Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-08 ng Marso 2023
Larawan kuha ni G. John Ryan Jacob sa Paco, Obando noong 02 Enero 2023.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng paghahanda
sa Pasko ng Pagkabuhay,
isang paglalakbay
gabay mga salita ng Diyos
sa atin ay bumubuhay
higit pa sa tinapay.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng pagtitiis
marami ang naiinis, naiinip
dahil sa kinagisnang buhay
na mabilis at madali
budhi ay di mapanatili
pati sarili hindi maibahagi.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng pananalangin
sa atin ay hiling
upang makapiling, maranasan
Diyos na mahabagin
namnamin at lasapin
pag-ibig Niyang ibinubuhos sa atin.
Sa panahon ng Kuwaresma
iwasang magkuwenta
at magbilang ng mga sakripisyo
dahil lingid sa ating kaalaman
higit ang biyaya at pagpapala
kapag tayo ay nagpaparaya;
marami ang may maling akala
sila ay nawawalan, nababawasan
kapag naglilimos o nag-aayuno
gayong ang totoo,
doon tayo napupuno
ng Espiritu Santo;
kung tutuusin
itong buhay natin ay araw-araw
na Kuwaresma kung saan
ating pananaw ay namumulat
na ang pinakamahalaga sa buhay
ay hindi kung ano ating taglay
kungdi yaong ating inaalay
at ibinibigay!