Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Disyembre 2025
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, Nobyembre 2021.
Napansin ko lang kakaiba itong kapaskuhang darating: tahimik si Jose Mari Chan at inagawan ng eksena ng mga mandarambong sa pamahalaan at kongreso na hanggang ngayon nagtuturuan, nagtatakipan habang pinagpipilitan ng isang ginang kakasya raw ang limang-daang piso upang makapag-diwang ng noche buena sa bisperas ng Pasko ang pamilyang Pilipino.
Kaya sumagi sa aking alaala pamaskong awiting aking kinalakhan:
Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya Nagluto ang ate ng manok na tinola Sa bahay ng kuya ay mayroong litsonan pa Ang bawat tahanan, may handang iba't-iba
Tayo na, giliw, magsalo na tayo Mayroon na tayong tinapay at keso 'Di ba Noche Buena sa gabing ito? At bukas ay araw ng Pasko
Mga ginigiliw, atin nang mapagtatanto sa awiting ito diwa ng Pasko: ating pagsasalu-salo ng mga kaloob na biyaya at pagpapala na sinasagisag ng noche buena ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo noong Pasko; ngunit, paano nga kung sa halip na tulungan lalo mga maliliit tugon ng pamahalaan ay bigyan ng presyo natatanging pagsasalo-salo ng Pilipino tuwing Pasko?
Narito naman makabagong awiting pamasko naghahayag na walang tatalo sa Pasko sa Pilipinas:
May tatalo pa ba sa Pasko ng 'Pinas? Ang kaligayahan nati'y walang kupas 'Di alintana kung walang pera Basta't tayo'y magkakasama Ibang-iba talaga ang Pasko sa 'Pinas
May simpleng regalo na si Ninong at si Ninang Para sa inaanak na nag-aabang Ang buong pamilya ay magkakasama sa paggawa ng Christmas tree Ayan na ang barkada, ikaw ay niyayaya para magsimbang gabi
Muli mga ginigiliw sa saliw ng awiting ito madarama natin diwa at tuwa ng Pasko: wala naman sa handang noche buena ito kungdi sa samahan at pagbubuklod ng pamilya at magkakaibigan katulad ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo na pumarito upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan at mapunan ating kakulangan ng kanyang kaganapan sa pagmamahalan.
Subalit kay hirap maramdaman pagmamahal ni malasakit nino man tulad ng mga nasa kapangyarihan animo mga maligno at impakto ng mga ghost project kaya Biyernes Santo hindi Pasko pakiramdam ngayon ng maraming Pilipino: wala ang mga ginigiliw na ate at kuya may handang iba't-iba dahil sila ay mga nagsipag-OFW na habang ang mga buwitre at buwaya sa Kongreso nagpapasasa sa kaban ng bayan mula sa dugo at pawis ng mga mamamayan na pinagtitiis sa limang-daang pisong noche buena na kahuluga'y "mabuting gabi" nang pahalagahan ng Diyos ang tao sa pagsusugo niya ng Kristo na patuloy sumisilang sa puso ng bawat nilalang tuwing nagmamahalan at nagbabahaginan na pinapaging-ganap sa hapag ng pakikinabang ng Banal na Misa hanggang sa mesa ng bawat pamilya.
Ngunit papaano na kung pera hindi kakasya sa noche buena? Iyan ang masaklap at nakasusuklam ng limang-daang pisong noche buena: hindi ang halaga ng pera kungdi kawalan ng pagpapahalaga nitong nasa pamahalaan sa dangal ng bawat isa lalo ng mga maliliit at aba na sa halip tulungan maka-ahon o maibsan kanilang hirap at gutom sila pa nga ay ibinaon sa presyo na pang galunggong hindi hamon!
Kaya nakakamiss sa gitna ng nakakainis na mga balita si Jose Mari Chan sa kanyang awiting pamasko na maalala nating palagi Sanggol na sumilang sa Bethlehem sa tuwing masilayan mukha ng bawat kapwa nang walang pasubali hindi sa halaga ng salapi!
Whenever I see girls and boys Selling lanterns on the streets I remember the Child In the manger, as he sleeps Wherever there are people Giving gifts, exchanging cards I believe that Christmas Is truly in their hearts
Let's light our Christmas trees For a bright tomorrow Where nations are at peace And all are one in God
Let's sing Merry Christmas And a happy holiday This season may we never forget The love we have for Jesus Let Him be the one to guide us As another new year starts And may the spirit of Christmas Be always in our hearts
Ngayong Pasko marami ang wala maski limang daang piso at marahil itutulog na lang ang noche buena; tayo nawa maging dahilan ng "mabuting gabi" nila upang tunay nilang maranasan pagsilang ng Kristo sa kumakalam nilang tiyan at sikmura.
Larawan kuha ng may-akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga, Nobyembre 2022.
Doon sa amin sa lalawigan ng Bulacan mayroong kasabihan "mahiya lang ay tao na."
Totoong-totoo
at napapanahon
ang kasabihang ito
sa dami ng mga tao
ang wala nang kahihiyan
sa pag-gawa ng mga
katiwalian at kasamaan,
sa pagsisinungaling
at lantarang pambabastos
sa ating pagkatao;
marahil ganoon
na nga katalamak
at kakapal ng kanilang
pagmumukha
na hindi na nila alintana
kanilang kahihiyang
kinasasadlakan
na dapat sana'y
itago kahit man lang
pagtakpan kesa
ipinangangalandakan
tila ibig pang ipamukha
sa madla na wala silang
ginagawang masama.
Ang masaklap nating kalagayan sa ngayon ay ang wala nang kahihiyan ng karamihan na higit pang masama sa mga walang-hiya.
Madaling maunawaan matanggap mga walang-hiya kesa walang kahihiyan; kalikasan ng mga walang-hiya ang hindi mahiya ni matakot sa kanilang mga gawaing masama katulad ng mga holdaper, snatcher, kidnapper kasama na mga mambubudol at manunuba sa utang at iba pang mga kriminal; mga walang-hiya sila kaya wala silang mabuting gagawin kungdi kasamaan kaya pilit nating iniiwasan bagamat mahirap silang kilalanin ni kilatisin mahirap iwasan at kapag ika'y nabiktima napapabungtung-hininga ka na lang sa pagsasabi ng "walangyang yun!"
Higit na malala at masama sa mga walangya ang walang kahihiyan: sila mga tinuturing na mararangal sa lipunan, nakaaangat sa kabuhayan, magagara ang tahanan, nagtapos ng pag-aaral sa mga sikat na pamantasan at higit sa lahat, kadalasan laman ng simbahan araw-gabi sa pananalangin ngunit kanilang loobin puno ng kasakiman kaya wala silang kahihiyan magkunwaring banal kahit asal ay gahaman sa salapi at karangalan; ang mga walangya maski papano marunong mahiya mukha ay tinatakpan upang hindi makilala sa gawang kasamaan ngunit itong mga walang kahihiyan ay talaga naman ubud ng kapal mga pagmumukha akala walang nakaaalam sa mga gawa nilang kabuktutan! Labis kanilang kasamaan kaya wala silang kahihiyan maging katawan hinuhubaran ipapakita konting laman upang hangaan kanilang kagandahan; kulay apog sa pagkahambog nasanay na sa mabaho nilang amoy na umaalingasaw habang kanilang pinangangalandakan kanilang inaakalang husay at galing parang mga matsing nakalimutang sa kanilang katalinuhan sila'y napaglalalangan din!
Matatagpuan itong mga walang kahihiyan kung saan-saan di lamang sa pamahalaan kungdi maging sa ating mga tahanan at kamag-anakan na pawang kay hirap pakisamahan dahil nga wala nang kahihiyan mga puso at kalooban namanhid na sa kasamaan at kasalanan kaya't panawagang "mahiya naman kayo" hindi sila tinatablan pakiwari'y walang dapat pagsisihan ni ihingi ng kapatawaran; mabuti pa mga walangya nakokonsiyensiya nagsisisi at humihingi ng tawad ngunit mga walang kahihiyan, wala nang pagkukunan kanilang pagkatao'y naglaho na parang mga ungguy!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2025
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Hindi ko malaman kung ako ay matutuwa o maluluha sa mga larawang nalathala noong panahon ng pagbaha sa aming lalawigan ng Bulacan; kamangha-mangha aming pananampalataya nagpapatuloy mga pagdiriwang ng sakramento lalo na ang kasal kahit lumusong sa baha nagsisimba at paring nagmimisa parang eksena sa pelikula pagmamahalan ng mga magsing-ibig pananalig kailanma'y hindi padadaig sa buhos ng ulan bumaha man.
Nang sumabog na parang dam mga balita ng scam ng flood control program sa lalawigan ng Bulacan, galit at pagkainis aming naramdaman itong mga pagbaha pala ay kagagawan ng kasakiman ng mga halimaw sa kagawaran kakutsaba sa kasamaan mga pulitiko at contractor habang mga mamamayan walang mapuntahan sa araw-araw na lamang malapit nang maging aquaman kalulusong sa baha alipunga hindi na nawala.
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Isang bagay
ang aking pinagtatakhan
noon pa man
siya ko nang katanungan:
ano ang pahayag
nitong ating simbahan
sa malaswa at malawak
na sistema ng nakawan
na nasentro sa Bulacan
lalo't higit
unang naapektuhan
maraming mga simbahan?
Nasaan ating tinig
at pagtindig
laban sa katiwaliang ito
na matay mang isipin
kay hirap ilarawan
maski paniwalaan!
Mayroon bang kinalaman nakabibinging katahimikan pag-Hermano at pag-Hermana ng mga nasa pulitika dahil sila ang mapera handang gumasta sa mga kapistahan dahil kanilang pakiramdam banal na kalooban ng Diyos kanilang sinusundan kaya naman sila ay pinagpapala at pinayayaman sa patuloy na donasyon sa simbahan habang kapwa ay ginugulangan pinagsasamantalahan?
Masakit man sabihin at mahirap aminin itong mga ghost projects at korapsiyong ating kinasasadlakan ay atin din namang kasalanan at kagagawan sa patuloy na pagboto sa mga bulok na kandidato na sumasalaula sa ating lipunan; tumitindi ang kasamaang ito sa tuwing mga politiko at mga kawaning ganid ang parating nilalapitan upang hingan ng lahat ng pangangailangan sa simbahan maski libreng tanghalian na walang kinalaman para sa ating kaligtasan!
Larawan mula sa Facebook post ni Dr. Tony Leachon, “KLEPTOPIROSIS: When Corruption Becomes a Public Health Crisis”, 08 Agosto 2025.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Agosto 2025
“The Beheading of Saint John the Baptist”, tinuturing na obra maestra ng batikang pintor na si Caravaggio noong 1608 na ngayon ay nasa Co-Cathedral ni San Juan sa Valetta, Malta; mula sa commons.wikimedia.org.
Araw-araw nauulit sa ating Kristiyanong bansa ang karumal-dumal na krimen ng pagbitay kay San Juan Bautista lalo na sa larangan ng parumi ng parumi at talamak na sistema ng korapsiyon sa ating pamahalaan.
Kaya minabuti ko na isitas buong tagpo ng Ebanghelyo ng kanyang Pagpapakasakit na ginugunita natin sa Simbahan sa araw na ito.
Basahin at namnamin, managhoy at tumangis ngunit pagkaraan ay bumangon upang labanan malungkot na kinasasadlakan nating lahat ngayon;katotohanan ni Kristo ating panindigan tulad ni San Juan Bautista laban sa mga makabagong Herodes, Herodias at Salome ng ating panahon.
Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.
Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing (Marcos 6:17-29).
“Salome with the Head of John the Baptist” isa pang painting ni Caravaggio noong 1607-1610 na ngayon ay nasa National Gallery sa London; mula sa commons.wikimedia.org.
Hindi ba dapat nating tangisan itong nangyayari sa ating kapaligiran na akusasyon noon laban kay San Juan ay pagsasabi ng katotohanan? Hanggang ngayon kung sino nagsasabi ng totoo siya pang napapasama at nakukulong habang mga gumagawa ng kasamaan at kabuktutan hinahangaan, niluluklok pa sa kapangyarihan kaya mga Herodes lalo pang dumarami tumatapang, ayaw nang patinag kapit tuko sa puwesto pamilya ginawang dinastiya.
Kay laking kabaligtaran noong sina Eba at Adan Diyos ay talikuran sa kasalanan, nagtago sa kahihiyan katawan tinakpan ng dahong maselan; pero ngayon, buwaya man mapapahiya kapal ng mga senador at congressman kung magmaang-maangan pinagsamang Herodes at Pilato takot na takot sa katotohanan akala pagkakasala ay mapaparam kung mga kamay ay hugasan gayong kadalasa'y magkatiklop sa pananalangin at kung Ama Namin ang awitin silang mga Herodes nakahawak kamay sa mga panauhin bilang hermano, hermana ng pista, magkukuratsa kunwa'y mapasaya ang parokya lalo na ang kura pati obispo nila!
“Salomé with the Head of John the Baptist” isa pa ring painting ni Caravaggio noong 1606-1607 na ngayon ay nasa Royal Palace ng Madrid; mula sa commons.wikipedia.org.
Nakaka-iyak nakaka-inis nakaka-galit sa gitna ng maraming hirap at sakit, may mga Herodias pumapayag maging kabit sariling pagkatao winawaglit sinasaalang-alang sa kinang ng pera nahahalina pakiwari'y gumaganda ngunit di maikaila sa mga mata kimkim nila ay galit sa nagsasabi ng totoo pilit nagpapa-interview akala lahat ay maloloko!
O Diyos ko, kalusin mo na ang salop bago pa dumami at manganak ng mga Salome bawat Herodes at Herodias; labis ang kalapastanganan pinamamayagpag kayamanang nakaw at panlilinlang pinagmulan; walang pakundangan sa gastos at pagmamayabang hari-harian sa social media pabebe lang ang nalalaman nitong mga Salome kung tawagi'y "nepo babies" ngunit ano mang wika kanilang gamitin lilitaw pa rin pinagtatakpan nilang kababawan kailanman di kayang bigyang katuwiran ng mga luho at karangyaan na pawang ka-cheapan kahit bihisan ng ginto, pusali pa rin ang katauhan!
Hindi mauubus mga Herodes at Herodias at mga Salome hangga't mayroon sa kanila ay tatangkilik na mga hunghang na walang alam at tanging pinahahalagahan kanilang mga tiyan at sariling kaluguran; kaya hayaan nating muling umalingawngaw sa ilang panawagan at sigaw ni Juan Bautista: tayo ay gumising sa ating pagkakahimbing panindigan ang katotohanan kay Kristo lamang makakamtan!
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Retreat House, Baguio City, Agosto 2023.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Agosto 2025
Larawan mula sa Philstar.com, 2019.
Mayroon pa bang biyaheng EDSA na patungong kalayaan karangalan kaisahan kaayusan at kaunlaran para sa sambayanan at hindi ng iilan?
Mayroon pa bang biyaheng EDSA marangal ang kalsada puno ng pangarap mabuting adhika hindi ng makakapal na usok na nakakasulasok parang bangungot hindi makagalaw ayaw nang umusad dahil sa makikitid na isipan at pananaw nabulok at nalugmok sa karumihan at kaguluhan dahil sa pagkagahaman sa salapi at kapangyarihan? Nasaan na mga kagaya nina Cory Aquino at Butz Aquino, Joker Arroyo at Rene Saguisag na laang mag-alay ng sarili sa bayan? Wala na bang an officer and a gentleman ang militar tulad ni Gen. Fidel Ramos? Wala na rin yata ang katulad ni Jaime Cardinal Sin na nanindigan bilang mabuti at matapang na pastol noon di tulad ngayon mga obispo at pari walang kibo dahil abala sa mga pista na ang mga hermano at hermana mga pulitiko sa pangunguna ng governor at mga contractor!
Larawan mula sa Philstar.com 2019.
Mayroon pa bang magbibiyahe sa EDSA dahil ibig ko pa ring sumama; higit pa sa lunan itong EDSA na kanlungan at duyan ng ating makabagong kasaysayan dapat panatilihin sa ating puso at kalooban pagsumakitan pa ring makamtan tunay na kalayaan mula sa kasamaan upang malayang magawa makabubuti sa karamihan sa sama-samang pagtutulungan hindi nang paglalamangan dahil ang higit na katotohanan ang EDSA ang sambayanan na sawimpalad ay palaging kinakalimutan, tinatalikuran nating lahat na mga mamamayan kaya magulung-magulo.
Larawan mula sa wikipedia.org.
Aming Ama sa langit ikaw ang Diyos ng kasaysayan wala kang niloloob kungdi aming kabutihan; aming dalangin ituro sa amin ang daan pabalik sa EDSA maski dahan-dahan tangan tangan Krus ni Kristo kaisa ang Mahal na Inang Maria. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Mayo 2025
"Sunrise, fried rice
Sunset, pancet!"
ang aking laging sambit
ngunit ang aking favorite
ay sunrise
maski wala nang
fried rice kasi maaga
akong gumising;
sa mga "madrugeño"
na katulad ko (early riser
sa wikang Kastila),
mayroong kakaibang alindog
itong pagbubukang liwayway
kung saan ang liwanag ay unti-unting
sumasagitsit na kahit hindi mo
tanaw ang araw
banaag ang buhay
saan ka man lumingon
mayroong sorpresa;
kakaiba ang dapit-hapon
na palaging inaabangan
sa makukulay na tila isang palabas,
sa pagsikat ng araw
papalaoob ang landas na
tinatahak
kayat hindi lamang
ito tinitingnan kungdi
dinarama sa kalooban.
Kaunti lamang marahil ang nagpapahalaga sa pagbubukang-liwayway bukod sa mahirap gumising ng maaga, walang masyadong nakikita ngunit narito ang ganda at hiwaga ng bawat umaga: kinikilala ito katulad ng isang bagong kakilala, kinakaibigan hanggang sa hindi mo na namamalayan iyo nang nakakapalagayan at maya-maya ay dadantay ang katotohanan kayo ay kailangan nang maghiwalay; kaya rin naman mas marami ang nabibighani at nahahalina sa dapit-hapon: malinaw na sa iyo ang katuturan ng maghapon na lumipas kaya iyo na lang inaabangan paglisan ng mabuting kaibigan bago balutin ng dilim ang kapaligiran sa pagtatakip-silim.
Sunrise, Sunset hangganan ng bawat araw sa ating dumarating bagama't magkaiba sa pandama lalo na sa ating paningin nagtuturo ng katotohanan na hindi lahat nakikita ng mga mata; gayon din, naroon palagi ang dilim sa piling natin upang higit nating mahalin at laging hanapin tunay na liwanag na hindi napaparam, si Jesu-Kristo na dumating sa pinaka-madilim na gabi ng buong taon at muling nabuhay habang madilim-dilim pa nang unang araw ng sanglinggo; sa pagbubukang-liwayway at sa dapit-hapon o takip-silim man, palaging naroon ang Panginoon tinitiyak sa atin sa bawat ngayon at dito tuloy lang ang buhay!
*Mga larawan kuha sa aking iPhone16 sa Cabo da Roca, Pundaquit, San Antonio, Zambales Mayo 14-15, 2025.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Marso 2025
Larawan ng una kong birthday, sigisty years ago; nakaalalay sa akin si mommy (SLN) habang masayang nagsindi ng kandila ang kanyang Ditse, ang Tita Connie na nasa Amerika at buhay pa kasama ng kanyang mga anak na sina Alexis na ka-birthday ko katabi ng mommy at si RAF katabi ko; si Kuya Edgar pinakamatangkad at matanda sa mga pinsan ay nasa Amerika din. Di ko matiyak sinu-sino mga kasama sa party na mga pinsan ko lahat.
Sigisty years old na ako. Sa isang taon sigisty one Sa susunod sigisty two tapos sigisty three sigisty four sigisty five sigisty six sigisty seven sigisty eight at ewan, kung aabutin ko pa mag(ing) sigisty-nine.
Salamuch sa lahat ng mga nakasama at nakasabay sa paglalakbay sa buhay nitong anim na dekada, sa mga naniwala at ayaw pa ring maniwala; ang lahat ay pagpapala ng Mabuting Bathala na sa atin ay lumikha itinakda tayong maging ganap sa piling Niyang Banal.
Maraming dapat ipagpasalamat sa aking mga biyayang natanggap bagaman kulang na kulang at tiyak kakapusin aking mabubuting gawain kaya sana ako ay inyong patawarin lalo ng Panginoong butihin; wala akong panghihinayang sa aking mga nakaraan na kung aking babalikan ay hindi ko na babaguhin bagkus lahat ay uulitin pa rin!
Hindi man pansin ako ay mahiyain, alinlangan sa aking husay at galing, napipigilan palagi lumarga at magsapalaran sa maraming hamon ng buhay kaya't nitong mga nagdaan akin nang pinag-iisipan magpahingalay tigilan nang pakikibaka manahimik na lang, umiwas sa ingay at gulo ng buhay.
Bukod sa 20-percent discount
ng pagiging senior sixty-cent
pinakamasarap sa pagiging sigisty
ang napakaraming ala-alang masarap
balikan maski na marami ring
masasakit at mapapait na di malilimutan
na sadyang sakbibi nating palagi
dapat pa ring ipagpasalamat
sa maraming aral sa atin nagmulat
masarap pa rin ang mabuhay
kaya't sabik ko nang hinihintay
walang hanggang kinabukasan
maaring malasap
ano man ating edad
kung mamumuhay nang ganap.
2004 sa Parokya ng Santisima Trinidad, Malolos City.
Quiet Storm by Fr. Nicanor F. Lalog II, 10 March 2025
When the devil first tempted Jesus "If you are the Son of God, command this stone to become bread" the devil tempts us too to forget our being beloved children of God by doing everything and anything for us to be reduced to human doing forgetting we are human being.
And so, Jesus told
the devil, "One does not live
by bread alone",
he tells us too today
even if we cannot do anything
because we are weak and sick,
even if we fail to do something
because we have forgotten or
was so afraid,
we are still loved
for God is greater than
our hearts who cannot be seen
yet so true and so real,
fulfilling not just satisfying
than any bread.
Photo by author, Timberland Highlands Resort, San Mateo, Rizal, 08 March 2025.
When the devil tempted Jesus the third time, "If you are the Son of God, throw yourself down from here", the devil tempts us too to totally forget God because, after all, whatever we do, God still loves us; of course, that is true: we are humans loved and cared in our being not in our doing.
And so, Jesus told the devil "You should not put the Lord, your God to the test", he tells us too today for us to stop pushing the limits of morality and decency, and simply let the mysteries of God and of life wrap us because they are greater than us, not problems to be solved nor principles to be understood.
Photo by author, 10 March 2025.
Life is a daily Lent, a journey towards Easter, a return to our first love, - God in Jesus Christ his Son in whom we have been baptized and adopted as his beloved children as our being and identity: so let us simply be our true selves - his beloved since the beginning - loving him totally in our loving service to others.
This Lent let us journey in Jesus in prayer to be one in him; in fasting to create space for him within; in alms-giving to be one with fellow human beings for we are not human doings who cannot do everything who cannot know and explain everything except to wonder more, to love more, to appreciate more, to believe and trust God more.
*Collage are photos of our students last February 09, 2025 spending a Sunday afternoon of love with children with cerebral palsy and family.
**Special thanks to our sister in faith, Nicola who gave us the idea for this poem, the beautiful terms "human being, human doing" from her blog https://eaglesight.blog/2025/03/02/rest-and-replenish/.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil sa mga kinikilig pag-inog nitong daigdig sa araw na ito ng mga pusong umiibig; tiyak bibigay din ano mang hinhin at yumi ng sinomang dilag kapag nakatanggap ng bulaklak kanino man magbuhat.
Ngunit ang masaklap tuwing katorse ng Pebrero ang maraming pag-ibig katulad na lamang ng petsang dumaraan, wala nang katapatan at kadalisayan mga magkasintahan pag-ibig dinurumihan isa't isa'y sinasaktan at dinudungisan.
Pagmasdan ating kapanahunan pilit binibigyang katuwiran kasalanan at kasamaan matutunghayan saanman mga larawan ng kataksilan wala nang kahihiyan ipinangangalandakan mga kapalaluan sa gitna ng kapangahasang magmaang-maangan na wala silang kalaswaan.
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Sampung araw bago sumapit ang Valentine's sa akin ay lumapit isang dalagita nahihiyang nagtanong bagama't ibig niyang mabatid kung "makakahanap po ba ako ng lalaking magmamahal sa akin ng tunay at tapat?"
Ako'y nanahimik, ngumiti at tumingin sa dalagitang nahihiyang nakatungo ang ulo sa kanyang tanong at nang ako'y magsimulang mangusap, mukha niya ay bumusilak sa tuwa sa bagong kaalaman sa pag-ibig na matiyaga niyang sinasaliksik.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.
Ito ang wika ko sa dalagita: "Ang pag-ibig," ay hindi hinahanap parang gamit nakakamit dahil ang pag-ibig ay kusang dumarating kaya iyong matiyagang hintayin ikaw ang kanyang hahanapin; tangi mong gampanin buksang palagi iyong puso at damdamin dahil itong pag-ibig ay dumarating sa mga tao at pagkakataong hindi inaasahan natin; banayad at mayumi hindi magaspang pag-uugali magugulat ka na lamang ika’y kanyang natagpuan palagi na siyang laman ng puso at isipan."
"Pakaingatan din naman", wika ko sa dalagita "itong pag-ibig ay higit pa sa damdamin na dapat payabungin tulad ng mga pananim, linangin upang lumalim hanggang maging isang pasya na laging pipiliin ano man ang sapitin at hantungan."
Ang pag-ibig ay parating dumarating ngunit kadalasan hindi natin pansin kung minsan tinatanggihan, inaayawan dahil ang ibig ay kumabig; darating at mananatili itong pag-ibig sa simula na ating limutin lahat ng para sa sarili natin.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.