Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, Ika-25 ng Enero, 2024
Gawa ng mga Apostol 22:3-16 ><}}}*> + ><}}}*> + ><}}}*> Marcos 16:15-18

“Magbago ka na!” Iyan ang mga salitang madalas nating marinig at sinasabi sa mga tao na alam nating mayroong masamang pag-uugali at gawain. Madalas bitiwan mga salitang iyan tuwing Bagong Taon at mga Mahal na Araw.
Ngunit, maari nga ba talagang magbago ng pag-uugali o ng pagkatao ang sino man? Ibig bang sabihin yung dating iyakin magiging bungisngis o dating madaldal magiging tahimik? Iyon bang matapang kapag nagbago magiging duwag o dating palaban magiging walang kibo at imik?
Kung isasalin sa sariling wika natin ang salitang “conversion”, nagpapahiwatig ito ng pagbabago tulad ng na-convert sa ibang relihiyon o sa ibang anyo o gamit. Ngunit sa bawat pagbabago, mayroong higit na malalim na nababago na hindi namang ibig sabihin ay nag-iiba o naging different.

Kasi iyong sinasabing conversion ni San Pablo o ng sino pa mang tao ay hindi naman pagbabago ng pagkatao kung tutuusin; sa bawat conversion, hindi naman nababago ating pagkatao talaga kungdi ating puso na naroon sa ating kalooban.
Kaya tinatawag itong pagbabalik-loob, di lamang pagbabagong-buhay.
Binabalikan natin ang Diyos na nananahan sa puso natin, doon sa kalooban natin.
Higit na malalim at makahulugang isalin ang conversion sa katagang “pagbabalik-loob” dahil ang totoo naman ay bumabalik tayo sa Diyos na naroon sa loob ng ating sarili.
Dito ipinakikita rin na likas tayong mabuti sapagkat mula tayo sa Diyos na mismong Kabutihan. Kailangang pagsisihan mga kasalanan, talikuran at talikdan kasamaan na siyang mga balakid sa ano mang pagbabalik-loob at saka pa lamang mababago ating pamumuhay.
Katulad ni San Pablo, sino man sa atin na makatagpo sa liwanag ng Diyos, nagiging maliwanag ang lahat kayat atin nang hahangarin ang Diyos na lamang at kanyang kalooban. Nananatili ating katauhan at pag-uugali ngunit naiiba direksiyon at pokus.
Kapansin-pansin na bawat nagkakasala wika nga ay malayo ang loob sa Diyos na ibig sabihin ay “ayaw sa Diyos” gaya ng ating pakahulugan tuwing sinasabing “malayo ang loob”. Ang nagbabalik-loob ay lumalapit, nagbabalik-loob at pumapaloob sa Diyos.

Isang magandang paalala sa ating lahat itong Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo na hindi malayo at hindi rin mahirap maabot, bumalik sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Maari itong mangyari sa gitna mismo ng ating sira at maruming sarili.
Hindi nabago pagkatao at pag-uugali ni San Pablo kung tutuusin: nanatili pa rin siyang masugid, matapang at masigasig. Nabago lamang ang direksiyon at pokus o tuon ng kanyang pag-uugali at pagkatao. At siya pa rin iyon. Inamin niya sa ating unang pagbasa ngayon na siya ay “isang Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia ngunit lumaki rin sa Jerusalem. Nag-aral kay Gamaliel at buong higpit na tinuruan sa Kautusuan ng mga ninuno at masugid na naglilingkod sa Diyos” (Gawa 22:3).
Nanatiling masugid sa Diyos si San Pablo ngunit naiba na ang batayan na dati ay sa mga Kautusan at tradisyon ngunit sa kanyang pagbabalik-loob, si Jesu-Kristo na ang batayan ng kanyang pananampalataya. Personal niyang naranasan si Jesus kaya gayon na lamang kanyang pagiging masugid na alagad. Sinasabing kung hindi siya nadakip at nakulong hanggang sa patayin marahil ay umabot siya sa Africa sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.
Hindi rin nabawasan kanyang tapang; bagkus pa nga ay higit pa siyang tumapang. Lahat ng hirap tiniis niya at hinarap gaya ng pambubugbog sa kanila, ma-shipwreck sa isla, mabilanggo ng ilang ulit at ni minsan hindi umatras sa mga balitaktakan at paliwanagan sa mga Judio at maging kay San Pedro ay kanyang kayang salungatin at pagsabihan kung kinakailangan.
Gayon na lamang ang malasakit ni San Pablo sa Panginoong Jesu-Kristo at kanyang Mabuting Balita kaya naman sabay ang pagdiriwang ng kanilang Dakilang Kapistahan ni San Pedro tuwing ika-29 ng Hunyo dahil magkapantay kanilang kahalagahan sa pagpapatatag, pamumuno at pagpapalaganap ng pananampalataya at Simbahan.

Alalaong-baga, katulad ni San Pablo, ano man ating pagkatao at pag-uugali siya pa ring mga dahilan kaya tayo tinatawag ng Panginoon upang maglingkod sa kanya; ililihis at ihihilig lamang niya mga ito ayon sa kanyang panukala at kalooban.
Kaming mga pari kapag inordenahan ay ganoon pa rin naman pagkatao at pag-uugali ngunit nababago direksiyon at tuon sa bagong estado ng buhay at misyon.
Gayun din ang mga mag-asawa. Lalabas at lalabas tunay na pagkatao at pag-uugali ngunit hindi iyon mga sagwil upang lumago at lumalim sila sa pagmamahalan at pagsasama bilang mag-asawa.
Wika nga sa Inggles, “God does not call the qualified; he qualifies the call.” Maraming pagkakataon tinatawag tayo ng Diyos maglingkod sa kanya di dahil sa tayo ay magagaling at mahusay; madalas nagugulat pa tayo na mismong ating kapintasan at kakulangan ang ginagamit ng Diyos para tayo maging mabisa sa pagtupad sa kanyang tawag.
Madalas at hindi naman maaalis na sumablay pa rin tayo at sumulpot paulit-ulit dating pag-uugali. Kaya naman isang proseso na nagpapatuloy, hindi natatapos ang pagbabalik-loob sa Diyos. Araw-araw tinatawagan tayong magbalik-loob.

Gaya ni San Pablo nang siya ay ma-bad trip kay Juan Marcos na iniwan sila ni Bernabe sa una nilang pagmimisyon. Batay sa kasulatan, ibig pagbigayn pa ni San Bernabe na muling isama si Juan Marcos sa pangalawang pagmimisyon nila ngunit mariin ang pagtanggi at pagtutol ni San Pablo kaya’t sila ay naghiwalay ng landas bagamat nanatili silang mga alagad ni Kristo. Sa bandang huli naman ay nagkapatawaran sila.
Ganoon din tayo, hindi ba? Walang perfect. Ang mahalaga araw-araw nagbabalik-loob tayo sa Diyos dahil araw-araw lumiligwak din tayo sa ating maling pag-uugali at mahunang pagkatao.
Higit sa lahat, sa ating patuloy na pagbabalik-loob, doon lamang magiging maliwanag sa ating ang kalooban ng Diyos na palagi nating inaalam sapagkat batid nating ito ang pinakamabuti para sa atin. Ang kalooban ng Diyos ang magtuturo sa atin ng tamang landas na tatahakin upang ating buhay ay maging ganap at kasiya-siya.
Subalit kadalasan tayo ay nabibigo, naguguluhan kung ano ang kalooban ng Diyos dahil akala natin para itong tanong na isang pindot ay malalaman kaagad ang sagot tulad ng sa Google. Mahirap mabatid kalooban ng Diyos kung tayo ay malayo sa kanya dahil sa mga kasalanan. Kaya tulad ni San Pablo, idalangin natin sa Ama sa pamamagitan ni Jesu-Kristong Anak niya na magpatuloy tayo sa pagbabalik-loob upang manatili tayong nakapaloob sa Diyos. Amen. San Pablo, ipanalangin mo kami!