Ang bagong damit ni Kristo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Abril 2023
Larawan mula sa freebibleimages.org.
Batay sa kuwento
noong pasko ng pagkabuhay
ni Kristo,
patakbong tumungo 
sa kanyang libingan
sina Pedro at Juan,
ang alagad na minamahal;
wala nga doon si Kristo
mga tanging naiwan at natagpuan
ay ang kayong lino na pinambalot
sa kanyang katawan at ang
panyong ibinalot sa ulo
na parehong nakatiklop
at magkahiwalay.
Larawan mula sa freebibleimages.org.
Kung saan nanggaling
mga bagong damit
ni Kristong muling nabuhay
sa atin ay walang isinasaysay
ngunit kung tayo ay magninilay
napakagandang aral sa atin ang binibigay
ng mga naiwang kayong lino:
ngayong Pasko ng Pagkabuhay,
iwanan na natin mga lumang damit
ng pag-uugali
sa atin ay bumabalot
tulad ng pag-iimbot
at mga makasariling paghahangad;
huwag nang itiklop bagkus
hubarin at iwanan
masasakit na karanasan
upang lubusang malasap
tuwa at galak ni Kristong muling
nabuhay; atin na ring hubarin
mga damit ng pagluluksa sa
masasama at di magandang
nakaraan bagkus isuot
malinis at bagong pagkatao
na hinugasan sa dugo ni Kristo
noong Biyernes Santo.
Hindi natin maisusuot
bago nating katauhan kay Kristo
bilang kanyang mga naligtas
at napatawad
hangga't hindi natin
hinuhubad
dati nating pagkatao
sa kasalanan at
kasamaan;
sa isang liham ni San Pablo
ating mapananaligan
mga aral niya tungkol sa
dapat nating kasuotan:
ang pagiging mahabagin,
maganda ang kalooban,
mapagpakumbaba,
mabait at matiisin.
Higit sa lahat,
maibigin.
Iyan ang bagong damit
natin kay Kristo
at huwag natin
hayaang malukot
at marumihan
ng kasalanan!
Mula sa Google.

Yakapin pagwawakas, salubungin pagsisimula

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Nobyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, 16 Nobyembre 2022 sa Pulilan, Bulacan.
Nakakatawang isipin
na palagi nating nararanasan
mga pagwawakas at katapusan
nguni't bakit lagi nating kinatatakutan?
Sa dapithapon naroon ang takipsilim,
ang lahat mababalot ng dilim
na kinasasabikan natin dahil
tapos na rin mga gawain at aralin;
batid natin, ano mang kuwento
maski Ang Probinsiyano
magwawakas din;
mahirap isipin, maski tanggapin
kapag mayroong mga gusali na gigibain
lalo't higit mga ugnayan at kapatiran
na puputulin at papatirin
dahil sa alitan at, kamatayan.
Mismo ang Panginoong Hesus
tumiyak sa atin lahat ay magwawakas
hindi upang tapusin kungdi
muling buuin buhay at mundo natin
na mas mainam kaysa dati.
Kaya huwag isandig sarili natin 
sa mga bagay ng daigdig na maglalaho rin
katulad ng dapithapon at takipsilim
bagkus ay ating yakapin 
bawat wakas na tiyak darating
upang salubungin pagbubukang-liwayway
ng bagong araw ng buhay, pag-asa
at pagpapanibago kay Hesu-Kristo
na sariling buhay man ay nagwakas din 
doon sa Krus upang muling mabuhay
at mabuksan Paraiso para sa atin --
ang tunay na katiyakang nakalaan sa atin!
Larawan kuha ni Bb. Danna Hazel de Castro, Sagada, Mt. Province, 2017.

Panalangin laging alalahanin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2020
Huwebes, Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon II
1 Cronica 15:1-11   ///   Lukas 7:36-50
Larawan kuha ng may-akda sa Mirador Hills, Baguio City, Enero 2018.
O Diyos Ama naming butihin
sa panahong ito ng COVID-19
aming dalangin huwag naming limutin
bagkus palaging alalahanin 
ang lahat ng pagsubok ay aming malalampasan din.
Lagi nawa naming tandaan aral na iniwan
ng mga Apostol na siyang paalala ng sulat 
 ni San Pablo sa mga taga-Corinto 
  na ang sentro nitong Ebanghelyo
ang muling pagkabuhay ni Jesu-Kristo
na nagpakitang totoo sa mga alagad at mga tao
upang tiyakin sa aming lahat ngayon 
Kanyang pagbabalik sa wakas ng panahon.
Habang Ikaw ay aming inaabangan, O Panginoon,
turuan mo kami manalig at pakatandaan
pamumuhay na marangal aming pa ring makakamtan
kung kasalanan aming tatalikuran
mauupo sa Iyong paanan
upang mga aral mo ay pakinggan
tulad ng babaeng iyong ginawaran ng kapatawaran.
Ito sana aming laging tandaan, alalahanin
huwag lilimutin upang Ikaw ay makapiling.
Amen.