May birthday pa ba sa langit?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Hulyo 2023
Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa may Silang, Cavite noong Agosto 2020.

Sa araw na ito, ika-26 ng Hulyo ay ating pinararangalan ang mga nakatatanda sa atin bilang paggunita kina San Joaquin at Sta. Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria, Lolo at Lola ng Panginoong Jesus.

Sa aming pamilya, espesyal ito noon pa man dahil kaarawan ng aking yumaong ama na si Wilfredo na isinilang noong Hulyo 26, 1932. Pumanaw siya noong ika-17 ng Hunyo 2000, kaarawan ng aming Ina. Kaya mula noon hanggang ngayon ay parang drama ang aming buhay na magkakapatid tuwing sasapit ang mga buwan ng Hunyo at Hulyo dahil naroon ang magkahalong tuwa at lungkot sa birthday ng aming mga magulang gayon din ang pagpapanaw ni Daddy.

Dahil dalawang taon pa lamang ako na pari nang pumanaw aking ama, hindi pa ako nakapagmisa patungkol sa kanyang kaarawan tuwing ika-26 ng Hulyo. Gayun din sa aking ina. Dahil sa napakasakit niyang karanasan, hindi ko pa rin siya naipagmimisa nang patungkol sa kanyang birthday na death anniversary nga ng kanyang kabiyak ng puso at aming ama. Dangan din kasi ay mahigpit ang bilin ni Mommy nang mamatay si Daddy, hindi na siya magbe-birthday celebration.

Ang aking yumaong ama sa kanyang opisina, Bureau of Forestry, 1972.

Nakakatawang isipin, puwede nga bang hindi magbirthday dito sa lupang ibabaw? Bagaman palaging death anniversary ni Daddy ang aming pagdiriwang tuwing June 17 na birthday ni Mommy, mayroon pa rin kaming pansit o spaghetti, cake at ice cream para sa kanya!

Darating at darating ating birthday na parang kuliling ng tindero ng ice cream ngunit kapag tayo ay namatay, wala na tayong birthday celebration. Ang kamatayan natin sa lupa ang birthday natin sa langit kaya iyon ang higit nating dapat alalahanin!

Kaya sana po ay huwag ninyo masamain itong aking sasabihin: tigilan na po natin itong kalokohan at kahibangan ng pagbati ng “Happy Birthday in Heaven” sa mga yumao nating mahal na buhay.

Inaamin ko na ako man ay ilang ulit napatangay sa kamaliang ito ng pagbati ng happy birthday in heaven sa Facebook. Nguni’t simula ngayon na sana ay ika-91 kaarawang ng aking ama kung nabubuhay pa siya, hinding hindi na ako babati kanino man ng happy birthday in heaven.

Wala na pong birthday sa langit o kabilang-buhay dahil iyon ay kawalang hanggan na po.

Larawan kuha ng may-akda, Mt. St. Paul, La Trinidad, Benguet, Mayo 2017.

Noong mamatay ang aking ama sa kaarawan ng aking ina, iyon ang paliwanag ko sa kanya: ganyan po kayo kamahal ng Daddy; birthday niya sa langit, birthday po ninyo dito sa lupa.

Kaya nga ang kapistahan palagi ng mga banal ay ang petsa ng kanilang kamatayan o nang paglilipat ng kanilang labi. Bukod tangi lamang sina Jesus, Birheng Maria at San Juan Bautista ang ipinagdiriwang natin ang mga kaarawan ng pagsilang sa lupang ibabaw.

Ang kamatayan natin ang ating petsa ng pagsilang sa buhay na walang hanggan. Move on na tayo…

Sa dalawamput-limang taon ko sa pagkapari, isang bagay napansin ko na madalas ang mga petsa ng kamatayan ay sadyang makahulugan kesa petsa ng kapanganakan. Palagi mga petsa ng kamatayan ng mga mahal natin sa buhay malapit o may kinalaman sa mahalalagang petsa sa buhay natin. Sabi nga ng iba, madalas namamatay ang tao malapit sa petsa ng birthday nila.

Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Bataan, Mayo 2023.

Sa dati kong parokya, nagrereunion ang isang angkan tuwing araw ng Pasko, Disyembre 25 dahil iyon ang kamatayan ng kanilang Lola. Nang suriin ko, ipinanganak ang Lola nila ika-24 ng Marso! Sabi ko sa kanilang angkan ay napakaganda ng petsa ng kamatayan ng Lola nila bagamat masakit kung iisipin dahil araw iyon ng kasiyahan dapat. Nguni’t wika ko sa kanila, isinilang sa lupa inyong Lola sa bisperas ng petsa ng pagkakatawang-tao ni Jesus o Annunciation (Marso 25) habang isinilang naman Lola nila sa langit nang pumanaw siya ng ika-25 ng Disyembre. Tuwang-tuwa sila sa paliwanag ko kaya tuwing Pasko, ako ay pinamamaskuhan ng magkakamag-anak!

Pagmasdan ninyo mga lapida sa sementeryo: palagi naroon ang petsa ng kapanganakan at kamatayan. At pagkatapos ay wala nang kasunod kasi nga wala nang hanggan!

Noong wala pang social media lalo na iyang Facebook na dahilan ng pagkabobo nating mga tao dahil nga puro tayo palabas, kapag dumarating petsa ng pagsilang ng yumao nating mahal sa buhay, ang palaging sinasabi ay “nobenta’y uno na sana siya kung buhay pa ngayon” (he would have been 91 years old today had he not died).

Tingnang ninyo. Mas tumpak ang kaisipan at pananalita ng matatanda kesa sa atin ngayon. Kung araw ng kapanganakan ng yumaong mahal sa buhay, magpost na lang ng simpleng “naaalala ka pa rin namin” o “buhay kang palagi sa aking alaala” o “ikaw pa rin ang aking tanging mahal” na siyang tunay at totoo kesa “happy birthday sa langit” na isang kasinungalingan.

Inuulit ko, wala na pong birthday sa langit.

Huwag na kayong babati ng happy birthday in heaven. Ang birthday ay sa lupa lamang. Mag-level up na tayo ng pananaw, kaisipan at kamalayan katulad ng mga pumanaw na nasa kabilang buhay na. “Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panglupa sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Kristo” (Col. 3:1-2).

Maraming salamat po at maligayang kapistahan sa mga Lolo at Lola muli!

Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan, Hunyo 2020.

4 thoughts on “May birthday pa ba sa langit?

      1. Hello po Fr. Nicanor! So, pwede na pong sabihin ang pagbating “Happy Long Life in heaven, my dear Nanay”?

        Birthday po kasi today, Oct. 16, 2024 ng Mahal naming Ina.

        Salamat po, Fr. Nicanor!

        Liked by 1 person

Leave a comment