Ang Pasyon sa buhay-pananampalataya nating mga Pilipino

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Abril 2025
Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Para sa mga tulad ko na promdi – laking probinsiya – ang mga Mahal na Araw ay pinababanal ng magdamagan at maghapong Pabasa ng Pasyon ng ating Panginoong Jesu-Kristo.

Sa katunayan, isa ito sa mga eksenang aking kinagisnan mula pagkabata kaya taun-taon, ako man ay bumabasa ng Pasyon lalo na noong buhay pa aking ina at kami man ay nagpapabasa sa aming bahay sa Bocaue, Bulacan. Tuwing ganitong panahon, hinahanap ng aking katawan ang pagbasa ng Pasyon kaya noong isang taon, dumayo ako sa dati kong parokya.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Anong laki at bagong kaalaman ang aking nabatid noon!

Ito palang mga salita ng ating unang Santo na si San Lorenzo Ruiz ay kanyang kinuha sa Pasyon!

Batay sa ating kaalaman, sinabi ni San Lorenzo noon sa harapan ng kanyang mga taga-usig sa Japan na “isang libong buhay man ang ibigay sa kanya, isang libong ulit niyang iaalay ang mga ito sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”

Nguni’t, pagmasdan ninyo itong aking nabatid sa Pasyon:

Larawan kuha ng may-akda, Biyernes Santo, 2024.

Batay sa tradisyon, si Longinus na tinuturing dito sa Pasyon na Longino ang sundalong Romano na umulos ng sibat sa tagiliran ni Jesus habang nakabayubay doon sa krus; mula sa sugat na iyon dumaloy ang dugo at tubig sa Kanyang tagiliran na siyang bukal ng habag at awa ng Diyos sa sangkatauhan (fount of Divine Mercy).

Para sa akin, isang magandang katotohanan ang sinasaad ng bahaging ito ng Pasyon: maaring bukod sa bibliya at katesismo, bumabasa rin ng Pasyon noon at marahil katulad ng ilan hanggang ngayon, kabisado ito ni San Lorenzo Ruiz kayat nausal niya mga pananalitang iyon.

Dito rin nating makikita na sa kabila ng maraming kamalian at mga samo’t saring bagay na kailangang isaayos sa Pasyon, malaki rin ang papel nito sa paghubog sa ating pananampalatayang Kristiyano.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Maituturing ang Pasyon ay isa sa mga una at malalaking hakbang ng inculturation ng Kristiyanidad sa kalinangang Pilipino.

Nagsimula ang Pasyon sa tradisyon ng mga katekista na sinusugo ng mga pari noon sa malalayong lugar upang samahan sa pananalangin ang mga naghihingalo. Bahagi rin ito ng tinaguriang “pa-Jesus”, mga paulit-ulit na panalangin tulad ng litanya habang ipinagdarasal ang naghihingalo. Kaya ang tagpo ay mula sa pagpapakasakit at kamatayan o Pasyon ng Panginoon ang ginagamit. Humaba ito ng isang aklat dahil naman sa kadalasan inaabot ng magdamag o maghapon ang paghihingalo bago tuluyang malagot ang hininga.

Mahalagang alisin sa isipan ng karamihan na hindi talambuhay ni Jesus ang Pasyon. Hindi rin ito lahat mula sa mga tagpo sa Bibliya habang ang ilang mga kuwento ay halaw sa tradisyon. Una itong tinipon at pinagsama-sama bilang aklat ni G. Gaspar Aquino de Belen, isang makata na tagasalin buhat sa Rosario, Batangas noong 1703 na inaprubahan ng mga kinauukulan sa Simbahan nang sumunod na taon.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Hindi maikakaila na maraming Pilipino noon namulat sa Krstiyanidad dahil na rin sa Pasyon dahil na magiliw na pamamaraan nito ng paglalahad ng mga aral at kuwento ng pakanta. Kaya naman nang malaunan sa paglaganap nito, isinaayos na rin ito batay sa kautusan ng mga obispo at pari habang mayroong ilang sipi na mismong gawa ng pari.

Sa sawimpalad, hindi naisaayos maraming kamalian nitong Pasyon. Kinausap ko aking kaibigan at kaklase na bumabasa rin ng Pasyon, si P. Ed Rodriguez at narito dalawang halimbawa aniya na dapat ayusin sa Pasyon:

At sa Henesis na libro,
Nalalaman ay ganito:
Nang lalangin itong mundo
Nitong Diyos na totoo,
Kaarawan ng Domingo.

Paliwanag: ang sinasabi lamang po sa Henesis ay “dumating ang kinagabihan at sumunod ang umaga, ang unang araw”. Wala pa pong pangalan ang mga araw ng sanlinggo noong isulat ang Henesis.

Gayon din naman, maraming kamalian ang sinasaad sa Pasyon ukol sa Mahal na Birheng Maria na malayo sa katotohanan katulad nito ayon kay Fr. Ed:

Sa maganap ang totoo
At araw ay mahusto
ng ipanganak na ito,
Agad dinala sa templo
Si Mariang masaklolo.

Hindi naman po inaalay sa templo ang anak na babae ng mga Hudyo; ang panganay na lalaki lamang ang inihahandog sa templo katulad ni Jesus na ating ipinagdiriwang sa Candelaria o Pebrero dos.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025; imahen ng Dolorosa, ang nahahapis na Birheng Maria.

Marami pang ibang dapat itama at isaayos sa Pasyon upang higit natin itong mapangalagaan at mapanatili sapagkat isa itong buhay na patunay ng ating maganda at Kristiyanong kalinangan.

Nakatutuwa na maraming parokya ang nagpapabasa na sa ngayon upang maituro at maipagpatuloy ito ng mga bagong henerasyon. Tama ang maraming diyosesis na mayroong mga alituntuning itinakda sa pagbasa o pag-awit ng Pasyon: hangga’t maari ay huwag itong gawing biro na kung saan inilalapat ang mga makabagong tono ng tugtugin lalo na yaong mabibilis at mahaharot. Dapat palaging isaalang-alang ang kasagraduhan nitong Pasyon na tumutukoy sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus.

Gayun din naman, nagtuturo ang Pasyon ng kaisahan ng pamilya at pamayanan kaya dapat ito ipagpatuloy at palaganapin. Maraming pamilya noon maging hanggang ngayon ang nagkakaisa na basahin ng buong mag-anak ang Pasyon bilang tradisyon at panata nila.

Sakali mang mayroong pampublikong pabasa, maaring paghatian ng mga pamilya ang gastos sa pagkain kaya sa maraming bayan at barrio, hinahati ang aklat ng Pasyon sa dalawang pamilya para hindi mabigat ang pagpapakain sa mga tao.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Gayon din naman, ang pagkain o handa sa pabasa ay tinatawag na caridad o charity – bukod sa pagpapakain sa mga bumabasa, naghahanda ang nagpapabasa upang pakainin din yaong mga maliliit nating kapatid na dukha at kapus-palad. Nakakalungkot lamang na mayroong mga tao ang inaabuso ang caridad sa pabasa na nilulusob ng mga tinaguriang “PG”.

Hindi pa kay gandang halimbawa ito ng pagbubuklod ng mga pamilya at angkan?

Higit sa lahat, nabubuklod ang pamayanan ng pabasa ng Pasyon dahil mayroong schedule ang mga pabasa. Hindi basta-basta maaring magpabasa sa isang nayon dahil sa bawat araw, isa lang ang pabasa na maaring ganapin para isa lamang ang pupuntahan. Kaya nga noong araw sa mga nayon kay gandang balikan itong kaisahang ito ng mga kababayan natin tuwing panahon ng mga Mahal na Araw.

Bukod tangi ang pamamaraan ng pabasa ng Pasyon dahil ito ay makata o patula na inaawit, nakakaaliw lalo na kung nakasaliw sa musika.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025; imahen ng Ecce Homo, si Jesus nang iharap ni Pilato sa mga tao matapos ipahagupit.

Isang kakaibang paraan ng pagtuturo o pedagogy na magaan at madaling matutunan at higit sa lahat, kaagad nadarama.

Kung baga, mayroong kurot sa puso at kalooban kaya nanunuot ang mga turo at aral. Isipin na lamang natin paanong nakatulong itong Pasyon maging sa ating unang Santo na si San Lorenzo Ruiz na sa kanyang kamatayan ang mga namutawi sa kanyang mga labi ay buhat sa Pasyon.

Sa inyong pag-uwi sa inyong mga lalawigan ngayong Mahal na Araw, sikaping bumasa ng Pasyo upang maranasan ang lalim ng ating pananampalataya at kagandahan ng ating kalinangan.

Narito dalawang video ng aming pabasa kahapon, Lunes Santo dito sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima sa lungsod ng Valenzuela. Buhat sa bayan ng Malabon ang aming nakuhang musiko sa tumugtog mula ika-pito ng gabi hanggang ika-sampu ng gabi.

Ang “masamang balita” ng Jollibee sa Visita Iglesia

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Abril 2025
Larawan kuha ng may-akda.

Noong isang taon ko pa ito ibig ilathala nang aking makita sa harapan ng aming simbahan, ang Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima dito sa Valenzuela ang karatula ng pambansang bubuyog ukol sa Visita Iglesia. Sa aking panlasa, hindi bagay, hindi match ang mix na ito. Hindi ito “mabuting balita” ayon sa Jollibee.

Ako man po ay maka-Jollibee. Paborito ko ang kanilang palabok, pangalawa lamang ang Chicken Joy at pangatlo ang Champ bagaman ayoko po ng pagkaing mayroong pinya kaya inaalis ko ito sa dambuhala nilang langhap-sarap na burger.

Subalit tuwing mga Mahal na Araw lalo na noong isang taon, ako ay nalulungkot sa Jollibee. Marahil pati ang langit at maaring lumuluha sa lungkot ang mga anghel tuwing nakikita si Jollibee masayang-masaya kung Biyernes Santo kasi masama sa panlasa ang kanilang kampanya sa Visita-Iglesia.

Hindi yata Katoliko si Jollibee tulad ng karamihan sa ating mga Pilipino bagamat mayroong ilan silang mga tinadahan na binasbasan at minimisahan ng obispo at mga pari tuwing pinasisinayangan at nagdiriwang ng anibersaryo.

Larawan mula sa Facebook.

Noong isang araw aking nakita ang post sa Facebook ng maraming taong-simbahan kasama ilang mga pari na pinupuri ang Jollibee sa kanilang advertisement ng Visita Iglesia sa mga simbahan sa buong kapuluan kasama na kanilang mga tindahan mayroong mapa ng simbahang maaring puntahan upang manalangin at mag-peregrinasyon (pilgrimage po) kasama na ang pinaka-malapit sa kainan ng Jollibee. Marami ang pumuri sa Jollibee sa naturang kampanya. Sabi ng isang uploader, “Kudos kay Jollibee ah.. very catholic.”

Sorry po. Hindi po yata tama ang inyong caption. Sa unang tingin, tila maganda pero kung susuriin natin, mali. Hindi po ito Catholic practice dahil ito ay salungat sa hiling sa atin ng Simbahan noon pa mang simula na magkaroon ng pagsasakripisyo tuwing panahon ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw.

Sa katunayan, ang turo ng Simbahan ay mag-ayuno tuwing Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo bilang pagninilay at pakikiisa sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesu-Kristo doon sa krus mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas. Totoo na hindi na mamatay si Jesus at hindi naman nating kailangang malungkot at malumbay sa mga panahong ito ngunit, paano tayo makapagninilay at dasal ng taos kung nasa isip natin ang pagsasaya ng pagkain ng masasarap tuwing Mahal na Araw o Biyernes Santo?

Ipagpaumanhin po ninyo lalo ng mga kaibigan ko sa Jollibee, malinaw na ang kanilang Visita-Iglesia campaign ay commercialization ng ating banal na tradisyon at gawaing Katoliko. Sa halip na makatulong ang Jollibee kasama na ang iba pang mga fastfood chain na mayroong Lenten special meals sa paggunita ng mga Mahal na Araw na maranasan man lamang nating mga Filipino muli ang tunay na diwa ng Paskuwa ng Panginoong Jesus, ito ay kanilang winawasak. Hindi nga po tayo dapat kumain bilang bahagi ng panawagang mag-ayuno o fasting tuwing Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo. Ito ang hindi batid ng mga fastfood chain: tuwing sasapit ang Kuwaresma, palagi silang nag-aalok ng fish sandwich at iba pang pagkaing walang karne bilang bahagi ng fasting (edad 18-59) at abstinence.


Nasaan na ang panawagang mag-sakripisyo para sa mga banal na gawain ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw tulad ng Visita Iglesia kung ang hahantungan ay Jollibee o mga fastfood?

Inuulit ko po na wala tayong layuning siraan ang Jollibee na naghatid ng maraming karangalan sa ating bayan lalo na sa larangan ng pagkain at negosyo kung saan ay inilampaso ng isang bubuyog ang dambuhalang McDonalds ng Amerika pati na sa ibang bahagi ng Asya. Sa larangang ito ng panahon ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw, sa aking pananaw ay lumabis ang Jollibee sa kanilang gimik na Visita-Iglesia. Sa katunayan, mayroon ako nabasa sa ibang bahagi na tinatawag nila itong “Bee-sita Iglesia.” Wala po sa hulog at pokus ang kanilang kampanya na tila mayroong pagkapagano dahil malapit na itong maging idolatry. Hindi magtatagal, baka ang darasalin na ng mga bata ay “Jollibee to the Father and to the Son and the Holy Spirit…”

Ang pinakamasakit sa lahat ay makita ang mga fastfood chain tuwing Biyernes Santo na umaapaw sa mga tao – daig pa mga simbahan – na tila wala na yatang pagpapahalaga sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus para sa atin.

Batid ko po na pakaunti ng pakaunti ang mga mananampalataya na hindi na nag-aabstinensiya at ayuno tuwing Biyernes Santo. Magiging malala pa ito sa ganitong uri ng kampanya ng Jollibee tuwing Visita-Iglesia. HIndi ba sila maaring mangilin kung Biyernes Santo man lang? O, kahit mula alas-dose ng tanghali ng Biyernes Santo hanggang alas-singko ng hapon sa paglabas ng prusisyon? Hintayin man lamang sana ng mga fastfood chain at restaurant na “malibing” ang Panginoon bago sila magbukas ng tindahan nila.

Hindi ba malaking kabalintunaang makita sa araw ng ating pagninilay sa mga hirap ng Panginoong Jesu-Kristo ay naroon pa rin ang pagsasaya ng mga tao na para tayong mga pagano kumakain at nagsasaya?

Ang mga Mahal na Araw ay inilalaan upang magnilay ng taos sa ginawang pagliligtas sa atin ng Panginoon. Hindi naman natin ikamamatay ang hindi pagkain sa Jollibee ng isang raw lang tulad ng Biyernes Santo sa buong taon. At lalo namang hindi ipaghihirap at ikalulugi ng Jollibee sa sila man ay mangilin man lamang tuwing Biyernes Santo. Amen.

Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ng Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 17 Marso 2025.

Sino ang baliw?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2025
Larawan mula sa Pixabay on Pexels.com
Minsan daw
sa isang perya 
natanawan ng payaso 
sunog sa kabayanan
ngunit siya ay pinagtawanan
nang sabihan niya mga tao
dahil sa kanyang anyo 
at kasuotan;
paano nga ba
paniniwalaan ang katotohanan
kung ang katibayan 
ay sarili lamang?
Mabuti pa ang payaso
may katinuan
sa kanyang isipan
tanggap ang kanyang katayuan
sa anyo at kasuotan
ay katatawanan
ngunit sa kalooban
kanyang nalalaman
ang buong katotohanan
hindi tulad ng karamihan
mas paniniwalaan
kasinungalingan.
Inyong subukang
kausapin mga baliw
at wala sa kanilang aamin
na sila ay kulang-kulang
lahat daraanin sa biruan
upang pagtakpan
kanilang kahangalan
habang ang matino ang isipan
batid kanyang kakulangan
nalalaman kanyang kahinaan
kababawan at kabaliwan
mga tanda ng karunungan!
Kay laking katatawanan
pagdagsa ng mga baliw
nitong nakaraan
kahangalan pinangangalandakan
hindi alintana kanilang
kahibangan sa paninindigang
nakasandig sa kasinungalingan
ng bulok at buktot na kaisipan;
ganyang tunay ang mga baliw
walang malay, parang patay
na namumuhay
sa guni-guni at sabi-sabi.
Maging babala:
marami na silang nahahawa
hindi batid
sila ay baliw
hangal at hunghang
hindi alam katotohanan
ipinagpipilitan sila ang
nasa katuwiran
gayong ligwak
mga kaisipan
nakalublob
sa kadiliman.

Nanlaban, natokhang

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-11 ng Marso 2025
Kuwaresmang-kuwaresma
mga pangyayari sa araw na ito
pagkaraan ng mahabang panahong
pagpapakasakit, pagdurusa
at pagkamatay ng marami
Pasko ng Pagkabuhay nabanaagan
para sa mga pinaratangang
nanlaban,
natokhang.
Sa lahat ng larawang
nakintal sa aking isipan at
alaala ng madilim na nakaraan
ito ang hindi ko malimot-limutan:
diumanong pusher
nanlaban nang patayin sa gitna
ng lansangan
tangan-tangan ng kasintahang
umiiyak, humihiling sila ay tulungan.
Lahat ay nagdiriwang
sa pagkakadakip ng berdugong
ipinagyabang kapirasong kapangyarihan
lahat minura at hinamak
Diyos at Santo Papa
maging si Obama
maliban sa mga amo niya sa China
ngayon ibig niyang takbuhan
ngunit nagpahayag na wala silang pakialam.
Sila ngayon ang nanlalaban
sigaw amng katarungan na kanilang
tinapakan at niyurakan
tapang-tapangan naglahong daglian
mga salitang binitiwan
ayaw nang balikan
kanilang sukatan
sila ngayon ang nilapatan
tinimbang ngunit kulang na kulang.
Busilak ng kinabukasan
maari pa ring asahan
sa gitna ng karimlan
dahil itong kasamaan
mayroong hangganan
katulad ay pintuan
kinakatok upang pagbuksan
kapag tinanggihan
tokhang ang kalalabasan.
Dalangin ko sana'y
wala nang sumunod
manunungkulang bukambibig
ay puro kamatayan, mga birong
kasamaan at kalaswaan
bayan huwag nang
magpalinlang
landas ng katarungan
at karunungan
tanging sundan.
*Basahin ang kuwento ng kumuha ng naturang larawan, si G. Raffy Lerma upang madamang muli malagim nating nakaraan, https://www.raffylerma.com/blog-1/2016/12/22/the-story-behind-the-viral-photo.

Ang Simbahan at ang EDSA ’86

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Pebrero 2025
Larawan mula sa wikipedia.org.

Hindi maikakaila ang mahalagang papel ng Simbahang Katolika sa tagumpay ng People Power 1986 na sinasagisag ng National Shrine of Mary, Queen of Peace mismo sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue kung saan pinigilan ng mga madre, pari, seminarista at layko ang mga sundalong sasalakay sana noon sa mga “rebeldeng” nasa Kampo Crame.

Sa gitna ng maraming pagbabago sa pag-usbong ng maraming matatayog na gusali, nananatiling paalala ang dambanang ito ng katotohanang wala tayong magagawa sa buhay natin kung nakahiwalay tayo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus kasama ang kanyang Ina na si Maria (Juan 15:5).

Nguni’t ipinahihiwatig din ng simbahang ito ang malaking bugtong sa ating panahon ngayon, kung ano na ang nangyari sa diwa ng EDSA 1986 na tila sa paglipas ng panahon ay unti-unti nang nalilimutan ng marami? Tingnang kung paano sa ngayon ang EDSA ang tanda ng lahat ng magulo at mali sa ating bayan, taliwas sa dating ningning at karangalan nito. Higit sa lahat, kay laking kabalintunaan ng ating kasalukuyan na ang mga pinatalsik ng EDSA noon ay hindi lang basta nakabalik ngayon kungdi sila pang muli ang namumuno, muling nananahan mismo sa palasyo ng Malacanang!

Larawan ni Jaime Cardinal Sin sa Villa San Miguel, 23 Pebrero 1986, kuha ni Alex Bowi/Getty Images.

Anyare? Kung paanong naging mahalaga ang papel ng Simbahang Katolika noon sa tagumpay ng People Power 1986, pagkalipas ng halos apat na dekada ay masasabi ring malaki ang kinalaman ng mga pari at obispo sa pagkupas at pananamlay ng diwa ng EDSA sa ngayon.

At taliwas sa larawan ng EDSA Shrine ang ating makikita sa ngayon ay ang pagkalango ng maraming mga obispo at pari sa kapangyarihan ng pulitika mula noong Pebrero 1986.

Wala nang nakasunod sa yapak ng karunungan at kabutihan ng yumaong Cardinal Sin na masasabi nating hindi namulitika at lalong hindi pulitiko noong 1986. Isang tunay na pastol ng kanyang mga kawan, inihatid ni Cardinal Sin tayo noon sa mayamang pastulan at malinis na batisan ika nga. Kung hindi sa kanyang panawagan sa Radyo Veritas noong gabi ng Pebrero 21, 1986, napulbos na marahil ang Kampo Aguinaldo at Krame, hindi na naging Pangulo si Tabako at umigsi buhay ng alamat na si Enrile.

Maraming pari at obispo iba nakita sa pakikibaka noon ni Cardinal Sin. Nakaligtaan nilang tularan ang buhay-panalangin (prayer life) ni Cardinal Sin na siyang bukal ng kanyang kabanalan o, kung di kayo papayag ay espiritualidad. Sa kabila ng maraming kontrobersiya sa kanyang mga sinasabi noon, isang mababanaagan palagi sa kanya ang malinaw na tanda ng buhay na pananalangin. Mayroon siyang prayer life kaya mayroon din siyang kababaang-loob at malasakit sa maliliit.

Maliban sa ilang natitira pang katulad ni Cardinal Sin, maraming obispo at pari ngayon ang sampay-bakod o amuyong sa mga pulitiko at mayayaman. Marami sa kanila mga TH na social climber nagkukunwaring “social activist” na puro burgis ang kasama pati asta at salita.

Larawan kuha ni Pete Reyes kina Sr. Porfiria “Pingping” Ocariza (+) at Sr. Teresita Burias nananalangin upang pigilan mga kawal sasalakay sana noon sa mga rebelde sa Kampo Crame noong People Power 1986.

Kung noong EDSA ay tanda ng kanilang paglilingkod at kawang-gawa ang kanilang mga sutana na sumasagisag sa kanilang kaisahan sa Panginoong Jesu-Kristo, maraming mga obispo at pari ngayon dinurungisan kanilang habito na naging pasaporte palapit sa mga mayayaman at makapangyarihan.

Nakakalungkot ang maraming obispo at pari na nagsisiksikan sa pagmimisa para sa ilang mayayaman habang napakaraming maliliit na ni hindi mabasbasan kanilang mga yumao, ni hindi madalaw para dasalan mga may sakit. Minsang magkawang-gawa, naka-Facebook naman!

Ang pinakanakakasuka sa lahat na tiyak taliwas sa diwa ng EDSA 1986 ay ang mga obispo at pari na sunud-sunuran sa mga mayayaman at makapangyarihan. Nawala na ang kredibilidad ng mga kaparian na taglay noon ni Cardinal Sin dahil alam na alam ng mga pulitiko at mayayaman ang kahinaan ng mga obispo at pari – kuwarta, kuwalta, salapi at pera. Kitang-kita ito sa mga kasalan at lamayan. Maski sa tolda, magmimisa mga obispo at maraming pari para sa anibersaryo ng gasolinahan, sisindihan mga Christmas lights ng kanilang tindahan, magtutulak ng wheelchair ng milyunaryong lumpo, at iiwanan mga parokya maski Linggo para makimisa sa libing ng yumaong donya o don. Istambayan ay Starbucks, tanghalian sa lahat ng eat-all-you-can at bakasyon sa abroad, first class pa sa eroplano sagot ng mayayaman at pulitiko. Nasaan diwa ng EDSA? Wala! Nilamon at tinabunan ng buhol buhol na trapik ang EDSA!

Noon sa EDSA 1986, humingi ng tulong sa mayayaman para sa mga kawal at mga tao pero ngayon, hindi na nahihiya mga obispo at pari ipasagot sa governor at mayor kanilang mga party at outing. Hindi lang donasyon sa mga pagawain sa parokya hinihingi nila kungdi mga sariling pagawain sa bahay at sasakyan.

Nakakahiya. Nakakapanlumo.

Larawan ni Linglong Ortiz, 23 Pebrero 1986.

Kung paanong ang mga pari at obispo ang naging malaking bahagi ng tagumpay ng EDSA People Power noong Pebrero 1986, sila ngayon ang isang malaking dahilan sa pagkawasak ng diwa nito. Hindi na madama ng mga maliliit kanilang mga pastol na nanginginain sa mga handaan, iniwanan mga maralita sa kanilang kariton.

Nawa makita muli naming mga pari at obispo ang malaking estatwa ni Maria, ang Reyna ng Kapayapaan doon sa bubong ng simbahan sa EDSA at matanto rin paanong nanatili si Maria malapit sa Anak niyang si Jesus at sa mga tulad niyang anawim, mga maliliit. Hindi sa panig ng mga mayayaman at makapangyarihan.

Pansinin na habang tumatagal ang EDSA, tila nawawala na pagkakaisa natin sa Diyos kay Kristo kasama ang kanyang Ina na si Maria na dapat sana ay pangunahan ng mga obispo at pari. Iyon ang diwa ng EDSA noon na hindi ko makita ngayon. Pansin din ba ninyo?

Karunungan vs. katalinuhan, kabutihan vs. kabaitan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Pebrero 2025
Mula sa Pinterest.

Kay ganda ng serye ng ating mga unang pagbasa sa Banal na Misa ngayong huling linggo bago magsimula ang Kuwaresma sa Miyerkules ng Abo ika-lima ng Marso 2025.

Napapanahon ang mga pagbasang ito mula sa Aklat ng Ecclesiastico ngayong binubura sa kamalayan natin ang mahalagang yugto ng ating kasaysayan, ang EDSA Revolution ng 1986.

Tamang-tama din ang mga naturang pagbasa sa gitna ng mga balita ng mga pagmamalabis ng maraming nasa kapangyarihan di lamang sa pamahalaan at lipunan kungdi pati na rin ng mga pari at obispo natin sa simbahan. Kung sa bagay, matagal nang usapin mga iyan sa simbahan na palaging hinahayaan nating mga Pilipino dahil na rin sa kawalan natin ng kamalayan sa pagkakaiba-iba ng marunong sa matalino at ng mabuti sa mabait na siyang paksang ibig kong talakayin ngayong bisperas ng EDSA People Power Revolution.

Tingnan muna natin ang karunungan at katalinuhan.

Larawan kuha ni Lauren DeCicca/Getty Images sa Laoag City, 08 Mayo 2022.

Ang karunungan (wisdom) ay tanda ng kabanalan dahil ito ay pagtulad sa Diyos na siyang Karunungan mismo. Ang maging marunong (to be wise) ay hindi lamang malaman ang maraming bagay-bagay sa mundo at buhay kungdi makita at mabatid pagkakaugnay-ugnay ng mga ito. Pag-ibig at pagmamahal ang hantungan palagi ng karunungan at kabutihan.

Ang maging marunong ay magkaroon ng mahusay at matalas na isipan na pinanday ng puso at kaloobang nakahilig sa Banal na Kalooban ng Diyos. Dinadalisay ng buhay pananalangin, nakikita ng karunungan ang kabuuan ng lahat ng mga bagay-bagay sa liwanag ni Kristo. Buo at ganap ang karunungan dahil mula ito sa Diyos, nagtitiwala sa Diyos at nakabatay sa Diyos ang lahat ng pagsusuri, pagtitimbang at pagpapasya sa lahat ng bagay.

Mula sa Panginoon ang lahat ng karunungan at iyon ay taglay niya magpakailanman. Sino ang makabibilang ng butil ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan, o ng mga araw sa panahong walang pasimula at katapusan? Sino ang makasusukat sa taas ng langit o lawak ng lupa? Sino ang makaaarok sa kalaliman ng dagat at sino ang makasasaliksik sa Karunungan? (Sirac 1:1-3).

Sa kabilang dako naman, ang matalino ay pagkakaroon ng matalas na isipan. Magandang katangian ito ngunit hindi ito pinaka-mahalaga dahil sa ating sariling karananasan at kasaysayan, kay daming matatalinong Pilipino pero bakit ganito pa rin ang bayan natin?

Sa pamahalaan maging sa Simbahan, palaging ipinangangalandakan katalinuhan ng mga upisyal at nanunungkulan. Kaya nga sa sikat na sitcom na Bubble Gang, mayroong karakter doon na kung tawagi’y Tata Lino na puro katatawanan ang mapapakinggan.

At sa sawimpalad nating mga Pilipino, mas pinapaboran natin, mas hinahangaan palagi mga matatalino kesa marurunong. Bilib na bilib tayo sa mga tao na maraming tinapos na degree sa mga pamantasan dito sa bansa at ibayong dagat. Isa iyan sa malaking problema sa Simbahan: maraming pari at obispo ang matatalino ngunit walang puso ni Kristo, puso ng Mabuting Pastol. Sa dami ng matatalinong Pilipino, bakit ganito pa rin ang ating bayan maging Simbahan?

Bulok. Kung hindi man ay nabubulok.

Dangan kasi, mga matatalino matalas lang ang isipan ngunit walang puso o pitak man lamang doon para sa kapwa at sa Diyos kaya madalas, ginagamit kanilang katalinuhan sa kabuktutan at sariling mga interes at pangangailangan.

Kay ganda ng talinghagang gamit natin diyan – lumaki ang ulo. Yumabang at naging palalo sa sobrang katalinuhan, walang ibang pinakikinggan kungdi sarili lamang. Naku, lalo na iyan sa mga pari at obispo ng Simbahan!

Ang katawa-tawa sa malalaking ulo iyan ng maraming namumuno saan man, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, maraming matatalino puno ng kabag sa tiyan at hindi kataka-taka, walang ibang nagagawa sila kungdi umutot ng umutot. Kaya mabaho at mabantot sa maraming anomalya at kalabisan itong ating bayan maging Simbahan! Hindi ba?

Larawan ni Roger Buendia/Presidential Museum and Library via esquiremag.ph.

Noon pa man, sinasabi ko nang palagi magkaiba ang kabaitan at kabutihan. Madalas ang taong mabait nating tinuturing ay pleaser sa Inggles. Utu-uto, lahat puwede, lahat pinapayagan para walang kaguluhan pero ang katotohanan, lalo lamang gumugulo mga sitwasyon kapag kabaitan ang pinairal.

Alam na alam ito ng maraming mag-aaral na gusto nila mabait na guro na lahat ay puwede. Ganun din mga tao sa pari at obispong mabait. Lahat puwede para walang gulo. Akala nila…

Pero, mayroon bang natututunan sa mga maestra o maestro na mabait? Wala. Aminin natin mas marami tayong natutunan sa mga guro pati magulang at boss at pari na istrikto o mahigpit.

Ganoon ang mabuting tao (good person) – maliwanag sa kanya ang tama at mali. Hindi puwedeng payagan o pagbigyan ang mali. Mayroong diwa ng pananagutan palagi ang mga mabubuting tao na kadalasan ay istrikto rin naman. Sa mabuting tao, basta tama at kabutihan, hindi pagtatalunan o pag-aawayan samantalang mga mababait, lahat pinapayagan.

Ang mabuting tao, hindi niya iniisip ang sarili niyang kapakanan at kaluguran bagkus kabutihan ng karamahan at ng iba pang tao kesa kanyang sarili. Yung mababait, sarili lang nila iniisip. Kaya pinapayagan ang lahat ay upang magkaroon ng mga kaibigan at mga mangungutangan ng loob sa kanila. Popularity-oriented kadalasan mga matatalino at mababait.

Kaya naman, mapapansin natin na magkasama palagi ang karunungan at kabutihan at ang katalinuhan at kabaitan. Ang marunong ay tiyak na mabuti sapagkat higit sa kaalaman ang kanyang nilalayon ay kabutihan at kapakanan ng karamihan. Iyong mabait madalas ay matalino kasi sa Inggles makikita natin ito ay tumutukoy sa sanity o pagiging matinong pag-iisip o sane. Kapag sinabing “nasiraan ng bait”, ibig sabihin, nasira na ang ulo o nabaliw katulad ng maraming mga henyo na sa sobrang talino na walang iniisip kungdi sarili lamang.

Larawan mula sa en.wikipedia.org.

Noon sa EDSA, nadama ko at naranasan karunungan at kabutihan nina Cardinal Sin, Pangulong Aquino, Hen. Ramos at ng maraming mga tao na dumagsa doon hindi upang makipag-away at makipagtalo kungdi makipagkasundo at umunawa. Napaka saklap kay bilis nabaligtad ang lahat. Napalitan ng mga baliw mga marurunong at ng mga sakim ang mga mabubuti.

Sana sa mga panahong ito na ating ginugunita ang makasaysayang EDSA People Power ng 1986, muling pag-isipan at pagnilayan nating mabuti ang ating pinahahalagahan at pinaninindigan. Para sa Diyos, para sa Inang Bayan.

*Tunghayan mga dati nating nalathala sa paksang pagkakaiba ng kabutihan at kabaitan.

Tula at paalala sa araw ng mga puso

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil
sa mga kinikilig
pag-inog nitong daigdig
sa araw na ito
ng mga pusong umiibig;
tiyak bibigay din
ano mang hinhin
at yumi
ng sinomang dilag
kapag nakatanggap
ng bulaklak kanino man
magbuhat.
Ngunit 
ang masaklap tuwing
katorse ng Pebrero
ang maraming pag-ibig
katulad na lamang ng
petsang dumaraan,
wala nang katapatan
at kadalisayan
mga magkasintahan
pag-ibig dinurumihan
isa't isa'y sinasaktan
at dinudungisan.
Pagmasdan
ating kapanahunan
pilit binibigyang katuwiran
kasalanan at kasamaan
matutunghayan saanman
mga larawan ng kataksilan
wala nang kahihiyan
ipinangangalandakan
mga kapalaluan
sa gitna ng kapangahasang
magmaang-maangan
na wala silang kalaswaan.
Photo by Designecologist on Pexels.com
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan 
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman 
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig 
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.

Pag-ibig ay kusang dumarating, di dapat hanapin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Sampung araw 
bago sumapit
ang Valentine's
sa akin ay lumapit
isang dalagita
nahihiyang nagtanong
bagama't ibig niyang
mabatid kung
"makakahanap po ba ako
ng lalaking magmamahal
sa akin ng tunay
at tapat?"
Ako'y nanahimik,
ngumiti at tumingin sa
dalagitang nahihiyang
nakatungo ang ulo
sa kanyang tanong
at nang ako'y magsimulang
mangusap,
mukha niya ay bumusilak
sa tuwa sa bagong
kaalaman sa pag-ibig
na matiyaga niyang
sinasaliksik.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.
Ito ang wika ko sa dalagita:
"Ang pag-ibig,"
ay hindi hinahanap
parang gamit nakakamit
dahil ang pag-ibig
ay kusang dumarating
kaya iyong matiyagang hintayin
ikaw ang kanyang hahanapin;
tangi mong gampanin
buksang palagi iyong
puso at damdamin
dahil itong pag-ibig
ay dumarating sa mga tao
at pagkakataong
hindi inaasahan natin;
banayad at mayumi
hindi magaspang pag-uugali
magugulat ka na lamang
ika’y kanyang natagpuan
palagi na siyang laman
ng puso at isipan."
"Pakaingatan din naman",
wika ko sa dalagita
"itong pag-ibig ay higit pa
sa damdamin na dapat
payabungin tulad ng mga
pananim,
linangin upang lumalim
hanggang maging
isang pasya
na laging pipiliin
ano man ang sapitin
at hantungan."
Ang pag-ibig
ay parating dumarating
ngunit kadalasan hindi
natin pansin
kung minsan tinatanggihan,
inaayawan
dahil ang ibig ay kumabig;
darating at mananatili
itong pag-ibig
sa simula na ating limutin
lahat ng para sa sarili
natin.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.