Tula at paalala sa araw ng mga puso

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil
sa mga kinikilig
pag-inog nitong daigdig
sa araw na ito
ng mga pusong umiibig;
tiyak bibigay din
ano mang hinhin
at yumi
ng sinomang dilag
kapag nakatanggap
ng bulaklak kanino man
magbuhat.
Ngunit 
ang masaklap tuwing
katorse ng Pebrero
ang maraming pag-ibig
katulad na lamang ng
petsang dumaraan,
wala nang katapatan
at kadalisayan
mga magkasintahan
pag-ibig dinurumihan
isa't isa'y sinasaktan
at dinudungisan.
Pagmasdan
ating kapanahunan
pilit binibigyang katuwiran
kasalanan at kasamaan
matutunghayan saanman
mga larawan ng kataksilan
wala nang kahihiyan
ipinangangalandakan
mga kapalaluan
sa gitna ng kapangahasang
magmaang-maangan
na wala silang kalaswaan.
Photo by Designecologist on Pexels.com
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan 
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman 
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig 
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.

Pag-ibig ay kusang dumarating, di dapat hanapin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Sampung araw 
bago sumapit
ang Valentine's
sa akin ay lumapit
isang dalagita
nahihiyang nagtanong
bagama't ibig niyang
mabatid kung
"makakahanap po ba ako
ng lalaking magmamahal
sa akin ng tunay
at tapat?"
Ako'y nanahimik,
ngumiti at tumingin sa
dalagitang nahihiyang
nakatungo ang ulo
sa kanyang tanong
at nang ako'y magsimulang
mangusap,
mukha niya ay bumusilak
sa tuwa sa bagong
kaalaman sa pag-ibig
na matiyaga niyang
sinasaliksik.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.
Ito ang wika ko sa dalagita:
"Ang pag-ibig,"
ay hindi hinahanap
parang gamit nakakamit
dahil ang pag-ibig
ay kusang dumarating
kaya iyong matiyagang hintayin
ikaw ang kanyang hahanapin;
tangi mong gampanin
buksang palagi iyong
puso at damdamin
dahil itong pag-ibig
ay dumarating sa mga tao
at pagkakataong
hindi inaasahan natin;
banayad at mayumi
hindi magaspang pag-uugali
magugulat ka na lamang
ika’y kanyang natagpuan
palagi na siyang laman
ng puso at isipan."
"Pakaingatan din naman",
wika ko sa dalagita
"itong pag-ibig ay higit pa
sa damdamin na dapat
payabungin tulad ng mga
pananim,
linangin upang lumalim
hanggang maging
isang pasya
na laging pipiliin
ano man ang sapitin
at hantungan."
Ang pag-ibig
ay parating dumarating
ngunit kadalasan hindi
natin pansin
kung minsan tinatanggihan,
inaayawan
dahil ang ibig ay kumabig;
darating at mananatili
itong pag-ibig
sa simula na ating limutin
lahat ng para sa sarili
natin.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.

Pagkukuwento – di pagkukuwenta- ang pag-aasawa

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Enero 2024
Homilya sa Kasal ng Inaanak ko sa binyag, Lorenz, kay Charmaine
Simbahan ni San Agustin, Intramuros, Maynila
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Sigurado ako na alam na ninyong lahat, lalo na ng mga Gen Z dito, iyong trending sa social media na post ng isang dilag nang malaman niyang 299-pesos ang halaga ng engagement ring na binigay sa kanya ng boyfriend niya ng walong taon na nabili sa Shopee.

Kasing ingay ng mga paputok ng Bagong Taon ang talakayan noon sa social media hanggang sa naging isang katatawanan o meme ang naturang post gaya ng halos lahat ng nagiging viral. Sari-sari ang mga kuro-kuro at pananaw ng mga netizens, mahuhusay ang kanilang paglalahad, seryoso man o pabiro. Mayroong mga kumampi sa babae habang ang ilan naman ay naghusga sa kanya at sa boyfriend niya.

Hindi ko naman nasundan ang post na iyan. Katunayan, inalam ko lamang iyon kamakailan upang pagnilayan para sa homilya ko sa inyong kasal ngayong hapong ito, Lorenz at Charmaine.

At ito lang masasabi ko sa inyo: ang pag-aasawa ay tungkol sa kuwento ng pag-ibig, hindi ng kuwenta sa mga naibigay, materyal man o espiritwal.

Larawan mula sa YouTube.com

Maliwanag sa ating ebanghelyo na ang pag-aasawa ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Maniwala kayo Lorenz at Charmaine, Diyos ang nagtakda ng araw na ito ng inyong kasal. Hindi kahapon o bukas, at hindi rin noong isang taon gaya ng una ninyong plano. Iyan ang sinabi sa atin ni San Pablo sa Unang Pagbasa:

“Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.”

Roma 8:31, 39

Higit sa lahat, batid ninyong pareho sa inyong kuwento ng buhay kung paanong ang Diyos ang kumilos upang sa kabila ng magkaiba ninyong mga karanasan, pinagtagpo pa rin kayo ng Diyos, pinapanatili at higit sa lahat, ngayon ay pinagbubuklod sa Sakramento ng Kasal ngayong hapon.

Sa tuwing pinag-uusapan ninyo ang inyong kuwento ng buhay, palaging naroon din ang inyong kuwento ng pag-ibig maging sa iba’t ibang karanasan – matatamis at mapapait minsa’y mapakla at maisim marahil pero sa kabuuan, masarap ang inyong kuwento, hindi ba? Ilang beses ba kayong nag-away… at nagbati pa rin?

Humanga nga ako sa inyo pareho, lalo na sa iyo Lorenz. Ipinagmamalaki ko na inaanak kita kasi ikaw pala ay dakilang mangingibig. Hindi mo alintana ang nakaraan ni Charmaine. Katulad mo ay si San Jose nang lalo mo pang minahal si Charmaine at ang mga mahal niya! Wala sa iyo ang nakaraang kuwento ng buhay ni Charmaine dahil ang pinahalagahan mo ay ang kuwentong hinahabi ninyong pareho ngayon. Bihira na iyan at maliwanag na ito ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa inyo.

Paghanga at pagkabighani naman aking naramdaman sa iyo, Charmaine. Higit sa iyong kagandahan Charmaine ay ang busilak ng iyong puso at budhi. Wala kang inilihim kay Lorenz. Naging totoo ka sa kanya mula simula. Higit sa lahat, naging bukas ang isip at puso mo sa kabila ng iyong unang karanasan upang pagbigyan ang umibig muli. At hindi ka nabigo.

Kaya nga Lorenz at Charmaine, ipagpatuloy ninyo ang kuwento ng inyong pag-ibig sa isa’t isa na mula sa Diyos. 

Larawan kuha ng may-akda, 2017 sa Israel.

Kapag mahal mo ang isang tao, lagi mong kinakausap. Marami kang kuwento. At handa kang makinig kahit paulit-ulit ang kuwento kasi mahal mo siya. At kung mahal ninyo ang Diyos, palagi din kayong makikipag-kuwentuhan sa kanya sa pagdarasal at pagsisimba. 

Palagi ninyong isama sa buhay ninyo tulad sa araw na ito ang Diyos na pumili sa inyo. Wika ng Panginoong Jesus sa ating ebanghelyo, “Manatili kayo sa aking pag-ibig upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan” (Jn.15:9, 11). 

Hindi pagkukuwenta ang pag-aasawa. Hindi lamang pera at mga gastos ang kinukuwenta. Huwag na huwag ninyong gagawing mag-asawa ang magkuwentahan ng inyong naibigay o tinanggap na ano pa man sapagkat ang pag-aasawa ay hindi paligsahan o kompetisyon ng mga naibigay at naidulot. Hindi ito labanan ng sino ang higit na nagmamahal. Kaya, huwag kayong magkukwentahan, magbibilangan ng pagkukulang o ng pagpupuno sa isa’t-isa. 

Basta magmahal lang kayo ng magmahal nang hindi humahanap ng kapalit dahil ang pag-aasawa ay ang pagbibigay ng buong sarili sa kabiyak upang mapanatili inyong kabuuan. 

Paano ba nalalaman ng mga bata kung magkaaway ang tatay at nanay? 

Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Kapag hindi sila nag-uusap. Kapag ang mag-asawa o mag-irog o maging magkakaibigan ay hindi nag-uusap ni hindi nagkikibuan, ibig sabihin mayroong tampuhan o alitan. Walang pag-ibig, walang ugnayan, walang usapan.

Kaya nga kapag nag-away ang mag-asawa, sino ang dapat maunang bumati o kumibo? Sabi ng iba yung daw lalake kasi lalake ang una palagi. Akala ko ba ay ladies first? Sabi ng ilan, kung sino daw may kasalanan. E, may aamin ba sa mag-asawa kung sino may kasalanan?

Ang tumpak na kasagutan ay kung sino mayroong higit na pagmamahal, siyang maunang kumibo at bumati dahil ang pag-aasawa ay paninindigang piliin na mahalin at mahalin pa rin araw-araw ang kanyang kabiyak sa kabila ng lahat. Kaya palaging maganda ang kuwento ng pag-ibig, hindi nagwawakas, nagpapatuloy hanggang kamatayan.

Aabangan namin at ipapanalangin inyong kuwento ng pag-ibig, Lorenz at Charmaine. Mabuhay kayo!

Ituloy pagbati ng Maligayang Pasko!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Disyembre 2023
Larawan mula sa Facebook, 23 Disyembre 2023 ng pagtutulungan ng Red Letter Christians at ng artist na si Kelly Latimore ng  @kellylatimoreicons upang lumikha ng bagong larawang ito na pinamagatang “Christ in the Rubble” nagsasaad na kung sakaling ngayong panahon isinilang si Jesus, malamang siya ay ipinanganak sa gitna ng mga durog na bato sanhi ng digmaan doon sa Gaza.

Maligayang Pasko!

Tayo raw mga Pilipino ang mayroong pinaka-tumpak na pagbati sa panahong ito dahil sinasaad ng salitang “pasko” ang buong katotohanan ng hiwaga ng pagkakatawang-tao (Incarnation) ng Diyos Anak na si Jesu-Kristo.

Mula sa wikang Hebreo na pesar o pesach na kahulugan ay “pagtawid”, ito ay pascua sa wikang Kastila na atin ding ginagamit na ugat ng Pasko at pasch naman sa Inggles. 

Una natin itong natunghayan sa Matandang Tipan, sa Aklat ng Exodus nang itawid ng Diyos sa pamumuno ni Moises ang mga Israelita mula Egipto patungong lupang pangako. Iyon ang larawang paulit-ulit na tinutukoy sa ating kasaysayan ng pagliligtas, sumasagisag sa pagtawid mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan, pagtawid mula kadiliman patungo sa liwanag, pagtawid mula kasalanan tungo sa kapatawaran, at higit sa lahat, pagtawid mula kaparusahan tungo sa kaligtasan. 

Iyon din ang batayan ng tinutukoy na misteryo paskuwa o ng ating pananampalataya kay Kristo-Jesus na ating ipinahahayag tuwina sa Banal na Misa, “si Kristo ay namatay, si Kristo ay muling nabuhay, si Kristo ay babalik sa wakas ng panahon!

Larawan kuha ng may-akda, 2021.

Tumpak at ayon ang ating pagbati na Maligayang Pasko dahil nagsimula ang misteryo paskuwa ni Jesus nang Siya ay ipaglihi at isinilang ng Mahala na Birheng Maria sa Bethlehem mahigit 2000 tao na nakalilipas.

Sa pagkakatawang-tao ni Jesus, Siya ay tumawid mula sa kawalang-hanggan (eternity) tungo sa mayroong hanggan (temporal) dito sa lupa; mula sa kanyang ganap na pag-iral taglay ang lahat ng kapangyarihan tungo sa limitado niyang pagkatao tulad ng pagiging mahina at mahuna lalo na sa pagiging sanggol at bata. Kasama na doon ang kailangan Niyang mag-aral lumakad, magsulat, magbasa at magsalita na kung tutuusin ay alam Niya ang lahat.

Taong-tao talaga si Jesus bagamat hindi nawala ni nabawasan Kanyang pagka-Diyos sa Kanyang pagkakatawang-tao kaya lahat ng ating mga karanasan bilang tao ay Kanya ring naranasan maliban ang kasalanan at magkasala. Siya man ay nagutom, nauhaw, nahapis at tumangis nang mamatay ang kaibigan Niyang si Lazaro, nahabag sa mga tao mga may sakit at balo. Wika nga ni Papa Benedicto XVI na malapit na nating ipag-ibis luksa sa katapusan, ang Diyos na ganap na kung tutuusin ay hindi nahihirapan ni nasasaktan ay pinili na makiisa sa hirap at sakit nating mga tao pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo (Spe Salvi, #39).

Napaka-ganda at husay ng paglalahad ni San Pablo sa pagtawid o paskuwa na ito ni Jesus na kanyang tinaguriang kenosis, ang paghuhubad ni Jesus ng Kanyang pagka-Diyos bagamat para sa akin mas angkop ang salin na “pagsasaid” dahil sinimot ni Jesus ang lahat ng sa Kanya para sa atin doon sa Kanyang pagkakatawang-tao na ang rurok ay doon sa Krus.

Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, Agosto 2023.

Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus: Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.

Filipos 2:5-8

Naalala ko isang araw ng Pasko noong bata ako nang kami ay papaalis patungo sa mga Nanay at kapatid ng aking ama sa Maynila, masungit ang panahon at maulan. Hindi ko matanggap na umuulan at masama ang panahon sa araw ng Pasko kaya tinanong ko aking ina, “Bakit po ganun, birthday ni Jesus may ulan, may bagyo? E hindi ba God Siya? Di ba Niya puwede ipahinto mga ulan sa birthday Niya?”

Di ko matandaan sagot ng mommy ko pero malamang hindi malayo sa luku-luko at gago!

Nang magka-isip na ako, natutuhan ko sa mga pagbabasa na sa maraming pagkakataon mayroong mga bagyo at kalamidad, digmaan at kung anu-ano pang mga sigalot at paghihirap na nangyari kasaysayan tuwing Pasko. 

Tayo man mismo, marahil sa ating personal na buhay, maraming pagkakataon na tayo ay lumuluha, nanlulumo, hapis na hapis sa buhay sa ilang mga masasakit na karanasan sa araw ng Pasko. Kaya marami sa ating habang tumatanda nasasabing para lamang sa mga bata ang Pasko na masaya.

Ngunit hindi po iyan totoo! Batid natin sa ating mga karanasan na sa padaraan ng panahon, lumalalim ding pag-unawa nating sa Paso.

Larawan kuha ng may-akda, Setyembre 2023.

Balikan natin mga panahon ng ating pagsubok sa buhay lalo na sa panahon ng kapaskuhan, higit tayong namamangha at tiyak sasang-ayon ng lubos na tumpak nga ang bati nating mga Pinoy ng “Maligayang Pasko!” dahil mas malalim at makabuluhan ang pagdiriwang ito o ano pa mang selebrasyon sa buhay kapag ating napagdaanan at nalampasan mga hirap at sakit.

Ito ang kagandahan at katotohanan ng buhay natin na isang paulit-ulit na pasko, ng pagtawid at paglampas sa mga hirap at hilahil, pagbubulaanan sa ano mang sakbibi at pag-aaalinlangan ating ikinakakaba.

Hindi inalis ng Diyos ating hirap at sakit maging kamatayan bagkus tayo ay Kanyang sinamahan sa pagbibigay Niya sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang Panginoong Jesu-Kristo na tumawid mula langit patungo dito sa atin sa lupa upang tayo naman Kanya ring maitawid patungong langit. 

Kaya naman, pakiusap ko sa lahat na ipagpatuloy natin pagbati ng Maligayang Pasko hanggang ika-pito ng Enero 2024, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita o Epiphany ng Panginoon. Napakasama at malaking kahangalan na kay tagal inabangan ang Pasko na nagsisimula ng hapon ng ika-24 ng Disyembre at pagkatapos ng ika-25 ay biglang magbabatian ng Happy New Year!?

Kalokohan! At marahil, hindi naunawaan diwa ng Pasko. Mababaw at puro happy, happy gusto ng mga maraming tao, di batid ang diwa at lalim ng kahulugan ng Pasko na sa paglalagom ay iisang salita lamang: PAG-IBIG o PAGMAMAHAL. Ng Diyos sa atin.

Ano man ang mangyari sa buhay natin, sa ating mundo, hindi mapipigil ang Pasko, tuloy ang Pasko dahil kasama natin palagi si Kristo. At kung ikaw man ay mayroong pinagdaraanan, matuwa ka at magalak, ikaw ay nasa paskuwa – pasko – kasama, kaisa si Kristo! Amen.

Larawan kuha ng may-akda, 2021.

Pakikiramay at paglalamay bilang pagpapala

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Bago pa man ako naging pari ay madalas ko nang naririnig ang tanong ng karamihan na bakit nga ba tayo nagkikita-kita lamang kung mayroong namamatay? Bakit nga ba hindi tayo magkita-kita ng madalas habang buhay pa upang ipahayag ating pagmamahal sa kaibigan o kamag-anak kesa yung sila ay patay na?

Bakas sa mga katanungang ito ang malungkot na katotohanan ng buhay lalo na sa mga nagkaka-edad tulad ko. Minsan naroon din ang panghihinayang at pagiging-guilty na kung bakit nga ba hindi tayo nagsasama-sama habang malakas at buhay pa mga yumaong mahal natin sa buhay?

Pero ang nakakatawa sa ganitong mga usapan ay ang katotohanan na pagkaraan ng ilang buwan o taon, magkikita-kita muli tayo pa ring magkakamag-anak at magkakaibigan sa susunod na lamayan nang hindi pa rin nagkasama-sama habang mga buhay pa!

Ano nangyari? Hindi na nga ba tayo natuto sa aral ng mga naunang yumao, na magsama-sama habang buhay at malakas?

Sa aking palagay ay hindi naman sa hindi na tayo natuto kungdi ang totoo, higit pa ring mainam ang magkita-kita sa lamayan kesa saan pa mang pagtitipon dahil sa ilang mas malalim na kadahilanan.

“Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo.”

Juan 14:19-20
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Una, sa ating pakikiramay buhay ang pinararangalan at hindi ang kamatayan. Nakikiramay tayo upang ipagdiwang mabuting pamumuhay at magandang pakikisama ng yumao. Wika nga sa amin sa Bulacan, ang lamay lang ang hindi ipinag-iimbita. Ito ang sukatan ng kabutihan ng isang tao na siya ay parangalan hanggang magkapuyatan. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na maging handa palagi dahil hindi natin alam ang oras ng ating pagpanaw. Alalaong-baga, mamuhay tayo sa kabutihan.

Isa sa mga paborito kong pelikula ay ang The Last Samurai ni Tom Cruise. Sa huling bahagi ng pelikula bago siya bumalik ng Amerika, namaalam siya sa batang emperador ng Hapon na nagsabi sa kanya, “Tell me how did my samurai die.” Sumagot si Tom Cruise, “I will not tell you how he died but I will tell you how he lived.”

Kaya nga sa lamayan hindi naman pinag-uusapan kung ano at paanong namatay kungdi paanong namuhay ang mahal nating pumanaw. Narito ang malaking kaibahan ng mga pagtitipon ng buhay gaya ng mga handaan at party na nauuwi lamang sa kainan, inuman, at tawanan o kantahan hanggang magkalasingan at di matunawan sa kabusugan. Minsan nauuwi pa sa away mga ito.

Ang ibig ko lang sabihin ay ito: sa patay mayroon ding kainan at inuman kung minsan pero iba ang lalim ng usapan at kuwentuhan. Lalong higit ng pagsasalo-salo – walang nagbabalot! – kasi iba ang level ng pagtitipon sa lamayan. Mayroong rubdob. Nahirapan lang ako sa isang bagay na sadyang makabago at hirap pa rin akong tanggapin. Ang pagpapakuha ng litrato sa mga lamayan. Mula pagkabata kasi aking nagisnan ay seryoso ang lamayan at dahil noon ay wala pang mga camera phone kaya asiwa ako na pumorma o mag-pose sabay ngiti kasama mga naulila sa tabi ng mga labi ng giliw na pumanaw. Maliban doon, ito ang unang kagandahan at biyaya ng pakikiramay at paglalamay – ito ay pagdiriwang ng buhay hindi ng kamatayan.

Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Ikalawang biyaya ng pakikiramay at paglalamay sa patay ay ang pagpapahayag ng patuloy nating pagmamahal at pagpapahalaga sa ating ugnayan hindi lamang sa pumanaw kungdi pati sa kanyang mga naulila. Hindi lamang tayo nakikibahagi sa kanilang dalamhati na siyang kahulugan ng pakikiramay o pagdamay, kungdi higit sa lahat ay ang ating pagtitiyak sa kanila na kahit wala na ang giliw nating pumanaw, nananatili pa rin tayong kamag-anak at kaibigan.

Pinakamasakit na bahagi ng pagmamahal ang paghihiwalay, pansamantala man o pang-magpakailanman tulad ng kamatayan. Isa itong katotohanang ating naranasang lahat dahil walang permanente sa buhay na ito. Darating at darating ang sandali na tayo ay mahihiwalay sa ating minamahal kapag ang mga anak ay nagsipag-kolehiyo o kapag sila ay nagsipag-asawa upang bumuo ng sariling pamilya. At ang pinaka-masakit sa lahat ng paghihiwalay, ang pagpanaw ng mahal sa buhay.

Gayon pa man, naroon sa kamatayan ang pinakamatinding hamon ng pagmamahal na ating ipinahahayag at ipinadarama sa pakikiramay. Alalaong-baga kapag tayo pumupunta sa lamayan, ating pinagtitibay sa kanilang naulila ang ating ugnayan, na tayo ay magkakamag-anak pa rin, magkakaibigan pa rin. Kahit mawala ang isang kamag-anak o pamilya at kaibigan, hindi mawawala ating ugnayan. Sama-sama pa rin tayo hanggang sa kabilang buhay kung saan magiging ganap at lubos ating mga ugnayan sa Diyos kay Kristo Jesus.

Kitang-kita ang ugnayang ito na hindi kayang putulin ng kamatayan sa paraan ng ating pagpapaalam. Walang nagsasabing “aalis na ako” o “lalayas na ako” maliban kung siya ay galit. Kapag tayo nagpapaalam saan man, ating sinasabi palagi ay “mauuna na po ako” gayong wala namang susunod sa ating pag-alis. Atin ding sinasabi bilang pamamaalam ang “tutuloy na po ako” e lumalabas nga ang isang nagpapaalam paanong tutuloy?!

Ang mga ito ay tanda ng pagtimo sa ating katauhan ng katotohanan ng kamatayan at buhay na walang hanggan. Sinasabi nating mauuna na ako dahil batid natin lahat ang katotohanan na una-una lang sa kamatayan. Gayon din ang pagsasabi ng tutuloy na ako tuwing nagpapaalam kasi isa lang ating hahantungang lahat, ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Kaya hindi rin kataka-taka minsan kung kailan pumanaw at nawala na ang isang mahal sa buhay saka lumalalim ating ugnayan. Iyan ang ikatlong biyaya ng pakikiramay at paglalamay, ang pananatili ng pag-ibig. Higit nating nadarama lalim ng ating pagmamahal kanino man kapag siya ay pumanaw na. Ito yung hiwaga ng aral ni Jesus sa bundok, “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos” (Mt.5:4).

Mapapalad ang nahahapis dahil una, sila ay nagmamahal. Sabi ni San Agustin, kaya tayo umiiyak kapag namatay ang isang mahal sa buhay kasi tayo ay nagmamahal. Masakit ang mawalan at hindi na makita ang isang minamahal.

Higit sa lahat, mapapalad ang nahahapis dahil silay ay minahal. Iyon ang pinaka-masakit sa pagmamahal. Matapos maranasan ikaw ay mahalin, saka naman siya mawawala sa piling. Ngunit iyon din ang pagpapala. Kaya masakit mamamatayn kasi nga tayo ay minahal. Sabi ng isang makata, “kung ikaw ay mayroong pagmamahal, ikaw ay pinagpala; kung ikaw ay minahal, ikaw ay hinipo ng Diyos.” Tuwing tayo ay nakikiramay, naglalamay, ating ipinahahayag ating pagmamahal gayun din ang biyaya na tayo ay minahal ng pumanaw.

Tama si San Pablo na sa kahuli-hulihan, lahat ay maglalaho at tanging pag-ibig lang ang mananatili (1Cor. 13:13). Gayon din ang inawit ni Bb. Cookie Chua sa Paglisan.

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig

Manatili sa pag-ibig ni Kristo! Amen. Salamuch po.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Kailan ako tunay nagmamahal?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, gayak ng aming parokya, Nob. 1-2, 2020.
Madalas aking ipinapalagay
bilang bahagi ng buhay 
itong pagmamahal
ako nama'y nakagaganap,
nakatutugon sa hamon.
Nguni't ano nga ba talaga
ang magmahal at kailan ako
tunay na nagmamahal?
Napakadali na maging mabuti 
sa iba, magtimpi ng sarili,
magparaya at magpalampas;
mahabag at maawa na kusang 
tutulo ang luha,
umakay at sumabay sa mahihina,
magmalasakit maski sa walang sakit.
Kailan nga ba
ako tunay na nagmamahal,
tanong ko sa sarili noon pa man;
maski mga kaibigan
mga pinapayuhan
sa simbahan
o saan pa man
iyan ang palaging katanungan
na ano mang kasagutan
ay siyang buod at kabuuang
kahulugan ng pagmamahal
di lamang ng mga magkasintahan
o magsing-ibig
kungdi ng sino mang nilalang
ng Diyos na pag-ibig.
Noon ay
palagi kong sinasabi
mula sa limitado kong karanasan
na aking inihahabi,
pinagtatagpi-tagpi
sa mga napag-aralan
at napagnilayan
na tunay ka lamang nagmamahal
kapag ika'y nasasaktan
dahil kung wala ka nang nararamdaman
mas malamang
pusong bato
ang nariyan sa iyong dibdib,
di lamang manhid
kungdi patay at malamig.
Hindi natapos
aking pag-aasam
malaman at maranasan
kung kailan nga ako
tunay nagmamahal;
maraming karanasan
aking pang dinaraanan
dahan-dahan, unti-unti
naliliwanagan na
tunay akong nagmamahal
di lamang kapag ako'y nasasaktan
kungdi dama ko man
aking kawalan
sa kakayahang ibsan maliban samahan
kapatid kong nahihirapan.
Tunay akong nagmamahal
kung aking pipiliing mahalin
ang iba kesa akin;
 hindi na daraing
kungdi sasarilinin
at aangkinin pati tiisin
mga iyak at hinaing
ng ginigiliw
 at kung maari ay pasanin
kanilang mga dalahin.
Sa kahuli-hulihan
batayan pa rin ng pagmamahal
ang masaktan --- kung hanggang saan,
hanggang kailan doon malalaman
yaring lalim at kadalisayan.
Larawan kuha ng mga may-akda, gayak ng altar ng parokya, Nob.1-2, 2020.

Makita o makilala?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Oktubre 2020
Larawan mula sa catholicnewsagency.com.
Sa pagdiriwang ng kapistahan
ni San Judas Tadeo kahapon
may isang magandang tagpo 
na kay inam nating balikan
upang pagnilayan
kanyang tanong kay Jesus
noong Huling Hapunan:
"Panginoon, 
bakit po sa amin lamang kayo
magpapakilala nang lubusan
at hindi sa sanlibutan?" (Jn.14:22)
Mahiwaga at matalinhaga
ang tugon ng Panginoon:
"Ang umiibig sa akin ay tutupad
ng aking salita;
iibigin siya ng aking Ama,
at kami'y sasakanya at
mananahan sa kanya." (Jn.14:23)
Bakit nga ba hindi na lamang
magpakita si Jesus sa lahat upang 
mawala na pagaaalinlangan,
at iba pang mga katanungan?
Maski naman magpakita si Jesus 
marahil wala pa ring maniniwala 
hangga't hindi natin siya nakikilala
sa mukha ng bawat kapwa: 
hindi bagay o gamit si Jesus
na basta-basta lamang nakikita 
ng ating mga mata ---
Siya ay Persona: 
makikilala lamang 
ng isang pusong bukas
handang tumanggap
at tularan Kanyang pagmamahal
upang Kanyang panahanan
tungo sa personal na ugnayan.
Photo by Pixabay on Pexels.com
Hanggang ngayon ito pa rin
ang ating tanong sa ating panahon
at bakit nga kaya nagkagayon?
Tuwing magkokomunyon
"Amen" ang ating tinutugon
bago tanggapin
Katawan ng Panginoon
na marahil atin ngang nakikita
nguni't hindi nakikilala
dahil puso ay ipininid
naging manhid
sa daing ng bawat kapatid?
Ang Diyos ay pag-ibig
na siyang Kanyang larawan
at wangis sa atin Kanyang ipinaris;
kung pag-ibig ay ating inalis,
ang lahat sa atin ay malilihis
makita man natin si Jesus di natin Siya makikilala!

Larawan ay kuha ni Lucas Jackson ng Reuters ginamit sa The Economist, 2019.

Panalangin ng umiibig

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Oktubre 2020
Huwebes, Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol Na Si Hesus
Job 19:21-27     >><)))*>  +  <*(((><<     Lukas 10:1-12
Larawan kuha ng may-akda, 01 Oktubre 2019.
O Diyos Ama naming mapagmahal,
Ikaw ay pag-ibig 
kaya kami ay umiibig 
dahil ikaw ang sa amin ang unang umibig;
Parang ang hirap dasalin
at gayahin dalangin ni Santa Teresita
na maging pag ibig sa gitna nitong 
Simbahang iniibig.
Nguni't kung susuriin 
tunay ang kanyang hiling
na dapat din naming asamin
dahil itong pag-ibig ang nag-uugnay
sa lahat sa aming buhay
at kung hindi lahat ay mamamatay.
Katulad ni Job sa unang pagbasa,
tangi naming inaasam ikaw O Diyos 
ay “mamasdan at mukhaang makikita
Ng sariling mga mata at di ng sinumang iba;
Ang puso ko’y nanabik na mamasdan kita” (Job 19:26-27)
upang Iyong pag-ibig maihatid
sa daigdig nasa gitna ng maraming pagkaligalig
nalilito, nagugulo kanino mananalig at sasandig;
Unawain nawa namin turo ni Jesus (Lk.10:2)
aming hilingin sa Iyo na magpadala ng manggagawa
sa maraming anihin:  hindi pagkain, salapi o gamit
ang mahalaga naming kamtin 
kungdi kapwa na makakapiling
at magmamahal sa amin.
AMEN.
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Panalangin upang tuklasin pagpapala sa bawat pagkakataon

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Setyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Jerusalem, Mayo 2019.
Tunay na tunay ang iyong mga pananalita
Ama naming mapagmahal sa Aklat ng Mangangaral:
"Ang lahat ng pangyayari sa daigdig ay nagaganap
sa panahong iyong itinakda; 
Iniangkop mo ang lahat ng bagay sa kapanahunan.
Binigyan mo ang tao ng pagnanasang alamin ang bukas
ngunit hindi mo siya binigyan ng pagkaunawa 
sa iyong mga ginawa mula pasimula hanggang wakas." (3:1, 11)
Nakamamanghang isipin 
bakit nga ba tuwing kami ay mananalangin
saksakan kami ng pagka-inipin 
ngunit tuwing kami sa iyo ay hihiling
paglipas ng oras sa pananalangin di namin pansin?
Ito marahil ang paglalarawan ng iyong kaganapan
na hindi ka kayang saklawan ng aming panahon at lunan
dahil hindi lamang ikaw ang sa amin lumalang
kungdi sapagkat sa iyong pag-iral ikaw ay pagmamahal
walang bukas at kahapon, ang lahat ay ngayon.
Itulot po ninyo, O Panginoon
ikaw ay aming tuklasin at sundin sa iyong pagdating
sa bawat sandali at pagkakataon sa aming buhay ngayon
na madalas hindi namin kaagad maunawaan iyong nilalayon
dahil ika'y walang hanggan gayong kami ay pana-panahon;
magtiwala nawa kaming lagi sa iyong pag-ibig
upang kung sakali man kami ay wala sa panahon ng pagkabig
sa iyo lamang kami manalig at lahat ay madaraig!
AMEN.

Pag-ibig: ang tanging sagutin at kaloob sa buhay natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Setyembre, 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Kay ganda ng paalala
ni San Pablo sa mga taga-Roma
na hanggang ngayon sa ating panahon 
gawin nating tuntunin:
"Huwag kayong magkaroon ng sagutin
kaninuman, liban sa saguting tayo'y mag-ibigan...
Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman,
kaya't ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan." 
(Roma 13:8, 10)
Ano nga ba ang sagutin natin sa bawat isa?
Hindi ba ano mang sagutin ay pagkaka-utang din?
Kung gayon, 
tayong lahat ay mayroong tungkulin
at sagutin na bayaran pagkakautang natin
na walang dili iba kungdi pag-ibig pa rin!
Sa lahat naman ng sagutin at bayarin
pag-ibig ang pinakamamahalin at mainam utangin;
hindi tulad ng salapi, pag-ibig ng Diyos ay hindi tinitingi
walang tinatangi, hindi na kailangan pang humingi
kahit ikaw ay mabaon at hindi makaahon
sagot palagi ng ating Panginoon!
Kaya si Hesus pumarito noon
upang tubusin sangla ng pagkakautang natin
sa pag-ibig ng Ama na tinalikuran at tinanggihan
ng mga unang magulang natin;
Sa Kanyang kabutihang-loob
sa atin ay ipinagkaloob buhay Niyang handog.
Pag-ibig ang siyang pumupuno sa atin
siya ring nagpapairal sa atin
dahil ang mabuhay ay umibig;
sino mang hindi umiibig ay patay
parang naglalakad na kalansay
hungkag at walang laman, puso at kalooban.
Kaya naman sumasama ating loob
kapag minamahal natin ay walang utang na loob
dahil pag-ibig ang tanging nasa ating loob;
kapag pag-ibig ay hindi sinuob
upang humalimuyak gaya ng insenso at bulaklak,
ito'y nakukulob, umaantong, sa kamatayan humahantong.
Katulad ang pag-ibig ng tubig sa ilog
mahirap masundan pinagmumulan at patutunguhan
ngunit iyon ang kagandahan at kainaman
habang tayo'y patuloy sa pag-ibig, dumadaloy, umaagos
hindi ito nasasaid dahil ang Diyos ay pag-ibig
at walang hanggan na Siyang ating hantungan at kaganapan.