Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Pebrero 2026

Isa sa mga turo sa amin ni Bp. Almario (+) noong kami ay mga seminarista pa ay huwag na huwag daw kaming maglalagay sa pintuan ng aming silid kapag naging pari na ng “Do not disturb” sign.
Paliwanag niya sa amin ay buhay ng mga pari ang palaging maistorbo at magambala lalo na kung mayroong may-sakit at naghihingalo ano mang oras gaya ng hating-gabi at madaling-araw.
Naalala ko ang turo niyang iyon noong Lunes sa aking homilya tungkol sa ebanghelyo na si Hesus ay “inistorbo” ng mga tao nang tumawid ng lawa at dumaong sila sa Capernaum.

Noong panahong iyon, sina Hesus at ang kanyang mga alagad ay tumawid ng lawa, at pagdating sa Genesaret ay isinadsad nila ang bangka. Paglunsad nila, nakilala siya agad ng mga tao kaya’t nagmamadaling nilibot ng mga ito ang mga pook sa paligid; at ang mga maysakit, na nakaratay na sa higaan ay dinala nila kay Hesus, saanman nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya dumating, maging sa nayon, lungsod, o kabukiran, ay dinadala sa liwasan ang mga maysakit, at isinasamo sa kanya na pahipuin sila kahit man lang sa palawit ng kanyang kasuutan. At lahat ng makahipo nito ay gumagaling (Marcos 6:53-56).
Imagine natin ang eksenang ito: ni hindi na nakapagpahinga man lang si Hesus pagdating sa Capernaum. Ni hindi niya nakuhang bumuwelo. Agad-agad Siya na sumama sa mga tao. Kung ano man mga plano Niya marahil noong mga araw na iyon ay Kanyang ipinagpaliban para sa mga tao, lalo na sa mga may-sakit.
At iyon naman ang totoo kay Hesus – palagi Siyang may panahon sa bawat isa sa atin. Kaya nga hindi naman Siya pumapalag sa mga humihipo sa Kanyang damit upang gumaling sa kanilang mga sakit. Kailanman ay hindi pinigilan ni Hesus mga tao na siya ay istorbohin upang magpagaling, mangaral at magpaliwanag. Minsan nga ay inaya niya Kanyang mga alagad tumungo sa ilang na pook upang mamahinga ngunit wala Siyang nagawa kungdi ang maawa nang makita Niya na nauna pang dumating sa kanila ang mga tao na parang mga “tupang walang pastol” kaya tinuruan Niya at pinagaling mga may-sakit. At pagkaraan ay pinakain pa!
Napaka-gandang katangian ni Hesus ang kanyang pagtugon sa mga pang-aabala lalo ng mga may-sakit at naghihingalo. Ito marahil ang kaganapan ng ating panalanging “disturb me Lord” sapagkat tunay tayo nagagambala ng Panginoon tuwing kinakilanga at pinaglilingkuran natin ang mga may-sakit at maging iba pang mga nahihirapan sa buhay.

Kaya naman tuwing ginugunita ang Birhen ng Lourdes sa ika-11 ng Pebrero, atin ring ipinagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng mga May-Sakit. Bantog ang maraming himala ng kagalingan sa pamamagitan ng pamimintuho sa Birhen ng Lourdes. Itinuturing din na mapaghimala ang bukal ng tubig doon sa Lourdes, France na ipinahukay ng Mahal na Birhen sa pinagpakitaan niyang bata noon na ngayon ay Santa na, si St. Bernadette Soubirous.
Itinakda ni San Juan Pablo II noong Mayo 13, 1992 at isinabay sa kapistahan ng Lourdes ang World Day of the Sick upang aniya ay “ating makita sa mga may-sakit ang mukha ni Kristo na sa Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ay natamo ang kaligtasan ng sangkatauhan.”
Bakit nga ba gayon na lamang ang pagpapahalaga ng Diyos sa mga may-sakit? Dahil lang ba sa sila’y mahihina at walang halos magagawa kaya kailangan nating tulungan at kalingain?
Maraming dahilan ang ating maiisip na pawang mga patungkol sa mga may-sakit dahil nga sa sila ay mahihina, maraming tinitiis at iniindang hirap sa kanilang karamdaman.
Ngunit, marahil hindi sumagi sa ating isipan ang malaking pagpapala na hatid sa atin ng mga may-sakit dahil sa pamamagitan nila ay ating nakikita, nararanasan pagliligtas ni Kristo. Gaya ng sinabi ni San Juan Pablo II, sa kanila ating nakikita ang mukha ni Kristo na nagligtas sa atin sa pamamagitan ng Kanyang pagpapasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.
Tatlong katotohanan aking napagtanto na biyayang binabahagi sa atin ng mga may-sakit at naghihingalo.

Personal nating nararanasan si Hesus sa mga may-sakit.
Tunay lamang nating masasabing “Katawan ni Kristo” ang Banal na Ostiya kung nahawakan natin ang maruming sugat at balat ng isang may-sakit, o naglinis at nagpaligo sa may-sakit. Higit itong totoo kapag pamilya natin ang may sakit na inaalagaan at kinakalinga.
May mga pagkakataong tuwing konsekrasyon habang binibigkas ko yung mga sinabi at ginawa ni Hesus sa Huling Hapunan (institution narrative) saka dumarating sa aking gunita mga pasyente na aking hinawakan, hinipo… o nilinisan. Namamangha ako sa biyaya na nagawa ko lahat yun gayong mahina aking sikmura (sabi po ng aking Ina noong nabubuhay pa siya, sa lahat daw ng matakaw ako mahina ang sikmura!).
Mahirap ipaliwanag ni ilarawan aking nadarama sa mga pagkakataon na iyon madalas ako ay naluluha, parang may daluyong sa aking dibdib na biglang gagaan at ang tanging nasasabi ko ay basta ganun yun! Totoo nga sabi ni San Juan Pablo II na ating nakikita mukha ni Kristo sa may-sakit. Ito marahil ay sapagkat sila man nakikita na si Kristo.
Ang mga may-sakit pinaka-malapit kay Kristo.

Sa Ebanghelyo ayon kay San Lukas, tiniyak ni Hesus kay Dimas na “ngayon din isasama kita sa paraiso” (23:43). Hindi sinabi ni Hesus na mamyang alas-tres pagkamatay ko o sa Linggo sa aking pagkabuhay. Ang sinabi ni Hesus ay ngayon din habang sila ay nakabayubay sa krus.
Alalaong-baga, sa pangungusap na iyon ni Hesus, inilalahad niya sa atin ang katotohanan na ang pintuan ng langit ay narito mismo sa lupang ibabaw. Higit sa lahat, pumapasok tayo sa langit kapag tayo naroon sa krus ng pagtitiis at paghihirap. Kaya hindi kataka-taka na natatanaw na ng mga may-sakit at mga naghihingalo ang langit na kanilang pupuntahan maging si Kristo na kanilang hahantungan.
Aking napansin sa marami kong pasyente na naihanda sa pagpanaw, mayroon tila “cycle” na sila at ang mga bantay na pinagdaraanan. Una, yung pasyente ang palaging umiiyak dahil takot o galit sa kanilang sinapit. Sino nga ba hindi matatakot at maiiyak kung malaman mo na mamatay ka na dahil sa iyong sakit.
Ngunit unti-unti habang kanilang natatanggap ang kanilang kalagayan at karamdaman, naiiba ang sitwasyon: ang mga may-sakit ang puno ng tuwa at sigla at lakas ng loob habang ang mga mahal sa buhay ang bagabag at naiiyak. Ito marahil ay sapagkat natatanaw na nga ng mga may-sakit kanilang tutunguhan lalo na kung sila ay naihanda o nakapaghandang mabuti spiritually. Hindi na sila umiiyak dahil batid nilang mas mabuti ang kanilang pupuntahan. Ang mga naiiwan ang kinakabahan at umiiyak dahil walang katiyakan silang nakikita sa buhay. Paano na kapag pumanaw na si itay o si inay o sino mang mahal natin sa buhay? Paano tayo? Hindi natin alam ano susunod sa buhay natin di tulad ng papanaw na sigurado na ang langit!

Napaka-buti ng Diyos.
Kumbinsido ako lalo ngayon mula nang maging chaplain ako sa ospital na napaka-buti ng Diyos, na mahal na mahal niya tayong lahat. Nakatitiyak ako na mas marami pa rin ang nasa langit kesa nasa impiyerno.
Hanggang sa kahuli-hulihan, ibig ng Diyos tayo ay masagip kaya nga naparito Kanyang Anak na si Jesu-Kristo. Ang tanging napupunta lang sa impiyerno ay yaong sadyang ayaw sa Diyos.
Madalas sinasabi sa akin ng mga duktor at nurse dito sa ospital ay “Father hinitay lang po kayo ng pasyente bago pumanaw.” Kasi nga bihirang-bihira mga pumapanaw na pasyente na hindi ko napupuntahan. Ako mismo ay nagtataka: kapag wala ako, walang naghihingalo? At kung mayroon man, palaging inaabutan ko pa kahit na anong layo pa aking panggalingan! Gayun din kung hatinggabi o madaling-araw: nagigising ako maski sa text ng mga nurse kung mayroong mag-request ng pagpapahid ng langis.
Sadyang mabuti ang Diyos at mahal Niya tayong lahat na hindi Siya tatawag ng sino man kung hindi naman sa Kanya uuwi at hihimlay.

Sa loob ng limang taong pagiging kapelyan ko sa Fatima University Medical Center sa Valenzuela, naranasan ko maraming pagpapala mula sa mga dinadalaw na pasyente na nagpalalim at nagpayabong sa aking katauhan hindi lamang sa aking pagkapari.
Dahil sa kanila, lalong naging makahulugan at makatotohanan sa akin ang bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya kung saan tunay na tunay ngang dumarating si Hesus sa Kanyang Katawan at Dugo.
Totoong nakakapagod ang dumalaw lalo na ang mag-alaga ng may-sakit ngunit mayroong ibang kagaanan ng kalooban itong hatid sa ating katauhan na sagad hanggang ating budhi. Kaya nga, sakali mang pakiramdam natin tayo ay nagagambala o naiistorbo ng mga may-sakit sa kanilang pangangailangan, nawa ating ituring ang mga pagkakataong iyon ay mismong ang Panginoong Hesus nag-aanyaya sa atin ng Kanyang pagpapala na Siya ay maranasan at maka-ugnayan. Amen.