Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Abril 2020

Nakapanlulumo kung iisipin itong sinapit natin sa COVID-19 sa isang iglap, kaagad-agad takbo ng ating buhay tila nasagad tayo ay sumadsad sa kaabahan na dati ni hindi sumagi sa ating isipan na tayo ay walang puwedeng panghawakang kapangyarihan na maaring ipagyabang.
Aanhin ang pera at kayamanan wala ka namang mabili o mapuntahan sarado ang lahat pati ang simbahan lansangan walang laman lahat natigilan, natauhan sa katotohanan tayo ay tao lamang sa mahabang panahon ay nahibang sarili ay nalinlang sa maling katotohanan.

Kay gandang pagmasdan nakakakilabot hanggang kaibuturan pananabik ng mga tao masilayan Panginoong Jesu-Kristo sa Santisimo Sakramento at Santo Entierro hanggang sa Señor Resuscitado ng Pasko ng Pagkabuhay nang lahat kumaway maging sundalo tinaas mga kamay sa pagpugay.
Suko kami sa inyo, Panginoon tinalikuran ka namin noon: ang pagkamakasarili sa amin ay lumamon at sa nakakalasong ilusyon, kami naluom kaya kami ay iyong hanguin sa pagkakabaon ibangon upang muling makatugon sa iyong tawag at hamon limutin ang sarili pasanin ang Krus upang kasama mo kami makaahon.
