Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Nobyembre 2021
Larawan mula sa Parokya ni San Martin ng Tours sa Bocaue, Bulacan.
Mula pa sa aming kabataan
palaging nilalarawan kabutihan
ng Patron naming mahal
San Martin ng Tours sa France
kung paano niyang hinati
kanyang kapa upang damitan
at huwag malamigan dukhang
matanda nakasalubong sa daan.
Kinagabihan ay kanyang napanaginipan
Panginoong Jesus sa kanyang paanan
tangan-tangan kapang ibinigay sa
matandang tinulungan, kaganapan ng
kanyang katuruan na ano mang kabutihan
ang inyong gawin sa mga maliliit at
nahihirapan ay siya rin ninyong
ginagawa sa Kristo na sa atin nakipanahan.
Nguni't hindi lamang iyon ang hiwaga
ng kapa ng ating Patrong mahal
na dating kawal, sanay sa mga digmaan:
nang siya ay mabinyagan,
hinasa niya kanyang isipan upang matutunan
mga aral ng pananampalataya na kanyang
dinalisay sa taos-pusong pananalangin
kaya't lubos siyang napaangkin sa Panginoon natin.
Upang maging mataimtim
sa kanyang pananalangin,
nagtutungo si San Martin sa kagubatan
at hinuhubad suot niyang kapa upang
isampay at ibitin upang sakali man
siya ay kailanganin,
madali siyang tuntunin
tanging kapa niya ang hahanapin.
Mula sa "kapa" ni San Martin
na noo'y kawal sa France
nanggaling salita na "kapilya"
na mula sa "chapele" ng mga Pranses
na tumutukoy sa kanyang kapa na hinuhubad
tuwing nananalangin at ngayon gamit natin
sa munting pook-dalanginan upang tulad
ni San Martin taimtim din tayong makapanalangin.
Kay sarap pagnilayan at tularan
halimbawa ni San Martin ng Tours:
hinubad kanyang "kapa" ---
kapangyarihan at katanyagan
upang maramtan ng katauhan
ni Kristo-Jesus na "hinubad kanyang
pagiging katulad ng Diyos upang mamuhay
bilang alipin tulad natin" (Fil.2:7)!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Pebrero 2021
Larawan mula sa catholic.org.
Miercules de ceniza
simula ng kuwaresma,
Abo sa noo at ulo
tanda na tayo ay kay Kristo;
Nag-aayuno at sakripisyo
lahat ng hilig at tawag ng laman
ano mang nagpapalugod sa katawan
binabawasan, tinatalikuran
lalo na kung nagbubulid sa kasalanan
upang kalooban natin mawalan ng laman
at mapunan ng Diyos
ng Kanyang kabanalan
nang muling mabanaagan
kanyang larawan
sa ating mukha at katauhan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 10 Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma 2019.
Ang problema sa mabait -
hindi iyong daga at mga bubwit -
kungdi mga tao nating pinipilit
ituring na mabubuti
pinupuring lagi
dahil lahat sa kanila ay maaari:
lahat pinapayagan, pinalalampas
kahit malayo sa katuwiran.
Laging tandaan malaking kaibhan
ng mabuti sa mabait
dahil mas malamang ang mabait
hindi makatarungan
hindi patas tumingin,
kung tumimbang
palaging kulang.
Ang problema sa "mabait"
ayaw makapanakit
damdami't isipan
kaya hinahayaan
mga kalabisan,
sinasabing pagbigyan
mga panlalamang
nakakalimutan
ang katarungan;
ibig nila sila'y kagiliwan
walang imik sa mga kamalian
di alintana
kanilang tinatapakan
dangal at paninindigan
ng mga makatuwiran.
Ang problema sa mabait
sa simula lamang kaakit-akit
paglaon napapanis, nabubulok
sinasabing "nasisiraan ng bait" -
bait ay pansamantala
likha ng ating isip
minsa'y mapanlinlang
sakim at sarili ang ipinipilit;
kaibayo nito ang kabutihan
na bumubukal mula sa kalooban
kung saan nanahan
ang Diyos na tanging mabuti:
mapagpatawad, mapagbigay
hindi humahanay sa kasalanan
at kasamaan dahil Siya ang kabanalan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Pebrero 2020
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2020 sa Quiapo, Maynila.
Deboto ang tawag sa isang tao
na malapit at namimintuho
Kay Kristong Nazareno o Sto. Niño
kasama na mga Santo at Santa
sa pangunguna ng Birheng Maria.
Kaya dapat bawat deboto totoo
uliran at huwaran sa pamumuhay
taglay ay kabanalan nang sa kanya'y
mabanaagan larawan ng kabutihan
ng Diyos sa kanyang kadakilaan.
Kay laking katatawanan at kahangalan
kung ang debosyon ng sino man
ay haggang simbahan lamang
nakikita paminsan-minsan
tuwing kapistahan at mga prusisyon sa lansangan.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2020 sa Quiapo, Maynila.
Anong kahulugan at saysay
ng mga pagpupugay
sa Diyos at kanyang mga banal
kung sa kapwa nama'y manhid
walang malasakit at pakialam?
Nag-aalaga ng mga Poon
binibihisan tila laruan
ngunit pag-uugali at katauhan
malayo sa katuwiran at katarungan
ganyang debosyon dapat tigilan!
Ang tunay na deboto
puso ay malapit kay Kristo
at sa kanyang Ina at mga Santo
may pagmamahal, malasakit
sa kapwa tao na kanyang nirerespeto.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2016 sa Quiapo, Maynila.
Ano mang debosyon
iyong nakagawian o nakahiligan
araw-araw itong sinasabuhay
pinaninindigan at tinutularan
aral at buhay ng sinusundang banal.
Sa dami ng mga deboto
bakit ganito pa rin tayo
walang pag-asenso
buhay ay kasing gulo
ng eksena sa senakulo.
Ay naku!
Ano nga ba tayo,
mga deboto o debobo
asal demonyo, sobrang gulo
pinapako nating muli si Kristo!