Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Disyembre 2022 *Isang tula bunsod ng nakatutuwa na awitin ng Mayonnaise.

Sino ka nga ba, Jopay? Ako ay nakikisabay, nakikibagay sa sayaw at ingay pero pramis, ang sarap sumakay sa awit sa iyo ay alay!
Jopay, gusto ko rin umuwi sa bahay simpleng buhay hawak lang pamaypay sabay kaway kaway maski kaaway!
Kung sino ka man, Jopay, totoo sabi nila sa iyo: minsan masarap umalis sa tunay na mundo, walang gulo - pero wala ding tao!
Kaya kung ako sa iyo, Jopay, kakanta na lang ako sabay sayaw: spaghetti pababa spaghetti pataas ganyan ang buhay, Jopay, isang magandang sayaw lalo na kung iyong kasabay mahal sa buhay mga kaibigan hindi ka iiwan maski kelan.
Mayroon tayong isang kasabay sa sayaw ng buhay, Jopay: tunay ka kaibigan huwag lang siya ang mawawala tiyak ika'y matutuwa sa hapis at lungkot hirap at dusa hindi mo alintana mga ito'y nalampasan mo na siya palagi mong kasama hanggang sa bahay ng Ama!
Pasensiya ka na, Jopay ako ma'y walang kasama at kausap dito sa bahay sa mundong magulo; naisip ko lang tumula para sa iyo at sa mga kagaya mo palaging masaya sa paningin pero maraming kinikimkim saloobin at pasanin kaya isang taus-pusong panalangin aking alay sa inyo, para lumigaya kayo!
*We have no intentions of infringing into the copyrights of this music and its uploader except to share its beauty and listening pleasure.