
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-18 ng Pebrero 2019
Bugtong palabugtong,
ako’y mayroong tanong:
Bakit nga ba sa tuwing ako’y napapabuntung-hininga
Ako’y sinasaway ng iba?
Walang paliwanag maibigay kanilang mga bibig
Malibang sabihing “a basta… huwag kang magbuntung-hininga!”
Kaya naman sa aking pagtataka,
Lalo pa akong napapabuntung-hininga.
Kahali-halina kasi itong pagbubuntung-hininga
Lalo na’t bigla kang mayroong nagunita
Kapos sa pananalita, walang mahagilap na kataga
Kung kaya’t humihinga na lang ng malalim.
Ito ngang Panginoong Hesus natin
Minsa’y napabuntung-hininga rin
Nang siya ay tanungin at kulitin
Ano’ng tanda kanyang maibibigay upang siya ay sambahin.
Katulad niya, tayo ma’y napapabuntung-hininga
Kapag tayo ay namamangha o napapatunganga
Sa mga pagkakataong di tayo makapaniwala
Lalo na’t hindi makita ni makuha ng iba mga bagay na kay ganda.
Sa pagbubuntung-hininga, ano mang buti at ganda
Na ating nakita, sinasariwa ng puso at alaala
Upang pagparoonan at maiwasan
Pakikipag-banggaan sa mga lilong hunghang.
Maganda at mabuti ang pagbubuntung-hininga
Naaabot katotohanang nakabaon sa kaibuturan natin
Hindi kayang ituring ni sabihin ng bibig natin
Liban nitong puso na parang hanging hininga natin.
