Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-pitong Huling Wika ni Jesus, 27 Marso 2024

Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw ng malakas si Jesus, “AMA, SA MGA KAMAY MO’Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU!” At pagkasabi nito, nalagot ang Kanyang hininga.
Lukas 23:44-46
Mayroon ba kayong bucket list ng mga bagay na dapat gawain o mga lugar na puntahan o kaya ay pagkaing kainin bago mamatay? Usung-uso mga bucket list na iyan ng mga dapat magawa, marating, matikman o masubukan ng isang tao bago raw mamatay.
Ipagpaumanhin ninyo na hindi ako naniniwala sa mga bucket bucket list na iyan na pawang kaartehan. “Father, goal setting po iyon” madalas paliwanag sa akin ng mga nakakausap kong kabataan. Para daw yung mga dream car o dream house na pinapangarap mo balang araw.
Hindi ko sinasabing huwag tayong magkaroon ng mga pangarap at mithiin sa buhay. Kailangan at mahalagang mayroon tayong plano sa buhay para sa kinabukasan pero iba ang pakahulugan ng bucket list: ito ay mga dapat magawa bago mamatay. E, bakit hindi mo pa gawain na ngayon, puntahan na ngayon o tikman mo na ngayon habang may oras pa sapagkat malalaman ba natin kung kailan tayo mamamatay?
Iyon ang ayoko sa mga bucket list – isang pag-aaksaya ng oras at panahon na pinag-iisipan mga gagawin, pupuntahan o kakanin bago mamatay e kung pwede namang gawain mo na ngayon dahil baka ngayon ka na rin mamatay! Hindi po ba?
Lahat naman tayo ay tiyak na mamamatay. Ang tanong sa wari ko ay hindi ano pa ba ang dapat kong gawin bago mamatay kungdi ano ang magagawa ko sa ngayon para sa aking pagpanaw ay patuloy na magbunga ng mabuti aking naging buhay.
Siguradong mamamatay tayo nguni’t magiging maayos ba ating kamatayan? Will we die well?

Ewan ko ba pero napansin ko lang habang tumatanda at nagiging totoong-totoo realidad ng kamatayan di lamang sa aking sarili kungdi sa mga malalapit sa akin na ang iba ay mga nangamatay na nga na kung tutuusin, ang ating kamatayan ang pinakamaganda at pangmatagalang regalo na maihahandog natin sa ating mga mahal sa buhay kung maiiwanan nating sila ng isang ganap at mabungang buhay.
Sa halip na pag-isipan natin kung ano pa yung magagawa natin sa nalalabing taon ng buhay natin na di nga nating alam kung hanggang kailan pa, ang dapat nating itanong sa sarili ay paano ako mamumuhay ng maayos at ganap upang sa gayon sa aking pagkamatay ay magbunga pa rin aking naging buhay sa aking mga maiiwan.
Huwag nating sayangin ang panahon sa pag-iisip sa hindi pa dumarating kungdi sa ano mayroon tayo ngayon sa sandaling ito. Sabi nga ng commercial ng Sprite, “magpakatotoo ka!” Get real by living fully in the present. Coming to terms with death is coming to terms with life. The moment we realize we shall die one day, that is when we start living authentically. And joyfully. Mamuhay tayo ng totoo at ganap gaya ng ating napagnilayan sa ika-anim na wika, ang mamuhay sa pagmamahal.
Namatay nang maayos si Jesus noong Biyernes Santo dahil naisuko o naitagubilin Niya ang lahat lahat ng sa Kanyang sarili sa Ama at para sa ating lahat sapagkat namuhay nga Siya ng ganap. Wala Siyang pinanghinayangang dapat ay nagawa o nasabi dahil nagawa at nasabi Niya mga mabubuting nararapat nang Siya ay buhay pa.
Tayo kaya? Linggu-linggo kitang kita ko sa mga pasyente at kanilang pamilya ang hapis at kalungkutan sa panghihinayang na sana ay naging mapagmahal sila, mapagpatawad, lahat na. Kay raming mga pasyente nakikiusap dugtungan pa kanilang buhay para magbago at iaayos kanilang sarili.
Iyon ang malungkot. Hindi nga natin alam kailan tayo magkakasakit o mamamatay kaya ang paghahanda sa kamatayan ay pamumuhay ng ganap. Mabuhay sa pagmamahal at kagalakan, habag at kapatawaran. Ipagdiwang palagi ang buhay, kumain ng masasarap kung kaya, mamasyal habang malakas, gawin kung ano man gustong gawin basta ba makabubuti. Totoo sinasabi ng marami, maigsi lang ang buhay para sayangin ito sa mga drama at pag-iisip.
Sa oras ng ating pagpanaw sa lupang ibabaw tulad ni Jesus noong Biyernes Santo, maibibigay kaya natin sa Diyos at mga mahal natin sa buhay ating sarili kalakip ng lahat ng pagmamahal, tuwa at kabutihan? Masasabi ba natin sa Diyos at kanino man na “itinatagubilin ko aking espiritu?”

Manalangin tayo:
Panginoong Jesu-Kristo,
pagkalooban Ninyo ako ng biyaya
na maisabuhay ko itong buhay kong ito
sa Iyo at sa pamamagitan Mo
upang sakaling ako ay pumanaw
ano mang oras mula ngayon,
katulad Mo ay aking maitagubilin
sa Ama ang aking espiritu
ng walang sakit
panbghihinayang
maging kasalanan
bagkus puno ng
tuwa at pasasalamat
na pagyayamanin ng mga mauulila
ko hanggang sa magkasama-sama
kaming muli
kaisa Ka sa Iyong Paraiso.
Amen.
Salamuch po sa inyong pagsubaybay sa ating pagninilay sa Pitong Huling Wika ni Jesus. Maari ninyong balikan ang iba pang wika sa pagclick dito sa https://wordpress.com/view/lordmychef.com.
Nawa ay pagpalain kayong lagi ng Diyos sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo tungo sa mabiyayang Pasko ng Pagkabuhay. Amen.

















