Hindi ka nag-iisa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 24 Marso 2024
Ikaapat na Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ni San Francisco Javier, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 20 Marso 2024.

Mula sa tanghaling tapat hanggang ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus, “ELOI, ELOI, LEMA SABACHTANI?” ibig sabihi’y “DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”

Mateo 27:45-46

Sa tagpong ito ating mababanaagan kadakilaan ng pagmamahal sa ating lahat ng Diyos, Siya na ganap, walang kapintasan at kakulangan (perefect) ay piniling maging katulad nating hindi ganap (imperfect) bilang tao sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan kay Kristo Jesus.

Pinili at mas inibig ng Diyos kay Kristo na maging tao upang maranasan hirap at sakit natin maging ang kamatayan, lalo’t higit ang magdusa at mamatay na nag-iisa at iniwanan ng lahat doon sa Krus.

Ano mang paghihirap at pagdurusa ay nagiging napakabigat kapag ika’y nag-iisa, na walang kasama ni karamay. Ito pinakamasaklap sa panahon natin ngayon maging sa ating bansa na dati rati’y walang mga bahay ampunan para sa matatanda ngunit nagyon ay naglipana na dahil sa maraming matatanda ang iniiwan, tinatalikuran di lamang ng mga kamag-anakan kungdi pati ng lipunan. Ito ang dahilan kung bakit si Santa Mother Teresa ay bumuo noon ng samahan na mag-aalaga sa mga tinaguriang “poorest of the poor” sa India nang makita niya maraming may-sakit sa Calcutta namamatay nang mag-isa. Hindi lamang ito totoo sa mga mahihirap na lugar kungdi maging sa mga mauunlad na lupain ay maraming matatanda ngayon ang namamatay na lamang ng mag-isa sa buhay.

Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, 2023.

Iyan man ay pinagdaanan ni Jesus lalo na noong ipinako siya sa krus na halos iwanan siya ng lahat. Sa labingdalawang alagad niya, naghudas ang isa habang ang pinuno naman nila ay ikinaila siya ng tatlong ulit kaya’t nagtago noon kasama ang iba pang mga alagad. Tanging si Juan na minamahal na alagad ang nanatili sa paanan ng krus ni Jesus kasama ang kanyang Ina na si Maria at ilan pang mga kababaihan.

Nasaan ang mahigit limang libong tao na pinakain ni Jesus sa ilang? Wala din doon ni isa sa mga pinagaling niyang mga may-sakit. Nawala at naglaho ang lahat ng tao na tuwang-tuwang sumalubong kay Jesus noong Linggo ng Palaspas.

Ngunit kailan man ay hindi naramdaman ni Jesus ang pagiging mag-isa doon sa Krus. Tulad ng sino mang mabuting Judio, dinasal ni Jesus noon ang Salmo 22, ang awit ng panaghoy, ng pagpapakasakit at buong pagtitiwala sa Diyos.

Ito ang mabuting balita ng pagkamatay ni Jesus sa Krus: mula noon tayong mga tao ay hindi na mag-iisa sa mga hirap at tiisin nitong buhay maging kamatayan dahil kasama na natin ang Diyos kay Jesus.

Ito ang ating consolation o consuelo, wika nga.

Mula sa dalawang katagang Latin na con (with) at solare (alone) na ibig sabihin ay samahan ang nag-iisa, naging pinakamalapit at tunay na kaisa tayo ng Diyos sa tuwing tayo ay nasa gitna ng mga tiisin at hirap sa buhay maging kamatayan dahil sa pagdamay sa atin ni Jesus doon sa Krus upang sa gayon sa kanyang muling pagkabuhay tayo man ay kanyang makasama at makaisa.

Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tiutukso.

Hebreo 2:18

Sa tatlong taon kong pagiging chaplain sa Our Lady of Fatima University at Fatima University Medical Center, nakita ko at naranasan sa maraming pagkakataon paano mga tao – bata man o matanda, mahirap at mayaman, may sakit o karamdaman maging mga malalakas at malusog ang pangangatawan – ay nararanasan ang pangungulila at pag-iisa sa gitna ng kanilang mga paghihirap at pagdurusa sa buhay. Marami sa kanila ang mag-isang umiiyak kasi maraming ginagawa o nasa kung saan-saan kanilang mga mahal sa buhay. Maraming pagkakataon nga naitatanong ko na lang kung mayroon pa bang umuuwi ng bahay o nakatira sa kanilang tahanan? Is anybody still home?

Larawan ng convolvulus tricolor mula BBC Gardeners World Magazine.

Halina at ipagdasal ang bawat isa, lalo na yaong mga nahihirapan, nagtitiis ng mag-isa sa buhay:

Diyos Amang mapagkalinga,
ibinigay mo sa amin
ang Iyong Anak na si Jesus
upang aming maranasan Iyong
pag-ibig at habag,
ang Iyong pagpapagaling at pagkandili,
ang Iyong kapanatilihan at kapayapaan
upang hindi na kami mag-isa pa sa buhay na ito;
maalala nawa naming palagi
na kung kami man ay dumaraan sa
napakatinding pagsubok sa buhay
na tila nag-iisa at walang karamay,
naroon si Jesus pinakamalapit sa amin
dahil Siya ang unang nagpakasakit
at namatay doon sa Krus
para sa amin.
Amen.

Jopay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Disyembre 2022
*Isang tula bunsod ng nakatutuwa na awitin ng Mayonnaise.
Sino ka nga ba, Jopay?
Ako ay nakikisabay,
nakikibagay sa sayaw at ingay
pero pramis,
ang sarap sumakay 
sa awit sa iyo ay alay!
Jopay, 
gusto ko rin umuwi sa bahay
simpleng buhay 
hawak lang pamaypay
sabay kaway kaway
maski kaaway!
Kung sino ka man, Jopay,
totoo sabi nila sa iyo:
minsan masarap umalis
sa tunay na mundo,
walang gulo -
pero wala ding tao!
Kaya kung ako sa iyo,
Jopay, kakanta na lang ako
sabay sayaw:
spaghetti pababa
spaghetti pataas
ganyan ang buhay, Jopay,
isang magandang sayaw
lalo na kung iyong kasabay
mahal sa buhay 
mga kaibigan
hindi ka iiwan
maski kelan.
Mayroon tayong
isang kasabay
 sa sayaw ng buhay, Jopay:
tunay ka kaibigan
huwag lang siya ang mawawala
tiyak ika'y matutuwa
sa hapis at lungkot
hirap at dusa
hindi mo alintana
mga ito'y nalampasan mo na
siya palagi mong kasama
hanggang sa bahay ng Ama!
Pasensiya ka na, Jopay
ako ma'y walang kasama
at kausap dito sa bahay
sa mundong magulo;
naisip ko lang tumula para sa iyo
at sa mga kagaya mo
palaging masaya sa paningin
pero maraming kinikimkim
saloobin at pasanin
kaya isang taus-pusong panalangin
aking alay sa inyo,
para lumigaya kayo!

*We have no intentions of infringing into the copyrights of this music and its uploader except to share its beauty and listening pleasure.

From YouTube.com

Santa Maria Magdalena, kaagapay sa kadiliman sa buhay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Hulyo, 2022
Larawan ng fresco sa Simbahan ni San Francisco sa Assisi, “Noli Me Tangere” na ipininta ni Giotto de Bondone noong ika-13 siglo. Mula sa commons.wikimedia.org.
Ngayong palaging makulimlim 
ating panahon, ulan ay bumubuhos
katulad ng unos at kadilimang
bumabalot sa buhay ng karamihan,
kay gandang paglimi-limihan
at dasalan tagpo sa libingan ni Jesus
nang ito'y puntahan ng mga kababaihan
sa pangunguna ni Maria Magdalena
noong Siya ay muling nabuhay.

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na batong panakip sa pinto ng libingan. Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng ng bangkay ni Jesus, and isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Lumingon siya… at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.

Juan 20:1, 11-12, 14
Larawan mula sa GettyImages/iStockphoto.com.
Maraming pagkakataon
kapag labis ang aming hapis
Panginoon, ika'y hindi namin
nakikilala gayong katabi ka namin pala!
Katulad ni Santa Maria Magdalena marahil
ay mugto aming mga mata sa pagtangis
at dalamhati sa pagpanaw ng mahal
namin sa buhay o dili kaya habang 
nagbabantay sa naghihingalong mahal sa buhay.
Hindi ka rin namin makilala, Panginoon
katulad ni Santa Maria Magdalena
sa tuwina kami'y nagbabata ng hirap
at sakit dahil mahigpit aming kapit,
pilit ibinabalik nagbabaka-sakaling
mapanatili mga nagisnang gawi,
pakikipag-ugnayan sa pumanaw naming
mahal o sa nag-aagaw buhay na tiyak
kami'y iiwanan nang lubusan.

Tinanong siya ni Jesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko. “Maria!” ani Jesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” – ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama,” wika ni Jesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’s pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Jesus.

Juan 20:15-18
Larawan kuha ng may-akda,pagbubukang-liwayway sa Camp John Hay, Baguio City, Nobyembre 2018.
Panginoon, kami ay tulungan
kung maari tawagin din sa pangalan
upang ikaw aming makilala at 
maranasan sa piling namin
kung kami'y nabibigatan at
nadidiliman dahil iyong dahilan
sa pagparito ay upang kami ay samahan
pagaanin mga pasananin at hanguin 
tungo sa bagong buhay kaloob mo sa tanan.
Nawa katulad ni Santa Maria Magdalena
ikaw ay lubusan naming makilala
upang sa amin mabanaagan sinag ng
iyong galak at katuwaan, mga palatandaang
tunay ngang ikaw ay aming nakita,
maihayag sa salita at gawa Iyong mga
habilin huwag matakot sa dilim,
krus ay palaging pasanin,
yakapin kamatayan upang ika'y makapiling.
Santa Maria Magdalena
kay Jesus kami ay ipanalangin
kasamaan tuluyan na naming lisanin
kabutihan pawang aming gawin;
mga pumanaw naming mahal sa buhay
ipanalangin mo rin, Diyos ay sapitin
habang mga naghihingalo sa amin
loob ay palakasin, buhay na sasapitin
walang kahulirip at maliw!  Amen.
Larawan kuha ng may-akda, Jerusalem, 2017.