Liham ni Lazaro sa mayaman

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Setyembre, 2022
Larawan mula sa https://krugsstudio.blogspot.com/2016/07/does-anyone-write-letter-anymore.html

Hitik sa mga kahulugan ang talinghaga ng mayaman at ni Lazaro noong araw ng Linggo (Lukas 16:19-31). Kaya namang aking napag-isipan ano nga kaya at sumulat si Lazaro doon sa mayaman? Ano kaya kanyang sasabihin?

Isang kathang-isip lamang ang liham na ito katulad na rin ng talinghaga ng Panginoong Jesu-Kristo. Gayon pa man, batay ito sa mga kuwento na aking pinakinggan at pinagnilayan mula sa mga tao na aking nakadaupang-palad sa mahabang panahon bilang pari. Sinikap ko na mahabi kanilang mga istorya ng buhay na parang hibla ng sinulid upang maging isang telon na maglalarawan ng iba’t-ibang mukha ni Lazaro at ng mayaman.

Wala akong pinatatamaan maliban sa maihatid mahalagang mga aral ng naturang talinghaga ukol sa buhay at kamatayan na tila nalilimutan na ng maraming pamilya at mag-anak kung saan maraming mayaman at Lazaro na nakalupasay, pinababayaan at tinalikdan.

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.

Lukas 16:19-21
Larawan ng painting ni Bonifacio de Pitati noong 1540 ng “Dives and Lazarus” mula sa commons.wikimedia.org.
Minamahal kong mayaman,

Ako nga si Lazaro at sumusulat ako sa iyo na manhid at ayaw pumansin sa akin dahil ako ay tadtad ng sugat sa buong katawan, nakakadiring tingnan sa aking karumihan at kawalan ng kagandahang mabanaagan dahil ako ay naiiba sa iyo na kinikilala at maraming kaibigan, malakas at malinis.  Kung tingnan.

Mabuti pa ang aso, napapansin ako, dinidilaan aking mga sugat na kailanma'y hindi niya mauunawaan pinagmulan at naging mga sanhi, na pawang mga tao ang may kagagawan.

Isang bagay lang ibig kong ipahayag sa iyo, kapatid ko na mayaman:  sapat na bang dahilan na ako ay iyong talikuran at kalimutan dahil lamang sa ilang halaga ng salapi, mga gamit at ari-arian gaya ng kapirasong lupa na higit pa ang sukat sa ating libingan?

Dahil lamang sa magkakaiba nating paniniwala at sa iyong sariling katuwiran na hindi mabitiw-bitiwan ay ipagpapalit mo ako na kapwa tao gaya ng iyong ina o ama, at kapatid? 

Madalas, ako si Lazaro yung magulang na kung ituring ng mga anak ay kontra-bida sa buhay nila.  

Ikaw iyon, kapatid kong mayaman.

Ikaw iyong bata, yung anak na sadyang mayaman sa kaalaman at kahusayan sa maraming bagay ngunit hindi kailanman sasapat ang mga iyan upang tayo ay mabuhay; mahalaga ang mga kapwa, lalo na mga magulang na nagpalaki at nag-aruga sa atin, mga kapatid na kasabay nating lumaki at lumago, nagkamalay sa mundo, kasama at kasalo sa maraming pagkakataon ng buhay.

Walang perfect love maliban sa pag-ibig ng Diyos; ano man mga nakaraan ikaw ay nasaktan kung maari ay lampasan, pag-usapan, at magpatawaran.

Saan mang tahanan, maraming mga desisyon ang mga magulang na hindi nagugustuhan at marahil hindi rin naunawaan hanggang ngayon; sakaling nagkamali man mga magulang, hindi ba ang mga iyon din ang nagpatibay at nagpatatag upang mga anak ay maging mayaman?  Bakit sila ngayon ang iniiwan, mga Lazaro na nakalupasay sa pintuan na hindi pinapansin, ipinagpalit sa ego at prinsipyo?

Hindi ito drama dahil ang totoo, darating ang panahon tayong lahat mamamatay.

Huwag nating hintayin tulad sa talinghaga ng Panginoon na malibing at mabaon ang mayaman doon sa Hades; ibig mo ba talaga na tayo ay magkahiwalay hindi lamang sa daigdig kungdi hanggang sa kabilang buhay?

Huwag mo nang hintayin, kapatid ko na mayaman na matanawan ako, si Lazaro kapiling ni Abraham, walang dusa at sakit sa kabilang buhay habang ika'y hirap na hirap, kumakaway, tumatawag gayong kakilala mo naman pala ako.  Gayun din naman, kakilala mo rin pala si Amang Abraham --- kung gayon, ikaw ay Kristiyano katulad ko, kilala si Kristo, sumasamba sa Diyos nating Ama!  Bakit hindi mo ako nakilala noong tayo ay nabubuhay pa?

Bahala ka kung ayaw mo pa rin akong pansinin; ito na lamang iiwanan ko sa iyo, higit sa lahat:  huwag kang umasa at maniwala sa ilusyon na makapagbabago ka pa sa tamang panahon lalo na kung kapani-paniwala ang magsasabi na mayroon nga buhay sa kabila!  Ilusyon lang yan na may oras pa upang magbagong-buhay....

Habang maaga pa, magbalik-loob sa Diyos upang siya ay matagpuan at makilala sa mukha ng bawat kapwa, lalo na sa mga Lazaro na tadtad ng sugat ang katawan, nakalupasay sa iyong harapan. 


Lubos na gumagalang,

Lazaro
(Mula sa salitang Hebreo
"El 'azar", ibig sabihi'y
"sinagip ng Diyos".)
Larawan kuha ni G. Jay Javier sa Taal, Batangas, 15 Pebrero 2014.

Pagbabalik-loob, pagpapaloob sa kalooban ng Diyos

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, Ika-25 ng Enero 2022
Gawa ng mga Apostol 22:3-16  ><}}}*> + <*{{{><  Marcos 16:15-18
Larawan mula sa en.holyordersofststephen.org ipinapakita pagkamatay ng unang martir ng Simbahan si San Esteban habang pinapanood ni Saul na noo’y taga-usig ng mga Kristiyano habang napakita naman mula sa langit ang Panginoong Jesu-Kristo.

“Kalooban ng Diyos.”  Ito ang sa tuwina palagi nating inaalam sapagkat batid nating ito ang pinakamabuti para sa atin.  Subalit kadalasan tayo ay nabibigo, naguguluhan kung ano ang kalooban ng Diyos dahil madalas akala natin para itong tanong na isang pindot ay malalaman kaagad ang sagot tulad ng sa Google.

Kauna-unahang hinihingi sa atin upang mabatid ang kalooban ng Diyos ang tayo muna ay “pumaloob sa Diyos” na ibig sabihi’y dapat nasa loob tayo ng Diyos. Kung ikaw ay nasa labas ng Diyos, tiyak ikaw ay lumayo sa Kanya dahil sa kasalanan; kaya, pagbabalik-loob sa Kanya ang kinakailangan.

Ibig kong simulan dito ang pagninilay sa Kapistahan ng Pagbabagong-buhay ni San Pablo Apostol na ating ipinagdiriwang sa araw na ito. Ito ang upisyal na salin mula sa Inggles ng “Feast of the Conversion of St. Paul the Apostle” na tila may kulang.

Ganito kasi iyon: Tama rin namang sabihing “pagbabagong-buhay” dahil bawat conversion wika nga ay pagbabago tulad ng na-convert sa ibang relihiyon o sa ibang anyo o gamit. Ngunit sa bawat pagbabago, mayroong higit na malalim na nababago na hindi namang ibig sabihin ay nag-iiba o nagiging different.

Kasi iyong sinasabing conversion ni San Pablo o ng sino pa mang tao ay hindi naman pagbabago ng pagkatao kung tutuusin; sa bawat conversion ng isang makasalanan o masamang tao, hindi naman nababago yaong tao talaga kungdi kanyang puso na siyang naroon sa kanyang kalooban.

Ibig bang sabihin ang pagbabagong buhay ay yaong dating masayahin o palatawa magiging malungkutin o iyakin? Yaong dating mapusok at malakas ang loob magiging duwag? O yaong pagbigla-bigla at padaskol-daskol ay magiging makupad at mabagal sa pagdedesisyon?

Sa pagbabagong-buhay ng sino man tulad ni San Pablo, hindi nababago ang pagkatao: mapusok pa rin si San Pablo, palaban at matapang nang tawagin at sumunod kay Kristo. Hindi naman nabago kanyang karakter pero nabago kanyang puso na nahilig sa kalooban ng Diyos pagkaraan. Iyong kanyang dating kapusukan at katapangan sa pag-uusig ng mga Kristiyano ay nalihis naman sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Hesus sa mga Hentil at kapwa niya Judio.

Kaya naman higit na malalim at makahulugang isalin ang conversion ng sino man sa katagang “pagbabalik-loob”. Bawat nagkakasala ay lumalayo ang loob mula sa Diyos na ibig sabihin ay “ayaw sa Diyos” gaya ng ating pakahulugan tuwing sinasabing “malayo ang loob”.

Kapag nagsisi at tumalikod sa kasalanan ang isang tao, hindi lamang siya nagbabagong-buhay o nag-iiba ng pamumuhay kungdi higit sa lahat, siya ay “nagbabalik-loob” sa Diyos. Tatlong bagay ang itinuturo sa ating ni San Pablo sa kanyang karanasan ng pagbabalik-loob sa Diyos.  

Larawan mula sa en.wikipedia.org ni San Pablo sa harapan ng Basilica ni San Pablo sa Roma, Italya.

Una, bawat pagbabalik-loob ay isang personal na pagtawag at paanyaya mula sa Panginoong Hesus.  Batay sa salaysay ni San Pablo, “Nasubasob ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig sa akin, ‘Saulo, Saulo!’”(Gawa 22:7).  

Araw-araw inaanyayahan tayo ni Hesus na magbalik-loob sa Kanya. 

Iyong mabatid lamang natin sa ating kalooban na mali ang ating ginagawa o kaya tayo ay kabahan at matakot sa isang masamang gawain, iyon na ang tinig ni Hesus na tumatawag sa atin katulad kay San Pablo. 

Huwag na nating hintayin pa ang isang “dramatic” o “bonggang” pagkakataon wika nga upang pakinggan ang tawag ng Panginoon katulad nang mahulog sa kanyang kabayo si San Pablo.  Hindi ibig ng Diyos na sumadsad pa ang ating buhay sa kasamaan at mawala na ang lahat ng pagkakataong makabalik pa sa Kanya.            

Ikalawa, madalas kapag tayo tinawag ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya ay hindi kaagad maliwanag ang lahat sa atin kaya kailangan natin ng taga-akay: “Nabulag ako dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay na lamang ng mga kasama ko papasok sa Damaso” (Gawa 22:11). 

Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.

At hindi lamang basta taga-akay ang kailangan natin sa bawat pagbabalik-loob kungdi isang mahusay na gabay katulad ni Ananias na “isang taong may takot sa Diyos, tumutupad sa Kautusan, at iginagalang ng mga Judiong naninirahan sa Damasco” (Gawa 22:12). 

Si Ananias ang ginamit ng Diyos upang mapagaling ang pagkabulag ni San Pablo at malahad sa kanya ang kalooban ng Diyos na mapalaganap ang Mabuting Balita.

Ang mahusay na gabay ay yaong pumapawi at nagpapagaling sa ating mga pagkabulag sa katotohanan ng Diyos sa buhay na ito. Wika mismo ni Hesus, maaring bang maging taga-akay ng mga bulag ang isa pang kapwa bulag?

Magkaroon ng isang mabuting taga-akay o spiritual director na hindi namang dapat pari o madre lamang kungdi yaong isang mabuting pastol na kalakbay at kaagapay sa ating spiritual journey.

Ikatlo, bawat tawag sa pagbabalik-loob sa Diyos ay palaging paanyayang pumasok sa isang komunyon o kaisahan kay Hesus at Kanyang pamayanan o komunidad.  Ito ang magandang bahagi ng pagtawag kay San Pablo:  nagpakilala si Jesus bilang kanyang inuusig na Kristiyano, “Saulo, Saulo!  Bakit mo ako pinag-uusig?  Ako’y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig” (Gawa 22:7,8)

Ang totoong pagbabalik-loob o pagbabagong-buhay ay yaong hindi lamang makita ang sarili kungdi makita ang kanyang kaisahan kay Hesus at sa kapwa-tao.  Walang kabuluhan ang ano mang pagpapakabuti ng sarili na nakahiwalay sa Diyos at sa kapwa.  Hindi kabutihan kungdi kapalaluan ang walang ibang makita kungdi sarili.  


Madaling sabihin ang mga bagay na ito at sadyang mahirap gawin.  Subalit kung ating susuriin ang naging buhay ni San Pablo, hindi lamang minsanang pangyayari ang magbalik-loob sa Diyos.

Isang mahabang proseso ang kanyang pinagdaanan sa kanyang pagbabalik-loob o pagbabagong-buhay; katulad natin marahil siya ma’y nagkakasala minsan-minsan sa Panginoon. 

Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Ang mahalaga ay ang patuloy niyang pagninilay at pananalangin, ang pagsisikap niyang “pumaloob sa Diyos” upang mabatid at maisakatuparan ang Kanyang Banal na Kalooban na “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita” (Mc.16:15).  

Kaya, huwag manghinawa sakaling mabagal ang iyong “pagbabagong-buhay”; minsa’y akala mo lamang wala namang nababago at masama ka pa rin.

Hindi totoo iyan dahil batid ni Hesus, nakikita ni Hesus ang pagsisikap natin mula sa kaloob-looban natin hindi pa man tayo pumapaloob sa Kanya.

Ang totoo kasi, palagi namang nasa loob natin si Hesus, kahit anong pilit nating lumayo sa Kanya. Amen.