Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Nobyembre 2025

Tawag pansin at higit sa lahat ay nakatutuwa ang pahayag ng Santo Papa Leo XIV kamakailan mula sa Roma na mag-ingat aniya ang lahat sa maling habag at awa.
Nagtipon sa Roma noong isang linggo ang mga bumubuo sa court of appeals ng Simbahan kung tawagin ay Roman Rota na siyang humahawak sa mga kaso ng marriage annulment. Heto yung pambungad na bahagi ng balita mula sa Vatican:
In a firm call to avoid “false mercy” in marriage annulment proceedings, Pope Leo XIV reminded that compassion cannot disregard the truth.
During a Friday audience with participants in the legal-pastoral training course of the Roman Rota, the Holy See’s court of appeals, the Holy Father read a lengthy speech in which he recalled the importance of the reform of marriage annulment processes initiated by Pope Francis 10 years ago. (Mula sa ulat ni Almudena Martinez-Bordiu ng Catholic News Agency)

Noon pa mang mahalal na Santo Papa si Leo XIV, marami na siyang pahayag na nakakatawag pansin hindi sapagkat kakaiba o nakakagulat katulad ng sinundan niyang si Papa Francisco.
Pagmasdan palaging malinaw at ayon sa turo ng Simbahan at kanyang mga tradisyon ang mga pahayag ni Papa Leon. Walang malabo na nagbibigay daan sa maling pagkaunawa o interpretasyon. At sa lahat ng kanyang binitiwang salita, ito ang pinaka-nagustuhan ko dahil totoong-totoo. Hindi lamang sa larangan ng pagsusuri sa mga kaso ng annulment ng mga kasal kungdi sa ating buhay mismo.
Bagaman mahalaga ang maging mahabagin na siyang pinaka tuon ng pansin ni Pope Francis noon, niliwanag ngayon ni Papa Leon na hindi maaring puro na lang awa at habag.

Tunay naman na maraming pagkakataon lumalabis ating habag at awa habang nakakalimutan ang katotohanan. Lalo na sa ating mga Pinoy na puro na lang awa at bihira gumana ang batas kaya naman palala ng palala ang ating sitwasyon na nawawala na ang kaayusan dahil bihirang bigyang pagkakataon ang gawi ng katarungan.
Sa tuwing nasasantabi ang katotohanan at nangingibabaw ang pagkaawa, ito ay nagiging maling uri ng habag dahil hindi maaring pairalin ang awa kung walang katotohanan. Ipinaliwanag ni Papa Leon noong isang linggo na palagi sa lahat ng pagkakataon na hanapin at tingnan muna ang katotohanan sa mga bagay-bagay na kinokonsidera ukol sa mga kaso ng sa kasal. Idiniin ng Santo Papa na dapat maunang hanapin at panindigan ang katotohanan dahil ito mismo si Jesu_Kristo na nagsabing “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay” (Jn. 14:6).
Gayon din sa buhay. Ang maging maawain sa gitna ng kawalan ng katotohanan lalo na namamayani ang kasinungalingan ay maling-mali sapagkat sa tuwing nauuna ang awa at habag kesa katotohanan, nasasantabi rin ang katarungan kung saan mayroong tiyak na napagkakaitan nito. Hindi nagiging patas ang kalagayan kung puro awa at walang katotohanan.

Sa tuwing nauuna ang pagkamaawain sa gitna ng kawalan ng katotohanan, lalo tayo nagiging walang awa o merciless sa dapat kaawaan habang hinahayaan natin ang pag-iral ng kasinungalingan. Balang araw, lulubha at lalala ang kamaliang ito kaya higit na marami ang mahihirapan.
Hindi maaring pairalin ang habag at awa kung mayroong mali at kasamaan. Iyan problema sa ating bansa: lahat na lang kinaawan at pinatawad maski walang pagsisisi ni pag-amin ng kasalanan kaya wala ring napaparusahan ni nakukulong! Magtataka pa ba tayo wala tayong kaayusan at higit sa lahat, wala tayong patunguhan?
Kinabukasan ng halalan noong 2019 habang almusal, nagsabi ng sorry sa akin ang aming kasambahay sa kumbento. Bakita ika ko? Kasi daw binoto niya pa rin si Bong Revilla bilang Senador sa kabila ng pagsasabi ko na huwag iboto; paliwanag niya sa akin ay “nakakaawa naman kung walang boboto kay Bong”.
Hindi ko malaman noon kung ako ay tatawa o magagalit. Sabi ko na lang sa kanya, puro ka awa kay Bong e hayun siya pa isa sa mga maraming nakuhang boto bilang senador, dinaig mga karapat-dapat! Ano nangyari mula noon hanggang ngayon? Sangkot diumano sa mga kaso ng pandarambong si Bong Revilla, hindi ba? Kasi nga binalewala ng mga botante ang katotohanan ng dati niyang kaso ng corruption kay Napoles at higit sa lahat ang kawalan niya ng kakayahan bilang mambabatas.
Ganyan nangyayari sa buhay saan man kapag isinasantabi ang katotohanan at pinaiiral palagi ang awa at habag. Kay rami nating mga mag-aaral na nakakatapos at guma-graduate na walang alam dahil kinaawaan lang ng guro. Tama nga tawag sa kanila, “pasang-awa” pero sino ang kawawa kapag bumabagsak ang tulay o lumalala ang pasyente?

Walang natututo ng ano mang aral sa paaralan o sa buhay man nang dahil lang sa awa. Hindi titino ang bansa kapag lalaktawan ang mga batas dahil kaaawaan palagi ang mga lumalabag.
Reklamo tayo ng reklamo na namimili ang batas o selective kung saan mayroong mga pinapaboran at hindi kasi naman mas pinipili natin palagi ang awa kesa katotohanan na mayroong mali o kulang.
Kailan natin haharapin ang katotohanan? Kaya nga sinabi ni Jesus na “ang mapagkakatiwalaan sa munting bagayay pagkakatiwalaan ng higit na malalaking bagay, ang hindi tapat sa munting bagay at hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaking bagay” (Lk.16:10-14).
Hindi tayo nagiging maawain o merciful bagkus ay nagiging walang awa o merciless nga tayo kapag maling awa ang umiiral sa atin dahil malayo tayo sa katotohanan. Katotohanang muna bago habag at awa. Veritas et Misericordia gaya ng motto ng aming pamantasan. Naawa ni Jesus sa mga makasalanan tulad ng babaeng nahuli sa pakikiapid, kay Maria Magdalena at kay Dimas dahil umamin silang lahat sa katotohanan na sila nga ay nagkasala. Gagana lamang ang habag at awa ng Diyos kapag mayroong pag-amin at pagtanggap sa katotohanan. Huwad ang ano mang awa kapag walang katotohanan dahil tiyak wala ring katarungan na umiiral doon.
Walang bansa ang umunlad dahil lang sa awa, lalo na sa maling awa kungdi sa pagsasaliksik at paninindigan ng katotohanan.

Higit sa lahat ay nakakabuhay ng pag-asa ang pahayag ni Pope Leo para sa Simbahang Katolika lalo na dito sa Pilipinas. Nakakahiya at nakakalungkot kaming mga pari na gayon na lang kung makapula sa mga politiko at upisyal ng gobyerno sangkot sa anomalya ngunit kapag kapwa pari ang may katiwalian at alingasngas… ano laging hiling namin maging ng mga tao?
Patawarin. Kaawaan. Hayaan na lang.
Bakit ganoon?
Bukod na ang pari ay dapat larawan ng kabutihan, kami rin siyang dapat tagapagtanghal at tagapagtanggol ng katotohanan. Hindi lang ng awa. Iyong tama na awa gaya ng sinasaad ni Papa Leon. At ng Diyos.
Ang masakit ay, palaging pakiusap at sangkalan ng mga pari ay awa kahit na mali ang ginawa o ginagawa. Kaya malaking aral sa Simbahan ang yumanig na sex scandal noon. At diyan natin makikita walang katanda-tanda ang ilang pari at obispo dito sa Pilipinas: kapag pinag-usapan kaso ng mga paring sangkot sa sex at money scams, kaagad-agad ang hiling nila ay “awa”.
Kawalan ng katarungan at isang kasinungalingan kapag mga kaparian sa pamumuno at pangunguna ng obispo ay puro awa habang winawalang bahala ang katotohanan. Nakakatawa at nakaka-inis maringgan mga pari at obispo nasisiyahan sa mga kuwentong Maritess pero kapag ang paksa ay katiwalian ng isang pari, ni hindi man lamang alamin, suriin kung totoo o hindi upang maituwid. Kaya sa kahuli-hulihan, maraming pari at obispo lumalakad may ipot sa ulo dahil kitang-kita ng iba ang kamalian at kasinungaligan na sila ang ni ayaw tumingin ni umamin.
Sa mga nangyayari ngayon sa bansa, ito rin ang hamon sa amin sa Simbahan: magpakatotoo, huwag pairalin maling awa o false mercy wika ni Pope Leo upang si Kristo ang tunay na maghari sa ating buhay upang makamit tunay na pag-unlad sa lahat ng larangan ng buhay. Ano ang iyong palagay sa sinabi ni Papa Leon ukol sa maling awa? Mag-ingat at baka mayroon ka rin niyon. Amen.
















