Noche buena at Pasko

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Disyembre 2025
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, Nobyembre 2021.
Napansin ko lang
kakaiba itong kapaskuhang
darating: tahimik si Jose Mari Chan
at inagawan ng eksena ng mga
mandarambong sa pamahalaan
at kongreso na hanggang ngayon
nagtuturuan,
nagtatakipan
habang pinagpipilitan
ng isang ginang
kakasya raw ang limang-daang piso
upang makapag-diwang
ng noche buena sa
bisperas ng Pasko
ang pamilyang Pilipino.
Kaya sumagi sa aking alaala 
pamaskong awiting aking kinalakhan:
Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya
Nagluto ang ate ng manok na tinola
Sa bahay ng kuya ay mayroong litsonan pa
Ang bawat tahanan, may handang iba't-iba

Tayo na, giliw, magsalo na tayo
Mayroon na tayong tinapay at keso
'Di ba Noche Buena sa gabing ito?
At bukas ay araw ng Pasko
Mga ginigiliw, 
atin nang mapagtatanto
sa awiting ito diwa ng Pasko:
ating pagsasalu-salo ng mga kaloob
na biyaya at pagpapala
na sinasagisag ng noche buena
ng pagkakatawang-tao ni
Jesu-Kristo noong Pasko;
ngunit, paano nga
kung sa halip na
tulungan lalo mga maliliit
tugon ng pamahalaan
ay bigyan ng presyo
natatanging pagsasalo-salo
ng Pilipino tuwing Pasko?
Narito naman makabagong awiting pamasko
naghahayag na walang tatalo sa Pasko sa Pilipinas:
May tatalo pa ba sa Pasko ng 'Pinas?
Ang kaligayahan nati'y walang kupas
'Di alintana kung walang pera
Basta't tayo'y magkakasama
Ibang-iba talaga ang Pasko sa 'Pinas

May simpleng regalo na si Ninong at si Ninang
Para sa inaanak na nag-aabang
Ang buong pamilya ay magkakasama sa paggawa ng Christmas tree
Ayan na ang barkada, ikaw ay niyayaya para magsimbang gabi
Muli mga ginigiliw
sa saliw ng awiting ito
madarama natin diwa at
tuwa ng Pasko:
wala naman sa handang
noche buena ito kungdi sa
samahan at pagbubuklod
ng pamilya at magkakaibigan
katulad ng pagkakatawang-tao
ni Jesu-Kristo na pumarito
upang tubusin tayo
sa ating mga kasalanan
at mapunan ating kakulangan
ng kanyang kaganapan
sa pagmamahalan.
Subalit kay hirap
maramdaman pagmamahal
ni malasakit nino man
tulad ng mga nasa kapangyarihan
animo mga maligno at impakto
ng mga ghost project
kaya Biyernes Santo hindi Pasko
pakiramdam ngayon
ng maraming Pilipino:
wala ang mga ginigiliw
na ate at kuya may handang iba't-iba
dahil sila ay mga nagsipag-OFW na
habang ang mga buwitre at buwaya
sa Kongreso nagpapasasa
sa kaban ng bayan mula sa dugo at
pawis ng mga mamamayan na
pinagtitiis sa limang-daang pisong
noche buena na kahuluga'y
"mabuting gabi" nang pahalagahan
ng Diyos ang tao
sa pagsusugo niya ng Kristo
na patuloy sumisilang
sa puso ng bawat nilalang
tuwing nagmamahalan
at nagbabahaginan
na pinapaging-ganap
sa hapag ng pakikinabang
ng Banal na Misa
hanggang sa mesa
ng bawat pamilya.
Ngunit papaano na kung
pera hindi kakasya
sa noche buena?
Iyan ang masaklap at nakasusuklam
ng limang-daang pisong noche buena:
hindi ang halaga ng pera
kungdi kawalan ng pagpapahalaga
nitong nasa pamahalaan
sa dangal ng bawat isa
lalo ng mga maliliit at aba
na sa halip tulungan maka-ahon
o maibsan kanilang hirap at gutom
sila pa nga ay ibinaon
sa presyo na pang galunggong
hindi hamon!
Kaya nakakamiss
sa gitna ng nakakainis
na mga balita si Jose Mari Chan
sa kanyang awiting pamasko
na maalala nating palagi
Sanggol na sumilang sa Bethlehem
sa tuwing masilayan mukha
ng bawat kapwa nang walang pasubali
hindi sa halaga ng salapi!
Whenever I see girls and boys
Selling lanterns on the streets
I remember the Child
In the manger, as he sleeps
Wherever there are people
Giving gifts, exchanging cards
I believe that Christmas
Is truly in their hearts

Let's light our Christmas trees
For a bright tomorrow
Where nations are at peace
And all are one in God

Let's sing Merry Christmas
And a happy holiday
This season may we never forget
The love we have for Jesus
Let Him be the one to guide us
As another new year starts
And may the spirit of Christmas
Be always in our hearts
Ngayong Pasko
marami ang wala maski
limang daang piso at marahil
itutulog na lang ang noche buena;
tayo nawa maging dahilan ng
"mabuting gabi" nila upang tunay nilang maranasan
pagsilang ng Kristo sa kumakalam
nilang tiyan at sikmura.
Larawan kuha ng may-akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga, Nobyembre 2022.

Mahiya naman kayo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Oktubre 2025
Photo by Amr Miqdadi on Pexels.com
Doon sa amin 
sa lalawigan ng Bulacan
mayroong kasabihan
"mahiya lang
ay tao na."
Totoong-totoo 
at napapanahon
ang kasabihang ito
sa dami ng mga tao
ang wala nang kahihiyan
sa pag-gawa ng mga
katiwalian at kasamaan,
sa pagsisinungaling
at lantarang pambabastos
sa ating pagkatao;
marahil ganoon 
na nga katalamak
at kakapal ng kanilang 
pagmumukha
na hindi na nila alintana
kanilang kahihiyang
kinasasadlakan 
na dapat sana'y 
itago kahit man lang 
pagtakpan kesa 
ipinangangalandakan
tila ibig pang ipamukha
sa madla na wala silang
ginagawang masama.
Ang masaklap
nating kalagayan sa ngayon
ay ang wala nang kahihiyan
ng karamihan na higit pang
masama sa mga walang-hiya.
Madaling maunawaan
matanggap mga walang-hiya
kesa walang kahihiyan;
kalikasan ng mga walang-hiya
ang hindi mahiya
ni matakot sa kanilang
mga gawaing masama
katulad ng mga holdaper,
snatcher, kidnapper
kasama na mga mambubudol
at manunuba sa utang
at iba pang mga kriminal;
mga walang-hiya sila kaya
wala silang mabuting gagawin
kungdi kasamaan
kaya pilit nating iniiwasan
bagamat mahirap silang
kilalanin ni kilatisin
mahirap iwasan
at kapag ika'y nabiktima
napapabungtung-hininga
ka na lang
sa pagsasabi ng
"walangyang yun!"

Higit na malala
at masama sa mga walangya
ang walang kahihiyan:
sila mga tinuturing na
mararangal sa lipunan,
nakaaangat sa kabuhayan,
magagara ang tahanan,
nagtapos ng pag-aaral
sa mga sikat na pamantasan
at higit sa lahat,
kadalasan laman ng simbahan
araw-gabi sa pananalangin
ngunit kanilang loobin puno
ng kasakiman
kaya wala silang kahihiyan
magkunwaring banal kahit asal
ay gahaman sa salapi at karangalan;
ang mga walangya maski papano
marunong mahiya
mukha ay tinatakpan
upang hindi makilala
sa gawang kasamaan
ngunit itong mga walang kahihiyan
ay talaga naman
ubud ng kapal
mga pagmumukha
akala walang nakaaalam
sa mga gawa nilang kabuktutan!
Labis kanilang kasamaan
kaya wala silang kahihiyan
maging katawan hinuhubaran
ipapakita konting laman
upang hangaan kanilang kagandahan;
kulay apog sa pagkahambog
nasanay na sa mabaho nilang amoy
na umaalingasaw habang
kanilang pinangangalandakan
kanilang inaakalang husay
at galing parang mga matsing
nakalimutang sa kanilang
katalinuhan sila'y
napaglalalangan din!
Matatagpuan itong
mga walang kahihiyan
kung saan-saan
di lamang sa pamahalaan
kungdi maging sa ating
mga tahanan at kamag-anakan
na pawang kay hirap pakisamahan
dahil nga wala nang kahihiyan
mga puso at kalooban
namanhid na sa kasamaan
at kasalanan
kaya't panawagang
"mahiya naman kayo"
hindi sila tinatablan
pakiwari'y walang
dapat pagsisihan
ni ihingi ng kapatawaran;
mabuti pa mga walangya
nakokonsiyensiya
nagsisisi at humihingi
ng tawad
ngunit mga walang kahihiyan,
wala nang pagkukunan
kanilang pagkatao'y
naglaho na
parang mga ungguy!
Photo by Francesco Ungaro on Pexels.com

Baha sa simbahan, nakabibinging katahimikan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2025
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Hindi ko malaman kung ako
ay matutuwa o maluluha
sa mga larawang nalathala
noong panahon ng pagbaha
sa aming lalawigan ng Bulacan;
kamangha-mangha
aming pananampalataya
nagpapatuloy mga pagdiriwang
ng sakramento lalo na ang kasal
kahit lumusong sa baha
nagsisimba at paring nagmimisa
parang eksena sa pelikula
pagmamahalan
ng mga magsing-ibig
pananalig kailanma'y
hindi padadaig
sa buhos ng ulan
bumaha man.
Nang sumabog
na parang dam
mga balita ng scam
ng flood control program
sa lalawigan ng Bulacan,
galit at pagkainis
aming naramdaman
itong mga pagbaha pala
ay kagagawan ng kasakiman
ng mga halimaw sa kagawaran
kakutsaba sa kasamaan mga
pulitiko at contractor
habang mga mamamayan
walang mapuntahan
sa araw-araw na lamang
malapit nang maging aquaman
kalulusong sa baha
alipunga hindi na nawala.
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Isang bagay 
ang aking pinagtatakhan
noon pa man
siya ko nang katanungan:
ano ang pahayag
nitong ating simbahan
sa malaswa at malawak 
na sistema ng nakawan 
na nasentro sa Bulacan
lalo't higit
unang naapektuhan 
maraming mga simbahan?
Nasaan ating tinig
at pagtindig 
laban sa katiwaliang ito
na matay mang isipin 
kay hirap ilarawan
maski paniwalaan!
Mayroon bang kinalaman
nakabibinging katahimikan
pag-Hermano
at pag-Hermana
ng mga nasa pulitika
dahil sila ang mapera
handang gumasta
sa mga kapistahan
dahil kanilang pakiramdam
banal na kalooban ng Diyos
kanilang sinusundan
kaya naman sila ay pinagpapala
at pinayayaman
sa patuloy na donasyon
sa simbahan
habang kapwa ay
ginugulangan
pinagsasamantalahan?
Masakit man sabihin
at mahirap aminin
itong mga ghost projects
at korapsiyong ating
kinasasadlakan
ay atin din namang
kasalanan at kagagawan
sa patuloy na pagboto
sa mga bulok na kandidato
na sumasalaula
sa ating lipunan;
tumitindi ang kasamaang ito
sa tuwing mga politiko
at mga kawaning ganid
ang parating nilalapitan
upang hingan ng lahat ng
pangangailangan sa simbahan
maski libreng tanghalian
na walang kinalaman
para sa ating kaligtasan!
Larawan mula sa Facebook post ni Dr. Tony Leachon, “KLEPTOPIROSIS: When Corruption Becomes a Public Health Crisis”, 08 Agosto 2025.

Panaghoy kay San Juan Bautista

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Agosto 2025
“The Beheading of Saint John the Baptist”, tinuturing na obra maestra ng batikang pintor na si Caravaggio noong 1608 na ngayon ay nasa Co-Cathedral ni San Juan sa Valetta, Malta; mula sa commons.wikimedia.org.

Araw-araw nauulit sa ating Kristiyanong bansa ang karumal-dumal na krimen ng pagbitay kay San Juan Bautista lalo na sa larangan ng parumi ng parumi at talamak na sistema ng korapsiyon sa ating pamahalaan.

Kaya minabuti ko na isitas buong tagpo ng Ebanghelyo ng kanyang Pagpapakasakit na ginugunita natin sa Simbahan sa araw na ito.

Basahin at namnamin, managhoy at tumangis ngunit pagkaraan ay bumangon upang labanan malungkot na kinasasadlakan nating lahat ngayon;katotohanan ni Kristo ating panindigan tulad ni San Juan Bautista laban sa mga makabagong Herodes, Herodias at Salome ng ating panahon.

Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.

Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing (Marcos 6:17-29).

“Salome with the Head of John the Baptist” isa pang painting ni Caravaggio noong 1607-1610 na ngayon ay nasa National Gallery sa London; mula sa commons.wikimedia.org.
Hindi ba dapat nating tangisan 
itong nangyayari sa ating kapaligiran
na akusasyon noon laban kay San Juan
ay pagsasabi ng katotohanan?
Hanggang ngayon
kung sino nagsasabi ng totoo
siya pang napapasama at nakukulong
habang mga gumagawa ng
kasamaan at kabuktutan
hinahangaan,
niluluklok pa sa kapangyarihan
kaya mga Herodes
lalo pang dumarami
tumatapang, ayaw nang patinag
kapit tuko sa puwesto
pamilya ginawang dinastiya.
Kay laking kabaligtaran
noong sina Eba at Adan
Diyos ay talikuran sa kasalanan,
nagtago sa kahihiyan
katawan tinakpan
ng dahong maselan;
pero ngayon,
buwaya man mapapahiya
kapal ng mga senador at congressman
kung magmaang-maangan
pinagsamang Herodes at Pilato
takot na takot sa katotohanan
akala pagkakasala ay mapaparam
kung mga kamay ay hugasan
gayong kadalasa'y magkatiklop
sa pananalangin
at kung Ama Namin ang awitin
silang mga Herodes nakahawak
kamay sa mga panauhin
bilang hermano, hermana
ng pista, magkukuratsa
kunwa'y mapasaya ang parokya
lalo na ang kura
pati obispo nila!
“Salomé with the Head of John the Baptist” isa pa ring painting ni Caravaggio noong 1606-1607 na ngayon ay nasa Royal Palace ng Madrid; mula sa commons.wikipedia.org.
Nakaka-iyak
nakaka-inis
nakaka-galit
sa gitna ng maraming hirap
at sakit,
may mga Herodias
pumapayag maging kabit
sariling pagkatao winawaglit
sinasaalang-alang sa kinang
ng pera nahahalina
pakiwari'y gumaganda
ngunit di maikaila sa mga mata
kimkim nila ay galit
sa nagsasabi ng totoo
pilit nagpapa-interview
akala lahat ay maloloko!

O Diyos ko,
kalusin mo na ang salop
bago pa dumami
at manganak
ng mga Salome bawat
Herodes at Herodias;
labis ang kalapastanganan
pinamamayagpag kayamanang
nakaw at panlilinlang pinagmulan;
walang pakundangan sa
gastos at pagmamayabang
hari-harian sa social media
pabebe lang ang nalalaman
nitong mga Salome
kung tawagi'y "nepo babies"
ngunit ano mang wika
kanilang gamitin
lilitaw pa rin pinagtatakpan
nilang kababawan kailanman
di kayang bigyang katuwiran
ng mga luho at karangyaan
na pawang ka-cheapan
kahit bihisan ng ginto,
pusali pa rin ang katauhan!
Hindi mauubus
mga Herodes at Herodias
at mga Salome
hangga't mayroon sa kanila
ay tatangkilik na mga hunghang
na walang alam
at tanging pinahahalagahan
kanilang mga tiyan
at sariling kaluguran;
kaya hayaan nating muling
umalingawngaw sa ilang
panawagan at sigaw ni
Juan Bautista: tayo ay gumising
sa ating pagkakahimbing
panindigan ang katotohanan
kay Kristo lamang makakamtan!
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Retreat House, Baguio City, Agosto 2023.

Biyaheng EDSA?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Agosto 2025
Larawan mula sa Philstar.com, 2019.
Mayroon pa bang 
biyaheng EDSA
na patungong
kalayaan
karangalan
kaisahan
kaayusan
at kaunlaran
para sa sambayanan
at hindi ng iilan?
Mayroon pa bang 
biyaheng EDSA
marangal ang kalsada
puno ng pangarap
mabuting adhika
hindi ng makakapal na usok
na nakakasulasok
parang bangungot
hindi makagalaw
ayaw nang umusad
dahil sa makikitid na
isipan at pananaw
nabulok at nalugmok
sa karumihan at kaguluhan
dahil sa pagkagahaman
sa salapi at kapangyarihan?
Nasaan na mga
kagaya nina Cory Aquino
at Butz Aquino,
Joker Arroyo
at Rene Saguisag
na laang mag-alay ng
sarili sa bayan?
Wala na bang an officer and
a gentleman ang militar
tulad ni Gen. Fidel Ramos?
Wala na rin yata
ang katulad ni Jaime Cardinal Sin
na nanindigan bilang mabuti
at matapang na pastol noon
di tulad ngayon mga obispo
at pari walang kibo dahil
abala sa mga pista
na ang mga hermano
at hermana
mga pulitiko
sa pangunguna
ng governor
at mga contractor!
Larawan mula sa Philstar.com 2019.
Mayroon pa bang
magbibiyahe
sa EDSA
dahil ibig ko pa ring sumama;
higit pa sa lunan
itong EDSA na kanlungan
at duyan ng ating
makabagong kasaysayan
dapat panatilihin
sa ating puso at kalooban
pagsumakitan pa ring makamtan
tunay na kalayaan
mula sa kasamaan
upang malayang magawa
makabubuti sa karamihan
sa sama-samang pagtutulungan
hindi nang paglalamangan
dahil ang higit na katotohanan
ang EDSA ang sambayanan
na sawimpalad ay
palaging kinakalimutan,
tinatalikuran nating
lahat na mga mamamayan
kaya magulung-magulo.
Larawan mula sa wikipedia.org.

Aming Ama sa langit
ikaw ang Diyos ng kasaysayan
wala kang niloloob kungdi
aming kabutihan;
aming dalangin
ituro sa amin ang daan
pabalik sa EDSA
maski dahan-dahan
tangan tangan Krus ni Kristo
kaisa ang Mahal na Inang Maria.
Amen.

Sunrise, fried rice; sunset, pancet!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Mayo 2025
"Sunrise, fried rice
Sunset, pancet!"
ang aking laging sambit
ngunit ang aking favorite 
ay sunrise
maski wala nang
fried rice kasi maaga
akong gumising; 
sa mga "madrugeño" 
na katulad ko (early riser
sa wikang Kastila),
mayroong kakaibang alindog
itong pagbubukang liwayway 
kung saan ang liwanag ay unti-unting
sumasagitsit na kahit hindi mo
tanaw ang araw
banaag ang buhay
saan ka man lumingon
mayroong sorpresa;
kakaiba ang dapit-hapon
na palaging inaabangan
sa makukulay na tila isang palabas,
sa pagsikat ng araw
papalaoob ang landas na
tinatahak
kayat hindi lamang
ito tinitingnan kungdi 
dinarama sa kalooban.
Kaunti lamang marahil
ang nagpapahalaga
sa pagbubukang-liwayway
bukod sa mahirap gumising
ng maaga, walang masyadong
nakikita ngunit narito ang ganda
at hiwaga ng bawat umaga:
kinikilala ito katulad ng
isang bagong kakilala,
kinakaibigan hanggang
sa hindi mo na namamalayan
iyo nang nakakapalagayan
at maya-maya
ay dadantay
ang katotohanan
kayo ay kailangan nang
maghiwalay;
kaya rin naman
mas marami ang nabibighani
at nahahalina sa dapit-hapon:
malinaw na sa iyo
ang katuturan ng maghapon
na lumipas kaya
iyo na lang inaabangan
paglisan ng mabuting kaibigan
bago balutin ng dilim ang
kapaligiran
sa pagtatakip-silim.
Sunrise,
Sunset
hangganan ng bawat araw
sa ating dumarating
bagama't magkaiba
sa pandama lalo na sa ating
paningin
nagtuturo ng katotohanan
na hindi lahat nakikita
ng mga mata;
gayon din,
naroon palagi ang dilim
sa piling natin
upang higit nating mahalin
at laging hanapin
tunay na liwanag na hindi
napaparam, si Jesu-Kristo
na dumating
sa pinaka-madilim
na gabi ng buong taon
at muling nabuhay
habang madilim-dilim pa
nang unang araw ng sanglinggo;
sa pagbubukang-liwayway
at sa dapit-hapon o takip-silim man,
palaging naroon ang Panginoon
tinitiyak sa atin sa
bawat ngayon
at dito
tuloy lang ang buhay!
*Mga larawan kuha sa aking iPhone16
sa Cabo da Roca, Pundaquit, San Antonio, Zambales
Mayo 14-15, 2025.

Tula at paalala sa araw ng mga puso

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil
sa mga kinikilig
pag-inog nitong daigdig
sa araw na ito
ng mga pusong umiibig;
tiyak bibigay din
ano mang hinhin
at yumi
ng sinomang dilag
kapag nakatanggap
ng bulaklak kanino man
magbuhat.
Ngunit 
ang masaklap tuwing
katorse ng Pebrero
ang maraming pag-ibig
katulad na lamang ng
petsang dumaraan,
wala nang katapatan
at kadalisayan
mga magkasintahan
pag-ibig dinurumihan
isa't isa'y sinasaktan
at dinudungisan.
Pagmasdan
ating kapanahunan
pilit binibigyang katuwiran
kasalanan at kasamaan
matutunghayan saanman
mga larawan ng kataksilan
wala nang kahihiyan
ipinangangalandakan
mga kapalaluan
sa gitna ng kapangahasang
magmaang-maangan
na wala silang kalaswaan.
Photo by Designecologist on Pexels.com
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan 
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman 
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig 
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.

Pag-ibig ay kusang dumarating, di dapat hanapin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Sampung araw 
bago sumapit
ang Valentine's
sa akin ay lumapit
isang dalagita
nahihiyang nagtanong
bagama't ibig niyang
mabatid kung
"makakahanap po ba ako
ng lalaking magmamahal
sa akin ng tunay
at tapat?"
Ako'y nanahimik,
ngumiti at tumingin sa
dalagitang nahihiyang
nakatungo ang ulo
sa kanyang tanong
at nang ako'y magsimulang
mangusap,
mukha niya ay bumusilak
sa tuwa sa bagong
kaalaman sa pag-ibig
na matiyaga niyang
sinasaliksik.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.
Ito ang wika ko sa dalagita:
"Ang pag-ibig,"
ay hindi hinahanap
parang gamit nakakamit
dahil ang pag-ibig
ay kusang dumarating
kaya iyong matiyagang hintayin
ikaw ang kanyang hahanapin;
tangi mong gampanin
buksang palagi iyong
puso at damdamin
dahil itong pag-ibig
ay dumarating sa mga tao
at pagkakataong
hindi inaasahan natin;
banayad at mayumi
hindi magaspang pag-uugali
magugulat ka na lamang
ika’y kanyang natagpuan
palagi na siyang laman
ng puso at isipan."
"Pakaingatan din naman",
wika ko sa dalagita
"itong pag-ibig ay higit pa
sa damdamin na dapat
payabungin tulad ng mga
pananim,
linangin upang lumalim
hanggang maging
isang pasya
na laging pipiliin
ano man ang sapitin
at hantungan."
Ang pag-ibig
ay parating dumarating
ngunit kadalasan hindi
natin pansin
kung minsan tinatanggihan,
inaayawan
dahil ang ibig ay kumabig;
darating at mananatili
itong pag-ibig
sa simula na ating limutin
lahat ng para sa sarili
natin.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.

Shiminet

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Agosto 2024
Larawan mula sa Facebook, 29 Agosto 2024.
Tayong mga Pinoy
hindi mauunahan sa katatawanan
mga biru-biruang makatotohanan
sadya namang makahulugan
sumasalamin sa kasalukuyang
kabulukang umiiral
sakit na kumakalat
lumalason sa lipunan.

Pagmamaang-maangan
ng matataas nating upisyal
sa kanilang mga kasinungalingan
kapalaluang pilit pinagtatakpan
sa kahuli-hulihan kanila ring bibitiwan
sa pananalitang akala'y maanghang
kanilang unang matitikman pain sa simang
silang sumasakmal hanggang masakal; 
nguni't kakaibang tunay si Inday 
hindi nga siya isda, walang hasang
kungdi pusit hatid ay pusikit na kadiliman
tintang itim ikinakalat 
upang kalaban ay marumihan
di alintana kanyang kasamaan
di kayang pagtakpan.
Sa pagtatapos 
nitong buwan ng wika
English pa more
asar pa more
kanyang binitiwan
hanggang maging pambansang
katatawanan nang siya ay mag-slang
"shiminet" na tanging kahuluga'y
"she-may-not-like-my-answer" lamang
ngayon sana kanyang malaman
hindi rin namin gusto
kanyang answer
mga pangangatuwiran
sana'y manahimik na lang
at maghintay sa halalan.
Bago man pandinig ang "shiminet"
matagal na nating ginagamit
upang pagtakpan katotohanan;
mag-isip, laging tandaan
kasinungalingan at kasamaan
ay iisang "puwersa ng kadiliman" at
"puwersa rin ng karahasan"
ng magkakaibigang hangal!