Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Mayo 2020
Sa gitna ng aking pananalangin minsa'y sumagi kung maari itong alaala o gunita ay himayin upang tukuyin at tuntunin kailan nga ba nagsimula tayo natutong manalig at sumandig sa Panginoong Diyos natin? Napaka-hirap alamin simula ng pananampalataya natin ngunit marahil kung ating tutuusin bago ang lahat ay nalaman natin unang naranasan higit sa lahat ay ang pag-ibig.
Ang Diyos ay pag-ibig at kaya tayo nakapagmamahal ay dahil una Niya tayong minahal; kaya nga pag-ibig ang suma total ng lahat ng pag-iral sapagkat ito rin ang wika at salita ng Diyos nang lahat ay kanyang likhain. Bago nabuo kamalayan natin, naroon muna karanasan ng pag-ibig na siyang unang pintig sa atin ay umantig sa sinapupunan ng ating ina hanggang tayo ay isilang niya at lumago sa ating pamilya.
Bago tayo maniwala nauna muna tayong minahal kaya tayo ay nakapagmahal at saka nanampalataya; kung mahihimay man na parang hibla ng isang tela itong ating buhay natitiyak ko na sa bawat isa ang tanging matitira na panghahawakan niya ay yaong huling sinulid na hindi na kayang mapatid sa atin nagdurugtong, naghahatid bilang magkakapatid.
Kaya palagi po ninyong ipabatid, Panginoong Diyos ng pag-ibig sa mga isipan naming makikitid at makalimutin mga pagkakataon ng iyong bumabalong na pagmamahal kailan ma'y hindi masasaid habang bumubuhos sa bawat isa sa amin; huwag namin itong sarilinin o ipunin bagkus ipamahagi, ipadama sa kapwa namin. Itong pag-ibig na ipinadama sa amin ang siyang maaasahang katibayan nagpapatunay mayroong Diyos na buhay at umiiral na sa atin ay dumatal bago ang lahat, sa Kanyang pagmamahal.











so beautiful Fr. Nic! God Bless you po always ❤
LikeLike