Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-8 ng Abril 2019
Mula sa Google.
Madalas nating akalain Pananahimik ay kawalan ng imik Tinitikom yaring mga bibig Di pinapansin mga naririnig.
Ang tunay na pananahimik ay pakikinig Sa gitna ng katahimikang pilit dinaraig Ibuka ang bibig dahil baka kumabig ang dibdib Manaig iniisip sa loob ng munting daigdig.
Larawan kuha ni G. Howie G. Severino ng GMA-7 News sa Taal, Batangas, Nobyembre 2018.
Taliwas na madalas na kaisipan Katahimikan ay hindi kawalan kungdi kaganapan Mundo'y hindi iniiwan bagkus tinutunguhan Niyayakap at niyayapakan upang lubos na maranasan.
Sa panahong atin ngayong ginagalawan Puro ingay at salitaan, walang unawaan Hindi mapigilan talastasan na wala namang kaliwanagan Puro kadiliman, walang naiintindihan dahil walang katahimikan.
Tanging sa katahimikan mapapakinggan Ibinubulong at kinukuyom ng ating kalooban; Gayon din naman sa katahimikan matutukalasan Kahulugan ng sinasaysay ng sino mang pinakikiharapan.
Kung ibig ninumang Diyos ay makaniig at mapakinggan Kanyang mga Salita kailanma'y hindi maiintidihan Kung ang Kanyang katahimikan ay di natin kayang sakyan Dahil ang Diyos sa Kanyang kaibuturan ay pawang kahulugan at kaganapan.
Ang talong Shifen sa Taiwan. Larawan kuha ng may-akda, Enero 2019.
Sikaping makaibigan ang katahimikan Bagama't hindi madali, ito ay maaring pagsumakitan Dahil dito lamang matatagpuan mahahalaga at walang kabuluhan Pati na mga bagay na pansamantala at pangmagpakailanman.
Sa katahimakan ating nabibistay Mga bagay na lantay at walang saysay Buhay ay nahihimay, nakikita ang tunay Kapag tayo ay naghinay-hinay sa daloy nitong buhay.
Ating pagkatao ang siyang dinadalisay Takbo ng buhay nagiging matiwasay Dahil sa katahimikan buo ang ating pagtitiwala Kasabay ang pananampalatayang walang kapantay.
Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News sa Batanes, Agosto 2018.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-01 ng Abril 2019
Sisihin aking mapaglarong isipan Dahil panahon ng halalan Paano nga kaya kung minsan Mabaligtad naman takbo nitong kwentuhan?
Mayroong magkakapatid Ang ama nila ay hindi maintindihan Hindi nila maramdaman Kung sila'y ganan niya na sobrang yabang.
Wala siyang hindi pinapatulan maging kababaihan man Dinaraan sa mararahas na usapan Pero kung maiipit sa mga salitang binitiwan Sasabihin niya na ang lahat ay biruan at kunwari lamang.
Humingi ng paumanhin nang murahin Santo Papa natin Ngunit nang ang Diyos ang kanyang lapastanganin Hindi na mailihim kanyang tililing at pagka halimaw na rin Nang ang lahat ay ibig patayin maging mga alagad ng Simbahan natin.
Kaibayo pagkakaiba niya sa lahat ng ama Na sa halip buhayin, lahat ay ibig niyang tokhangin Masasamang loob at mga makasalanan sa kanya ay walang kabuluhan Hindi niya alintana kanilang kahirapan dahilan ng kawalanghiyaan.
Sa talinghaga nagdalita ang alibughang anak Nagtika sa malaking pagkakasala saka nagbalik-loob; Kumpara sa ating nararanasan, matatagalan pa pagsadsad sa kailaliman Kaya kahambugan at kasinungalingan hindi matitigilan.
Mas mahirap pala kung ama ang siyang alibugha Dahil higit sa lahat bago maging ama ang sino man Kailangan siya muna kakitaan di lamang ng kahusayan at kagalingan Kungdi higit sa lahat ng kabutihan at katinuan.
Kung paano naluklok ang isang alibughang ama Madaling malalaman bagama't walang pupuntahan ating sisihan Mabuti pa'y tingnan ating kalooban sa sinapit nating kalagayan Di kaya dahil tayong mga anak ay alibughang puno ng pagkukulang?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-25 ng Marso 2019
Larawan mula sa Google.
Minsan ako'y nainip Walang maisip kaya nanaginip Sa pagbabaka-sakaling makamit Sari-saring mithi maging pagngingitngit.
Sa gitna ng aking mga lakbay-diwa Aking nabatid malaking pagkakaiba Nitong panaginip at pangarap Na tila baga ay iisa.
Kapag nananaginip Madalas isipa'y nasa himpapawirin Bahala na kung saan makarating Basta masiyahan kalooban natin.
Napakadaling managinip Dahil mga mata lamang ay ipipikit At dagliang sasagitsit Mga pantasyang katha ng isip.
Ang taong nangangarap o yaong may pangarap Malalim kanyang nilalayon at hinahangad sa hinaharap Inaapuhap kung paanong matutupad Kaganapan ng pangarap sa kinabukasan.
Sino mang nangangarap o basta mayroong pangarap Kanyang diwa ay tiyak na matalas Mga mata'y laging nakadilat at gising Handang abutin at tamuhin mga tanawing siya lamang nakatingin.
Nasasalamin sa buhay natin kung tutuusin Ang mas hilig gawin natin: Ang managinip at magising O mangarap at tupdin misyon natin.
Takip-silim sa Sabbath Reteat House ng mga madre ng Assumption, Baguio. Larawan ng may akda, Enero 2019. Ano ang pipiliin, m,anaginip o mangarap?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-18 ng Marso 2019
Panginoong aming mahal Sa panahong itong banal Aming dalangin kami'y palayain Sa mga sala na umaalipin sa amin.
Ito ang iyong misyon at hangarin Nang iyong sabihin at ganapin yaring propesiya: "Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon; Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya."
Kami Panginoon ang mga bihag na iyon Alipin ng mga kasalanan at kasamaan Madalas hindi namim nalalaman Kaya kami'y tulungan manhid na budhi ay mabuksan.
Kadalasan ika'y aming nalilimutan Sa aming pagkagahaman sa atensiyon at kayamanan At kung minsan nama'y tinatalikuran Sa aming kapalaluan na huwag kaming mapapangunahan.
Marami pang ibang pagkakataon Hindi ka namin nililingon Panginoon Dahil lagi kaming nakatuon Sa mga sariling pagkagumon.
Tulungan po ninyo kami, O Panginoon Na aming matunton iyong mga panuntunan; Huwag nawa kaming pakatiwala sa aming mga tuntungan Dahil ang totoo'y munti lamang ito'ng mundo na aming alam.
Isang katatawanan, laging huli na kung aming malaman Sa aming mga kasalanan wala pala kaming tunay na kalayaan Bagkus pawang mga nalinlang ng sandaling kaligayahan Kaya't kami'y mga bihag at alipin lamang.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Marso 2019
Apatnapung araw nag-ayuno si Kristo Nang siya ay tinukso ng diyablo: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, Gawin mong tinapay itong bato.”
Gutom at walang laman tiyan ni Kristo Ngunit hindi napatangay sa tukso ng diyablo Hindi siya nalito, naging matibay tulad ng bato Na buhay ng tao higit nakasalalay di lamang sa tinapay Kungdi sa Salita ng Diyos na bumubuhay, gumagabay na tunay.
Ito ang pangunahing katotohanang Dapat nating pakatandaan Na hindi sapat, at lalong di dapat Tayo ay mapuno at mabusog Ng mga bagay ng mundo upang hindi matukso at malito.
Maraming pagkakataon Lalo tayong nababaon Sa balon ng pagkagumon Kapag lahat tayo ay mayroon Na malayo naman sa naaayon.
Sa pag-aayuno tayo napapanuto Tumitibay ating pagkatao Nawawala pagkalito sa higit na totoo Na si Hesu-Kristo naparito upang samahan tayo Maiwaksi at malampasan maraming tukso.
Mangyayari lamang ito kung tulad ni Kristo Masasaid natin ating sariling kalooban Di lamang bawasan kungdi mawalan ng laman Magkaroon ng puwang sa ating kalooban Diyos na ating tanging yaman.
Larawan ng ilang sa Israel tulad marahil ng pinuntahan ni Hesus nang Siya ay tuksuhin ng Diyablo. Kuha ng may-akda noong Abril 2017. Ang unang larawan sa itaas ay mula sa Google.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Marso 2019
Kuwaresma.
Kuwarenta dias ng paghahanda Bawat araw balot ng hiwaga Ng mga salita nagmumula Sa ating Bathala.
Apatnapung araw ng pagtitiis Maraming naiinis, naiinip Ayaw subukang namnamin ang tamis Dahil ang lahat ay pinabibilis.
Ang susi ay naroon sa ating budhi Kung tayo ay makapananatili ng ilang sandali Sa bawat araw ng ating paglagi Kapiling ating Hari na kanyang sarili ibinahagi.
Tuwing kuwaresma Ating kinukuwenta mga ligayang ipinauubaya Ngunit di natin alintana Biyaya at pagpapala kapag tayo’y nagpaparaya.
Akala kasi natin tayo ay nawawalan Sa paghuhunos dili, pag-aayuno At iba pang mga gawain ng kabanalan Gayong ang totoo, napupuno tayo ng Espiritu Santo.
Kung tutuusi'y isang munting Kuwaresma Itong ating buhay araw-araw Ating pananaw namumulat na pinakamahalaga Hindi ang ating taglay kungdi ang ating inaalay at binibigay.
“Sir…o kaya’y ma’am” marahil ang bati Niyang marahan.
“Ibig ko po sanang mag-apply bilang inyong tauhan
Diyan sa inyong puso at kalooban
Na tila baga laging nabibigatan at sugatan.”
“Ang dami-rami mo nang naging mga bossing
Kaya mga utos di matalos pulos naman galos ang iyong tantos;
Subukan mo naman akong ika’y pagsilbihan
Diyan sa iyong puso at kalooban, di kita sasaktan, peksman.”
“Hindi ako magpapahinga maski ika’y kapusin ng hininga
Araw gabi ako ang iyong karamay sa lahat ng iyong away
Gagabay sa iyong mga pagpapasya at desisyon na agaw-buhay
Hindi kita bibigyan ng rason para dumaing o manghinayang.”
“Sa aking sasahurin, huwag nang alalahanin
Dahil isa lang naman ang aking hiling:
Pangakong ako lang ang iyong mamahalin at susundin
Asahan mo walang tigil na dating ng pag-ibig at pag-ibig pa rin.”
Ano pa ba ang ating mahihiling
Kung ganito ang mamamasukan sa atin?
Aba, ay atin nang tanggapin
Itong Panginoong Hesus na piniling maging ating alipin!
Aming larawan noong Abril 2017 ng pag-iistasyon ng Krus sa Jerusalem patungo sa Simbahan ng Holy Sepulcher kung saan ipinako at muling nabuhay sa Hesus. Isang napaka-gandang karanasan ng pag-ibig ng Diyos sa atin na madarama mo ng personalan sa Holy Land.