Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Nobyembre 2021
Larawan mula sa Parokya ni San Martin ng Tours sa Bocaue, Bulacan.
Mula pa sa aming kabataan
palaging nilalarawan kabutihan
ng Patron naming mahal
San Martin ng Tours sa France
kung paano niyang hinati
kanyang kapa upang damitan
at huwag malamigan dukhang
matanda nakasalubong sa daan.
Kinagabihan ay kanyang napanaginipan
Panginoong Jesus sa kanyang paanan
tangan-tangan kapang ibinigay sa
matandang tinulungan, kaganapan ng
kanyang katuruan na ano mang kabutihan
ang inyong gawin sa mga maliliit at
nahihirapan ay siya rin ninyong
ginagawa sa Kristo na sa atin nakipanahan.
Nguni't hindi lamang iyon ang hiwaga
ng kapa ng ating Patrong mahal
na dating kawal, sanay sa mga digmaan:
nang siya ay mabinyagan,
hinasa niya kanyang isipan upang matutunan
mga aral ng pananampalataya na kanyang
dinalisay sa taos-pusong pananalangin
kaya't lubos siyang napaangkin sa Panginoon natin.
Upang maging mataimtim
sa kanyang pananalangin,
nagtutungo si San Martin sa kagubatan
at hinuhubad suot niyang kapa upang
isampay at ibitin upang sakali man
siya ay kailanganin,
madali siyang tuntunin
tanging kapa niya ang hahanapin.
Mula sa "kapa" ni San Martin
na noo'y kawal sa France
nanggaling salita na "kapilya"
na mula sa "chapele" ng mga Pranses
na tumutukoy sa kanyang kapa na hinuhubad
tuwing nananalangin at ngayon gamit natin
sa munting pook-dalanginan upang tulad
ni San Martin taimtim din tayong makapanalangin.
Kay sarap pagnilayan at tularan
halimbawa ni San Martin ng Tours:
hinubad kanyang "kapa" ---
kapangyarihan at katanyagan
upang maramtan ng katauhan
ni Kristo-Jesus na "hinubad kanyang
pagiging katulad ng Diyos upang mamuhay
bilang alipin tulad natin" (Fil.2:7)!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Oktubre 2020
Larawan nina San Juan Pablo II at San Juan XXIII kasama isa sa mga matandang imahen ng aming Patron San Juan Apostol at Ebanghelista sa likuran ng aming simbahan sa Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan.
PANALANGIN KAY SAN JUAN APOSTOL AT EBANGHELISTA KAUGNAY NG MGA BAGONG SANTO NG SIMBAHAN: PAPA JUAN PABLO II at PAPA JUAN XXIII(Bahagi ng aming mga Panalangin sa Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan mula nang itanghal bilang Santo ang dalawang naturang dating Santo Papa noong 27 Abril 2014, Linggo ng Dakila Awa ng Diyos.)
Minamahal naming Patron na Banal,
Juan Apostol at Ebanghelista po ang inyong ngalan!
Ngayo'y aming ipinagdiriwang sa buong Simbahan
dalawang bagong Banal: Kapwa sila pastol ng kawan,
nang manungkula'y pangalan mo ang hiniram.
San Juan Beinte-tres nang sa kanyang katandaan tuladmo,
Sinikap maging makabuluhan at buhay na palatandaan ng Diyos
sa gitna ng makabagong panaho nitong InangSimbahan
nang kanyang simulan ang Ikalawang Konsilyo sa Vatican.
Kasabay niyang tinanghal bilang Banal
ang tinaguriang Dakilang San Juan-Pablo Ikalawa;
Labis na pagtitiis ang kinamit sa kanyang sakit,
Krus ay sinapit, katulad mo’y naging malapit
sa Ina ni Hesus kaya’t “Totus Tuus” ang kanyang awit.
Itulot mo aming Mahal na San Juan Apostol at Ebanghelista,
kaming iyong mga anak sana’y matularan,
pinagsikapan ng dalawang bagong San Juan:
pamilya’t sambayanan mabuklod sa nagkakaisang pag-ibig
katulad ng dalangin ni Hesus doon sa Huling Hapunan. AMEN.
San Juan Ebanghelista, ipanalangin mo kami.
San Juan Beinte-tres, ipanalangin mo kami.
San Juan-Pablo Ikalawa, ipanalangin mo kami.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Agosto 2020
Larawan nina Sta. Monica at San Agustin mula sa Google.
O Santa Monica,
matimtimang ina ni San Agustin
tulungan mong makarating aming dalangin
sa Diyos Ama nating mahabagin
na Kanya sanang pagpalain, ibigay mga hiling
ng lahat ng ina sa Kanya dumaraing
sa araw-araw na mga pasanin at gawain;
pagaanin kanilang mga tiisin
pahirin ang mga luha sa kanilang mga mata
ibalik ang sigla at tuwa sa kanilang mga mukha
samahan sa kanilang pangungulila
lalo na mga biyuda at nawalan ng anak;
higit sa lahat, Santa Monica
iyong ipanalangin mga ina na katulad mo
mapagbago asawa at anak na barumbado
tularan iyong pananampalataya at pag-asa
kay Kristo Hesus na nagkaloob sa atin
ng Kanyang Ina si Maria
upang ating maging Ina
na siyang iyong ginaya
at tinularan hanggang kamatayan.
Amen.
Larawan ng painting ni Titian ng “Assumption of the Virgin” (1518) mula sa wikidata.org.