Liham ni Lazaro sa mayaman

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Setyembre, 2022
Larawan mula sa https://krugsstudio.blogspot.com/2016/07/does-anyone-write-letter-anymore.html

Hitik sa mga kahulugan ang talinghaga ng mayaman at ni Lazaro noong araw ng Linggo (Lukas 16:19-31). Kaya namang aking napag-isipan ano nga kaya at sumulat si Lazaro doon sa mayaman? Ano kaya kanyang sasabihin?

Isang kathang-isip lamang ang liham na ito katulad na rin ng talinghaga ng Panginoong Jesu-Kristo. Gayon pa man, batay ito sa mga kuwento na aking pinakinggan at pinagnilayan mula sa mga tao na aking nakadaupang-palad sa mahabang panahon bilang pari. Sinikap ko na mahabi kanilang mga istorya ng buhay na parang hibla ng sinulid upang maging isang telon na maglalarawan ng iba’t-ibang mukha ni Lazaro at ng mayaman.

Wala akong pinatatamaan maliban sa maihatid mahalagang mga aral ng naturang talinghaga ukol sa buhay at kamatayan na tila nalilimutan na ng maraming pamilya at mag-anak kung saan maraming mayaman at Lazaro na nakalupasay, pinababayaan at tinalikdan.

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.

Lukas 16:19-21
Larawan ng painting ni Bonifacio de Pitati noong 1540 ng “Dives and Lazarus” mula sa commons.wikimedia.org.
Minamahal kong mayaman,

Ako nga si Lazaro at sumusulat ako sa iyo na manhid at ayaw pumansin sa akin dahil ako ay tadtad ng sugat sa buong katawan, nakakadiring tingnan sa aking karumihan at kawalan ng kagandahang mabanaagan dahil ako ay naiiba sa iyo na kinikilala at maraming kaibigan, malakas at malinis.  Kung tingnan.

Mabuti pa ang aso, napapansin ako, dinidilaan aking mga sugat na kailanma'y hindi niya mauunawaan pinagmulan at naging mga sanhi, na pawang mga tao ang may kagagawan.

Isang bagay lang ibig kong ipahayag sa iyo, kapatid ko na mayaman:  sapat na bang dahilan na ako ay iyong talikuran at kalimutan dahil lamang sa ilang halaga ng salapi, mga gamit at ari-arian gaya ng kapirasong lupa na higit pa ang sukat sa ating libingan?

Dahil lamang sa magkakaiba nating paniniwala at sa iyong sariling katuwiran na hindi mabitiw-bitiwan ay ipagpapalit mo ako na kapwa tao gaya ng iyong ina o ama, at kapatid? 

Madalas, ako si Lazaro yung magulang na kung ituring ng mga anak ay kontra-bida sa buhay nila.  

Ikaw iyon, kapatid kong mayaman.

Ikaw iyong bata, yung anak na sadyang mayaman sa kaalaman at kahusayan sa maraming bagay ngunit hindi kailanman sasapat ang mga iyan upang tayo ay mabuhay; mahalaga ang mga kapwa, lalo na mga magulang na nagpalaki at nag-aruga sa atin, mga kapatid na kasabay nating lumaki at lumago, nagkamalay sa mundo, kasama at kasalo sa maraming pagkakataon ng buhay.

Walang perfect love maliban sa pag-ibig ng Diyos; ano man mga nakaraan ikaw ay nasaktan kung maari ay lampasan, pag-usapan, at magpatawaran.

Saan mang tahanan, maraming mga desisyon ang mga magulang na hindi nagugustuhan at marahil hindi rin naunawaan hanggang ngayon; sakaling nagkamali man mga magulang, hindi ba ang mga iyon din ang nagpatibay at nagpatatag upang mga anak ay maging mayaman?  Bakit sila ngayon ang iniiwan, mga Lazaro na nakalupasay sa pintuan na hindi pinapansin, ipinagpalit sa ego at prinsipyo?

Hindi ito drama dahil ang totoo, darating ang panahon tayong lahat mamamatay.

Huwag nating hintayin tulad sa talinghaga ng Panginoon na malibing at mabaon ang mayaman doon sa Hades; ibig mo ba talaga na tayo ay magkahiwalay hindi lamang sa daigdig kungdi hanggang sa kabilang buhay?

Huwag mo nang hintayin, kapatid ko na mayaman na matanawan ako, si Lazaro kapiling ni Abraham, walang dusa at sakit sa kabilang buhay habang ika'y hirap na hirap, kumakaway, tumatawag gayong kakilala mo naman pala ako.  Gayun din naman, kakilala mo rin pala si Amang Abraham --- kung gayon, ikaw ay Kristiyano katulad ko, kilala si Kristo, sumasamba sa Diyos nating Ama!  Bakit hindi mo ako nakilala noong tayo ay nabubuhay pa?

Bahala ka kung ayaw mo pa rin akong pansinin; ito na lamang iiwanan ko sa iyo, higit sa lahat:  huwag kang umasa at maniwala sa ilusyon na makapagbabago ka pa sa tamang panahon lalo na kung kapani-paniwala ang magsasabi na mayroon nga buhay sa kabila!  Ilusyon lang yan na may oras pa upang magbagong-buhay....

Habang maaga pa, magbalik-loob sa Diyos upang siya ay matagpuan at makilala sa mukha ng bawat kapwa, lalo na sa mga Lazaro na tadtad ng sugat ang katawan, nakalupasay sa iyong harapan. 


Lubos na gumagalang,

Lazaro
(Mula sa salitang Hebreo
"El 'azar", ibig sabihi'y
"sinagip ng Diyos".)
Larawan kuha ni G. Jay Javier sa Taal, Batangas, 15 Pebrero 2014.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s