ng kadiliman na kawalan ng katiyakan: ika'y nangangapa at nangangamba kung ano iyong mahawakan, makuha kaya nakakatakot sa dilim na wala kang nakikita dahil pati ikaw baka tuluyang mawala pa!
Inyong pagmasdan malaking kadiliman na sa ati'y bumabalot kamakailan kaya kay raming nagpapaliwanag naglilinaw dahil sa mga ginawa at ipinahayag na puro kaguluhan:
Waiter sa Cebu pinagpaliwanagan ng halos dalawang oras habang nakatindig sa harapan ng customer na tinawag niyang "Sir" na ibig ituring siya na "Mam"; kay daming paliwanag ni "Mam" pero malabo pa rin dahil malinaw pa sa araw maski sa mga larawan na siya ay Sir!
Hanggang ngayon nagpapaliwanag pa rin mga pasimuno ng paglapastangan sa Huling Hapunan ng Panginoon na lalong nababaon dahil maliwanag kanilang kasinungalingan na ang kadiliman ng kapalaluan at kasamaan kanilang pagpugayan taliwas sa layuning magkaroon ng pagbubuklod at kaisahan.
Hindi lang minsan ating narinig masabihang "ang labo mo naman" kaya kinakailangang magpaliwanag upang maunawaan at maintindihan na siyang daan sa magandang pagsasamahan.
Heto ngayon ating pagnilayan pagbulayan aking katanungan: nagPALIWANAG ba ang Panginoong Jesus sa Kanyang mga pangangaral? Maliban sa pagpapaliwanag ng mga talinghaga ng sarilinan sa mga alagad, walang ipinaliwanag si Jesus dahil maliwanag Siyang palagi at higit sa lahat Siya ang Liwanag ng Sanlibutan.
Madalas hindi Siya maunawaan, maintindihan at matanggap ng mga tao noon hanggang ngayon ngunit kailanman walang binawi na salita ang Panginoong Jesus dahil maliwanag ang lahat: "Ako ang daan at katotohanan" (Jn.14:6), "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay" (Jn. 11:25) "Ako ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw" (Jn. 6:54).
Nang linisin ni Jesus ang templo sinabi sa mga tao na gibain iyon at kanyang itatayo sa loob ng tatlong araw; Siya ay pinagtawanan ng mga kalaban ngunit malinaw na sinasaad sa kasulatan nang muli Siyang mabuhay ay naunawaan ng mga alagad ang tinutukoy Niyang templo ay ang Kanyang Banal na Katawan (Jn. 2:18-22); maliwanag si Jesus ay palaging malinaw kaya kahit sa gitna ng kadiliman Siya ay maliwanag.
Lumapit tayo kay Jesus at hayaang liwanagan Niya kadiliman sa ating puso at kalooban katulad nina Nicodemo at Dimas na umamin sa kanilang kamangmangan at kasalanan kaya natamo ang liwanag at kaligtasan; hindi mahirap tuntunin katotohanan at liwanag ng Panginoon natin kung ating aaminin at aalisin mga piring sa ating paningin upang mabuksan puso at kalooban sa kagandahan at dangal ng kabutihan ng bawat nilalang hindi ang ipangalandakan sariling husay at kaalaman maging antas ng kalinangan!
Tandaan at panghawakan, tiyak na kaliwanagan ng mga salitang binitiwan ng Panginoon sa atin sana ay magpaalaala: "Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas" (Mt.23:12)
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Mayo 2024
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Morong, Bataan, ika-15 ng Abril 2024.
Sana'y dinggin itong aking awit tungkol sa pananahimik na higit sa pagwawalang-imik o kunwari'y pagiging bingi bagkus pakikinig na mabuti sa bawat tinig dahil ang katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan; sa katahimikan tayo ay bumabalik sa ating pinagmulan namumuhay tulad nang sa sinapupunan nakikiramdam, lahat pinakikinggan dahil nagtitiwala kaya naman sa pananahimik tayo ay nakakapakinig, nagkaka-niig, higit sa lahat ay umiibig dahil ang tunay na pag-ibig tiyak na tahimik hindi ipinaririnig sa bibig kungdi kinakabig ng dibdib maski nakapikit dama palagi ang init!
Ganyan ang katahimikan, hindi lamang napapakinggan kungdi nararamdaman nakabibinging katotohanan kaya laging kinatatakutan ayaw pakinggan iniiwasan di alintana sa kahuli-hulihan katahimikan ang tiyak nating hahantungan magpakailanman kaya ngayon pa lang ating nang kaibiganin ang katahimikan, matutunang harapin at tanggapin tulad ng sa salamin tunay na pagkatao natin upang pabutihin, dalisayin sa katahimikan pa rin.
Larawan kuha ng may-akda sa Bgy. Kaysuyo, Alfonso, Cavite, 27 Abril 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Abril 2024
Caravaggio’s painting “The Incredulity of St. Thomas” (1602) from en.wikipedia.org.
Sa tuwing maririnig ko ang kuwento kay Santo Tomas Apostol ni Kristo, ako'y nanlulumo dahil batid ko hindi ayon turing natin sa kanya na "Doubting Thomas" gayong tanging tag-uri sa kanya ng Ebanghelista ay "Didymus" o "Kambal"; nag-alinlangan nga si Tomas sa balitang napakita si Jesus na muling nabuhay sa kanyang mga kasama nguni't kailanma'y di nabawasan kanyang paniniwala at pagtitiwala.
Malaking pagkakaiba ng hindi maniwala sa hindi makapaniwala na isang pag-aalinlangan bunsod ng kakaibang pakiramdam tulad ng pagkamangha o ng tuwang walang pagsidlan sa isang karanasang napaka-inam ngunit hindi maintindihan balot ng hiwaga at pagpapala gaya nang mabalitaan ni Tomas paanong nakapasok sa nakapinid na mga pintuan Panginoong Jesus na muling nabuhay.
Katulad ng kanyang mga kasamahan nonng kinagabihan ng Linggo ding iyon, wala ding pagsidlan tuwa at kagalakan ni Santo Tomas nang sa kanya inilarawan ipinakitang mga kamay ni Jesus taglay pa rin mga sugat natamo sa pagpapako sa Krus nagpapatunay na Siya nga ang Panginoong nagpakasakit at namatay noon, nabuhay muli ngayon!
Hindi ba
ganyan din tayo
sa gitna ng ating mga
pag-aalinlangan
bagama't damang dama
natin ang katotohanan
ng mga pagpapala at biyaya
hindi tayo makapaniwala
sa kadiliman ating natagpuan
liwanag ni Kristo habang sa
kawalan naroon Kanyang
kaganapan at kapunuan?
Sandigang ating pinananaligan
dasal na nausal ni Tomas na
banal pagkakita kay Jesus
na muling nabuhay,
"Panginoon ko
at Diyos ko!"
Huwag tayong matakot kung tayo ay mag-alinlangan at kung minsa'y hindi makapaniwala sa mga gawa ng Diyos na sadyang kahanga-hanga; sa mundong ito na ang pinanghahawakang kasabihan ay "to see is to believe", ang kabaligtaran nito ang siyang katotohanang ating mapapanaligan, "believe that you may see" dahil sa dilim at kawalan parati dumarating ang Panginoong Jesus natin!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Nobyembre 2023
Larawan kuha ng may akda, bahagi ng Tarlac sa Central Luzon Link Expressway, 19 Hulyo 2023.
Natitiyak ko kay dami
ninyong kuwento sa araw na ito
matapos ang mahabang
"long weekend";
mula halalan
hanggang Undas
inyong pinag-uusapan,
magagandang tanawin
at pasyalang pinuntahan,
masasarap at malinamnam
na pagkaing natikman
habang binabalik-balikan
mga alaala
at gunita kapiling
mga minamahal natin.
Nguni't
hindi ba ninyo napansin
bakit kay huhusay natin
kapag mga bagay-bagay
ay papatapos
at magwawakas na rin?
Kung kailan patapos
na bakasyon,
ibig mo ay extension
dahil saka pa lamang
nararamdaman ang samahan;
kay hirap magpaalam
inaasam oras ay madagdagan
kahit kaunting sandali lang
huwag nang tigilan
kuwentuhan at tawanan;
kung kailan uwian na
saka matatagpuan
maganda at bagong
tanawin, pakiramdam
laging bitin.
Ngunit kung tutuusin,
buhay ay laging bitin
lahat ay paulit-ulit
na simulain dahil
walang natatapos
walang nagwawakas din.
Alalahanin turo
ng matatanda sa atin
huwag magsasalita
ng tapos dahil kung ating
susuriin, sa pag-alis
at paglisan natin,
tayo ma'y dumarating;
maging sa kamatayan
pananaw nati'y hindi wakas
kungdi simula ng buhay
na walang hanggan
kaya naman kapag mayroong
pumanaw, mga huling araw
nila ay puro habilin,
buhay ay kay husay.
Kaya alalahanin
bagaman ang wakas ay
nagbabadya palagi,
pagbutihin bawat sandali
upang sa bawat katapusan
mabakas mas magandang bukas!
Larawan kuha ng may-akda mula sa OLFU-Quezon City, Enero 2023.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Agosto 2023
Larawan kuha ng may-akda, mga puno ng balite sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 21 Marso 2023.
*Isang tula aking kinatha batay sa mga pagbasa at kapistahan
ngayong ika-siyam ng Agosto,
Aklat ng mga Bilang 13:31-14:1, 26-29, 34-35
at Mateo 15:21-28.
Itong ating wika
kay yaman ng mga salita
binibigkas pa lamang ng
dila naroon na sa puso
at isip ang kanyang diwa.
Halimbawa ang kasabihang
gumawa ka ng multo
na iyo ring kinatatakutan
na siya namang totoong-totoo!
Katulad nito isa pang kasabihan
para kang kumuha ng
bato na pinukpok sa ulo.
Madalas sa ating karanasan,
tayo may kagagawan
kaya tayo nahihirapan;
Diyos ay tinatanggihang
sundin at pagkatiwalaan
katulad ng karanasan
doon sa ilang nang gumawa
ng usapang mahirap sakupin
lupaing binibigay ni Yahweh
dahil anila mga higante naninirahan
doon, animo sila'y parang
mga tipaklong lamang.
Nagalit ang Diyos
sa kanyang bayan kaya
dinagdagan isang taon
kada araw ng kanilang paglalakbay
na puno ng pagrereklamo at
pagbubulungan upang umabot
ng apatnapung taon
sila doon sa ilang bago pumasok
sa kanilang lupang pangako,
ginawa nilang multo
naging totoo
sila mga naperwisyo!
Larawan kuha ng may-akda, mga puno ng balite sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 21 Marso 2023.
Anu-ano
mga gawa mong multo
at halimaw sa iyo nananakot
parang bangungot
maski ikaw ay gising?
Mga guni-guni
huwag linangin
bagkus manalig kay Kristo
lagi nating kapiling
lalo sa mga ilang na lupain
siya ay ating salubungin
at sambahin!
Pagmasdan
at pagnilayan pananalig
at tibay ng dibdib
ng babaeng Cananea,
pagano ngunit nagsumamo
kay Kristo upang palayasin
demonyong umaali
sa anak na babae;
sinubok ng Panginoon
kanyang pagpupursigi
hanggang makumbinsi at pinuri
matibay niyang pananampalataya!
Kay laking kabalintunaan
na sa ating panahong tinaguriang
makabago, lahat naiimbento
ngunit isip pa rin ng tao
ay litong-lito;
gumagawa pa rin ng
maraming multo
ilan ay nagkakatotoo,
lumalason sa isipan
mga kasamaan at kasalanan
takot mahirapan kaya Krus
tinatalikuran.
Ito ang pinabulaanan ni
Santa Teresa Benedicta dela Cruz;
isinilang na Hudyo sa pangalang Edith Stein
tumalikod sa Diyos sa sobrang dunong
di naglaon, bumalik sa Panginoon,
nagpabinyag sa Katoliko
at pumasok sa monasteryo;
namatay kasama mga kababayan
niyang Hudyo sa gas chamber ng
mga Nazi hanggang sa huli
pinanindigan Krus ni Kristo
kay inam nating huwaran
sa kasalukuyan na marami pa ring
kinatatakutan lalo na ang pag-gawa
ng kabutihan!
Sta. Teresa Benedicta dela Cruz,
Ipanalangin mo kami!
Larawan kuha ng may-akda, Bgy. Bahong, La Trinidad, Benguet, 12 Hulyo 2023
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Hulyo 2023
Larawan kuha ng may akda sa Anvaya Cove, Bataan, 19 Mayo 2023.
*Ito ay tula na aking nakatha
dahil sa pagkamangha
sa mga katagang "Halika nga"
ng awiting "Habang Buhay"
ni Zack Tabudlo.
Halika nga!
Madalas sinasambit
upang tayo ay lumapit
upang makita at marinig
ng higit
tumatawag
o sumisitsit;
malimit
kapag nabanggit
hatid ay tuwa at galak
sa nakakarinig
lalo na kung
may kasabay na kaway
ng kamay at
pagngiti
ng labi!
Halika nga!
Kay sarap balikan
itong pagtawag
noon sa amin
ng mga magulang
na puno ng lambing
at pagmamahal;
kapag ito'y tutugunin
tiyak ikaw ay pupupugin
ng halik sa pisngi
tila sinasabing
ika'y nakaaaliw
kaya sana ay inyong
dinggin
kanilang pangangaral
at habilin.
Halika nga!
Iyan din ang
tawag sa atin
ng Diyos nating butihin
ngunit hindi natin
pinapansin.
Halika nga!
ang paanyaya
ng Diyos sa atin
upang ating pasanin
ay Kanyang pagaanin,
sa Kanya tayo pagpapahingahin.
Halika nga!
Tanging hiling
ng Diyos sa atin
huwag nang tumingin
sa iba, Siya lang
ang mahalin, sambahin
at sundin; huwag mahumaling
sa magaan at madaling
pamamaraan ng mundo
na siyang tukso at pangloloko
nitong diyablo
na sinungaling
at tuso!
Larawan kuha ng may akda sa Anvaya Cove, Bataan, 19 Mayo 2023.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 20 Marso 2023.
Paano nga ba
pananaligan
panghahawakan
katiyakan sa atin
ni Jesus,
"huwag kayong mabalisa"
sa dami ng sakbibi
nitong buhay
walang katapusan
di malaman hahantungan?
Ngunit kung susuriin
pagkabalisa natin
ay hindi naman
mga bagay-bagay
sa labas kungdi yaong
nasa loob
mismong sarili
ang sumisinsay
upang manalig
at pumanatag.
Nababalisa
sa pagkakasakit
hindi dahil sa hirap
at sakit kungdi
sa panahon at pagkakataong
winaldas, lahat natapon
walang naipon;
nababalisa
sa kamatayan
hindi dahil sa di alam
patutunguhan kungdi
malabo pinanggalingan
at pinagdaanan,
walang kinaibigan
ni hiningan ng kapatawaran;
nababalisa hindi sa mga nangyayari
kungdi sa mga pagkukunwari
kapalaluan di matalikuran
gayong sukol na
sa sariling kapahamakan.
Hangga't wasak
at di buo ating samahan
at ugnayan
sa sarili,
sa Diyos at
sa kapwa
lagi tayong balisa
nanghihinayang at kulang
dahil sa kahuli-hulihan
sila ating kailangan;
iyan ang kahulugan
ng mga sumunod
na salitang binitiwan
ni Jesus na sa kanya
tayo ay manalig
upang siya at ang Ama
sa atin ay manahan
ating sandigan
tunay maasahan
magpakailanman.