Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Disyembre 2025
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, Nobyembre 2021.
Napansin ko lang kakaiba itong kapaskuhang darating: tahimik si Jose Mari Chan at inagawan ng eksena ng mga mandarambong sa pamahalaan at kongreso na hanggang ngayon nagtuturuan, nagtatakipan habang pinagpipilitan ng isang ginang kakasya raw ang limang-daang piso upang makapag-diwang ng noche buena sa bisperas ng Pasko ang pamilyang Pilipino.
Kaya sumagi sa aking alaala pamaskong awiting aking kinalakhan:
Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya Nagluto ang ate ng manok na tinola Sa bahay ng kuya ay mayroong litsonan pa Ang bawat tahanan, may handang iba't-iba
Tayo na, giliw, magsalo na tayo Mayroon na tayong tinapay at keso 'Di ba Noche Buena sa gabing ito? At bukas ay araw ng Pasko
Mga ginigiliw, atin nang mapagtatanto sa awiting ito diwa ng Pasko: ating pagsasalu-salo ng mga kaloob na biyaya at pagpapala na sinasagisag ng noche buena ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo noong Pasko; ngunit, paano nga kung sa halip na tulungan lalo mga maliliit tugon ng pamahalaan ay bigyan ng presyo natatanging pagsasalo-salo ng Pilipino tuwing Pasko?
Narito naman makabagong awiting pamasko naghahayag na walang tatalo sa Pasko sa Pilipinas:
May tatalo pa ba sa Pasko ng 'Pinas? Ang kaligayahan nati'y walang kupas 'Di alintana kung walang pera Basta't tayo'y magkakasama Ibang-iba talaga ang Pasko sa 'Pinas
May simpleng regalo na si Ninong at si Ninang Para sa inaanak na nag-aabang Ang buong pamilya ay magkakasama sa paggawa ng Christmas tree Ayan na ang barkada, ikaw ay niyayaya para magsimbang gabi
Muli mga ginigiliw sa saliw ng awiting ito madarama natin diwa at tuwa ng Pasko: wala naman sa handang noche buena ito kungdi sa samahan at pagbubuklod ng pamilya at magkakaibigan katulad ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo na pumarito upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan at mapunan ating kakulangan ng kanyang kaganapan sa pagmamahalan.
Subalit kay hirap maramdaman pagmamahal ni malasakit nino man tulad ng mga nasa kapangyarihan animo mga maligno at impakto ng mga ghost project kaya Biyernes Santo hindi Pasko pakiramdam ngayon ng maraming Pilipino: wala ang mga ginigiliw na ate at kuya may handang iba't-iba dahil sila ay mga nagsipag-OFW na habang ang mga buwitre at buwaya sa Kongreso nagpapasasa sa kaban ng bayan mula sa dugo at pawis ng mga mamamayan na pinagtitiis sa limang-daang pisong noche buena na kahuluga'y "mabuting gabi" nang pahalagahan ng Diyos ang tao sa pagsusugo niya ng Kristo na patuloy sumisilang sa puso ng bawat nilalang tuwing nagmamahalan at nagbabahaginan na pinapaging-ganap sa hapag ng pakikinabang ng Banal na Misa hanggang sa mesa ng bawat pamilya.
Ngunit papaano na kung pera hindi kakasya sa noche buena? Iyan ang masaklap at nakasusuklam ng limang-daang pisong noche buena: hindi ang halaga ng pera kungdi kawalan ng pagpapahalaga nitong nasa pamahalaan sa dangal ng bawat isa lalo ng mga maliliit at aba na sa halip tulungan maka-ahon o maibsan kanilang hirap at gutom sila pa nga ay ibinaon sa presyo na pang galunggong hindi hamon!
Kaya nakakamiss sa gitna ng nakakainis na mga balita si Jose Mari Chan sa kanyang awiting pamasko na maalala nating palagi Sanggol na sumilang sa Bethlehem sa tuwing masilayan mukha ng bawat kapwa nang walang pasubali hindi sa halaga ng salapi!
Whenever I see girls and boys Selling lanterns on the streets I remember the Child In the manger, as he sleeps Wherever there are people Giving gifts, exchanging cards I believe that Christmas Is truly in their hearts
Let's light our Christmas trees For a bright tomorrow Where nations are at peace And all are one in God
Let's sing Merry Christmas And a happy holiday This season may we never forget The love we have for Jesus Let Him be the one to guide us As another new year starts And may the spirit of Christmas Be always in our hearts
Ngayong Pasko marami ang wala maski limang daang piso at marahil itutulog na lang ang noche buena; tayo nawa maging dahilan ng "mabuting gabi" nila upang tunay nilang maranasan pagsilang ng Kristo sa kumakalam nilang tiyan at sikmura.
Larawan kuha ng may-akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga, Nobyembre 2022.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Nobyembre 2025
Larawan mula sa Catholic News Agency, 22 Nobyembre 2025.
Tawag pansin at higit sa lahat ay nakatutuwa ang pahayag ng Santo Papa Leo XIV kamakailan mula sa Roma na mag-ingat aniya ang lahat sa maling habag at awa.
Nagtipon sa Roma noong isang linggo ang mga bumubuo sa court of appeals ng Simbahan kung tawagin ay Roman Rota na siyang humahawak sa mga kaso ng marriage annulment. Heto yung pambungad na bahagi ng balita mula sa Vatican:
In a firm call to avoid “false mercy” in marriage annulment proceedings, Pope Leo XIV reminded that compassion cannot disregard the truth.
During a Friday audience with participants in the legal-pastoral training course of the Roman Rota, the Holy See’s court of appeals, the Holy Father read a lengthy speech in which he recalled the importance of the reform of marriage annulment processes initiated by Pope Francis 10 years ago. (Mula sa ulat ni Almudena Martinez-Bordiu ng Catholic News Agency)
Noon pa mang mahalal na Santo Papa si Leo XIV, marami na siyang pahayag na nakakatawag pansin hindi sapagkat kakaiba o nakakagulat katulad ng sinundan niyang si Papa Francisco.
Pagmasdan palaging malinaw at ayon sa turo ng Simbahan at kanyang mga tradisyon ang mga pahayag ni Papa Leon. Walang malabo na nagbibigay daan sa maling pagkaunawa o interpretasyon. At sa lahat ng kanyang binitiwang salita, ito ang pinaka-nagustuhan ko dahil totoong-totoo. Hindi lamang sa larangan ng pagsusuri sa mga kaso ng annulment ng mga kasal kungdi sa ating buhay mismo.
Bagaman mahalaga ang maging mahabagin na siyang pinaka tuon ng pansin ni Pope Francis noon, niliwanag ngayon ni Papa Leon na hindi maaring puro na lang awa at habag.
Mula sa FB post ni Dr. Tony Leachon.
Tunay naman na maraming pagkakataon lumalabis ating habag at awa habang nakakalimutan ang katotohanan. Lalo na sa ating mga Pinoy na puro na lang awa at bihira gumana ang batas kaya naman palala ng palala ang ating sitwasyon na nawawala na ang kaayusan dahil bihirang bigyang pagkakataon ang gawi ng katarungan.
Sa tuwing nasasantabi ang katotohanan at nangingibabaw ang pagkaawa, ito ay nagiging maling uri ng habag dahil hindi maaring pairalin ang awa kung walang katotohanan. Ipinaliwanag ni Papa Leon noong isang linggo na palagi sa lahat ng pagkakataon na hanapin at tingnan muna ang katotohanan sa mga bagay-bagay na kinokonsidera ukol sa mga kaso ng sa kasal. Idiniin ng Santo Papa na dapat maunang hanapin at panindigan ang katotohanan dahil ito mismo si Jesu_Kristo na nagsabing “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay” (Jn. 14:6).
Gayon din sa buhay. Ang maging maawain sa gitna ng kawalan ng katotohanan lalo na namamayani ang kasinungalingan ay maling-mali sapagkat sa tuwing nauuna ang awa at habag kesa katotohanan, nasasantabi rin ang katarungan kung saan mayroong tiyak na napagkakaitan nito. Hindi nagiging patas ang kalagayan kung puro awa at walang katotohanan.
Kasalan sa binaha na simbahan ng Barasoain sa Malolos City, 22 Hulyo 2025; larawan kuha ni Aaron Favila ng Associated Press.
Sa tuwing nauuna ang pagkamaawain sa gitna ng kawalan ng katotohanan, lalo tayo nagiging walang awa o merciless sa dapat kaawaan habang hinahayaan natin ang pag-iral ng kasinungalingan. Balang araw, lulubha at lalala ang kamaliang ito kaya higit na marami ang mahihirapan.
Hindi maaring pairalin ang habag at awa kung mayroong mali at kasamaan. Iyan problema sa ating bansa: lahat na lang kinaawan at pinatawad maski walang pagsisisi ni pag-amin ng kasalanan kaya wala ring napaparusahan ni nakukulong! Magtataka pa ba tayo wala tayong kaayusan at higit sa lahat, wala tayong patunguhan?
Kinabukasan ng halalan noong 2019 habang almusal, nagsabi ng sorry sa akin ang aming kasambahay sa kumbento. Bakita ika ko? Kasi daw binoto niya pa rin si Bong Revilla bilang Senador sa kabila ng pagsasabi ko na huwag iboto; paliwanag niya sa akin ay “nakakaawa naman kung walang boboto kay Bong”.
Hindi ko malaman noon kung ako ay tatawa o magagalit. Sabi ko na lang sa kanya, puro ka awa kay Bong e hayun siya pa isa sa mga maraming nakuhang boto bilang senador, dinaig mga karapat-dapat! Ano nangyari mula noon hanggang ngayon? Sangkot diumano sa mga kaso ng pandarambong si Bong Revilla, hindi ba? Kasi nga binalewala ng mga botante ang katotohanan ng dati niyang kaso ng corruption kay Napoles at higit sa lahat ang kawalan niya ng kakayahan bilang mambabatas.
Ganyan nangyayari sa buhay saan man kapag isinasantabi ang katotohanan at pinaiiral palagi ang awa at habag. Kay rami nating mga mag-aaral na nakakatapos at guma-graduate na walang alam dahil kinaawaan lang ng guro. Tama nga tawag sa kanila, “pasang-awa” pero sino ang kawawa kapag bumabagsak ang tulay o lumalala ang pasyente?
Larawan kuha ng may-akda, 20 Marso 2025, Sacred Heart Novitiate, Novaliches.
Walang natututo ng ano mang aral sa paaralan o sa buhay man nang dahil lang sa awa. Hindi titino ang bansa kapag lalaktawan ang mga batas dahil kaaawaan palagi ang mga lumalabag.
Reklamo tayo ng reklamo na namimili ang batas o selective kung saan mayroong mga pinapaboran at hindi kasi naman mas pinipili natin palagi ang awa kesa katotohanan na mayroong mali o kulang.
Kailan natin haharapin ang katotohanan? Kaya nga sinabi ni Jesus na “ang mapagkakatiwalaan sa munting bagayay pagkakatiwalaan ng higit na malalaking bagay, ang hindi tapat sa munting bagay at hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaking bagay” (Lk.16:10-14).
Hindi tayo nagiging maawain o merciful bagkus ay nagiging walang awa o merciless nga tayo kapag maling awa ang umiiral sa atin dahil malayo tayo sa katotohanan. Katotohanang muna bago habag at awa. Veritas et Misericordia gaya ng motto ng aming pamantasan. Naawa ni Jesus sa mga makasalanan tulad ng babaeng nahuli sa pakikiapid, kay Maria Magdalena at kay Dimas dahil umamin silang lahat sa katotohanan na sila nga ay nagkasala. Gagana lamang ang habag at awa ng Diyos kapag mayroong pag-amin at pagtanggap sa katotohanan. Huwad ang ano mang awa kapag walang katotohanan dahil tiyak wala ring katarungan na umiiral doon.
Walang bansa ang umunlad dahil lang sa awa, lalo na sa maling awa kungdi sa pagsasaliksik at paninindigan ng katotohanan.
Higit sa lahat ay nakakabuhay ng pag-asa ang pahayag ni Pope Leo para sa Simbahang Katolika lalo na dito sa Pilipinas. Nakakahiya at nakakalungkot kaming mga pari na gayon na lang kung makapula sa mga politiko at upisyal ng gobyerno sangkot sa anomalya ngunit kapag kapwa pari ang may katiwalian at alingasngas… ano laging hiling namin maging ng mga tao?
Patawarin. Kaawaan. Hayaan na lang.
Bakit ganoon?
Bukod na ang pari ay dapat larawan ng kabutihan, kami rin siyang dapat tagapagtanghal at tagapagtanggol ng katotohanan. Hindi lang ng awa. Iyong tama na awa gaya ng sinasaad ni Papa Leon. At ng Diyos.
Ang masakit ay, palaging pakiusap at sangkalan ng mga pari ay awa kahit na mali ang ginawa o ginagawa. Kaya malaking aral sa Simbahan ang yumanig na sex scandal noon. At diyan natin makikita walang katanda-tanda ang ilang pari at obispo dito sa Pilipinas: kapag pinag-usapan kaso ng mga paring sangkot sa sex at money scams, kaagad-agad ang hiling nila ay “awa”.
Kawalan ng katarungan at isang kasinungalingan kapag mga kaparian sa pamumuno at pangunguna ng obispo ay puro awa habang winawalang bahala ang katotohanan. Nakakatawa at nakaka-inis maringgan mga pari at obispo nasisiyahan sa mga kuwentong Maritess pero kapag ang paksa ay katiwalian ng isang pari, ni hindi man lamang alamin, suriin kung totoo o hindi upang maituwid. Kaya sa kahuli-hulihan, maraming pari at obispo lumalakad may ipot sa ulo dahil kitang-kita ng iba ang kamalian at kasinungaligan na sila ang ni ayaw tumingin ni umamin.
Sa mga nangyayari ngayon sa bansa, ito rin ang hamon sa amin sa Simbahan: magpakatotoo, huwag pairalin maling awa o false mercy wika ni Pope Leo upang si Kristo ang tunay na maghari sa ating buhay upang makamit tunay na pag-unlad sa lahat ng larangan ng buhay. Ano ang iyong palagay sa sinabi ni Papa Leon ukol sa maling awa? Mag-ingat at baka mayroon ka rin niyon. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Nobyembre 2025
Larawan mula sa starforallseasons.com
Hindi ko po napanood ang pelikulang iyan noong 1982 pero usap-usapan dahil daw sa sobrang ganda lalo ng aming mga mommy at tita na libang na libang sa Betamax. First year college ako noon at sa sobrang sikat ng pelikulang iyan, isang drayber ang nagpinta sa jeepney niyang nasasakyan ko patungong Recto ng signage na “gaano kadulas ang minsan?”
Pero iba po ang kuwento ko sa inyo. Hindi pelikula o pakuwela kungdi sa Bibliya.
Naalala ko ang pelikulang iyan dahil sa Unang Pagbasa sa Misa ngayong araw ng Martes mula sa ikalawang aklat ng Macabeo kung saan ang isang nobenta anyos na Hudyo, si Eleazar ay hinimok ng kanyang mga kaibigan na kunwari ay kumain ng baboy upang hindi siya patayin ng mga paganong mananakop.
Mas gusto ko ang salin sa Ingles nang sabihin ni Eleazar sa kanyang mga kababayan na patayin na lang siya ngayon din kesa magkunwari pa. Aniya ano ang mabuting halimbawa ang maiiwan niya sa mga kabataan kung sa kanyang katandaan ay magtataksil siya sa Diyos sa pagkain ng ipinagbabawal.
“At our age it would be unbecoming to make such a pretense… should I thus pretend for the sake of a brief moment of life, they would be led astray by me, while I would bring shame and dishonor on my old age” (2 Maccabees 6:24, 25).
Ito yung nagustuhan kong sinabi ni Eleazar, should I thus pretend for the sake of a brief moment of life?”
Iyon yung matindi sa sinabi niya, pretend for the sake of a brief moment of life.
Magkukunwari o magsisinungaling ba ako maski minsan sandali sa buhay ko?
Hindi ba kadalasan iyan ang palusot natin mula pa noong panahon nina Eba at Adan marahil? Minsan lang naman titikim… minsan lang naman gagawin… minsan lang naman nagkamali o nagkasala.
Totoo naman minsan-minsan ay sablay ating mga desisyon at nasasabi. Hindi rin maiwasan minsan minsan ang pagkakasala at pagkakamali. Pero, iyon nga ang punto ni Eleazar marahil upang ating pagnilayan, gaano kadalas ang minsan?
Yung minsan-minsan na iyan ang nakakatakot dahil madalas ang minsan katumbas ay wala ng wakas. Minsan ka lang magkamali o magkasala o magkunwari, maaring ikawasak o gumuho at maglaho lahat ng ating mga plano at pangarap na ilang taong pinagpagalan at pinagpagurang mabuti. Kadalasan, marami sa ating mga sablay sa buhay ay dahil lang sa binale-walang minsan.
Mapapatawad tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan pati ng ating mga kapwa tao subalit, yung minsang pagkakamali o pagkakasala ay hindi na maibabalik ang dating kaayusan. Madalas yang minsang pagkakamali o pagkakasala ay mayroong tinatawag kong “irreversible consequences”.
Kapag ikaw ay nakapatay o maski nga lang masangkot sa krimen ng murder, siguradong maiiba ang takbo ng iyong buhay. Tiyak iyon, kahit na ika’y matapagtago at hindi makulong dahil habang buhay kang uusigin ng iyong konsiyensiya. Iyang minsan lang na pagkakamali dala ng init ng ulo o kalasingan ay hindi na mababago ng gaano mang kataimtim na pagsisisi dahil hindi na maibabalik ang buhay na nawala.
Ikalawang halimbawa na palagi kong sinasabi sa mga kabataan noon pa man na mayroong irreversible consequences ay ang mabuntis ng wala sa panahon. Patatawarin kayo ng Diyos maging ng inyong mga magulang ngunit kapwa ang babae at lalake maiiba na takbo ng buhay pagkatapos ng minsang pangyayari. Mapanagutan man o hindi.
LAOAG CITY, PHILIPPINES – MAY 08: A dog walks past campaign posters supporting presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. in a residential neighborhood on May 08, 2022 in Laoag City, Philippines. The son and namesake of ousted dictator Ferdinand Marcos Sr., who was accused and charged of amassing billions of dollars of ill-gotten wealth as well as committing tens of thousands of human rights abuses during his autocratic rule, has mounted a hugely popular campaign to return his family name to power. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. enjoys a wide lead in opinion polls against his main rival, Vice President Leni Robredo, owing to a massive disinformation campaign that has effectively rebranded the Marcos dictatorship as a “golden age.” Marcos is running alongside Davao city Mayor Sara Duterte, the daughter of outgoing President Rodrigo Duterte who is the subject of an international investigation for alleged human rights violations during his bloody war on drugs. (Photo by Lauren DeCicca/Getty Images)
Ikatlong halimbawa naisip ko ngayon lang ay ang maling pagboto sa bawat halalan.
Isang lingkod ng simbahan ang nagtanong sa akin na pagtitiisan na lang daw ba natin ang kasalukuyang pangulo gayong sinabi na ng kapatid nitong siya ay adik?
Bagamat batid kong siya ay DDS, pinagsikapan ko pa ring pagpaliwanagan. Sabi ko sa kanya, sila lang ang magtitiis, hindi kami kasi sila lang ang bumoto sa tambalang BBM at Sara noon.
Hindi sila nakinig sa sinasabi at paliwanag nating iba ang kandidato sa pagkapangulo at bise nito.
Ganyan kako ang demokrasya, parang pag-aasawa: hindi ka nakinig sa paliwanag ng iba, tapos nagkamali ka sa iyong pinili – aba, pagtiiisan mo. Minsan ka lang nga gumawa ng desisyon ngunit hindi mo sinuring mabuti ni pinagdasalan, pagdusahan mo. Ganun talaga. Kaya hindi uubra ang pagpapababa sa kasalukuyang pangulo na katulad ng sinasabi ng ilan na magdiborsiyo ang mag-asawa dahil minsan lang nagkamali.
Huwag tayong palilinlang sa minsan. May kasabihan sa Ingles na the devil is in the details: nasa mumunting bagay o detalye ang demonyo na mismong uri ng ating minsan na madalas ituring lang naman.
Pag-aralang mabuti mga bagay-bagay lahat na may kinalaman sa pagpapasya na makaka-apekto sa takbo ng buhay natin. Hindi maaring sabihin minsan lang dahil kung madalas ang minsan-minsan, bisyo na iyan!
Pagnilayan po natin yung minsan… gaano kadalas yung ating minsan na sa atin ay nagpahamak? Salamuch kaibigan. God bless!
Doon sa amin sa lalawigan ng Bulacan mayroong kasabihan "mahiya lang ay tao na."
Totoong-totoo
at napapanahon
ang kasabihang ito
sa dami ng mga tao
ang wala nang kahihiyan
sa pag-gawa ng mga
katiwalian at kasamaan,
sa pagsisinungaling
at lantarang pambabastos
sa ating pagkatao;
marahil ganoon
na nga katalamak
at kakapal ng kanilang
pagmumukha
na hindi na nila alintana
kanilang kahihiyang
kinasasadlakan
na dapat sana'y
itago kahit man lang
pagtakpan kesa
ipinangangalandakan
tila ibig pang ipamukha
sa madla na wala silang
ginagawang masama.
Ang masaklap nating kalagayan sa ngayon ay ang wala nang kahihiyan ng karamihan na higit pang masama sa mga walang-hiya.
Madaling maunawaan matanggap mga walang-hiya kesa walang kahihiyan; kalikasan ng mga walang-hiya ang hindi mahiya ni matakot sa kanilang mga gawaing masama katulad ng mga holdaper, snatcher, kidnapper kasama na mga mambubudol at manunuba sa utang at iba pang mga kriminal; mga walang-hiya sila kaya wala silang mabuting gagawin kungdi kasamaan kaya pilit nating iniiwasan bagamat mahirap silang kilalanin ni kilatisin mahirap iwasan at kapag ika'y nabiktima napapabungtung-hininga ka na lang sa pagsasabi ng "walangyang yun!"
Higit na malala at masama sa mga walangya ang walang kahihiyan: sila mga tinuturing na mararangal sa lipunan, nakaaangat sa kabuhayan, magagara ang tahanan, nagtapos ng pag-aaral sa mga sikat na pamantasan at higit sa lahat, kadalasan laman ng simbahan araw-gabi sa pananalangin ngunit kanilang loobin puno ng kasakiman kaya wala silang kahihiyan magkunwaring banal kahit asal ay gahaman sa salapi at karangalan; ang mga walangya maski papano marunong mahiya mukha ay tinatakpan upang hindi makilala sa gawang kasamaan ngunit itong mga walang kahihiyan ay talaga naman ubud ng kapal mga pagmumukha akala walang nakaaalam sa mga gawa nilang kabuktutan! Labis kanilang kasamaan kaya wala silang kahihiyan maging katawan hinuhubaran ipapakita konting laman upang hangaan kanilang kagandahan; kulay apog sa pagkahambog nasanay na sa mabaho nilang amoy na umaalingasaw habang kanilang pinangangalandakan kanilang inaakalang husay at galing parang mga matsing nakalimutang sa kanilang katalinuhan sila'y napaglalalangan din!
Matatagpuan itong mga walang kahihiyan kung saan-saan di lamang sa pamahalaan kungdi maging sa ating mga tahanan at kamag-anakan na pawang kay hirap pakisamahan dahil nga wala nang kahihiyan mga puso at kalooban namanhid na sa kasamaan at kasalanan kaya't panawagang "mahiya naman kayo" hindi sila tinatablan pakiwari'y walang dapat pagsisihan ni ihingi ng kapatawaran; mabuti pa mga walangya nakokonsiyensiya nagsisisi at humihingi ng tawad ngunit mga walang kahihiyan, wala nang pagkukunan kanilang pagkatao'y naglaho na parang mga ungguy!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Oktubre 2025
Larawan nina San Juan Pablo II at San Juan XXIII kasama isa sa mga matandang imahen ng aming Patron San Juan Apostol at Ebanghelista sa likuran ng simbahan ng dati kong parokya sa Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan.
PANALANGIN KAY SAN JUAN APOSTOL AT EBANGHELISTA KAUGNAY NG MGA BAGONG SANTO NG SIMBAHAN: PAPA JUAN PABLO II at PAPA JUAN XXIII
Mula Hunyo 2011 hanggang Pebrero 2021 ay naglingkod ako bilang kura paroko ng Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista sa Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan bago nalipat bilang chaplain ng Our Lady of Fatima University (OLFU) at Fatima University Medical Center (FUMC) dito sa Valenzuela City.
Iyon ang una at marahil huli ko nang assignment na parokya sa loob ng dalawamput-pitong taon ko sa pagkapari. Masaya ako at fulfilled sa lahat ng aking mga assignment ngunit mayroong kakaibang karanasan sa parokya di tulad sa mga paaralan na dalawang ulit ko nang napupuntahan.
Ibig ko noong mahalin at pahalagahan ng mga taga-Bagbaguin ang kanilang Patron na sabi ko nga ang siyang minamahal na alagad din ng Panginoon. Noon namin sinimulan araw ng debosyon kay San Juan Apostol tuwing araw ng Martes.
Noong 27 Abril 2014 na isang Divine Mercy Sunday, ginanap sa Roma ang canonization ng dalawang makabagong Santo Papa na kapwa kapangalan ng aming Patron, sina San Juan XXIII at San Juan Pablo II. Kaya minabuti ko na sumulat noon ng panalangin aming dinarasal tuwing araw ng Sabado upang maranasan ng mga mananampalataya ang bisa ng pananalangin ng tatlong San Juan para sa kanila: San Juan Apostol na kapistahan ay tuwing Disyembre 27, San Juan XXIII tuwing Oktubre 11 at San Juan Pablo II tuwing Oktubre 22.
Para sa mga ibig magkaroon ng debosyon sa tatlong San Juan ng Simbahan, narito aking panalangin:
Minamahal naming Patron na Banal, Juan Apostol at Ebanghelista po ang inyong ngalan! Ngayo'y aming ipinagdiriwang sa buong Simbahan dalawang bagong Banal: Kapwa sila pastol ng kawan, nang manungkula'y pangalan mo ang hiniram.
San Juan Beinte-tres nang sa kanyang katandaan tulad mo, Sinikap maging makabuluhan at buhay na palatandaan ng Diyos sa gitna ng makabagong panahon itong Inang Simbahan nang kanyang simulan ang Ikalawang Konsilyo sa Vatican.
Kasabay niyang tinanghal bilang Banal ang tinaguriang Dakilang San Juan-Pablo Ikalawa; Labis na pagtitiis ang kinamit sa kanyang sakit, Krus ay sinapit, katulad mo’y naging malapit sa Ina ni Hesus kaya’t “Totus Tuus” ang kanyang awit.
Itulot mo aming Mahal na San Juan Apostol at Ebanghelista, kaming iyong mga anak sana’y matularan, pinagsikapan ng dalawang bagong San Juan: pamilya’t sambayanan mabuklod sa nagkakaisang pag-ibig katulad ng dalangin ni Hesus doon sa Huling Hapunan. AMEN.
San Juan Ebanghelista, ipanalangin mo kami. San Juan Beinte-tres, ipanalangin mo kami. San Juan-Pablo Ikalawa, ipanalangin mo kami.
Larawan ng dati kong parokya kuha noong Enero 2020 ng dati naming choir na si G. Gelo Carpio.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2025
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Hindi ko malaman kung ako ay matutuwa o maluluha sa mga larawang nalathala noong panahon ng pagbaha sa aming lalawigan ng Bulacan; kamangha-mangha aming pananampalataya nagpapatuloy mga pagdiriwang ng sakramento lalo na ang kasal kahit lumusong sa baha nagsisimba at paring nagmimisa parang eksena sa pelikula pagmamahalan ng mga magsing-ibig pananalig kailanma'y hindi padadaig sa buhos ng ulan bumaha man.
Nang sumabog na parang dam mga balita ng scam ng flood control program sa lalawigan ng Bulacan, galit at pagkainis aming naramdaman itong mga pagbaha pala ay kagagawan ng kasakiman ng mga halimaw sa kagawaran kakutsaba sa kasamaan mga pulitiko at contractor habang mga mamamayan walang mapuntahan sa araw-araw na lamang malapit nang maging aquaman kalulusong sa baha alipunga hindi na nawala.
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Isang bagay
ang aking pinagtatakhan
noon pa man
siya ko nang katanungan:
ano ang pahayag
nitong ating simbahan
sa malaswa at malawak
na sistema ng nakawan
na nasentro sa Bulacan
lalo't higit
unang naapektuhan
maraming mga simbahan?
Nasaan ating tinig
at pagtindig
laban sa katiwaliang ito
na matay mang isipin
kay hirap ilarawan
maski paniwalaan!
Mayroon bang kinalaman nakabibinging katahimikan pag-Hermano at pag-Hermana ng mga nasa pulitika dahil sila ang mapera handang gumasta sa mga kapistahan dahil kanilang pakiramdam banal na kalooban ng Diyos kanilang sinusundan kaya naman sila ay pinagpapala at pinayayaman sa patuloy na donasyon sa simbahan habang kapwa ay ginugulangan pinagsasamantalahan?
Masakit man sabihin at mahirap aminin itong mga ghost projects at korapsiyong ating kinasasadlakan ay atin din namang kasalanan at kagagawan sa patuloy na pagboto sa mga bulok na kandidato na sumasalaula sa ating lipunan; tumitindi ang kasamaang ito sa tuwing mga politiko at mga kawaning ganid ang parating nilalapitan upang hingan ng lahat ng pangangailangan sa simbahan maski libreng tanghalian na walang kinalaman para sa ating kaligtasan!
Larawan mula sa Facebook post ni Dr. Tony Leachon, “KLEPTOPIROSIS: When Corruption Becomes a Public Health Crisis”, 08 Agosto 2025.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Setyembre 2025
Larawan kha ng may-akda, 2024.
Tayong mga Pinoy ay mayroong nakakatawang kaugalian ng pagkahumaling masyado sa ating upuan. O silya. O kung ibig ninyo ay salumpuwit sa malalim na salin sa ating wika.
Mula sa ating mga tahanan hanggang sa simbahan at silid-aralan, sa mga sasakyan, mayroon tayong mga paboritong upuan na atin nang inangkin na sariling puwesto, hindi puwedeng upuan ng iba. Sa jeep at bus, lahat gusto sa may estribo. Ganun din sa LRT/MRT. At maski sa eroplano kaya nakakahiya sa mga paliparan sa abroad ang mga kababayan natin na nag-uunahan kapag boarding time na gayong mayroon namang ticket ang bawat isa! Sa sinehan man ay ganoon din. Hindi mo malaman kung likas na tanga o maarte lang na ayaw sundin kinuhang number ng upuan kasi gusto pala ibang puwesto.
Larawan mula sa Pexels.com
Likas marahil ito sa lahat ng tao bunsod ng sinasaad na kapangyarihanng bawat upuan na tinagurian ding luklukan o trono. Hindi man natin aminin, kapangyarihan ang dahilan bakit lahat sa atin ay ibig maupo malapit sa pintuan ng silid at ng sasakyan: hindi lamang para mabilis na makaalis kungdi upang wala ring makapigil na maliwanag na simpleng pagsasaad ng ating ambisyong maging boss na palaging nasusunod maski saan.
At siyempre, ang malalim at mabigat na dahilan ng ating pagkahumaling sa puwesto ng upuan ay ang kapangyarihan at katanyagang dala nito. Kung hindi ka man nasa kabisera na tinuturing siyang puno ng pagdiriwang, hangga’t maari ibig natin ay makadikit sa nakaluklok sa puwesto ng kapangyarihan. Kaya chairman ang pinuno ng ano mang samahan o komite, taglay ay pawang kapangyarihan. Pagmasdan gaano tiisin kanilang almoranas ng mga pulitiko at sabik sa puwesto basta manatiling naka-upo sa puwesto hindi sa paglilingkod kungdi para sa kapangyarihan at kayamanang kaakibat ng bawat posisyon. Suma total, sa upuan nararamdaman natin pagiging hari at reyna, pagiging panginoon at makapangyarihan. Wika nga sa Inggles ay “driver’s seat” – kung sino may hawak ng manibela siya masusunod kung saan pupunta.
Naalala ko lang… noong mga bata pa kami kapag sumasakay ng taxi, palaging sinasabi ng aming ama sa pagbibigay ng direksiyon sa drayber ay silya at mano. Silya kung liliko sa kaliwa dahil ang silya o upuan ng kutsero ay nasa kaliwang bahagi ng kalesa; liliko naman sa kanan kapag sinabing mano na Kastila sa “kamay” dahil hawak ng kanang kamay ng kutsero ang latigo o pamalo sa kabayo para lumakad o tumakbo at huminto. Kaya noon pa man maski sa kalesa, ang silya ay nagpapahiwatig na ng kapangyarihan!
Larawan kuha ni Sarah-Claude Lu00e9vesque St-Louis sa Pexels.com
Hindi masama ang kapangyarihan kung ito ay ginagamit sa kabutihan. Alalahanin tayo bilang tao ay binahaginan ng Diyos ng kanyang kapangyarihan upang malinang ang daigdig at matulungan ating kapwa.
Kaya nang pumarito si Jesus, palagi niyang nililiwanag ang aspektong ito ng ating buhay, ang wastong pag-gamit sa ating kapangyarihan na pakikibahagi lamang sa otoridad ng Diyos.
Doon sa kanyang Huling Hapunan ipinakita ni Jesus ang tunay na kahulugan ng ating “seating position” nang siya ay tumindig at hinubad ang kanyang panlabas na damit upang hugasan mga paa ng kanyang mga alagad. Ang gawaing iyon ay para lamang sa mga alipin ngunit ginampanan ni Jesus upang makintal sa ating mga isipan at kamalayan na ang buhay ay wala sa ating upuan kungdi nasa paninindigan.
Larawan mula sa commons.wikipedia.org, painting ng paghuhugas ng mga paa ng alagad ni Jesus doon sa Monreale Cathed, Isla ng Sicily.
Para kay Jesus, hindi mahalaga kung saan ka nakaupo, kung ano ang iyong posisyon at kapangyarihan. Ang pinakamahalaga sa Panginoon ay kung saan tayo nakatindig o nakatayo, kung tayo ba ay maninindigan katulad niya para sa kabutihan, katotohanan at katarungan.
Bisperas ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Jesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuutan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.
Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag nin yo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan” (Juan 13:1, 4-5, 12-15).
Para kay Jesus, ano mang posisyon o katungkalan ay para sa mapagmahal na paglilingkod sa kapwa (loving service to others). Kaya naman tinagurian ding “Maundy Thrusday” ang Huwebes Santo – mula sa salitang Latin na kautusan o mandatum – dahil noong gabing iyon nang ibigay ni Jesus ang kanyang utos ng pagmamahalan sa kanyang mga alagad. Ang sino mang tunay na nagmamahal tulad ni Jesus ay palaging nakatindig at naninindigan para sa minamahal. Walang tunay na nagmamahal nang naka-upo lamang, pa sitting pretty wika nga.
Larawan ng mga upuan sa loob ng Senado, marahil malambot at komportable habang karamihan ng mga kababayan natin nagtitiis sa matigas at marahil lumang upuan nila sa bahay. Kuha ni Avito Dalan ng Philippine News Agency, Mayo 2025.
Ito ang trahedya natin sa Pilipinas. Napakaraming nakaluklok sa iba’t-ibang upuan ng kapangyarihan ngunit hanggang ngayon ay kulelat pa rin tayo bilang bansa dahil wala namang tunay na naninindigan at nagmamahal sa bayan.
Pagmamahal sa sarili ang namamayani sa halos lahat. Kaya naman ang puwesto ay hindi sa paglilingkod kungdi sa pangsariling kapakanan ng mga nakaupo na palaging panig sa mga mayayaman at makapangyarihan. Pawang pakitang-tao lamang mga pagtulong sa maliliit at mahihirap ng maraming nakaupo saan mang puwesto maging mga dating nasa media na nang matikman tamis ng pulitika, lumabas kanilang tunay na kulay.
Palaging katabi ng upuan ay pera kaya naman sa halos lahat ng mga sala ng mga hukom mula Korte Suprema hanggang sa mga munisipyo, maraming kaso inuupuan na tanging katarungang mithi ng mga inapi hindi pa makamtan. Gayon din sa mga ahensiya ng pamahalaan. Puro pasarap sa puwesto mga bossing, naghihintay lamang ng lagay at pabuya kaya kulang at kulang pa rin mga buwis na pinapataw sa mga ordinaryong mamamayan.
At siyempre, hindi magpapahuli ang mga nasa rurok ng luklukan ng kapangyarihan – ang Malacanang at ang Kongreso na alam naman ng lahat ang matagal nang siste ng talamak na korapsiyon.
Ano pa ang ating aasahan kung nakapasok na sa sistema ng pamamahala ang mga mandarambong at sinungaling na pulitiko sa palasyo, kongreso at senado, kapitolyo at munisipyo pati na rin mga munting barangay hall? Sa gara at lambot marahil ng kanilang mga upuan, wala nang upisyal ang ibig tumindig at maninindigan liban sa iilan para sa katotohanan, kaayusan, katarungan at higit sa lahat, para sa bawat mamamayan.
Kailan kaya darating ang panahon na matupad ang sinabi ng Panginoong Jesus na ang “nagpapakataas ay ibaba, at ang nagpapakababa ay itataas” (Lk. 14:11)?
Marahil kapag tumugon na rin tayong lahat sa kanyang panawagang manindigan sa pagtayo mula sa ating komportableng upuan ng kawalan ng pakialam sa lipunan, hindi nasusuhulan lalo na kung halalan. Marahil kapag tumugon na rin ang sambayanan sa panawagan ni Jesus na gumising at tumindig sa paanan ng kanyang Krus upang kasama niya tayong masaktan, masugatan, at mawalan ng lahat para sa tunay na pagpapanibago.
Hangga’t pinipili natin ang masarap na upuan ng kawalang-pakialam sa mga kasamaang umiiral, darating ang panahon hindi na rin tayo makatatayo upang manindigan dahil sa pagkabaon at hindi na tayo makaahon pa sa gulo at pagkawasak sa ating lipunan. Huwag natin iyang payagang mangyari kaya’t makiisa sa mga talakayan at higit sa lahat manalangin para sa paninindigan at kabutihan. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Agosto 2025
“The Beheading of Saint John the Baptist”, tinuturing na obra maestra ng batikang pintor na si Caravaggio noong 1608 na ngayon ay nasa Co-Cathedral ni San Juan sa Valetta, Malta; mula sa commons.wikimedia.org.
Araw-araw nauulit sa ating Kristiyanong bansa ang karumal-dumal na krimen ng pagbitay kay San Juan Bautista lalo na sa larangan ng parumi ng parumi at talamak na sistema ng korapsiyon sa ating pamahalaan.
Kaya minabuti ko na isitas buong tagpo ng Ebanghelyo ng kanyang Pagpapakasakit na ginugunita natin sa Simbahan sa araw na ito.
Basahin at namnamin, managhoy at tumangis ngunit pagkaraan ay bumangon upang labanan malungkot na kinasasadlakan nating lahat ngayon;katotohanan ni Kristo ating panindigan tulad ni San Juan Bautista laban sa mga makabagong Herodes, Herodias at Salome ng ating panahon.
Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.
Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing (Marcos 6:17-29).
“Salome with the Head of John the Baptist” isa pang painting ni Caravaggio noong 1607-1610 na ngayon ay nasa National Gallery sa London; mula sa commons.wikimedia.org.
Hindi ba dapat nating tangisan itong nangyayari sa ating kapaligiran na akusasyon noon laban kay San Juan ay pagsasabi ng katotohanan? Hanggang ngayon kung sino nagsasabi ng totoo siya pang napapasama at nakukulong habang mga gumagawa ng kasamaan at kabuktutan hinahangaan, niluluklok pa sa kapangyarihan kaya mga Herodes lalo pang dumarami tumatapang, ayaw nang patinag kapit tuko sa puwesto pamilya ginawang dinastiya.
Kay laking kabaligtaran noong sina Eba at Adan Diyos ay talikuran sa kasalanan, nagtago sa kahihiyan katawan tinakpan ng dahong maselan; pero ngayon, buwaya man mapapahiya kapal ng mga senador at congressman kung magmaang-maangan pinagsamang Herodes at Pilato takot na takot sa katotohanan akala pagkakasala ay mapaparam kung mga kamay ay hugasan gayong kadalasa'y magkatiklop sa pananalangin at kung Ama Namin ang awitin silang mga Herodes nakahawak kamay sa mga panauhin bilang hermano, hermana ng pista, magkukuratsa kunwa'y mapasaya ang parokya lalo na ang kura pati obispo nila!
“Salomé with the Head of John the Baptist” isa pa ring painting ni Caravaggio noong 1606-1607 na ngayon ay nasa Royal Palace ng Madrid; mula sa commons.wikipedia.org.
Nakaka-iyak nakaka-inis nakaka-galit sa gitna ng maraming hirap at sakit, may mga Herodias pumapayag maging kabit sariling pagkatao winawaglit sinasaalang-alang sa kinang ng pera nahahalina pakiwari'y gumaganda ngunit di maikaila sa mga mata kimkim nila ay galit sa nagsasabi ng totoo pilit nagpapa-interview akala lahat ay maloloko!
O Diyos ko, kalusin mo na ang salop bago pa dumami at manganak ng mga Salome bawat Herodes at Herodias; labis ang kalapastanganan pinamamayagpag kayamanang nakaw at panlilinlang pinagmulan; walang pakundangan sa gastos at pagmamayabang hari-harian sa social media pabebe lang ang nalalaman nitong mga Salome kung tawagi'y "nepo babies" ngunit ano mang wika kanilang gamitin lilitaw pa rin pinagtatakpan nilang kababawan kailanman di kayang bigyang katuwiran ng mga luho at karangyaan na pawang ka-cheapan kahit bihisan ng ginto, pusali pa rin ang katauhan!
Hindi mauubus mga Herodes at Herodias at mga Salome hangga't mayroon sa kanila ay tatangkilik na mga hunghang na walang alam at tanging pinahahalagahan kanilang mga tiyan at sariling kaluguran; kaya hayaan nating muling umalingawngaw sa ilang panawagan at sigaw ni Juan Bautista: tayo ay gumising sa ating pagkakahimbing panindigan ang katotohanan kay Kristo lamang makakamtan!
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Retreat House, Baguio City, Agosto 2023.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Agosto 2025
Larawan mula sa Philstar.com, 2019.
Mayroon pa bang biyaheng EDSA na patungong kalayaan karangalan kaisahan kaayusan at kaunlaran para sa sambayanan at hindi ng iilan?
Mayroon pa bang biyaheng EDSA marangal ang kalsada puno ng pangarap mabuting adhika hindi ng makakapal na usok na nakakasulasok parang bangungot hindi makagalaw ayaw nang umusad dahil sa makikitid na isipan at pananaw nabulok at nalugmok sa karumihan at kaguluhan dahil sa pagkagahaman sa salapi at kapangyarihan? Nasaan na mga kagaya nina Cory Aquino at Butz Aquino, Joker Arroyo at Rene Saguisag na laang mag-alay ng sarili sa bayan? Wala na bang an officer and a gentleman ang militar tulad ni Gen. Fidel Ramos? Wala na rin yata ang katulad ni Jaime Cardinal Sin na nanindigan bilang mabuti at matapang na pastol noon di tulad ngayon mga obispo at pari walang kibo dahil abala sa mga pista na ang mga hermano at hermana mga pulitiko sa pangunguna ng governor at mga contractor!
Larawan mula sa Philstar.com 2019.
Mayroon pa bang magbibiyahe sa EDSA dahil ibig ko pa ring sumama; higit pa sa lunan itong EDSA na kanlungan at duyan ng ating makabagong kasaysayan dapat panatilihin sa ating puso at kalooban pagsumakitan pa ring makamtan tunay na kalayaan mula sa kasamaan upang malayang magawa makabubuti sa karamihan sa sama-samang pagtutulungan hindi nang paglalamangan dahil ang higit na katotohanan ang EDSA ang sambayanan na sawimpalad ay palaging kinakalimutan, tinatalikuran nating lahat na mga mamamayan kaya magulung-magulo.
Larawan mula sa wikipedia.org.
Aming Ama sa langit ikaw ang Diyos ng kasaysayan wala kang niloloob kungdi aming kabutihan; aming dalangin ituro sa amin ang daan pabalik sa EDSA maski dahan-dahan tangan tangan Krus ni Kristo kaisa ang Mahal na Inang Maria. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Hulyo 2025
Larawan kuha ni Maria Tan ng ABS-CBN News, 24 Hulyo 2024 sa P. Florentino Street, Quezon City.
Pangunahing problema tuwing bumabaha ang napakaraming dala nitong “layak” o basura dala ng baha at ng dagat.
Ngunit mayroong higit na marumi at masamang uri ng layak na dulot ng pagbaha. Hindi ito mga bagay na tinatapon sa kapaligiran na bumabara sa maraming kanal at daanan ng tubig kaya bumabaha. Katulad ng mga basurang nagkalat tuwing bumabaha, ang mga layak na ito ay kagagawan din nating mga tao – ito ang sobrang gamit ng cellphone at babad sa social media.
Madalas hindi natin alintana masamang dulot sa ating katauhan ng cellphone at iba pang gadgets na siyang kasangkapan natin upang malulong sa bisyo ng social media. Maraming nang pag-aaral na isinagawa sa pinsalang dulot ng sobrang gamit ng mga gadgets lalo na sa mga bata kaya ilang mauunlad na bansa sa Europa ang mayroong nang mga batas na ipinagbabawal ang mga cellphone sa paaralan.
Ayon sa mga dalubhasa, nakaka-manhid ng pagkatao ang sobrang gamit ng mga gadgets at pagkabantad sa social media. Mayroong kasabihan sa Inggles na “the medium is the message” na buhat sa yumaong Canadian communication expert na si Marshall McLuhan.
Walang tahasang salin sa ating wika ang kanyang pahayag na nagsasaad na ang tao ay nahuhubog ng kasangkapang palagi niyang ginagamit. Katulad ng cellphone kapag sobra ang paggamit nito kaya marami ngayon ang makasarili. Hindi iyang maikakaila lalo sa tahanan na kapag tinawag mga bata upang utusan, ang sagot parati ay “wait” o maghintay kasi mayroong ka-text o mayroong nilalarong game. Higit sa lahat, kitang-kita ang masamang epekto ng cellphone sa katagang selfie na hindi malayo ang tunog at kahulugan sa Inggles na selfish.
Una ko ito napansin noong 2012 habang ako ay nasa parokya at pumupunta sa mga may-sakit at naghihingalo upang magpahid ng Banal na Langis. Matay ko mang isipin – ano nasa puso at kalooban ng isang anak na sa halip na malungkot at magdasal kung naghihingalo ang kanyang ina o ama, ang unang ginagawa ay buksan ang cellphone upang irecord aming pagdarasal? Nang malipat ako bilang kapelyan ng isang pagamutan, ganoon din ang palagi kong nasasaksihan kaya naman ginawa ko nang personal na adbokasya na sabihan mga bantay ng pasyente na bawal ang cellphone tuwing sick call. Mariin kong sinasabihan, minsan ng mga kasamang nurse ang mga bantay ng pasyente malubha man o hindi ang karamdaman na samahan ako sa pagdarasal para gumaling ang may sakit kesa sila ay magkuha ng larawan o video.
Ang masakit nito, pagkatapos kong pahiran ng langis ang pasyente, sasabihan ko mga bantay na mag-rosaryo at saka sila matutulala kasi wala silang rosaryo at ni hindi marunong mag-rosaryo, kabataan man o matanda! Sa pagkakataon na iyon tinuturo ko kabutihann ng cellphone: buksan ninyo ika ko ang YouTube tapos hanapin “how to pray the rosary” at sundan nila iyon upang madasalan kanilang may-sakit o naghihingalong mahal sa buhay.
Gayon din sinasabi ko tuwing magbabasbas ako ng sasakyan o tahanan: itago ninyo inyong mga cellphone at samahan ako na magdasal sa pagbabasbas. Sa halip na magpicture o magvideo wika ko sa mga may-ari ng bahay at sasakyan, magdasal tayo para higit kayong pagpalain.
Sa sobrang cellphone, marami hindi na hababatid ang realidad, ang katotohanan ng kapwa at kapaligiran. Kaya naman hindi na rin masyadong nakapag-iisip at minsan nakakasakit ng damdamin sa mga sinasabi at ginagawa.
Katulad nitong isang vlogger kamakailan nang kasagsagan ng ulan at pagbaha nang sabihin sa kanyang post na sa mga ganitong panahon makikita ang kainaman ng paninirahan sa condominium. Wala aniyang baha at tulo sa mga kisame kaya mahimbing kang makakatulog at pagkatapos ay kakain at manonood ng Netflix. Binatikos ng mga netizens kanyang pagiging insensitive sa kanyang post na di alintana ang maraming mga stranded at lumusong sa baha habang higit pa rin maraming kababayan natin ang ni walang masilungang sariling tahanan na madalas ay puro tulo tuwing tag-ulan.
Mabuti at humingi na ng tawad ang naturang vlogger habang kanyang niliwanag na kaisa siya sa paghihirap ng marami ngayong panahon ng pagbaha dahil aniya, lumaki siya sa mga bahaing lugar ng Valenzuela at Malabon.
Maraming pagkakataon na walang masamang intention ang mga vloggers sa kanilang mga posts; manapa’y, mabuti naman talaga ang kanilang layunin sa kanilang mga inilalabas na content. Subalit hindi po sapat na dahilan ang mabuting layunin sa ano mang gawain dahil wika nga ni San Agustin, “the road to hell is paved with good intentions.”
Mula sa Facebook, 22 Hulyo 2025.
Parang ganito ang nangyari kahapon sa Calumpit, Bulacan – ang tila kawalan ng sensitivity ng kanilang lokal na pamahalaan sa pa-raffle na “E-Ayuda” na kung saan hinikayat ang mga nasalanta ng pagbaha ay magpadala ng kanilang selfie habang nasa loob ng binaha nilang tahanan.
Ano nga kayang pag-iisip nila sa pagtulong na ito? At sa kabila ng maraming pagbabatikos, itinuloy pa rin ang raffle na inere ng live sa Facebook kung saan ang background ay ang malaking imahen ng Mahal na Birheng Maria na marahil noon ay lumuluha sa kapighatian. At kahihiyan.
Hindi natin kinukuwestiyon kabutihan ng kanilang mayora. Maaring siya nga ay matulungin subalit ang kanyang pamamaraan ay sadyang nakakalungkot. Kung anong lalim ng baha sa Calumpit, tila siyang babaw yata ng kanilang pamamaraan ng pagtulong.
Ang higit na malungkot sa kanilang e-Ayuda raffle ay ang matinding pagsuporta at pagtatanggol ng mga taga-Calumpit sa mayora nila. Mababasa sa threads ng diskusyon na wala silang nakitang mali sa ginawa ng kanilang mabuting mayora. Higit sa lahat, anila, huwag makialam ang mga hindi naman taga-roon. Wala daw tayong pakialam dahil hindi natin dama kanilang kalagayan.
Mula sa Facebook, 21 Hulyo 2025.
Iyan ang sinasabi kong masamang epekto nitong sobrang cellphone at social media na nagiging manhid o insensitive tayo sa iba. Iyan ang pinakamababang uri ng isang selfie. Wala daw tayong pakialam sa kanila. Ewan ko kung mayroon pang bababa doon? Sana ay wala na at magising tayo sa katotohanan ng ating pagkatao na mayroong dangal na siyang dapat itanghal sa lahat ng pagkakataon.
Nakakalungkot na isipin na naging manhid na tayo at tila di na dama pagkatao ng kapwa sa panahong ito. Ang pinakamasaklap nito, ang buhay ng tao parang naging showbiz na lamang o isang palabas na dapat panoorin.
Hindi palabas ang buhay kungdi paloob kung saan naroroon ang kabutihang-loob kaya mayroong utang na loob na palaging tinitingnan at tinatandaan. Kapag puro tayo palabas, mawawala na saysay ng buhay at katauhan ng bawat isa. Kaya marahil ganyan nangyayari sa atin ngayon, kanya-kanyang pasikat at pasiklab para sa katanyagan at aminin natin, pera pera na nga lang ang buhay ngayon sa karamihan.
Pagmasdan itong layak at basurang lumalaganap lalo kung panahon ng kalamidad at sakuna na kung saan inuuna ng karamihan ang buksan kanilang cellphone upang kunan o i-video mga nasalanta o naaksidente sa halip na tulungan muna. Maraming nakakalimot na ang mga pinakamahahalagang bagay sa buhay natin ay hindi maaring makita at ni hindi rin kayang ipakita sapagkat ang mga ito ay nakaukit doon sa ating puso at kalooban.
Ang mga higit na mahalalaga sa atin bilang tao ay dinarama sa kalooban. Wala ito sa panlabas nating anyo kaya naman dapat higit nating pangalagaan at ingatan ang bawat tao na nalikhang kawangis at kalarawan ng Diyos na hindi nakikita. Ito ang sabi ng minamahal na alagad ni Jesus, “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig” (1 Juan 4:12). Nawa maging tunay ating pagmamahalan at malasakit sa isa’t isa maski hindi nakikita. Basta nadarama. God bless po sa inyo!