Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-9 ng Abril 2019

Ano kaya ikaw ay maanyayahan
Pakinggan ngayong mga mahal na araw
Na iyong paunlakan itong panawagan
Ng bagong utos na magmahalan?
Magturingang magkakaibigan
Walang paglalamangan bagkus pagbibigayan
Respeto at dangal ng bawat isa
Lalo na ng mga nakalimutan ng lipunan.

Hilumin mga pusong sugatan
Aliwin mga damdaming nasaktan
Pakinggan mga karaingan
Tulungan mga nabibigatan.
Samahan mga iniwanan
Katandaan ay alalayan
Mga sanggol ipagtanggol
Ngiti sa labi isukli sa hikbi ng mga sawi.

Marami pang paraan upang sundin
Mga tinuran nitong Panginoon natin
Noong gabi matapos nilang kumain
Aniya maghugasan din ng mga paa natin.
Halina't buksan puso't kalooban
Upang masundan bagong paraan
Ng pamumuhay sa pagmamahalan
Ilahad banal na kalooban sa kapwa bilang kaibigan.

Maging laan na laging pakinggan
Hinanakit sa kalooban, masakit at di malabanan
Upang kanila ring maramdaman
Ika'y karamay sa kanilang kapighatian.
Doon magsisimula komunyon at kaisahan
Sa kapangyarihan ng Espiritung Banal
Isang panibagong pag-iral
Bukal ng tuwa at kagalakan.
