Kung ang buhay ay isang paglalakbay….

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Hulyo 2019
Lumang kalsada, may 300 taon bago sinilang si Kristo, patungong Petra sa Jordan. Larawan kuha ng may akda noong 01 Mayo 2019.
Matagal ko nang napatunayan
Na totoo nga ang kasabihang
Isang paglalakbay itong buhay;
Ngunit nitong kamakailan lamang
Aking napagnilayan ang higit na katotohanan.
Higit na mahalagang malaman
Hindi ang landas na daraanan
Na wala namang nakakaalam
Kungdi sino ang yaring kasamang
Makakasabay na aagapay at aalalay.
Tunay nga na isang paglalakbay ang buhay
Ngunit hindi ito isang destinasyon na patutunguhan
Kungdi isang direksiyon na dapat sundan
Kaya ang tinuran ni Hesus noong Huling Hapunan
"Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay".
Maaring maraming lugar tayong narating 
At marahil marami pa ang mararating
Ngunit kung hindi nababago pagkatao natin
Para din tayong hindi umalis at walang narating
Bagkus nanatili dahil mag-isa pa rin.
Paglalakbay palabas ng sarili ang buhay
Sapagkat ang hinahanap nating katuturan at kahulugan,
Kailanma'y hindi matatagpuan sa ating sarili lamang
O saanmang lunan kungdi sa mukha ng bawat kapwa
Na katulad at kapatid natin sa yaring buhay paglalakbay.
Larawan ay kuha ni John Bonding ng Architecture & Design Magazine, 25 Mayo 2019. Mula sa Facebook.

Lalawigan ng Tokhang

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Hulyo 2019
Imahen ng Inmaculada Concepcion sa tuktok ng kampanaryo ng Katedral ng Malolos. Larawan kuha ni Lorenzo Atienza, 12 Hunyo 2019.
Nakakagulat, nakakagimbal
Marami ang nagulantang
Sa balitang napakinggan
Lalawigan ng Bulakan
Number one ngayon sa patayan.
 Kadluan ng katagalugan
Na siyang wika ng mga makata
Dito sa Bulakan iba na yata sinasalita:
Tokhang na mula sa Bisaya
Nawala na ang puso sa pananalita pati sa gawa.
Nasaan mga namumuno ng pamahalaan at Simbahan
Paano nagkaganyan itong duyan ng kasaysayan
Naging bukirin ng patayan
Nang hindi namamalayan o
Dahil wala tayong pakialam?
Noon pa mang makalawang taon
Pinakamaraming natokhang noong linggo ng Bulakan
Natabunan lamang ng balitang pagpatay
Ng mga pulis sa walang kamalay-malay na kabataan
Kian kanyang pangalan doon sa Kalookan.
Pansamantalang tumigil mga patayan
Kinasuhan mga berdugo ni Kian
Ngunit kanilang hepe sa Kalookan
Binigyan ng pabuya upang pamunuan
Pulisya sa buong lalawigan ng Bulakan.
Ano na nga ba nangyari sa atin, mga kababayan?
Di lamang nanunungkulan kungdi pati mga mamamayan
Wala na ba tayong pakialam
Mga dating luntiang sakahan ay tinambakan
Upang gawing paradahan ng mga container van?
Bago pa dumating ang tokhang
Pinatay na rin mga ilog at sapa natin
Kaya maraming lupain naging dagat-dagatan na rin
Habang hinahayaan nating gahasain
Bulubundukin ng Sierra Madre upang samsamin kayamanan natin.
Nawala na yata pasintabi
Pati mga simbahan ginigiba, iniiba
Kabanalan hinalinhan ng kaartehan
Diyos hindi ni makita o maramdaman
Puro palabas, nawala na napapaloob na kahulugan.
Halina at magsuri, magmuni-muni
Ating pagbulayan kahulugan nitong buhay
Matatagpuan kung ano ating niyuyungyungan
Madalas siya rin nating pinahahalagahan
At tiyak naroon din ating kayamanan.
Mabuting Pastol, kaawaan at kalingain aming lalawigan na tila pinabayaan ng iyong mga pinagkatiwalaan! Larawan ng luklukan ng Katedral ng Malolos. Kuha ni Lorenzo Atienza, 12 Hunyo 2019.

Kung ang isda ay nahuhuli sa bibig…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Hunyo 2019
Mga pinagbibiling isda sa Dampa, Macapagal Blvd., Lungsod Pasay. Larawan kuha ng may akda ng tula, Nobyembre 2017.
Ang sabi ng mga matatanda
Sa bibig nahuhuli ang isda
Kaya sa bawat salita makikita
Pagkatao ng nagsasalita.
Karunungan at kamangmangan
Katapatan at kasinungalingan
Tiyak malalaman kapag napakinggan
Pinagsasasabi ng sino man.
Itong ating pamahalaan
Sadyang puro kabalastugan nalalaman
Walang pakialam sa kanyang mga mamamayan
Nalantad na katotohanan kamakailan.
Kuha ng may akda sa Dampa ng Macapagal Blvd., Nobyembre 2017.
Sadyang totoo itong ating kawikaan
Di lamang sa bibig nahuhuli ang isda
Kungdi yaong taong puro dada
Kadalasa'y siya ring kulang sa gawa.
Kung ang isda ay sa bibig nga nahuhuli
At sila'y makapagsasalita
Tiyak may katuturan at kahulugan
Kanilang mga pinag-uusapan.
Una nilang liliwanagin
Lalo ng mga galunggong at ayungin
Hindi sila gunggong tulad nating may nasyon
Sabihin sa payasong Senador mahilig magmarunong.
Marahil magsasalita rin mga isdang biya
Madalas nating minamaliit at sinasabing
Utak biya yaong mahihina gayong silang magagaling
Kaya lang sabihin pangungutya at panghihiya.
Mga isda sa Dampa sa Macapagal Blvd., Pasay, Nobyembre 2017.
Hindi ba ninyo pansin karangalan at kahihiyan
Mayroon itong mga isda kesa atin?
Masansang at malansang tingnan at pakinggan
Mga nasa Malakanyang sa mga salitang walang katuturan.
Huling huli na sa kanilang bibig
Kahit anong kabig, mga salita'y hindi kaibig-ibig
Sariling mamamayan at karagatan
Mga kayamanang dapat ingatan, kanilang pinababayaan.
Napaka saklap naman nitong kapalaran
Ng ating Inang Bayan: una'y salot ng tokhang
Nang tayo'y sukat na magising at maraming buhay inagaw sa atin
Pati ba naman karagatan at mga isda ay hindi na rin sa atin?

Ang aking bakit list

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.
Bakit ang panahon ng tag-araw at tag-ulan
Hinihintay pa ngayon deklarasyon ng PAGASA
Hindi pa ba sapat nakikita
Basang-basa ka na ng pawis o ng ulan?
Bakit tayo naaaligaga kapag inabuso
Aso't pusa at iba pang mga alaga
Pero paglapastangan sa kapwa
Wala naman tayong ginagawa?
Bakit mga durugistang maralita
Tanging nababalitang napapatay
Habang susuray-suray, pakaway-kaway
Mga nakaririwasang high na high?
Bakit ngayon tikom mga bibig nila
Nasaan mga matatapang na salita
Nang binangga ang bangka ng mangingisda
Sa sariling karagatan at sukat iniwanan?
Bakit kapag mga maliliit nagigipit
Lalo pang nalalait sa salitang masasakit
Ng mga pinunong mata'y nakapikit, takot sumabit
Nakakibit-balikat, dahil wala namang paki?
Bakit nga ba sa ating panahon ngayon
Na wala nang hindi nalalaman
Lahat puro salitaang walang pinatutungahan
Katulad ay balde, maingay at walang laman kasi!
Bakit lahat puro sagot at paliwanag
Walang nagtatanong
Gayong nakikilala ang tunay na marunong
Sa kanyang uri ng pagtatanong.
Larawan kuha ni Dra. Mai Dela Pena sa Tokyo, Japan noong Marso 2018.

Pabalat Bunga

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Hunyo 2019
Mga tindang prutas at gulay sa palengke ng Jerusalem. Larawan kuha ng may-akda, Abril 2017.
Pabalat-bunga
Ang patalinhagang pagsasabi ng hindi totoo
Upang hindi makasakit damdamin ng tao.
Mema ang tawag ngayon dito
Basta may masabi lang
Katulad ng balat na walang kabuluhan.
Hindi naman masama 
Magpabalat-bunga lalo na't
Kulang sa delicadeza iyong kausap.
Iyon nga lamang
Madalas at di minsan
May mga tao di marunong kumilala.
Sa harap ng pabalat-bunga
Sila'y nakanganga
Isusubo't lalamunin pati balat ng bunga.
Wala nang kahihiyan
Basta ang tiyan mayroong laman
Maski basurang pinagbalatan.
Kaya't isipin ninyo na lamang
Mga taong ganyan kumakain pati balat ng bunga
Tiyak sila ma'y mga patola!
Larawan mula sa Google.

Kalayaan o Kasarinlan, Suriin ating kalooban

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Hunyo 2019
Mula google.
Tuwing sasapit petsa dose ng Hunyo
Problema sa ating mga Filipino
Nahahayag sa pagdiriwang na ito
Na tila hindi natin tanto kahulugan nito.
Ano nga ba ang wasto,
Araw ng kalayaan o araw ng kasarinlan?
Parehong totoo at magkahawig sinasaad ng mga ito
Ngunit malalim at malaki pagkakaiba mga ugat nito.
Mula sa Wikipedia.
Kung pagbabatayan ating kasaysayan
Araw ng kasarinlan ang petsang ito
Nang bumukod at magsarili tayo bilang isang bansa
Pinatatakbo ng mga sariling mamamayan at kababayan.
Ngunit totoo rin namang sabihing
Higit pa sa kasarinlan natamo natin sa petsang ito
Kaya nararapat tawaging araw ng kalayaan
Nang lumaya ating Inang Bayan sa pang-aalipin ng mga dayuhan.
Larawan mula sa ABS-CBN News.
Maituturing bang may kasarinlan ating bayan
Kung wala namang kalayaan linangin at pakinabangan
Kanyang likas na yaman lalo na sa karagatan
Gayong tayo ay bansang binubuo ng mga kapuluan?
Tayo nga ba ay nagsasarili at masasabing may kasarinlan
Kung turing sa atin ay dayuhan sa sariling bayan
Walang matirhan lalo na mga maliliit nating kababayan
Dahil sa kasakiman ng ilang makapangyarihan sa pagkamkam?
Gayon din naman sana'y ating matingnan
Kung tunay itong ating kalayaan
Marami pa rin ang nabubulagan at hindi matagpuan
Dangal ng kapwa na madalas ay tinatapakan.
Ang tunay na kalayaan ay ang piliin at gawi'y kabutihan
Kaya ito ma'y kasarinlan dahil ito'y kakayahang
Kumawala at lumaya sa panunupil sa sariling pagpapasya
Walang impluwensiya ng iba kungdi dikta ng konsiyensiya.
Larawan mula sa Google.
Kalayaan at kasarinlan kung ating pagninilayan
Dalawang katotohanang nagsasalapungan
Kung saan mayroong pagtatagpo ng kabutihan
Paglago at pagyabong ng buhay tiyak matatagpuan.

Nasaan nga ba ang Katotohanan?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-3 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.
Noong si Hesus ay nilitis
Ni Pilato na tingin sa kanya'y malinis,
Ano aniya ang katotohanan
Na hanggang ngayon ating tinatanong
Sa Panginoong lagi nating hinahamon.
Sayang noon ay hindi tumugon 
Itong Panginoon sa naturang tanong
Upang sana'y maliwanag na sa ating ngayon
Kahulugan ng katotohan na palaging naaayon
Sa kanya-kanya at sariling interpretasyon.
Ngunit kung ating paglilimi-limihan
Hindi sinagot ng Panginoon si Pilato noon
Dahil mali ang kanyang tanong: hindo "ano"
Kungdi "nasaan" ang katotohanan upang kapag natunton
Ito'y maisasabuhay natin sa lahat ng pagkakataon.
Mismong ang Panginoon nagsabi noon
Na siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay;
Alalaong-baga, itong katotohanan ay isang "person"
Kaya naman ang pagsuri sa katotohanan
Masasalalay palagi sa pagpapahalaga natin sa buhay.
Umiiral lamang ang kasinungalingan
Na siyang kabaligtaran ng katotohanan
Kapag katauhan ng kapwa hindi natin pinahahalagahan,
Binabale-wala at isinasantabi dangal ng kapwa
Kaya lahat ng masasabi ay malayo sa laman ng budhi.
Kung sisikapin lamang natin
Mapahalagahan bawat kapwa natin
Hindi tayo magsisinungaling o magmamagaling
Dahil maliwanag di lamang sa isipan natin
Yaring katotohanang nananahan sa puso natin.
Photo by Pixabay on Pexels.com

Ang tunay na nasasaktan ng kasalanan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Abril 2019
Larawan mula sa Google.
Papatapos na ang Kuwaresma
Malapit na ang Semana Santa
Halina't magtika sa ating mga pagkakasala
Upang madama dakilang pag-ibig Niya.
Minsa'y aking nakita estatwa sa karosa
Paglalatigo sa haliging bato ni Hesu-Kristo;
Natigilan at nagmuni-muni ako
Pinagnilayan kaawa-awang larawan.
Ayon sa kuwento sa ebanghelyo
Ng minamahal na disipulo ni Kristo
Nagkakagulo mga tao kaya natakot si Pilato
Na palayain si Kristo sa mga bintang na di totoo.
Naramdaman ko sa pagninilay ko
Pagbabakasakali ni Pilato
Kung ipahampas niya sa haliging bato
Baka maawa mga tao kay Kristo.
Simbahan ng Sagrada Familia, Barcelona, Espana. Kuha ni Arch. Philip Santiago, Oktubre 2018.

Nagkamali si Pilato, hindi nabago mga lilo
Kaya binabaran ko tagpong ito sa praetorio 
Sinikap kong sulyapan habang pinagninilayan
Sugatan niyang katawan labis pinagmalupitan.
Sa aking katahimikan at kalungkutan
Aking napakinggan kanyang tinuran:
"Masdan kagagawan tuwing katotohanan 
Ay hindi ninyo mapangatawanan."
Natigilan ako, totoo ba aking napakinggan
Muli sa aki'y tinuran ng Poong sugatan:
"Hindi naman ako talagang inyong sinasaktan
Sa ginagawa ninyong mga kasalanan."
Sa katahimikan nitong aking pagninilay
Ako nasaktan nang makita siyang duguan
Sa mga mata niyang malamlam aking ramdam
Kanyang habag at kaamuhan.
 Ginawa ni Pilato alalaong-baga
Sa kasabihan nating mga Filipino
Ay namangka sa dalawang ilog  
Kanyang pinagsabay mga bagay na magkahiwalay.
Hindi makapamili kung susundin ang budhi
Nahihirati sa kiliti ng ilang sandali
Hindi alintana mga sugat at hapdi
Lalo lamang tayo nasasawi.
Halina't magsuri ng maigi
Baka tayo ma'y ganyan ang gawi at ugali
Katotohanan at kabutihan hindi kayang panindigan
Inaasam kusang bubuti masamang kalagayan.
Ipahahampas mo ba muli si Kristo 
Sa haliging bato ng ating pagkalito?
Hahatol ka ba tulad ni Pilato
Na tiyak naman tayo ang talo?

Paanyaya ng Semana Santa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-9 ng Abril 2019
Larawan mula sa Google.
Ano kaya ikaw ay maanyayahan
Pakinggan ngayong mga mahal na araw
Na iyong paunlakan itong panawagan
Ng bagong utos na magmahalan?
Magturingang magkakaibigan
Walang paglalamangan bagkus pagbibigayan
Respeto at dangal ng bawat isa
Lalo na ng mga nakalimutan ng lipunan.
Tulay ng mga “magka-ibigan” at magkasintahan sa Taiwan.
Hilumin mga pusong sugatan
Aliwin mga damdaming nasaktan
Pakinggan mga karaingan
Tulungan mga nabibigatan.
Samahan mga iniwanan
Katandaan ay alalayan
Mga sanggol ipagtanggol
Ngiti sa labi isukli sa hikbi ng mga sawi.
Larawan ay kuha ng aking kaibigan sa Varsitarian ng UST, G. Jim Marpa, 2017.
Marami pang paraan upang sundin
Mga tinuran nitong Panginoon natin
Noong gabi matapos nilang kumain
Aniya maghugasan din ng mga paa natin.
Halina't buksan puso't kalooban 
Upang masundan bagong paraan
Ng pamumuhay sa pagmamahalan
Ilahad banal na kalooban sa kapwa bilang kaibigan.
Larawan mula sa Google.
Maging laan na laging pakinggan
Hinanakit sa kalooban, masakit at di malabanan
Upang kanila ring maramdaman
Ika'y karamay sa kanilang kapighatian.
Doon magsisimula komunyon at kaisahan
Sa kapangyarihan ng Espiritung Banal
Isang panibagong pag-iral
Bukal ng tuwa at kagalakan.
Larawan ay kuha ng aking kaibigan, Dra. Mai Dela Pena sa halaman ng Monasterio ng mga Carmelita sa Israel noong Oktubre 2011.

Pananahimik

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-8 ng Abril 2019
Mula sa Google.
Madalas nating akalain
Pananahimik ay kawalan ng imik
Tinitikom yaring mga bibig
Di pinapansin mga naririnig.
Ang tunay na pananahimik ay pakikinig
Sa gitna ng katahimikang pilit dinaraig
Ibuka ang bibig dahil baka kumabig ang dibdib
Manaig iniisip sa loob ng munting daigdig. 
Larawan kuha ni G. Howie G. Severino ng GMA-7 News sa Taal, Batangas, Nobyembre 2018.
Taliwas na madalas na kaisipan
Katahimikan ay hindi kawalan kungdi kaganapan
Mundo'y hindi iniiwan bagkus tinutunguhan
Niyayakap at niyayapakan upang lubos na maranasan.
Sa panahong atin ngayong ginagalawan
Puro ingay at salitaan, walang unawaan
Hindi mapigilan talastasan na wala namang kaliwanagan
Puro kadiliman, walang naiintindihan dahil walang katahimikan.
Tanging sa katahimikan mapapakinggan
Ibinubulong at kinukuyom ng ating kalooban;
Gayon din naman sa katahimikan matutukalasan
Kahulugan ng sinasaysay ng sino mang pinakikiharapan.
Kung ibig ninumang Diyos ay makaniig at mapakinggan
Kanyang mga Salita kailanma'y hindi maiintidihan
Kung ang Kanyang katahimikan ay di natin kayang sakyan
Dahil ang Diyos sa Kanyang kaibuturan ay pawang kahulugan at kaganapan.
Ang talong Shifen sa Taiwan. Larawan kuha ng may-akda, Enero 2019.
Sikaping makaibigan ang katahimikan
Bagama't hindi madali, ito ay maaring pagsumakitan
Dahil dito lamang matatagpuan mahahalaga at walang kabuluhan
Pati na mga bagay na pansamantala at pangmagpakailanman.
Sa katahimakan ating nabibistay 
Mga bagay na lantay at walang saysay
Buhay ay nahihimay, nakikita ang tunay 
Kapag tayo ay naghinay-hinay sa daloy nitong buhay.
Ating pagkatao ang siyang dinadalisay
Takbo ng buhay nagiging matiwasay
Dahil sa katahimikan buo ang ating pagtitiwala
Kasabay ang pananampalatayang walang kapantay.
Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News sa Batanes, Agosto 2018.