Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil sa mga kinikilig pag-inog nitong daigdig sa araw na ito ng mga pusong umiibig; tiyak bibigay din ano mang hinhin at yumi ng sinomang dilag kapag nakatanggap ng bulaklak kanino man magbuhat.
Ngunit ang masaklap tuwing katorse ng Pebrero ang maraming pag-ibig katulad na lamang ng petsang dumaraan, wala nang katapatan at kadalisayan mga magkasintahan pag-ibig dinurumihan isa't isa'y sinasaktan at dinudungisan.
Pagmasdan ating kapanahunan pilit binibigyang katuwiran kasalanan at kasamaan matutunghayan saanman mga larawan ng kataksilan wala nang kahihiyan ipinangangalandakan mga kapalaluan sa gitna ng kapangahasang magmaang-maangan na wala silang kalaswaan.
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Sampung araw bago sumapit ang Valentine's sa akin ay lumapit isang dalagita nahihiyang nagtanong bagama't ibig niyang mabatid kung "makakahanap po ba ako ng lalaking magmamahal sa akin ng tunay at tapat?"
Ako'y nanahimik, ngumiti at tumingin sa dalagitang nahihiyang nakatungo ang ulo sa kanyang tanong at nang ako'y magsimulang mangusap, mukha niya ay bumusilak sa tuwa sa bagong kaalaman sa pag-ibig na matiyaga niyang sinasaliksik.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.
Ito ang wika ko sa dalagita: "Ang pag-ibig," ay hindi hinahanap parang gamit nakakamit dahil ang pag-ibig ay kusang dumarating kaya iyong matiyagang hintayin ikaw ang kanyang hahanapin; tangi mong gampanin buksang palagi iyong puso at damdamin dahil itong pag-ibig ay dumarating sa mga tao at pagkakataong hindi inaasahan natin; banayad at mayumi hindi magaspang pag-uugali magugulat ka na lamang ika’y kanyang natagpuan palagi na siyang laman ng puso at isipan."
"Pakaingatan din naman", wika ko sa dalagita "itong pag-ibig ay higit pa sa damdamin na dapat payabungin tulad ng mga pananim, linangin upang lumalim hanggang maging isang pasya na laging pipiliin ano man ang sapitin at hantungan."
Ang pag-ibig ay parating dumarating ngunit kadalasan hindi natin pansin kung minsan tinatanggihan, inaayawan dahil ang ibig ay kumabig; darating at mananatili itong pag-ibig sa simula na ating limutin lahat ng para sa sarili natin.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Mayo 2024
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Morong, Bataan, ika-15 ng Abril 2024.
Sana'y dinggin itong aking awit tungkol sa pananahimik na higit sa pagwawalang-imik o kunwari'y pagiging bingi bagkus pakikinig na mabuti sa bawat tinig dahil ang katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan; sa katahimikan tayo ay bumabalik sa ating pinagmulan namumuhay tulad nang sa sinapupunan nakikiramdam, lahat pinakikinggan dahil nagtitiwala kaya naman sa pananahimik tayo ay nakakapakinig, nagkaka-niig, higit sa lahat ay umiibig dahil ang tunay na pag-ibig tiyak na tahimik hindi ipinaririnig sa bibig kungdi kinakabig ng dibdib maski nakapikit dama palagi ang init!
Ganyan ang katahimikan, hindi lamang napapakinggan kungdi nararamdaman nakabibinging katotohanan kaya laging kinatatakutan ayaw pakinggan iniiwasan di alintana sa kahuli-hulihan katahimikan ang tiyak nating hahantungan magpakailanman kaya ngayon pa lang ating nang kaibiganin ang katahimikan, matutunang harapin at tanggapin tulad ng sa salamin tunay na pagkatao natin upang pabutihin, dalisayin sa katahimikan pa rin.
Larawan kuha ng may-akda sa Bgy. Kaysuyo, Alfonso, Cavite, 27 Abril 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Disyembre 2023
Larawan mula sa Facebook, 23 Disyembre 2023 ng pagtutulungan ng Red Letter Christians at ng artist na si Kelly Latimore ng @kellylatimoreicons upang lumikha ng bagong larawang ito na pinamagatang “Christ in the Rubble” nagsasaad na kung sakaling ngayong panahon isinilang si Jesus, malamang siya ay ipinanganak sa gitna ng mga durog na bato sanhi ng digmaan doon sa Gaza.
Maligayang Pasko!
Tayo raw mga Pilipino ang mayroong pinaka-tumpak na pagbati sa panahong ito dahil sinasaad ng salitang “pasko” ang buong katotohanan ng hiwaga ng pagkakatawang-tao (Incarnation) ng Diyos Anak na si Jesu-Kristo.
Mula sa wikang Hebreo na pesar o pesach na kahulugan ay “pagtawid”, ito ay pascua sa wikang Kastila na atin ding ginagamit na ugat ng Pasko at pasch naman sa Inggles.
Una natin itong natunghayan sa Matandang Tipan, sa Aklat ng Exodus nang itawid ng Diyos sa pamumuno ni Moises ang mga Israelita mula Egipto patungong lupang pangako. Iyon ang larawang paulit-ulit na tinutukoy sa ating kasaysayan ng pagliligtas, sumasagisag sa pagtawid mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan, pagtawid mula kadiliman patungo sa liwanag, pagtawid mula kasalanan tungo sa kapatawaran, at higit sa lahat, pagtawid mula kaparusahan tungo sa kaligtasan.
Iyon din ang batayan ng tinutukoy na misteryo paskuwa o ng ating pananampalataya kay Kristo-Jesus na ating ipinahahayag tuwina sa Banal na Misa, “si Kristo ay namatay, si Kristo ay muling nabuhay, si Kristo ay babalik sa wakas ng panahon!“
Larawan kuha ng may-akda, 2021.
Tumpak at ayon ang ating pagbati na Maligayang Pasko dahil nagsimula ang misteryo paskuwa ni Jesus nang Siya ay ipaglihi at isinilang ng Mahala na Birheng Maria sa Bethlehem mahigit 2000 tao na nakalilipas.
Sa pagkakatawang-tao ni Jesus, Siya ay tumawid mula sa kawalang-hanggan (eternity) tungo sa mayroong hanggan (temporal) dito sa lupa; mula sa kanyang ganap na pag-iral taglay ang lahat ng kapangyarihan tungo sa limitado niyang pagkatao tulad ng pagiging mahina at mahuna lalo na sa pagiging sanggol at bata. Kasama na doon ang kailangan Niyang mag-aral lumakad, magsulat, magbasa at magsalita na kung tutuusin ay alam Niya ang lahat.
Taong-tao talaga si Jesus bagamat hindi nawala ni nabawasan Kanyang pagka-Diyos sa Kanyang pagkakatawang-tao kaya lahat ng ating mga karanasan bilang tao ay Kanya ring naranasan maliban ang kasalanan at magkasala. Siya man ay nagutom, nauhaw, nahapis at tumangis nang mamatay ang kaibigan Niyang si Lazaro, nahabag sa mga tao mga may sakit at balo. Wika nga ni Papa Benedicto XVI na malapit na nating ipag-ibis luksa sa katapusan, ang Diyos na ganap na kung tutuusin ay hindi nahihirapan ni nasasaktan ay pinili na makiisa sa hirap at sakit nating mga tao pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo (Spe Salvi, #39).
Napaka-ganda at husay ng paglalahad ni San Pablo sa pagtawid o paskuwa na ito ni Jesus na kanyang tinaguriang kenosis, ang paghuhubad ni Jesus ng Kanyang pagka-Diyos bagamat para sa akin mas angkop ang salin na “pagsasaid” dahil sinimot ni Jesus ang lahat ng sa Kanya para sa atin doon sa Kanyang pagkakatawang-tao na ang rurok ay doon sa Krus.
Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, Agosto 2023.
Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus: Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.
Filipos 2:5-8
Naalala ko isang araw ng Pasko noong bata ako nang kami ay papaalis patungo sa mga Nanay at kapatid ng aking ama sa Maynila, masungit ang panahon at maulan. Hindi ko matanggap na umuulan at masama ang panahon sa araw ng Pasko kaya tinanong ko aking ina, “Bakit po ganun, birthday ni Jesus may ulan, may bagyo? E hindi ba God Siya? Di ba Niya puwede ipahinto mga ulan sa birthday Niya?”
Di ko matandaan sagot ng mommy ko pero malamang hindi malayo sa luku-luko at gago!
Nang magka-isip na ako, natutuhan ko sa mga pagbabasa na sa maraming pagkakataon mayroong mga bagyo at kalamidad, digmaan at kung anu-ano pang mga sigalot at paghihirap na nangyari kasaysayan tuwing Pasko.
Tayo man mismo, marahil sa ating personal na buhay, maraming pagkakataon na tayo ay lumuluha, nanlulumo, hapis na hapis sa buhay sa ilang mga masasakit na karanasan sa araw ng Pasko. Kaya marami sa ating habang tumatanda nasasabing para lamang sa mga bata ang Pasko na masaya.
Ngunit hindi po iyan totoo! Batid natin sa ating mga karanasan na sa padaraan ng panahon, lumalalim ding pag-unawa nating sa Paso.
Larawan kuha ng may-akda, Setyembre 2023.
Balikan natin mga panahon ng ating pagsubok sa buhay lalo na sa panahon ng kapaskuhan, higit tayong namamangha at tiyak sasang-ayon ng lubos na tumpak nga ang bati nating mga Pinoy ng “Maligayang Pasko!” dahil mas malalim at makabuluhan ang pagdiriwang ito o ano pa mang selebrasyon sa buhay kapag ating napagdaanan at nalampasan mga hirap at sakit.
Ito ang kagandahan at katotohanan ng buhay natin na isang paulit-ulit na pasko, ng pagtawid at paglampas sa mga hirap at hilahil, pagbubulaanan sa ano mang sakbibi at pag-aaalinlangan ating ikinakakaba.
Hindi inalis ng Diyos ating hirap at sakit maging kamatayan bagkus tayo ay Kanyang sinamahan sa pagbibigay Niya sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang Panginoong Jesu-Kristo na tumawid mula langit patungo dito sa atin sa lupa upang tayo naman Kanya ring maitawid patungong langit.
Kaya naman, pakiusap ko sa lahat na ipagpatuloy natin pagbati ng Maligayang Pasko hanggang ika-pito ng Enero 2024, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita o Epiphany ng Panginoon. Napakasama at malaking kahangalan na kay tagal inabangan ang Pasko na nagsisimula ng hapon ng ika-24 ng Disyembre at pagkatapos ng ika-25 ay biglang magbabatian ng Happy New Year!?
Kalokohan! At marahil, hindi naunawaan diwa ng Pasko. Mababaw at puro happy, happy gusto ng mga maraming tao, di batid ang diwa at lalim ng kahulugan ng Pasko na sa paglalagom ay iisang salita lamang: PAG-IBIG o PAGMAMAHAL. Ng Diyos sa atin.
Ano man ang mangyari sa buhay natin, sa ating mundo, hindi mapipigil ang Pasko, tuloy ang Pasko dahil kasama natin palagi si Kristo. At kung ikaw man ay mayroong pinagdaraanan, matuwa ka at magalak, ikaw ay nasa paskuwa – pasko – kasama, kaisa si Kristo! Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, gayak ng aming parokya, Nob. 1-2, 2020.
Madalas aking ipinapalagay
bilang bahagi ng buhay
itong pagmamahal
ako nama'y nakagaganap,
nakatutugon sa hamon.
Nguni't ano nga ba talaga
ang magmahal at kailan ako
tunay na nagmamahal?
Napakadali na maging mabuti
sa iba, magtimpi ng sarili,
magparaya at magpalampas;
mahabag at maawa na kusang
tutulo ang luha,
umakay at sumabay sa mahihina,
magmalasakit maski sa walang sakit.
Kailan nga ba
ako tunay na nagmamahal,
tanong ko sa sarili noon pa man;
maski mga kaibigan
mga pinapayuhan
sa simbahan
o saan pa man
iyan ang palaging katanungan
na ano mang kasagutan
ay siyang buod at kabuuang
kahulugan ng pagmamahal
di lamang ng mga magkasintahan
o magsing-ibig
kungdi ng sino mang nilalang
ng Diyos na pag-ibig.
Noon ay
palagi kong sinasabi
mula sa limitado kong karanasan
na aking inihahabi,
pinagtatagpi-tagpi
sa mga napag-aralan
at napagnilayan
na tunay ka lamang nagmamahal
kapag ika'y nasasaktan
dahil kung wala ka nang nararamdaman
mas malamang
pusong bato
ang nariyan sa iyong dibdib,
di lamang manhid
kungdi patay at malamig.
Hindi natapos
aking pag-aasam
malaman at maranasan
kung kailan nga ako
tunay nagmamahal;
maraming karanasan
aking pang dinaraanan
dahan-dahan, unti-unti
naliliwanagan na
tunay akong nagmamahal
di lamang kapag ako'y nasasaktan
kungdi dama ko man
aking kawalan
sa kakayahang ibsan maliban samahan
kapatid kong nahihirapan.
Tunay akong nagmamahal
kung aking pipiliing mahalin
ang iba kesa akin;
hindi na daraing
kungdi sasarilinin
at aangkinin pati tiisin
mga iyak at hinaing
ng ginigiliw
at kung maari ay pasanin
kanilang mga dalahin.
Sa kahuli-hulihan
batayan pa rin ng pagmamahal
ang masaktan --- kung hanggang saan,
hanggang kailan doon malalaman
yaring lalim at kadalisayan.
Larawan kuha ng mga may-akda, gayak ng altar ng parokya, Nob.1-2, 2020.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Oktubre 2020
Huwebes, Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol Na Si Hesus
Job 19:21-27 >><)))*> + <*(((><< Lukas 10:1-12
Larawan kuha ng may-akda, 01 Oktubre 2019.
O Diyos Ama naming mapagmahal,
Ikaw ay pag-ibig
kaya kami ay umiibig
dahil ikaw ang sa amin ang unang umibig;
Parang ang hirap dasalin
at gayahin dalangin ni Santa Teresita
na maging pag ibig sa gitna nitong
Simbahang iniibig.
Nguni't kung susuriin
tunay ang kanyang hiling
na dapat din naming asamin
dahil itong pag-ibig ang nag-uugnay
sa lahat sa aming buhay
at kung hindi lahat ay mamamatay.
Katulad ni Job sa unang pagbasa,
tangi naming inaasam ikaw O Diyos
ay “mamasdan at mukhaang makikita
Ng sariling mga mata at di ng sinumang iba;
Ang puso ko’y nanabik na mamasdan kita” (Job 19:26-27)
upang Iyong pag-ibig maihatid
sa daigdig nasa gitna ng maraming pagkaligalig
nalilito, nagugulo kanino mananalig at sasandig;
Unawain nawa namin turo ni Jesus (Lk.10:2)
aming hilingin sa Iyo na magpadala ng manggagawa
sa maraming anihin: hindi pagkain, salapi o gamit
ang mahalaga naming kamtin
kungdi kapwa na makakapiling
at magmamahal sa amin.
AMEN.