Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Hulyo 2020
Sa gitna nitong mga balita sa garapal at walang kahihiyang ginawa ng pitumpung mambabatas na nagkait ng prangkisa sa Kapamilya aking naalala sa Banal na Bibliya kuwento ni San Lucas na ebanghelista nang ang Panginoong Hesus humirang noon pitumpung alagad o pitumput-dalawa na sinugo Niya ng dala-dalawa sa bawat pook at bayan na patutunguhan Niya.
Sinabi Niya sa kanila "Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa... Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag na kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, batiin ninyo ng kapayapaan; Manatili kayo sa inyong tinutuluyan, huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. Pagalingin ang mga may karamdaman sa bawat bayan na inyong pupuntahan mga taumbayan ay sabihang nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa tanan."
Inyong tingnan sa Banal na Kasulatan ito ay malalaman, matatagpuan sa Lucas 10:1-12 kahanga-hangang misyon ng pitumpung alagad ng ating Panginoon noong unang panahon hatid sa tao pag-asa at pag-ahon; inyong tingnan ngayon mga pahayagan pakinggan mga balita ng labis na kasamaan kawalan ng kahihiyan ni pakundangan nitong pitumpung nilalang turing sa sarili at mga kasamahan "kagalang-galang"?
Sila ma'y pinahayo, sinugo ng pinapanginoon nilang Poncio Pilato asal nila masahol pa sa asong-gubat kaayusan at kapayapaan tinapakan at niyurakan ng kanilang kapalaluan; sa bawat halalan pangako paglilingkuran nasasakupan agad namang tinatalikuran palipat-lipat ng kakampihan kung saan makikinabang sa sama-samang pagsamsam sa kaban ng bayan; kunwari'y mabuti ang kalooban kaban-kabang bigas pinamimigay milyung-milyong kapalit naman ang dinudugas; kunwari'y malasakit para sa may-sakit pakilala sa lahat ay kuya na tila kapamilya pati turo ng Diyos sinasalaula manang mana sa kanyang ama.
Sa pagsusugo ni Hesus sa pitumpung alagad Niya binigay din Kanyang babala Araw ng Paghuhukom malapit na; kaya sana itong pitumpung kongresista pati na kanilang mga kasama mabatid ang usapin ay hindi lang prangkisa kungdi kanilang pagmamalabis; huwag ninyong punuin ang salop dahil ang Diyos Siyang kakalos at baka sapitin ninyo ay kalunus-lunos.



