Mga pamahiin at kaalaman turo sa atin ng paglalamay sa patay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Nobyembre 2024
Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2024.

Salamuch sa mainit na pagtanggap sa ating nakaraang lathalaing nagpapaliwanag sa ilang mga pamahiin sa paglalamay sa patay.

Sa ating pagsisikap na tuntunin pinagmulan ng mga pamahiin sa paglalamay, nakita rin natin ang kapangyarihan ng mga kaisipan ng tao na mahubog ang kamalayan at kaugalian ng karamihan sa pamamagitan ng mga ito.

Ang nakakatuwa po, mayroon namang praktikal na dahilan sa likod ng maraming pamahiin katulad po ng maraming nagtatanong, bakit daw masamang magwalis kapag mayroong patay?

Larawan kuha ni Fr. Pop dela Cruz, San Miguel, Bulacan, 2022.

Sa mga katulad kong promdi o laki sa probinsiya inabutan ko pa mga kapitbahay naming nakatira sa kubo at mga sinaunang tirahan na mayroong bubong na pawid at silong sa ilalim. Tablang kahoy ang mga sahig kung mayroong kaya at masinsing kinayas na mga kawayan kung hindi naman nakakaangat sa buhay. Ang silong palagi ay lupa din, mataas lang ng kaunti sa kalsada. Bihira naka-tiles noon. Kaya, masama ring ipanhik ng bahay ang tsinelas o bakya o sapatos kasi marumi mga ito.

Masama o bawal magwalis kapag mayroong lamay sa patay kasi nakakahiya sa mga panauhin na nakikiramay – mag-aalikabok sa buong paligid! Liliparin mga lupa at buhangin kasama na mga mikrobyo.

Marumi, sa madaling salita. Kaya ang utos ng matatanda, pulutin mga kalat gaya ng balat ng kendi o butong-pakwan. Noong mamatay Daddy ko, hindi ko matandaan kung tinupad namin pamahiing ito pero hindi ko malimutan paano nilinis ng mga kapit-bahay aming bahay nang ihatid na namin sa huling hantungan aking ama. Bagaman bawal magwalis noong lamay, asahan mo naman puspusang paglilinis ng mga kapit-bahay at kaanak pagkalibing ng inyong patay.

Kapag ako po ay tinatanong kung “naniniwala” sa pamahiin, “hindi” po ang aking sagot kasi iisa lang aking pinaniniwalaan, ang Diyos nating mapagmahal. Tandaan turo ni San Pablo noon sa marami niyang mga sulat, hindi mga ritual at kaugalian nagliligtas sa atin kungdi tanging si Kristo Jesus lamang.


Bakit lamay o "wake" 
ang pagbabantay sa patay?


Nakakatawa at marahil mahirap paniwalaan sagot sa tanong na iyan. Ang paglalamay ay hindi pagtulog sa gabi dahil sa mga gawain at gampanin kinakailangang tuparin. Wake ang Inggles nito na ibig sabihin ay “gising” tulad ng awake.

Naglalamay ang mga tao noong unang panahon lalo na sa Europa kapag mayroong namamatay upang matiyak na talagang namatay na nga kanilang pinaglalamayan. Inihihiga ang hinihinalang namatay sa mesa habang mga naglalamay ay nagkakainan at nag-iinuman upang hindi antukin; higit sa lahat, baka sakaling magising at matauhan hinihinalang patay sa kanilang ingay.

Alalahaning wala pang mga duktor noon na maaring magdeklarang pumanaw na ngang tunay ang isang tao; kaya, hindi malayo na may pagkakataong ang mga inaakalang namatay ay nag-comatose lamang. Kapag hindi pa rin nagising sa ingay ng kainan at inuman ng mga naglamay ang patay pagsapit ng bukang-liwayway, ipinapalagay nila noon na tunay na ngang patay iyon at saka pa lamang pag-uusapan ang libing.

Nang maglaon sa paglaganap ng Kristiyanidad, ang lamay na dati ay kainan at inuman, naging panahon ng pagdarasal ngunit hindi rin nawala mga kainan at inuman sa mga lamayan upang huwag antukin. At higit sa lahat, para maraming makiramay na ibig sabihin, mabuting tao namatay.


Mga salita at kaalaman
natutunan dahil sa mga patay...

Heto ngayon ang magandang kuwento mula sa kasaysayan kung paanong napagyaman ng mga tradisyon sa paglalamay ng namatay ang ating mga wika maging kaisipan. Kitang-kita ito sa kulturang banyaga tulad ng mga Inggles.

Nagtataka maraming archaeologists sa ilang mga takip ng kabaong sa Inglatera ay mayroong kalmot ng kuko ng daliri. At maraming bahid ng dugo.

Napag-alaman sa pagsasaliksik na may mga pagkakataong nalilibing mga yumao noon na hindi pa naman talagang patay! Kaya, kapag sila ay nagkamalay o natauhan habang nakalibing, pinagtutulak nila ang takip ng kabaong hanggang sa pagkakalmutin upang makalabas hanggang sa tuluyang mamatay na nga sa libingan.

Kaya naisipan ng mga tao noon na magtalaga ng bantay sa sementeryo lalo na mula alas-diyes ng gabi hanggang pagsikat ng araw na siyang pinagmulan ng katagang graveyard shift – literal na pagtatanod sa sementeryo o “graveyard” upang abangan sakaling mabuhay ang nalibing.

Larawan kuha ng may-akda, libingan ng mga pari at hermanong Heswita sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, ika-20 ng Marso 2024.

Ganito po ang siste: tinatalian ng pisi ang daliri o kamay ng bawat namamatay kapag inilibing. Nakadugtong ang taling ito sa isang kililing o bell sa tabi ng bantay ng sementeryo, yung nasa graveyard shift.

Nakaangat ng kaunti ang takip ng kanyang kabaong at hindi lubusang tinatabunan kanyang libingan upang sakaling magkamalay, tiyak magpipiglas ito sa loob ng kabaong para makalabas… tutunog ang kililing sa gitna ng dilim ng gabi para magising o matawag pansin ng bantay na agad sasaklolo upang hanguin ang buhay na nalibing.

Isipin ninyo eksena sa sementeryo sa kalagitnaan ng dilim ng gabi… at biglang mayroong kikililing? Sinong hindi matatakot sa taong nalibing na biglang nabuhay? Doon nagmula ang salitang dead ringer na ibig sabihin ay isang taong nakakatakot o kakila-kilabot. Ikaw ba namang magtrabao ng graveyard shift sa sementeryo at kalagitnaan ng gabi ay tumunog kililing… marahil magkakaroon ka rin ng tililing sa takot!

Kaugnay din nito, alam ba ninyo na mayroong nakatutuwang kuwento rin ang paglalagay ng lapida sa libingan ng ating mga yumao?

Balikan ang Bagong Tipan ng Banal na Kasulatan na nagsasaad ng isa sa mga pangunahin nating pinananampalatayanan: ang muling pagbabalik ni Jesus o Second Coming of Christ na tinuturing end of the world.

Takot na takot mga unang Kristiyano sa paniniwalang ito na baka wala pa ang Panginoon ay magsibangon kaagad mga naunang namatay sa kanila!

Ang kanilang solusyon, lagyan ng mabigat na batong panakip ang mga libingan tulad ng lapidang marmol upang hindi agad bumangon ang patay bago ang Second Coming of Christ o Parousia.

Isa iyan sa mga dahilan kung bakit sinesemento rin mga puntod at libingan: upang huwag unahan pagbabalik ni Jesus.

Larawan kuha ng may-akda, libingan ng mga pari at hermanong Heswita sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, ika-20 ng Marso 2024.

Kahalagahan ng pagsisimba...
hanggang kamatayan...
bago ilibing.

Mula sa tahanan, dumako naman tayo ngayon sa loob ng simbahan para sa pagmimisa sa mga yumao. Pagmasdan po ninyong mabuti posisyon ng mga kabaong ng mga patay kapag minimisahan.

Kapag po layko ang namatay katulad ng karamihan sa inyo na hindi pari o relihiyoso… pagmasdan ang kanilang paa ay nakaturo sa dambana o altar habang ang ulunan ay nakaturo sa mga tao o nagsisimba.

Kuha ng may-akda, 2018.

Ito ay dahil sa huling sandali ng pagpasok ng sino mang binyagan sa simbahan, siya pa rin ay nagsisimba. Pansinin na nakaturo kayang mga paa sa altar at ulo naman sa pintuan dahil kapag siya ay ibinangon, nakaharap pa rin siya sa altar, nagsisimba, nagdarasal.

Kapag pari naman ang namatay, katulad ko (punta po kayo), ang aming mga paa ay nakaturo sa pintuan ng simbahan at ulo naroon sa direksiyon ng dambana.

Hanggang sa huling pagpasok naming pari sa simbahan bago ilibing, kami ay nagmimisa pa rin ang anyo: nakaharap sa mga tao kung ibabangon mula sa pagkaposisyon ng aming ulo nakaturo sa altar at mga paa sa pintuan.

Larawan kuha ng may akda ng pinakamahal at isa sa matandang sementeryo sa mundo; mga paa ay nakaposisyon sa silangang pintuan ng Jerusalem upang makaharap kaagad ang Mesiyas na inaasahang magdaraan doon kapag dumating. Ang totoo, doon nga dumaaan si Jesus pagpasok ng Jerusalem mahigit 2000 taon na nakalipas.

Salamuch muli sa inyong pagsubaybay sa ating pagninilay at pagpapaliwanag ng ilang mga pamahiin at paniniwala kaugnay ng mga namatay. Ang mahalaga sa lahat ng ito ay patuloy tayong mamuhay sa kabanalan at kabutihan na naka-ugat palagi sa Diyos sa buhay panalangin (prayer life) na ang rurok ay ang Banal na Misa.

Huwag na nating hintayin pa kung kailan patay na tayo ay siyang huling pasok din natin sa simbahan na hindi makasalita ni makarinig o makakita. Tandaan, ang pagsisimba tuwing Linggo ay dress rehearsal natin ng pagpasok sa langit!

Kaya ngayong todos los santos, unahing puntahan ang simbahan upang magsimba. Tiyak makakatagpo natin doon ang ating yumao sa piling ng Diyos, kesa sa sementeryo napuro patay at mga kalansay. Amen.

Larawan kuha ng may-akda, bukang-liwayway sa Camp John Hay, Baguio City, Nobyembre 2018.

Shiminet

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Agosto 2024
Larawan mula sa Facebook, 29 Agosto 2024.
Tayong mga Pinoy
hindi mauunahan sa katatawanan
mga biru-biruang makatotohanan
sadya namang makahulugan
sumasalamin sa kasalukuyang
kabulukang umiiral
sakit na kumakalat
lumalason sa lipunan.

Pagmamaang-maangan
ng matataas nating upisyal
sa kanilang mga kasinungalingan
kapalaluang pilit pinagtatakpan
sa kahuli-hulihan kanila ring bibitiwan
sa pananalitang akala'y maanghang
kanilang unang matitikman pain sa simang
silang sumasakmal hanggang masakal; 
nguni't kakaibang tunay si Inday 
hindi nga siya isda, walang hasang
kungdi pusit hatid ay pusikit na kadiliman
tintang itim ikinakalat 
upang kalaban ay marumihan
di alintana kanyang kasamaan
di kayang pagtakpan.
Sa pagtatapos 
nitong buwan ng wika
English pa more
asar pa more
kanyang binitiwan
hanggang maging pambansang
katatawanan nang siya ay mag-slang
"shiminet" na tanging kahuluga'y
"she-may-not-like-my-answer" lamang
ngayon sana kanyang malaman
hindi rin namin gusto
kanyang answer
mga pangangatuwiran
sana'y manahimik na lang
at maghintay sa halalan.
Bago man pandinig ang "shiminet"
matagal na nating ginagamit
upang pagtakpan katotohanan;
mag-isip, laging tandaan
kasinungalingan at kasamaan
ay iisang "puwersa ng kadiliman" at
"puwersa rin ng karahasan"
ng magkakaibigang hangal!

Pahingalay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, Sacred heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2024.
Halina't magpahingalay
hindi lamang upang mapawi
pagod at hirap
kungdi sarili ay mabawi
sa kawalang kabuluhan
at mga kaguluhan,
pagkawindang mapigilan
kaayusan ng buhay
ay mabalikan;
limang tanong
sana makatulong
upang landas ng
makatuturang buhay
ating masundan:
Larawan kuha ng may-akda sa Alfonso, Cavite, Abril 2024.
"Nasaan ka?"

Kay gandang balikan
nang ang Diyos ay unang
mangusap sa tao,
ito ang kanyang tanong
sa lalaking nagkasala
at nagtago, "nasaan ka?"
Nang maganap unang krimen,
Diyos ay nagtanong din
kay Cain, "nasaan
kapatid mong si Abel?"

"Nasaan" lagi nating tanong
lalo na't sarili ang nawawala
tumutukoy di lamang sa lunan
kungdi sa kalagayan
at katayuan ng sarili
madalas ay sablay
at mabuway;
magpahingalay
upang tumatag at maging
matiwasay.
Larawan kuha ng may-akda sa Camp John Hay, Baguio City, 12 Hulyo 2023.
Susunod na dalawang tanong
ay magkadugtong:
"Saan ka pupunta?" at
"Paano ka makakarating doon?"

Walang mararating
at kahihinatnan
sino mang hindi alam
kanyang pupuntahan
maski na moon na tinitingala
hindi matingnan, magroadtrip
broom broom man lamang!
Muling mangarap
libre at masarap
higit sa lahat
magkaroon ng layon
na inaasam-asam!
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera sa Banff, Alberta, Canada, 07 Agosto 2024.
Nasaan ka?
Saan ka pupunta?
Paano ka makakarating doon?
Ang mga unang tatlong tanong
sa ating pamamahingalay nitong
paglalakbay ng buhay;
ika-apat na tanong naman dapat
nating pagnilayan ay
"Ano aking dadalhin sa paglalakbay?"

Marahil pinakamahalagang
dalhin ang ating sarili
hindi mga gamit
o kasangkapan
dahil kaalinsabay
ng mga dalahin
ay ating mga iiwanan din;
huwag nang magkalat ng gamit
bagkus iwanan ay bakas
ng mabuting katauhan
pagmamalasakit sa iba pang
naglalakbay sa landas nitong buhay!
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Spiritual Center, Tagaytay, 21 Agosto 2024.
Ngayo'y dumako tayo
sa huling tanong nitong
pagpapahingalay upang
mabawi ating sarii
di lamang pagod ay mapawi:
"Sino iyong kasama sa paglalakbay
sa buhay?"

Ito marahil pinakamahirap
sagutin maski harapin
dahil problema natin
hindi naman mga nabigong
pangarap at adhikain
kungdi nasira at nawasak
nating mga ugnayan
bilang pamilya
at magkakaibigan;
may kasabihan mga African,
kung ibig mong maglakbay
ng mabilis, lumakad kang mag-isa
ngunit kung ibig mong malayo marating,
magsama ka ng kasabay sa paglalakbay.
Dito ating makikita
diwa at buod ng tunay
na pagpapahingalay
o pagpapahinga:
mula sa salitang "hinga"
ang magpahinga
ay mahingahan ng iba,
mapuno ng iba;
mauubos tayo parang upos
sa dami ng ibig nating
maabot at marating,
huwag mag-atubiling
tumigil,
mamahinga,
magpahingalay
sa Panginoong Diyos
na Siya nating buhay
at kaganapan
na tiyak din nating
hahantungan
sa walang hanggang
pahingalay.
Hayaang Siya
sa ating umalalay
at pumuno ng hininga ng buhay!

Umuwi ka na Mommy…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may akda sa kanyang silid, 14 Agosto 2024.
*Salamuch sa Orange and Lemons.

Umuwi ka na Mommy:
yan lang mithi ko palagi
hindi lang masabi
nitong aking mga labi
dangan kasi hindi mangyayari;
akala ko noong dati
makakaya ko ang pighati
ng iyong pagpanaw
ngunit aking akala pala ay mali
tunay na damdamin namnamin,
ilahad at aminin sa sarili
huwag ikubli
huwag magkunwari
tiyak madadali sa huli.
Umuwi ka na Mommy:
kailanma'y hindi namin iyan nasabi
dangan nga kasi ikaw palagi
nasa tahanan at tindahan
naghihintay sa amin
at pagsapit ng takipsilim
tulad ng mga alaga mong inahin
isa-isa kaming iyong hahanapin
parang mga sisiw
bubusugin sa halimhim
ng iyong mga pangangaral
at dalangin saka ipaghahain
ng masarap at mainit na pagkain
mahirap limutin.
Umuwi ka na Mommy:
ikaw lang kasi
sa akin ang walang atubili
nakapagsasabi, nakakaramdam
at nakababatid ng lahat
dangan nga kasi
ikaw ang sa akin nagsilang
sa iyong sinapupunan
hanggang libingan
dama ko ating kaisahan
pilit ko noon hinihiwalayan
kaya ngayon aking ramdam
kay laking kawalan kahit
nag-iisa ka lang.
Larawan kuha ng may akda sa kanyang silid, 14 Agosto 2024.
*Salamuch talaga, Orange and Lemons.
Mula sa YouTube.com

Larawang nagpapaliwanag ng dilim?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Agosto 2024
Larawan mula sa foxnews.com.
Hindi mawala sa aking gunita
larawang bumantad sa balita
tila isang punyal idinarak
tagos pagkakasaksak
baon na baon hanggang buto
ang kirot at sakit
nitong kasamaan
at kasalaulaan doon sa France.
Pilit nilang ipinaliwanag
paglapastangan sa Huling Hapunan
hanggang kami pa ang hatulan
ng kamangmangan at kawalan
ng pakialam sa mga kakaiba
ang kasarian; abot-abot kanilang
pagpapaliwanag ngunit nabaon
lamang sila sa balon ng kadiliman.
Heto ngayon ang larawan
inyong pagmasdan:
walang kinakailangang
pagpapaliwanag sapagkat
hindi kailanman magliliwanag
ang kadiliman dahil ang maliwanag
na katotohanan tanging babae
at lalake lamang ang nilalang.
Sakali mang mayroon
pumailang ang gawi ng
katauhan o oryentasyon
maliwanag sa katawan
dalawa lamang ang kasarian
kahit palitan nasa labas
ang nasa loob kailanman
hindi manglilinlang.
Tiyak marami silang
sagot at mga paliwanag
kaya namang tila baga
itong Olympics ngayon ay
hindi na tagisan ng husay at
galing sa larangan
ng pangangatawan
kungdi ng isipan at paninindigan;

tanging hiling ko lang,
muling pagmasdan itong larawan
ano inyong nararamdaman?
sa boksing pa na sukdalan
ang karahasan doon pa
matatagpuan natitirang
liwanag at katinuan
ng makabagong sangkatauhan?
Larawan mula sa foxnews.com.

Pagninilay, paglilinaw sa paliwanag

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, bukang liwayway sa Lawa ng Galilea, Israel, Mayo 2019.
Unang araw 
sa buwan ng Agosto,
buwan ng wika
ako ay nakatunganga
sa pagkamangha
sa isang salita: PALIWANAG
sa wikang Inggles,
"explanation"
at kung gagamiting pandiwa
"to explain" ito ay magPALIWANAG.
Kay sarap namnamin
at damhin mga kataga
nitong ating wika
tulad ng PALIWANAG
nagsasaad ng pagbibigay
liwanag dahil mayroong
kadiliman minsa'y panlalabo
kaya nililinaw upang
matanaw, makita kahit man lang
maaninag upang matukoy, makilala.
Mahirap kasi
mag-apuhap sa gitna ng
kadiliman na kawalan ng katiyakan:
ika'y nangangapa
at nangangamba
kung ano iyong mahawakan,
makuha kaya nakakatakot
sa dilim na wala kang
nakikita dahil pati ikaw
baka tuluyang mawala pa!
Inyong pagmasdan
malaking kadiliman
na sa ati'y bumabalot
kamakailan
kaya kay raming
nagpapaliwanag
naglilinaw dahil
sa mga ginawa
at ipinahayag
na puro kaguluhan:
Waiter sa Cebu
pinagpaliwanagan
ng halos dalawang oras
habang nakatindig
sa harapan ng customer
na tinawag niyang "Sir"
na ibig ituring siya na "Mam";
kay daming paliwanag
ni "Mam" pero malabo pa rin
dahil malinaw pa sa araw
maski sa mga larawan
na siya ay Sir!
Hanggang ngayon
nagpapaliwanag pa rin
mga pasimuno ng paglapastangan
sa Huling Hapunan
ng Panginoon
na lalong nababaon
dahil maliwanag
kanilang kasinungalingan
na ang kadiliman ng kapalaluan
at kasamaan kanilang pagpugayan
taliwas sa layuning
magkaroon ng pagbubuklod at kaisahan.
Hindi lang minsan
ating narinig
masabihang
"ang labo mo naman"
kaya kinakailangang
magpaliwanag
upang maunawaan
at maintindihan
na siyang daan sa
magandang pagsasamahan.
Heto ngayon ating pagnilayan
pagbulayan aking katanungan:
nagPALIWANAG
ba ang Panginoong Jesus
sa Kanyang mga pangangaral?
Maliban sa pagpapaliwanag
ng mga talinghaga ng sarilinan
sa mga alagad,
walang ipinaliwanag
si Jesus dahil maliwanag
Siyang palagi at higit sa lahat
Siya ang Liwanag ng Sanlibutan.
Madalas hindi Siya
maunawaan, maintindihan
at matanggap ng mga tao noon
hanggang ngayon
ngunit kailanman walang binawi na salita
ang Panginoong Jesus dahil maliwanag ang lahat:
"Ako ang daan at katotohanan" (Jn.14:6),
"Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay" (Jn. 11:25)
"Ako ang pagkaing bumaba mula sa langit;
ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo
ay may buhay na walang hanggan,
at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw" (Jn. 6:54).
Nang linisin ni Jesus ang templo
sinabi sa mga tao na gibain iyon
at kanyang itatayo sa loob ng tatlong araw;
Siya ay pinagtawanan ng mga kalaban
ngunit malinaw na sinasaad sa kasulatan
nang muli Siyang mabuhay ay naunawaan
ng mga alagad ang tinutukoy Niyang templo
ay ang Kanyang Banal na Katawan (Jn. 2:18-22);
maliwanag si Jesus ay palaging malinaw
kaya kahit sa gitna ng kadiliman Siya ay maliwanag.
Lumapit tayo kay Jesus
at hayaang liwanagan Niya kadiliman
sa ating puso at kalooban
katulad nina Nicodemo at Dimas
na umamin sa kanilang kamangmangan at kasalanan
kaya natamo ang liwanag at kaligtasan;
hindi mahirap tuntunin
katotohanan at liwanag ng Panginoon natin
kung ating aaminin at aalisin
mga piring sa ating paningin
upang mabuksan puso at kalooban
sa kagandahan at dangal ng
kabutihan ng bawat nilalang
hindi ang ipangalandakan
sariling husay at kaalaman
maging antas ng kalinangan!

Tandaan at panghawakan,
tiyak na kaliwanagan ng mga salitang binitiwan
ng Panginoon sa atin sana ay magpaalaala:
"Ang nagpapakataas ay ibababa,
at ang nagpapakababa ay itataas" (Mt.23:12)