Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Hunyo 2019
Mga pinagbibiling isda sa Dampa, Macapagal Blvd., Lungsod Pasay. Larawan kuha ng may akda ng tula, Nobyembre 2017.
Ang sabi ng mga matatanda Sa bibig nahuhuli ang isda Kaya sa bawat salita makikita Pagkatao ng nagsasalita.
Karunungan at kamangmangan Katapatan at kasinungalingan Tiyak malalaman kapag napakinggan Pinagsasasabi ng sino man.
Itong ating pamahalaan Sadyang puro kabalastugan nalalaman Walang pakialam sa kanyang mga mamamayan Nalantad na katotohanan kamakailan.
Kuha ng may akda sa Dampa ng Macapagal Blvd., Nobyembre 2017.
Sadyang totoo itong ating kawikaan Di lamang sa bibig nahuhuli ang isda Kungdi yaong taong puro dada Kadalasa'y siya ring kulang sa gawa.
Kung ang isda ay sa bibig nga nahuhuli At sila'y makapagsasalita Tiyak may katuturan at kahulugan Kanilang mga pinag-uusapan.
Una nilang liliwanagin Lalo ng mga galunggong at ayungin Hindi sila gunggong tulad nating may nasyon Sabihin sa payasong Senador mahilig magmarunong.
Marahil magsasalita rin mga isdang biya Madalas nating minamaliit at sinasabing Utak biya yaong mahihina gayong silang magagaling Kaya lang sabihin pangungutya at panghihiya.
Mga isda sa Dampa sa Macapagal Blvd., Pasay, Nobyembre 2017.
Hindi ba ninyo pansin karangalan at kahihiyan Mayroon itong mga isda kesa atin? Masansang at malansang tingnan at pakinggan Mga nasa Malakanyang sa mga salitang walang katuturan.
Huling huli na sa kanilang bibig Kahit anong kabig, mga salita'y hindi kaibig-ibig Sariling mamamayan at karagatan Mga kayamanang dapat ingatan, kanilang pinababayaan.
Napaka saklap naman nitong kapalaran Ng ating Inang Bayan: una'y salot ng tokhang Nang tayo'y sukat na magising at maraming buhay inagaw sa atin Pati ba naman karagatan at mga isda ay hindi na rin sa atin?