Krus ang pintuan sa langit

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Marso 2024
Ikalawang Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may-akda sa Mirador Jesuit Retreat House sa Baguio City, Agosto 2023.

Ang ikalawang wika ni Jesus sa Krus:

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw may pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “JESUS ALALAHANIN MO AKO KAPAG NAGHAHARI KA NA.” Sumagot si Jesus, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”

Lukas 23:39-43

Muli ay ating namnamin ikalawang wika ni Jesus doon sa Krus pagkapako sa kanya. Nauna niyang sinambit ay kapatawaran; ngayon naman kanya itong sinundan ng pangako ng langit o paraiso.

At iyon ay agad-agad na, ora mismo! Wika nga ng mga bata, “now na”! Hindi mamaya pagkamatay nila ni Jesus o sa Linggo sa kanyang pagkabuhay. Malinaw na sinabi ni Jesus kay Dimas, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”

Tantuin ninyo mga ginigiliw ko na sa ebanghelyo ayon kay San Lukas, namutawi lamang sa mga labi ni Jesus ang pangakong ito ng paraiso noong siya ay nakabayubay sa krus at hirap na hirap. Wala siyang pinangakuan ng langit nang siya ay malaya at malakas na nakakagalaw, naglilibot at nangangaral.

Alalaong-baga, pumapasok tayo sa langit kasama si Jesus sa sandaling kasama din niya tayong nagtitiis, nagdurusa, nagpapakasakit dahil sa pagmamahal doon sa Krus!

Ang krus ang pintuan papasok sa langit o paraiso.

Madalas naiisip natin kapag nabanggit o narinig ang katagang langit at paraiso ay kagalakan, kawalan ng hirap at dusa. Basta masarap at maayos sa pakiramdam, langit iyon sa atin. Kaya mga addict noon at ngayon kapag sila ay sabog at nasa good trip, iyon ay “heaven” dahil wala silang nadaramang problema at hirap sa buhay.

Larawan kuha ng may akda, 2023.

Kaya hindi rin kataka-taka na ang gamot nating laging binibili ay pain killer – konting sakit ng ulo o kasu-kasuan, naka-Alaxan kaagad. Noong dati ay mayroong shampoo na “no more tears” dahil walang hilam sa mata.

Gayon ang pananaw natin sa langit. At tumpak naman iyon kaya nga sa pagbabasbas ng labi ng mga yumao, dinarasal ng pari, “Sa paraiso magkikitang muli tayo. Samahan ka ng mga Santo, kahit mayroong nauuna, tayo rin ay magsasama-sama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama. Amen.”

Nagmula ang salitang paraiso sa katagang paradiso na tumutukoy sa kaloob-loobang silid ng hari ng Persia (Iran ngayon) kung saan tanging mga pinagkakatiwalaang tao lamang ang maaring makapasok kasama ang royal family. Kaya nang isalin sa wikang Griyego ang mga aklat ng Bibliya, hiniram ang katagang paradiso ng mga taga-Persia at naging paraiso upang tukuyin ang langit na tahanan ng Diyos na higit pa sa sino mang hari sa mundo.

Ngunit, katulad ng silid na paradiso ng hari ng Persia, hindi lahat ay basta-basta na lamang makakapasok ng paraiso. Alalahanin nang magkasala sina Eba at Adan, pinalayas sila ng Diyos at mula noon ay nasara ang paraiso; muli itong nabuksan kay Kristo nang sagipin niya tayo doon sa krus na nagbunga sa pagwawalang-sala sa ating mga makasalanan. Dahil sa krus ni Jesus, tayo ay naging karapat-dapat patuluyin sa paraiso. Sa tuwing ating tinatanggap ang krus ni Kristo, tayo ay nagiging tapat sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Noon din tayo pumapasok ng paraiso.

Sa panahong ito na wala nang hanap ang karamihan kungdi sarap at kaluguran, ipinaaalala sa atin ni Jesus sa ikalawang wika na ibig niya tayong makapiling ngayon din sa paraiso kung tayo ay mananatiling kasama niya sa pagtitiis at pagpapakasakit sa ngalan ng pag-ibig sa Diyos at kapwa.

Sa panahong ito na dinidiyos masyado ang katawan at sarili upang maging malusog, malakas at kung maari ay manatiling bata at mura ang edad, pinapaalala ni Jesus sa kanyang ikalawang huling wika sa krus na sino mang nasa banig ng karamdaman pati na yaong mayroong kapansanan ay unti-unti na ring pumapasok ng langit ngayon din sa kanilang tinitiis na hirap at sakit.

Sa panahong ito na lahat ay pinadadali at hanggat maari iniiwasan ano mang hirap at dusa, pinapaalala ni Jesus sa kanyang ikalawang huling wika na sa ating pagsusumakit sa maraming tiisin at pasanin sa buhay na ito, noon din tayo pumapasok sa paraiso kahit na kadalasan ito ay nagtatagal sa paghihintay.

Larawan kuha ng may-akda, 2018.

Noong pandemic, natutunan natin na hindi lahat ng tinuturing ng mundo na negatibo ay masama kasi noong mga panahong iyon, iisa ating dasal tuwing tayo ay sasailalim ng COVID test na sana ay “negative” tayo, hindi ba? Noon natutunan natin yung negative ay positive. At iyon mismo ang kahulugan ng krus ni Kristo!

Para sa atin, ano mang mahirap, masakit tulad ng krus ay negatibo ngunit kung tutuusin, ang krus ay hugis positibo o “plus sign” (+) at hindi minus (-); kaya, ano mang hirap at pagtitiis sinasagisag ng krus ay mabuti dahil hindi ito nakakabawas bagkus nakapagdaragdag sa ating pagkatao na naghahatid sa atin sa kaganapan at paglago. Sa suma total, eka nga, sa paraiso!

Ang mga tiisin at pagsubok sa buhay ang nagpapatibay at nagpapabuti sa atin upang maging karapat-dapat makapasok sa paraiso at makapanahan ang Haring magpakailanman – ngayon din, ora mismo, now na!

Kaya, manalangin tayo:

Panginoong Jesus,
bago pa man dumating
lahat nitong aming tiisin
at pasanin sa buhay,
nauna ka sa aming
nagtiis at nagpasan
ng krus noong Biyernes Santo;
nauna kang nagpakasakit
at namatay noon sa Krus
dahil sa pagmamahal sa amin;
kaya, patatagin mo ako sa aking
katapatan at pananampalataya
sa Iyo upang manatiling kaisa mo
sa krus ng kalbaryo ng buhay
upang ngayon din
Ikaw ay aking makapiling,
makasama sa Paraiso.
Amen.

Nasaan ka nang ipako sa krus ng corona virus si Hesus?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Biyernes Santo, Ika-10 ng Abril 2020

Larawan kuha ng may akda, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan, ika-02 ng Abril 2020.
Katulad ng Huwebes Santo
ito na ang pinakamalungkot
at hindi malilimutang
Biyernes Santo dahil binago
ng corona virus ang kalbaryo ng krus
ni Kristo Hesus.
Dama sa buong kapaligiran
pighati at sakit na pinagdaanan
noon sa nakaraan:  mapanglaw ang kalangitan
sarado pa rin mga simbahan
pagdiriwang mapapanood lamang
dahil sa umiiral na lockdown. 
Kaya ang katanungang tiyak
na pag-uusapan sa kinabukasan
nasaan ka nang mangyari ang lockdown
nang manalasa itong COVID-19
na kumitil sa libu-libong buhay
nagpasakit sa buong sangkatauhan? 
Larawan kuha ni G. Ryan Cajanding, 09 Abril 2020.
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus nagpasakit sa mga maliliit?
Ikaw ba yaong nakipagsiksikan, nag-panic buying
lahat ng pagkain inangkin
hinakot mga alcohol at face masks
dahil takot magutom at madapuan ng sakit?
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus na habang lahat ay aligaga
sa pag-iisip ng mga paraan maibsan kahirapan
ikaw naman ang siyang pinapasan 
sa iyong walang katapusang pamumuna
at reklamo, ibig mo ikaw ang inaamo at inaalo?
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus kaya naglockdown
upang maiwasan paglaganap ng sakit?
Nasa chismisan at daldalan
inuman at sugalan tulad ng mga kawal
damit ni Hesus pinagsapalaran?
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma sa Parokya noong 2019.
Kay ganda at butihing larawan
sa panahon nitong Covid-19
ang dalawang alagad na pinili manatili
sa paanan ng krus ni Kristo Hesus:
si Maria kanyang ina unang nanalig sa kanya
at si Juan Ebanghelista na tunay na nagmahal sa kanya.
Silang dalawa ang kailangan ng panahon ngayon
upang samahan si Hesus sa bagong kalbaryo  
ng pandemiya ng corona virus
tulad ng mga duktor at nurse
lahat ng nasa larangan ng kalusugan
at medisina upang lunasan sakit at karamdaman.
Hindi naman kailangan gumawa malalaking hakbang
mga munting kabutihan na maaring magpagaan
sa labis na kahirapang pinagdaraanan
sapat na at makahulugan pamamaraan
upang samahan sa paanan ng krus si Hesus
na siyang nasa bawat isa nating pinaglilingkuran.

Ang Krusipihiyo ni Sta. Mother Teresa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-16 ng Abril 2019
Ngayong Semana Santa aking naalala
Aking nabasa isang tunay na istorya
Tungkol kay Santa Mother Teresa
Noong nabubuhay pa siya sa Calcutta.
Minsan daw isang alaga nilang kulang-kulang
Sinidlang bigla ng galit na di maintindihan
Krusipihiyo sa dingding nabalingan ng pansin
Ibinato sa Santa nating taimtim nananalangin.
Walang nakapansin nang ito'y kanyang gawin
At nang ito'y pulutin ng butihing Mother natin
Nakita niyang bali-bali ngunit nakapako pa rin
Si Kristong Panginoon natin.
Larawan mula sa Google.
Kanyang pinagdikit-dikit bali-baling katawan
Na parang nabendahan tulad ng isang sugatan
Saka inutusan ng madreng maalam kanyang mga kasamahan
Kanyang tinuran sa kanila, mahigpit na tagubilin:
Isabit muli sa ating dingding nabaling Krusipihiyo natin
At inyo ring idikit kalapit yaring panalangin,
"Hayaan po ninyo Panginoon na paghilumin
Nitong aking mga kamay nawasak mong katawan."
Larawan ng mosaic sa kripta ng Katedral ng Maynila. Kuha ni Arch. Philip Santiago, Oktubre 2016.
Ito ang aral na lagi nating pakantandaan
Kaya minsan-minsan dapat nating pagnilayan
Paano nasugatan at patuloy nating sinasaktan
Ng ating mga kasalanan yaring Mahal na Katawan.
Sa naturang kuwento ng ating banal  
Kanyang dasal sana'y di lamang natin mausal
Katulad niya'y ating maisabuhay
Paano ating mga kamay makakaramay.
Mula sa Google.
Mga kamay ni Hesus sa krus katulad ay tulay 
Nag-uugnay, nagbibigay-buhay
Sa mga handang abutin Diyos at kapwa natin 
Sa pag-ibig na walang kapalit na hinihiling.
Mula Google.

Magtanong Kay Hesus, Sagot Niya’y Nasa Krus

Lawiswis ng Salita//P. Nicanor F. Lalog II//Ika-06 ng Nobyembre 2018

IMG_2434

Madalas ako ay nagtatanong
Kay Hesus na ating Panginoon
Mga sari-saring bagay
Kadalasa’y sumasagitsit sa aking pagninilay.
At sa tuwing ako’y may katanungan
Naroon akong lagi sa paanan ng krus Niyang banal
Kung saan din aking natagpuan itong katotohanan
Na sa bawat katanungan kay Hesus,
Sagot Niya’y naroon din sa Kanyang Krus!
Halika, inyong subukan inyong katanungan
Upang masakyan aking pakahulugan:
         Hesus, ako ba ay iyong mahal?
                 Tingnan Kanyang sugatang katawan, huwag nang mag-alinlangan.
          Hesus, bakit ako’y laging nahihirapan?
                  Pagmasdan kanyang pinasan, ika’y magagaanan.
          Hesus, ika’y nasaan sa aking kagipitan?
                 Bago pa man itong aking pinagdaraanan, naroon na Siyang unang nasaktan!
Laging pakatandaan, ano man ang ating katanungan
Sagot matatagpuan sa sugatang Niyang katawan
Na Kanyang inalay bilang katubusan sa ating mga kasalanan
Na siyang pinagmulan nitong marami nating katanungan.
padrepioresize
*Salamat sa larawan kuha ng dati kong mag-aaral sa ICSB, Arch. Philip Santiago noong Setyembre 27, 2018 sa Simbahan ng San Giovanni Rotondo, Italya kung saan naglingkod si San Padre Pio.  Isa ito sa mga mosaic doon nagsasaad ng malalim niyang debosyon sa nakapakong si Kristo gaya ni San Francisco ng Assisi.  Kapwa sila biniyayaan ni Hesus ng stigmata, mga sugat tulad ng tinamo Niya noon sa krus.