Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Hulyo, 2021
Larawan mula sa inquirer.net, 11 Hulyo 2021.
Isang katatawanan na hindi malilimutan
sa taong 2021 nang pagdiskitahan ng ilan
pagkain ng bayan
patunay na marami sa pamunuan
hindi ramdam pintig ng mamayan
lalo na ang kalam ng tiyan.
Unang katatawanan
bunsod ng kayabangan nang
paratangan na ang lugaw
ay non-essential
pagkaing hindi mahalaga
kaya buong bayan nag-alma.
Heto na naman
mga henyo sa kalakalan
ibig nama'y magtakda ng batayan
sa pagluluto ng mga paboritong ulam ng bayan;
ngunit anumang paliwanag
kanilang sabihin
walang kabuluhang pakinggan
mga pinag-iisip nila'y walang katuturan
patunay lamang na manhid at mga payaso
mga tao ngayon sa gobyernong ito.
Maari bang itakda ninuman
mga sangkap na ibig malasap,
sarap at linamnam na ibig namnamin
ng bawat kumakain?
Alalahaning hindi lamang laman ng tiyan
ang pagkain kung ating susuriin
inihahain pa nga lang, lasap na natin
diwa at katauhan nagigising
ng maraming alaala at kuwento
ng pagkaing bumusog sa atin.
Suriin bawat kalinangan
nasasalamin sa lutuin at pagkain
dahil doon sa mesa nagsisimula
lahat ng ating kapatiran at kaisahan:
walang kumakain kasama ang kaaway,
ano mang kasunduan ay may handaang kasabay,
higit sa lahat, sa pagdulog sa hapag
doon nagaganap tunay na pagdadaop-palad
dahil sa tuwing tayo ay mayroong piging,
sarili ang ibinabahagi natin sa anyo ng pagkain at inumin.
Maging ang Panginoong Hesus natin
pinili ay pagkain at piging
upang gamitin tanda ng kapanatilihan
niya sa atin: kanyang itinatag
hapag ng Eukaristiya
doon sa mesa ng Banal na Misa.
Tangi niyang tagubilin
tinapay na walang lebadura gagamitin
sa bawat pagdiriwang ng piging
kung saan pinapaging-ganap natin
pagmamahal niya sa atin
nang ihandog sarili bilang ating pagkain.
Kaya, huwag nang pag-isipan
ng mga nagmamagaling
paano lutuin mga paboritong pagkain
bagkus kanilang isipin
paano mapapakain
mga nagugutom na kapatid natin.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Mayo 2021
Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa Pampanga, Enero 2021.
Sinabi mo sa amin Panginoon
huwag kaming mabalisa,
manalig sa Diyos
at manalig din sa Iyo
dahil ikaw ang tunay na puno
at kami ang iyong mga sanga;
kung kami'y mananatili
kami'y mamumunga ng sagana
kaya naman sa tuwina
aming hiling at dasal
sa Iyo huwag kaming bibitiw
manatiling nakakapit
kahit masakit
hanggang aming masapit
inaasam naming langit.
Patuloy nawa kaming sa Iyo lumapit
ano mang sakit aming ipagwalang kibit
upang manatili sa Iyong piling
lalo na't kapag dumarating
pag-aalinlangan aming mga hiling
at daing tila hindi Mo pinapansin
kahit mga ito sa Iyo ay makarating;
ipaunawa Mo sa amin
ang pananatili sa Iyong piling
ay pagsuko ng aming mga mithiin
at hangarin, baguhin
aming mga landasin
upang tuntunin at malasin
Iyong banal na kalooban
sa amin Iyong inilaan noon pa man.
Maraming pagkakataon
simula ng pandemya noong isang taon
nagkapatong-patong, suson-suson
mga problema at hirap aming sinuong
hanggang ngayon hindi kami makaahon
tila nilalamon ng mga dambuhalang alon;
sa aming mahigpit na pagkapit
nagiging napaka-sakit
hindi namin lubos maisip itong sinapit
kaya sana sa amin daglian kang lumapit
ibsan aming mga hapis at sakit
manatili at magsumakit
Iyong kalooban ay masaliksik
upang Iyong kapangyarihan maranasan
sa gitna ng aming kahinaan at kawalan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Abril 2021
Larawan kuha ng may-akda sa Immaculate Conception School for Boys, Malolos City, 27 Abril 2021.
Tirik noon ang araw
aking ramdam ang init at alinsangan
sa paradahan ng paaralan,
nanunuyo lalamunan habang
tagatak ang pawis, naiinis
naiinip, kailan aalis
virus ng COVID-19 sa atin;
kaya hanggang sa gitna ng init
sumasagitsit sa isip at kamalayan
paghihirap nating pinagdaraanan
nang ako'y maginhawahan sa malamig na lilim
ng nakayungayong mga dahon at sanga ng Banaba;
sa aking paglingon patingala
ako ay namangha at nabighani
mga lilang bulaklak namumukadkad
handog ay kagalakan at kapahingahan.
Luminga-linga pa ako sa kapaligiran
saka lamang napagmasdan
isa pang puno ng Banaba nalampasan
hitik sa mga bulaklak niyang lila
naroon din sa bukana ng paaralan
nagpaparamdam ng mahalagang aral
matutunan sa pandemyang pinagdaraanan:
kung kailan kainitan,
walang patak ng ulan
saka ipinagyayabang nitong Banaba
angking kagandahan at kabutihan
maging kahusayan dapat nating tularan
sa panahon ng kagipitan, doon lumalabas
tunay nating kulay -
ikaw ba'y matamlay at mapusyaw
at hindi makagalaw?
Alalahanin pangangaral ni Hesus nating mahal,
"At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit?
Isipin ninyo kung paanong sumisibol
mga bulaklak sa parang, hindi nagpapagal
ni humahabi man; maging si Solomon
sa kanyang karangyaan hindi naramtan
ng gayong karinglan!
Kaya't huwag kayong mabalisa
sa inyong kakanin, iinumin o daramtin."
Madaling sabihin, mahirap gawin
lalo na sa marami sa atin sapin-sapin
suson-suson mga paghamon sa buhay
ngunit sa puno ng Banaba naroon
ating tugon: magpakatatag sa pagkabaon sa lupa
paglipas ng taon uusbong mga dahon at bulaklak
dulot nitong bunga lunas sa maraming sakit at karamdaman.
Larawan kuha ng may-akda sa Immaculate Conception School for Boys, Malolos City, 27 Abril 2021.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Abril 2021
Mula sa Facebook ni Jean Palma noong ika-18 ng Abril 2021 na nilagyan niya ng caption: “All these community pantries in four days, and counting. What a powerful movement.” #CommunityPantry
Tila magpapasko, presko at mahangin ang panahon noong Lunes ng umaga dito sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima sa Valenzuela.
Natutuwa ako noon sa napakabuting balita ng paglaganap nitong tinaguriang mga “community pantry” na nagsimula sa kalye Maginhawa sa Quezon City noong a-kinse lang ng Abril. Wala pang isang linggo ay kumalat na sa buong kapuluan ang kilusan na kung isasalin sa ating sariling wika ay “paminggalang pampamayanan”.
Sa mga kagaya ko na inabot ang singko sentimos na de bote ng Cosmos, bago dumating ang pridyider ay paminggalan ang puntahan ng lahat lalo na sa bahay na matanda kung saan nakatira ang mga impo at lola.
At ang turo sa aming mga bata noon, maaring kumuha ng pagkain sa paminggalan pero huwag uubusan ang ibang kasama sa tahanan.
Higit sa lahat, magsabi lagi upang mapalitan o mapunan sakaling mauubusan lalo na ng kape at asukal.
Kaya naman napakagandang makitang muli itong mga paminggalan hindi na sa tahanan kungdi sa lansangan na tila baga bawat pamayanan naging isang malaking pamilya pinamamayanihan ng pagkakapatiran.
Iyon ang pinaka-buod at kahulugan nitong mga paminggalang pampamayanan na siya rin namang ipinahayag ni Bb. Ana Patricia Non: hindi aniya ito pagkakawanggawa o “charity” kungdi pakikipagkapwa-tao o mutual aid upang matulungan ang bawat isang nangangailangan.
Sa Banal na Kasulatan ay ating natunghayan kamakailan paglalarawan ng pamumuhay ng mga unang Kristiyano:
At nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Mga Gawa ng Apostol 2:44-45
Larawan mula sa inquirer.net.
Isinaysay sa atin ni San Lucas ang naturang bahagi sa buhay ng mga unang Kristiyano upang muling mahimok sa atin ang pagkakapatiran, ang magising ating mga kaisipan at kamulatan na sa buhay hindi pinag-uusapan at batayan ang ano mang kakayahang gawin kungdi ang pagkakakilala sa bawat isa bilang ka-patid, ka-dugtong, at ka-putol. Alisin mo ang unlaping “ka”, ika’y patid at putol. Hiwalay at nag-iisa, walang karugtong.
Kapatiran, samahan ng magkakapatid, hindi ng mga gawain.
Kung babalikan natin yung tagpo matapos mag-ayuno at manalangin ang Panginoong Hesus sa ilang, ang unang panunukso sa kanya ng demonyo ay gawin niyang tinapay ang mga bato.
Ganyang-ganyan pa rin ginagawa ng diyablo at kanyang kampon sa ating panahon na ang palaging tanong ay “ano ba ang nagawa mo?” o “mayroon ka bang naambag?”: para sa kanila, pinakamahalaga yung nagagawa kesa makipag-kapwa.
Hindi nila batid na ang sino mang tunay sa pakikipag-kapwa, laging kasabay ang gumawa ng mabuti.
Kaya hindi rin kataka-taka sa kanila na ang mga addict at kriminal ay patayin dahil para sa kanila walang nagagawang mabuti mga ito sa lipunan.
Isang magandang pagkakataon itong pag-usbong
ng maraming paminggalang pampamayanan
na muli nating mapagtanto dangal ng bawat tao
na dapat mahalin at igalang bilang larawan
at wangis ng Diyos na lumikha sa tanan.
Larawan mula sa Dr. Yanga’s Colleges Inc. sa kanilang “community pantry” sa Bocaue, Bulacan, 20 Abril 2021.
Isang magandang pagkakataon itong pag-usbong ng maraming paminggalang pampamayanan na muli nating mapagtanto dangal ng bawat tao na dapat mahalin at igalang bilang larawan at wangis ng Diyos na lumikha sa tanan.
Inyong pagmasdan, madalas mga taong mapagbilang at mapaghanap ng mga nagawa ay siya ring mga mapanaghili, binibilang mga gawain na tila lahat dapat tumbasan o mayroong kapalit.
At ang pinaka-masaklap, sila din yaong mga wala ring ginagawa, puro salita kaya sila’y katawa-tawa parang sirang plaka katulad ng kanilang pamumula at “red tagging” sa mga nasa likod ng paminggalang pampamayanan o community pantry.
Ayaw nila sa paminggalang pampamayanan dahil doon ang batayan ay pagtuturingan bilang magkakapatid; walang ganid at sakim, nasa isip palagi ang kapwa na maaring mas kawawa kaysa sarili.
Kaya heto ang aking awit na handog sa mga nagpasimuno at nagpapalaganap nitong community pantry.
Kasama na rin ang mga hindi naniniwala, namumula.
At, sumasalaula.
Humuhuni ang ibon
Nagsasayaw sa hangin
At laging masaya
Bakit kaya ang tao may isip at talino
Nalulungkot pa siya
Matutuhan lang ng bawat nilikha
Ang umibig sa tao't daigdig
Lungkot nila'y mapapawi ligaya'y ngingiti
Pagibig at pag-asa
Ang damdaming gigising sa taong mahimbing
Ang tunay na ligaya sa ating puso
Muling magniningning
Ikaw at ako
Hindi man magkalahi
Ay dapat matutong magmahal
Ituring mong tayong lahat ay magkakapatid
(New Minstrels, 1980)
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Biyernes Santo, Ika-02 ng Abril 2021
Larawan mula sa wikipediacommons.org ng “Ecce Homo” ni El Greco.
Kung mayroon mang higit na malungkot
ngayong Biyernes Santo
habang tayo ay muling binalot
saka pinalaot sa gitna ng bulok
at kawalang sistema sa pandemya
noon pa, iyan ay tiyak walang dili iba
kungdi si Hesus na ating Panginoon
at Manunubos; marahil hindi Niya maubos
isipin sa gitna ng masasamang nangyayari sa atin
mas binibigyang pansin ng maraming hangal
sa ating pamahalaan mga bagay-bagay
kay daling isipin habang mga paksa
nagiging usapin dahil sa pagsisinungaling!
Ngayong Biyernes Santo
araw ng pag-aayuno
upang ating mapagtanto
Panginoong Hesus ay naririto
sa ating pagtitiis ng kagutuman
nalilinis ang puso at kalooban
nawawalan ng laman
upang tayo ay mapunan
ng Diyos ng kanyang kabanalan;
kay laking kahibangan
lalo ng mga nasa kapangyarihan
kalimutan at talikuran tuluyan
mga payak at aba, lugaw ang kumakatawan!
Pinakamalungkot pa rin
ngayong Biyernes Santo
ang Panginoong Hesu-Kristo
dahil katulad niya noon
patuloy pangungutya sa kapwa
lahat hinahamak at minamaliit
gayong kanilang mga isipan
ang walang laman, sadyang
mapupurol at makikitid
na hindi nababatid
ang tao na higit na dakila
hindi masalita, nakikilala sa
busilak ng kanilang puso at diwa.
Huwag nating kalimutan
bago sumapit ang Biyernes Santo
noong gabing ipagkanulo si Kristo
pinili niyang walang hanggang tanda
ng kanyang kapanatilihan sa atin
tinapay na walang lebadura
na alalaong-baga sa atin dito sa Asya
kapantay ay lugaw na siyang inihahain
sa mga panahong alanganin
ito ang kinakain upang maging sapin
sa tiyan na dumaraing sa maraming hinaing
di lamang sa gutom kungdi pati
kawalan ng mga pumapansin.
Alalahanin tuwing ikaw ay kumakain
nitong paborito nating pagkain
lugaw marahil ang hihilingin
ni Hesus na Panginoong natin;
napakadaling pakisamahan
lasap kanyang linamnam
hindi maselang lutuin
walang ulam na aalalahanin
ano man maaring isahog at i-pares
sarap at ginhawang walang kaparis
kaya nakakainis mga nagmamalinis
sana'y umalis na
dahil sila ang mga panis!
Salamat sa mga taong simple at payak, maasahan kailanman tulad ng lugaw: mahalaga at mainam sa katawan!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-08 ng Marso 2021
Larawan kuha ni Dr. Mylene A. Santos, MD sa Candaba, Pampanga, Pebrero 2021.
Ang buhay natin ay
paulit-ulit na Kuwaresma
na sa atin ay nag-aanyaya
buhaying muli ating mga pangarap
upang bigyang katuparan
at tayo ay maging ganap;
mga mata ay ating idilat
muling tumanaw sa malayo
sikaping abutin ating mithiin,
magagandang adhikain huwag limutin;
huwag hayaang maging sagwil
pagkakasala at pagkakamali,
kabiguan at sakit ng nakaraan
kalimutan at lampasan
matutuhan at tandaan
kanilang iniwang mga aral.
Liparin ang himpapawirin
mga pangarap sa Panginoon ay hilingin
dahil tanging ibig Niya
kabutihan at kaganapan natin
kaya paanyaya Niya sa atin
linisin kalooban at budhi natin
upang pagkatao dalisayin
palawakin yaring pananaw
hindi lamang paningin
na kung minsa'y makitid,
madalas ay madilim
kaya sa Panginoon idulog natin
mga gumugulo sa atin
upang Kanyang liwanagin
at hawiin mga tumatabing
upang sigla at sigasig panumbalikin.
Larawan kuha ni Dr. Mylene A. Santos, MD, sa Rhode Island, 07 Marso 2021.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Marso, 2021
Larawan kuha ni P. Gerry Pascual sa Switzerland, Agosto 2019.
Noong mga araw na iyon,
umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok.
Wala siyang isinama kundi
sina Pedro, Santiago at Juan.
Samantalang sila'y naroon,
nakita nilang nagbagong-anyo si Jesus,
nagningning ang kanyang kasuutan
na naging puting-puti, anupa't
walang sinumang makapagpapaputi
nang gayon (Marcos 9:2-3).
Kay sarap pagnilayan mga paglalarawan
ating buhay katulad ng kabundukan
dapat akyatin upang marating
rurok ng tagumpay na ating mithiin;
gayun din naman sa ganitong paglalarawan
ating matatanawan ating napagnilayan
paulit-ulit na Kuwaresma yaring ating buhay:
mula sa ilang, mataas na bundok pinuntahan
kasama tatlong alagad upang masaksihan
pagbabagong-anyo ng Panginoong Jesu-Kristo
paalala na Siya ay kasama at kaisa natin
umaahon upang matunton kabanalang nilalayon.
Alisin at iwanan mga dala-dalahang
sagabal katulad ng mga kasamaan at kasalanan
bunsod ng paghahangad sa mga walang kabuluhan
o kinalaman sa ating kaligtasan gaya ng
kayamanan, kapangyarihan at kapalaluan;
madalas pananamapalataya natin ay sinusubukan
tila ang Diyos mga pangako Niya ay nakakalimutan
basta makinig lamang at Siya ay sundan
asahan gagawa Siya ng paraan at daan
lalo kung tayo ay laang isuko ating pinanghahawakan
upang Kanyang mapalitan
ng higit na mas mainam.
Madalas sa itaas ng kabundukan
hindi kaagad nababanaagan tinutunguhan
ngunit nararamdaman
pagbabago sa pangangatawan
maging sa kalooban;
higit sa magagandang tanawin
pagkaunawa at pananaw kapansin-pansin
lumalawak at nagiging malinaw ang lahat
kapag nataas antas ng ating karanasan
kaya mula sa itaas ng kabundukan
ibaba sa pangkaraniwang pamumuhay at pag-iral
natalos nating karunungan sa Krus ni Hesus!
Habang bumababa sila sa bundok
mahigpit itinagubilin sa kanila ni Jesus:
"Huwag ninyong sasabihin kaninuman
ang inyong nakita hangga't hindi
muling nabubuhay ang Anak ng Tao."
Sinunod nila ang tagubiling ito,
ngunit sila-sila'y nagtanungan
kung ano ang kahulugan
ng sinabi niyang muling pagkabuhay
(Marcos 9:9-10).
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Pebrero 2021
Larawan mula sa catholic.org.
Miercules de ceniza
simula ng kuwaresma,
Abo sa noo at ulo
tanda na tayo ay kay Kristo;
Nag-aayuno at sakripisyo
lahat ng hilig at tawag ng laman
ano mang nagpapalugod sa katawan
binabawasan, tinatalikuran
lalo na kung nagbubulid sa kasalanan
upang kalooban natin mawalan ng laman
at mapunan ng Diyos
ng Kanyang kabanalan
nang muling mabanaagan
kanyang larawan
sa ating mukha at katauhan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Pebrero 2021
Larawan kuha ng may akda, Ikapitong Istasyon ng Krus sa Parokya ni San Ildefonso sa Tanay, Rizal.
Doon sa magandang simbahang
aming pinuntahan kamakailan
matatagpuan din kakaibang larawan
ng ikalawang pagkadapa ni Jesus
habang ang Kanyang krus ay pasan;
isa sa mga taga-usig Niya
hindi kita mga mata dahil
suot niya may kulay na antipara
kagaya ng maraming nabubulagan
at hindi makita katotohanan
nasisilaw sa kapangyarihan
ngunit kaliwanagan ayaw masilayan.
Palagi namang kulang at kapos
ating kaisipan at karunungan
kahit anong ingat at siyasat
hindi sasapat;
Diyos lamang ang ganap
na Siyang nakasisipat
ng mga magaganap
na ni wala sa ating mga hinagap
kaya naman madalas mas mainam pa
na ating matanggap kahit mabigat
kakulangan maging kahangalan
ng mga nanunungkulan.
Madalas aking napag-iisipan
sa dami ng mga kamalian
kagagawan ko o ng iba pa man
kailanma'y hindi naman ako pinabayaan
ng Panginoong Maykapal;
sinasamahan maging sa pagpapasan
ng mga pinagdurusahang bunga
ng mga kasalanan at kamalian
hanggang sa maliwanagan
lahat ay malampasan
at muling makabangon
sa Kanyang kabutihan at kaganapan.
Ito ang ating panaligang
katotohanan sa ating buhay:
lahat ay nagkakamali
maging mga pari
ngunit si Jesus kailanma'y
hindi nagkamali
sa atin ng Kanyang pagpili
kaya tayo ay manatili
huwag managhili
patunayan nating hindi Siya nagkakamali
magsumakit sa Kanya mapalapit
hanggang ang langit ay masapit!
Mayroong mga nagsasabi
ito raw lalaking nakasalaming may kulay
ay si Caiaphas na punong pari
na siyang humatol laban kay Jesus
nang Siya ay litisin ng Sanhedrin
nang dakpin noong gabi sa hardin
habang nananalangin;
kay gandang pagnilayan
ngayong aming lipatan ng kaparian
paalala sa amin ng yaring larawan
alisin na at hubarin salamin na madilim
upang makita si Jesus nakadapa sa tabi.
Detalye ng larawan sa itaas ng Ikapitong Istasyong ng Krus sa Simbahan ng Tanay na inukit noon pang 1785.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-5 ng Enero 2021
Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ng Banal na Mag-Anak, Sacred Heart Spirituality Center, Novaliches, QC, 2016
Maraming pagkakataon
mas nakakikilabot
mas nakakatakot
maniwala sa Diyos
kesa multo dahil ang Diyos
totoong totoo,
samantala ang multo
nasa guni-guni mo lang ito.
Nasubukan mo na bang manalangin
ng taimtim
habang ang lahat sa iyo
ay pagkadilim-dilim?
Para kang isang baliw
nagsusumamo sa Diyos
sa iyong mga hiling at hinaing
ngunit parang di ka naman Niya pansin?
O kaya naman
kung minsan sa iyong karanasan
tila wala nang maasahan
ang lahat ika'y iniwanan
at wala ka nang ibang patutunguhan
maliban sa Siya na lang ang panaligan
parang suntok sa buwan
kung ikaw ma'y mapagbibigyan?
Hindi ba't sa kahuli-hulihan
Diyos parating nariyan
nasa tabi mo lamang
hindi ka naman Niya iniiwan
ika'y sinusubukan lamang
habang ginagawan Niya ng paraan
iyong maselang na katayuan
hindi magluluwat, tiyak na malalampasan?
Mahirap talagang ipaliwanag
yaring hiwaga ng ating buhay
na sa Diyos lamang nakasalalay;
kahit anong sablay
minsa'y wala kang kamalay-malay
puno pa rin ito ng maraming kulay
dahil tunay na tunay
ang Diyos sa atin nakikipamuhay!
Kaya manalig ka na sa Diyos tuwina
maski hindi mo Siya nakikita
marami ka pang lalong makikita
di lamang sa iyong mga mata
kungdi pati sa kaluluwa
hiwaga at katotohanang
di maaarok kaya nakakatakot kasi...
damang-dama mo Siya dahil katabi mo na pala!
(At magulat ka pa!)