Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Mayo 2020
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Kapansin-pansin
mga pangyayari sa quarantine
nang tila kalusin ng COVID-19
mga kalabisan sa buhay natin
tulad nitong social distancing.
Kung tutuusin
ang sinasabing new normal
ay aral ating tinalikuran
ngayon ay naging sampal
sa ating pagiging hangal
sa di pagpansin sa ating kapwa
dahil tuon ng ating mga paningin
ay mga bagay na maningning
animo'y ginto na kumakalansing
ngunit malansa nang amuyin
dahil tanso lang rin!
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Halina at paglimi-limihan
pangunahing katotohanan
na ating kinalimutan, iniwan
ngayon ay binabalikan
kahalagahan ng bawat isa
bilang kapatid at kapwa
na dapat mahalin, huwag hamakin
sapagkat itong buhay natin
kaloob ng Diyos na mahabagin
dapat ingatan, di dapat sirain o sayangin.
Ano mang kabutihan maaring gawin
ipadama ngayon din,
huwag hintayin maagaw ng COVID-19
at baka maski sa paglilibing
hindi rin tayo makapaghabilin
ng pabaon na pagmamahal natin.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Marami pang ibang kalabisan
na dapat nating pinagsisihan
at ginawan ng paraan upang
buhay sana'y naging makahulugan;
sa ating pagpapaliban,
inabutan nitong pandemya
na siyang kumalos sa punong salop
upang ipamukha sa atin
ang tunay na kapangyarihan
ay wala sa lakas at karahasan
kungdi naroon sa kahinaan at kawalan
tulad ng virus mula sa Wuhan -
hindi natatanawan ngunit bagsik
ay napakalupit, lahat ng bansa
napahinuhod, napilitang dumapa
hanggang ngayon hindi makapagsimula.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Paano tatakbo ating buhay
ngayong quarantine
kung wala mga tinagurian
mga frontliners na tahimik gumagawa, naglilingkod
kahit maliit ang sahod
kumpara sa mga bossing at mga titulado?
Nasaan mga artista at atleta pati na mga kongresista
nagpasasa sa malalaking kita
ngayon hindi makapagpakita?
Ito nga namang tadhana
madalas wala sa ating pantaha ni hindi sumagi sa isip
patutunguhan nitong kinabukasan
puno ng kabalintunaan na alalaong baga
walang maaring panghawakan bagkus pakaingatan
ng sino mang nakatindig, kahit pa nakasandig
tiyak mayroong higit na makadaraig!