Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2023

Noong bata ako buong akala ko ang paglalamay at pakikiramay ay iisa. Alalaong-baga, kapag may lamayan, mayroong namatay at paraan iyon ng pakikiramay. E hindi pala ganun!
Sa aking pagtanda at pagkamulat sa wika, higit sa lahat sa buhay na palaging kaakibat pagkamulat din sa kamatayan, napagtanto ko na bagaman magkaiba ang lamay at ramay, malalim at matalik ang ugnayan ng dalawang kataga.
Ang paglalamay ay pagpupuyat, tulad ng pagsusunog ng kilay o pag-aaral sa gabi. Maari din itong hindi pagtulog sa magdamag upang matapos ang isang proyekto at gawain. Naglalamay din bilang bahagi ng gampanin at tungkulin tulad ng mga nagtatrabaho ng pang-gabi o graveyard shift gaya ng mga pulis, mamamahayag, drayber, mga viajero at mga nasa call center.
Maraming pagkakataon sa paglalamay ikaw ay may kasamang nagpupuyat upang tulungan na tapusin ang gawain o gampanan ang tungkulin. Sa paglalamay, palaging mayroong kasama upang tulungan tayong malampasan ano mang pagsubok na pinagdaraanan. Doon nagsasalapungan ang dalawang kataga ng lamay at ramay: sa gitna ng kadiliman ng gabi, mayroong maasahang kasamang nakikibahagi at nakikiisa sa pagdurusan at hirap na pinagdaraanan.

Napakaganda ng larawang sinasaad ng lamay at ramay – ang kadiliman ng gabi. Sa bibliya, ang gabi at kadiliman ay sumasagisag sa kapangyarihan ng kasamaan.
Ipinanganak si Jesus sa pinakamadilim na gabi ng buong taon, mula Disyembre 23 hanggang 25. Malinaw na pagpapahayag ito ng pakikiramay ng Diyos sa kadiliman ng ating buhay. Doon siya palaging dumarating kung tutuusin.
Huwag nating pag-alinlanganan katotohanang ito na muli nating natunghayan noong Huling Hapunan ng Panginoon na naganap sa pagtatakip-silim ng Huwebes Santo. Kinagabihan si Jesus ay nanalangin sa halamanan ng Getsemani ngunit tinulugan ng tatlong malalapit na mga alagad. Huli na ang lahat nang sila ay magising nang dumating si Judas Iskariote, isa sa kanilang mga kasamahan na nagkanulo kay Jesus sa kadiliman ng gabi.
Anong saklap na walang karamay si Jesus sa paglalamay na iyon na nagpatuloy sa kanyang paglilitis sa Sanhedrin kung saan naman tatlong ulit siyang tinatwa ni Simon Pedro habang nasa labas ng tahahan ng punong pari. Kaya nga kung sakali man tayo ay nasa napakadilim na yugto ng buhay at tila nag-iisa, alalahaning si Jesus ay ating kapiling, nakikiramay sa atin dahil siya ang naunang nakaranas na maglamay ng walang karamay! Kanya itong binago at tiniyak na hindi na mauulit kanino man upang siya ay makaramay sa bawat lamay ng ating buhay nang siya ay muling mabuhay, nagtagumpay sa kamatayan at kasamaan sa gitna rin ng kadiliman ng gabi.

Kamakailan ay dumadalas aking pagmimisa sa mga lamayan ng mga yumaong mga kamag-anak at kaibigan. Noon pa man lagi nang nasasambit ng mga kaibigan bakit nga ba hindi tayo magkita-kita habang buhay pa kesa naman doon na lamang palagi nabubuo pamilya at barkada sa lamayan ng namamatay?
Tama rin naman kanilang bukambibig sa mga lamayan. Ano pa ang saysay ng pagsasama-sama gayong nawala na at pumanaw ang mahal sa buhay?
Ngunit kamakailan ay napagnilayan ko rin na tama lamang na magkita-kita tayo sa mga lamayan upang ipahayag ating pakikiramay dahil naroon tayo hindi lamang upang makidalamhati kungdi magpuri at magpasalamat din sa isang yumao. Wika nga ng marami, lamay lamang ang hindi ipinangungumbida kasi doon masusukat tunay na kabutihan ng isang tao sa kanyang pagpanaw: kung marami ang naglamay at nakiramay, ibig sabihin, mabuti siyang tao, mapakisama, laging karamay noong nabubuhay pa.
Napagtanto ko ito sa nakakatawang pagkakataon; kundangan kasi, bilang mula sa mga sinaunang panahon, para sa akin ang pakikiramay ay dapat seryoso. Malungkot nga dapat at nakikidalamhati. Hirap na hirap ako noong matanggap ang picture taking sa lamayan! Iskandalo kung baga sa akin ang magpose at picture-taking sa lamayan, lalo na sa tabi ng labi ng yumao. Paano ka namang ngingiti e mayroong ngang patay at namatayan?

Nakatutuwang isipin kung paanong itinuro sa akin ng teknolohiya ang malalim na kahulugan ng pakikiramay sa paglalamay. Na ito ay higit sa lahat pagdiriwang ng buhay, pagpupugay at pasasalamat sa magandang samahan na ating tinitiyak na magpapatuloy pumanaw man ating kaibigan at kamag-anakan. Ang ating pakikiramay ay hindi lamang pagpadarama ng pakikiisa sa dalamhati kungdi pagtiyak ng pagkakaisang ito sa pagmamahal, pasasalamat at pag-alala tuwina sa isang pumanaw at kanilang mga naulila.
Mainam pa rin makadaupang-palad mga kamag-anak at kaibigan habang nabubuhay ngunit hindi pa rin huli ang lahat na sakali man dala ng maraming kadahilanan tayo ay makiramay tuwing mayroon lamay dahil ang totoo’y buhay pa rin ating ipinagdiriwang. Ito ang dahilan kaya ating tawag sa pumapanaw ay hindi namatay kungdi sumakabilang buhay. Balang araw siya ring ating hantungang lahat kung saan ang lamay at ramay ay iisang katotohanan na lamang na kung tawagi’y, pag-ibig.
